Naging maayos naman ang unang buwan ni Delsin sa spa salon. Simula noong kinausap na siya ni Beverly tungkol sa pagiging late nito sa trabaho ay hindi na siya nahuli pa. Minsan, napapagsabihan pa rin naman siya ni Beverly pero dahil na lang iyon sa mga malilit na bagay na kaya namang i-handle ni Delsin.
Ngayong araw ang kanilang swelduhan at isa-isa na silang tinawag ng Ma’am Beverly nila. Nauna si Tonyo kaysa kay Delsin na pumasok sa opisina ng boss nila.
“Oh Delsin, tawag ka na sa loob ni Ma’am Beverly. Kunin mo na ang sweldo mo,” sabi ni Tonyo kay Delsin.
“Ah, sige. Susunod na ako. Maraming salamat,” nakangiting sagot ni Delsin at inayos na ang kanyang sarili pagpasok sa loob ng opisina ni Beverly.
Pagpasok niya ay nakangiti si Beverly sa kanya. Muli na naman siyang natunaw sa mga titig nito. Ni hindi nga siya makagalaw sa sobrang kilig niya sa kanyang amo.
“Upo ka, Delsin,” nakangiting yaya ni Beverly kay Delsin.
“Salamat po, Ma’am.”
Pag-upo ni Delsin ay kinamusta siya ni Beverly tungkol sa trabaho. Nakita rin kasi niya na simula noong pinagsabihan niya ito ay nagbago na ng routine si Delsin na talaga namang nakatulong sa pagpasok niya sa kanyang trabaho sa spa salon.
“Kumusta ang unang buwan mo rito, Delsin?” tanong ni Beverly.
“Ayos naman po Ma’am, masaya po ako dahil marami akong nakikilala rito sa trabaho ko saka iba’t ibang tao rin po ang nakakasalamuha ko araw-araw. Ang sarap pong pakinggan ang mga kwento nila habang minamasahe ko sila,” nakangiting sagot ni Delsin kay Beverly.
“Ah, kung ganoon ay mabuti naman. Sana ay maging masaya ka pa sa mga susunod na buwan. Oh, ito na ang sweldo mo,” sabi ni Beverly kay Delsin at iniabot na niya ang sweldo nito.
Nag-abot si Beverly ng labing-limang libong piso kay Delsin at dahil doon at tuwang-tuwa ang binata.
“Maraming salamat po, Ma’am! Sobrang saya ko po ngayong araw. Tiyak na masaya rin po ang pamilya ko sa probinsya kapag napadala ko na po ang perang ito sa kanila. Maraming salamat po!” sobrang saya na sabi ni Delsin. Sa sobrang saya nga niya, hindi na niya natiis ang kanyang sarili.
Niyakap niya si Ma’am Beverly at tuwang-tuwa talaga siya. Dahil doon ay nagulat naman si ma’am Beverly pero hinayaan na lang niya si Delsin dahil alam naman niya na nadala lang ito sa sobrang kasiyahan.
Nang mapagtanto ni Delsin na nakayakap pala siya kay Beverly ay agad siyang napaatras. Sobrang nahihiya siya, namula na nga ang kanyang mukha dahi dito.
“Ma’am, pasensya na po kayo sa akin at nayakap kopo kayo. Sorry po talaga, Ma’am,” nahihiyang sabi ni Delsin, nakatingin na siya sa sahig dahil hindi niya matingnan sa mata si Beverly.
“Huy, ano ka ba? Alam ko naman na aksidente lang iyon. Alam kong dahil lang iyon sa masaya ka, kaya ayos lang. Huwag ka na mahiya sa akin,” sabi ni Beverly kay Delsin.
“O-opo, dahil mga po roon. Sorry po talaga, Ma’am.”
Dahil sa sobrang hiya ay nagmadali si Delsin na kinuha ang kanyang sahod at lumabas na sa opisina ni Beverly. Medyo natawa naman si Beverly dahil parang bata si Delsin kung mahiya sa kanya. Hindi ito mapakali.
Paglabas ni Delsin sa opisina ni Ma’am Beverly ay pumunta agad siya kay Tonyo dahil sa sobrang pagkahiya niya. Nagulat naman si Tonyo nang lapitan siya ni Delsin, kitang-kita kasi ang pamumula ng mukha ng binata.
