Nang umuwi Boyong mula sa kanyang trabaho ay nagulat siya. Nasa loob kasi ng kwart si Delsin, nakataklob ng kumot, nagpapahinga.
“Oh, pinsan. Ang aga mo yatang umuwi? Di ba dapat ngayon ka pa lang rin uuwi?” nagtatakang tanong ni Boyong.
“Pinsan, naloko tayo. Pumunta kami ni Alexis doon sa address kung saan dapat ako papasok ng trabaho. Kaso wala naman na daw iyon, matagal na. Sabi ng nakatira doon, scammer daw ‘yong naka-usap ko sa f*******:. Sobrang lungkot ko, Boyong,” sagot ni Delsin.
Nag-aalalang tumabi kay Delsin si Boyong, halos hindi rin siya makapaniwala na naloko sila sa trabaho. Naaawa rin siya sa kanyang pinsan dahil alam niya ang pinagdaanan nito para makapunta sa Maynila.
“Paanong naloko? Pasensya ka na, pinsan. Hindi kita nasamahan kanina,” malungkot na sabi ni Boyong kay Delsin.
“Sabi ng nakatira doon, wala na daw ‘yong may ari ng construction company na papasukan ko. Matagal na raw na nasa ibang bansa iyon. Noong nalaman ko iyon, gumuho ang mundo ko eh,” malungkot pa rin na sabi ni Delsin.
“Eh siya, tutulungan ka na lang naming ni Alexis na humanap ng iba pang trabaho. Hindi naman kasi pwede na umuwi ka sa Bicol agad. Magagalit sa atin si Tiya Ising,” sagot naman ni Boyong na tila pinapalakas ang loob ng kanyang pinsan.
“Iyon na nga, mukhang hindi na rin ako tatagal dito sa Maynila. Narinig ko kasi na nag-aaway sina Oryang at Alexis dahil sa akin, sa atin.”
Doon lalong nalungkot si Boyong para sa kanyang pinsan.
“Narinig mo na agad ang away nila? Lagi naman kasi silang ganoon eh, kaya nasanay na ako,” sagot ni Boyong.
Nagulat naman si Delsin, hindi kasi niya akalain na alam pala ni Boyong noon pa iyon. Laking pagtataka niya kung bakit hindi pa rin naalis ang pinsan niya roon.
“Kung alam mo na pala noon pa, bakit hindi ka umalis dito?” tanong niya sa kanyang pinsan.
“Kapag umalis ako, parang sinabi ko na rin sa sarili ko na talunan ako. Na totoo ang sinasabi ni Oryang tungkol sa akin. Saka, hindi ko naman pwedeng iwanan na lang ang trabaho ko dahil lang sa kanya. Mas importante pa rin ang ipapadala kong pera sa pamilya ko kaysa sa mga sinasabi niya sa akin,” pagtatanggol ni Boyong sa kanyang sarili.
“Eh, naka-usap mo na bas i Alexis tungkol dyan?” tanong niya ulit.
“Hindi, kunawari na lang eh hindi ko naririnig ‘yong usapan nila. Hangga’t hindi naman kasi ako pinapaalis ni Alexis dito, di ako aalis eh. Pake ko bas a sinasabi nila? Di naman ‘yon totoo eh,” lakas loob na sagot ni Boyong.
Hanga naman si Delsin sa tapang na pinakita ng kanyang pinsan na si Boyong. Kaya nga lang, kung siya ang tatanungin ay hindi na siya magdadalawang-isip na umalis kung ang mga kasama naman niya ay pinag-iisipan siya ng masama.
“Naku, ayos naman ‘yan. Kaso sa akin, hindi ko yata kaya ‘yan. Ang hirap kumilos na alam mong may hindi ayos sa paligid mo. Para kang nakakulong,” sagot naman ni Delsin.
“Alam mo, pinsan. Noong una akong pumunta dito sa Maynila, ganyan din naman ang isip ko. Kaso lang noong tumagal na ako, hindi ko na rin iniisip ‘yan. Hindi naman kasi ‘yan makakatulong sa pamilya ko. Mapapakain ba niyan sila? Hindi naman di ba? Isa pa, dagdag lang sa isipin ‘yan eh,” sagot ni Boyong sa kanya.