“Oh, anong meron? Bakit parang nakita mo ang crush mo? Ang pula-pula mo, Delsin ha. Anong nangyari? Kumuha ka lang naman ng sweldo kanina ah,” sabi ni Tonyo.
“Eh kasi ano,” ayaw pa sabihin ni Delsin ang nangyari dahil baka pagtawanan pa siya ni Tonyo kapag nalaman niya ang nangyari sa loob.
“Ano? Anong nangyari?” pagtataka ni Tonyo.
“Eh kasi, dahil sa sobrang saya ko eh nayakap ko si Ma’am Beverly. H-Hindi ko naman sinasadya iyon pero nagawa ko. Nakakahiya. Sobrang nahihiya talaga ako sa kanya, Tonyo. Ano na ang gagawin ko?” kabadong sagot ni Delsin.
“Hala, naku! Anong sabi niya? Nagalit ba sa iyo si Ma’am Beverly?” pag-aalala ni Tonyo.
“H-Hindi naman, pero nakakahiya di ba? Bakit ko naman kasi ginawa ‘yon. Hindi ko talaga sinasadya. Hindi naman siguro ako mawawalan ng trabaho, ano?” pag-aalala ni Delsin sa kanyang ginawa.
“H-Hindi naman siguro, pero sigurado ka bang hindi mo sinasadya iyon? Baka naman ginusto mo talaga at plinano mo iyon ha. Di ba, gusto mo si Ma’am Beverly?” sagot ni Tony okay Delsin.
Napatingin si Delsin sa paligid at kay Tonyo. Inis na inis siya dito dahil baka may ibang ka-trabaho silang makarinig tungkol sa pinag-uusapan nila. Para bang gusto na lang niyang magpakain sa lupa dahil sa sobrang hiya niya.
“Ano ka ba naman?! Syempre, hindi ano! At saka, hinaan mo nga ang boses mo at baka naman marinig ka ng ibang ka-trabaho natin. Lalo nan i Ma’am Beverly, kapag talaga narinig niya ang tungkol doon ay hindi na ako papasok dito sa sobrang hiya ko sa kanya!” iritang sabi ni Delsin.
“Galit na galit? Nagtatanong lang naman ako ah. Ay, halika nga pala. Pwede mob a akong samahan?” sabi ni Tonyo.
“Saan naman?” inis pa rin na sagot ni Delsin sa kanyang kaibigan.
“Sa padalahan ng pera. Ipapadala ko kasi itong sweldo ko sa pamilya ko sa probinsya eh. Ikaw ba? Hindi ka pa sasabay sa akin? Di ba sabi mo sa akin noon, magpapadala ka sa kanila?” sabi ni Tonyo, tumango naman si Delsin bilang tugon sa kanya.
“Ah, oo nga. Magpapadala ako ng pera sa kanila. Sige, sasamahan na kita at magpapadala nga rin talaga ako sa kanila ngayon. Buti na lang at niyaya mo ako,” sabi ni Delsin at unti-unting inayos na ang kanyang gamit.
“Oh, tingnan mo. Kanina eh galit ka sa akin tapos ngayon ay okay ka na agad. Haynaku, may pagka-baliw ka rin talaga minsan Delsin eh. Mamaya na tayo magpadala kapag pa-uwi na. Huwag muna ngayon, may trabaho pa tayo. Masyado ka naman yatang excited magpadala sa pamilya mo. Nasobrahan ka yata ng saya dahil sa yakap mo-“ hindi na natuloy ni Tonyo ang kanyang sasabihin dahil sumagot agad si Delsin sa kanya.
“Oh, huwag mo na ituloy kung ano man ang sasabihin mo ha. Iyan ka na naman eh. Pigilan mo ang sarili mo. Mag-trabaho tayong mabuti,” sagot ni Delsin na nagsisimula na namang mainis kay Tonyo.
Dahil kitang-kita ni Tonyo na asar na asar si Delsin sa kanya ay tinuloy na niya ang pangungulit dito hanggang sa pumunta sila sa padalahan ng pera. Dahil sa sobrang naging close na sila ay parang normal na ang pang-aasar sa kanila. Kung minsan kasi ay si Delsin naman ang nakikipag-asaran kay Tonyo.