Napa-isip naman si Delsin.
“Eh anong gagawin ko ngayon?” tanong ni Delsin.
“Dito pa rin tayo tumira. Magsasabi naman si Alexis sa atin kung ayaw na niya tayong tulungan eh. Kung mangyari man ‘yon, handa na akong umuwi sa Bicol. Kaso, hindi pa naman eh kaya ayos pa sa akin,” sabi ni Boyong.
“Eh, nakakahiya rin talaga, sabi kasi nila ay hindi daw kasya sa kanila ang mga bayarin dito sa bahay. Anong gagawin natin?” sagot ni Delsin.
“Pinsan, mababayaran naman natin sila kapafg may trabaho na tayo. Kailangan lang ni Oryang na maghintay. Pasensiya na lang siya, hindi mo naman kasi ginusto ‘yan eh. Bakit ka niya sinisisi di ba?” sabi naman ni Boyong.
Tumango na lang si Delsin sa kanyang pinsan. Kahit ano naman yata ang gawin kasi niya ay hindi naman siya mananalo kay Boyong.
“Eh, sige na nga. Basta, tutulungan mo ako na makahanap agad ng trabaho ah?” sabi ni Delsin, ngayon ay sinusubukan na lang niya na ngumiti.
“Oo naman, ako pa ba? At saka di ba, gusto mo pang mahanap si Ate Diana mo dito sa Maynila? Paano mo naman magagawa iyon kung susuko ka na agad?” ani Boyong.
Naalala ni Delsin ang pangako niya kay Nanay Ising bago siya umalis sa Bicol. Iyon ay ang hahanapin niya ang kapatid. Dahil doon, lumakas na ang kanyang loob. Sa huli, pamilya pa rin naman kasi ang dahilan ng lahat. Hindi siya pwede sumuko agad.
“Oo nga, pinsan. Salamat sa pagpapaalala. Saka, alam ko rin naman na magagalit iyon sa akin kapag umuwi agad ako. Sabihin noon, sinayang ko lang oras ko,” sabi ni Delsin.
“Oo nga, saka ayaw ko rin na mapahiya ka sa mga kamag-anak natin doon. Alam mo naman sa atin, kapag nalaman na ng isa, alam na ng lahat ang sikretong tinatago mo,” sabi ni Boyong.
Napa-isip naman siya at sumang-ayon na rin.
Kinagabihan, pinilit niyang harapin si Oryang na tila ba wala siyang narinig mula rito kaninang tanghali. Si Boyong ay tumulong sa pagluluto ng hapunan habang siya naman ang naghain para sa kanilang lahat.
“Tawagin mo na ‘yong tatlo, ako na ang bahala dito,.” paki-usap ni Boyong sa kanya.
Tumango siay at dahan-dahan na naglakad papunta sa tapat ng kwarto ng mag-asawa. Hiyang-hiya pa siya dahil iniisip niya na baka nag-aaway na naman ito dahil sa kanya.
Kumatok na siya. Agad namang binuksan iyon ni oryang, ngumiti it okay Delsin.
“Oh, bakit Delsin? May kailangan k aba kay Alexis?” tanong ni Oryang sa kanya, parang anghel kung sumagot it okay Delsin.
“Ah, kakain na kasi. Tapos nang lutuin ni Boyong ‘yong ulam,” ngumiti rin siya, pero pilit.
“Ah, sige.”
Tinawag ni Oryang si Alexis at lumabas na sila kasama ang kanilang anak. Kahit na umakto ang mag-asawa na ayos silang dalawa ay may ilangan pa rin na nakikita sa kanila.
Doon na nasabi ni Delsin sa sarili na kailangan niya talagang kumayod para hindi na mapahiya pa kahit na kanino. Ayaw na niya maramdaman kung ano ‘yong naramdaman niya kanina. Sa nalaman kasi niya, lalo siyang nanliit sa kanyang sarili.