Hindi pa ako nakakahuma mula sa mga sinabi ni Sir William ay sinalubong na ako ni Ate Megan.
"Girl! Ano ’yun?" bulong niya habang hinihila ako sa gilid.
"Si Papa William, muntik nang makipagsuntukan sa mga surfers para sa’yo? Tessa ha, may hindi ka ba sinasabi sa akin?"
"Wala, Ate Megan. Baka badtrip lang sya," pagsisinungaling ko, kahit alam kong hindi man lang ako naniwala sa sarili ko
Nang tanghalian na ay nagtipon-tipon kami para sa isang masaganang seafood lunch. Natagpuan ko si Sir William na nasa bandang unahan at nakikipag usap kay Kuya Caleb kaya naupo na ako sa dulo upang umiwas.
Akala ko ay magkakaroon ako ng peace of mind. Ngunit saktong sa tapat ko naupo si Sir William.
Ang tensyon sa pagitan namin, halos maputol na ng kutsilyo. Nagsimula na kaming kumain. Pinilit kong h'wag tumingin sa kanyang direksyon at ituon ang pansin sa aking pagkain at sa katabi kong si Ate Megan. Ngunit hindi ko maiwasang maalala kung paano niya ako tinuruang kumain ng oysters kagabi —isang pagkain na dati ay iniisip kong para lang sa mayayaman.
Pagkaraan ng ilang sandali ay may inihaing plate ng oysters sa gitna. Napatitig lang ako.
Biglang kinuha ni Sir William ang isa, binuksan ito nang buong galing, at inabot sa akin.
"Hindi ’yan kakagat, Tessa" bulong niya na may halong pang-aasar pero ang mga mata niya ay seryoso.
Hindi ako nakaimik. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman. Tila may pamilyar na kilig. Pero agad din itong napalitan ng inis nang maalala ko kung paano niya ako iwasan kanina at kung paano nya nilandi si Selena.
Tinikom ko ang mga labi. Playboy talaga!
Tumikhim ito nang wala akong itugon. Ibinaba na lamang nito ang oyster sa aking plato. Samantala, nahuli ko na lang na dumapo ang tingin sa akin ni Ate Megan na nakangiti,
"Ang caring mo naman, Papa William. Patikim din ng oysters,"
"Sure," lumabas na naman ang killer smile nito. Ikinuha rin nya at pinagbuksan ng oyster si Ate Megan.
Ewan ko ba at mas lalo akong naiirita sa lalaking ito
Nakaraos naman kami at natapos nang maayos ang tanghalian. Oras na para bumalik sa hotel. Sumakay kami sa speedboat pabalik sa main island. Pagdating sa pampang, kailangan naming sumakay uli sa mga buggy.
Uupo sana ako sa tabi ni Ate Megan, pero bigla itong humiwalay at sumakay sa ibang buggy kasama sina Ate Kate at Kuya Caleb. Kaasar!
"Dun ka na maupo sa tabi ni William! Punuan na dito!" sigaw niya habang kumikindat. Napansin ko namang natatawa rin sina Ate Kate at Kuya Caleb.
Wala akong nagawa kundi tumabi kay Sir William. Agad nag init ang mga pisngi ko...hindi ko maintindihan kung bakit tila nag uunahan ang t***k ng puso ko. Hindi ko alam bakit sobra akong na- coconscious!
Habang umaandar ang buggy, hindi ko maiwasang lihim na mapatingin sa profile niya. Naalala ko noong naglilinis ako ng penthouse niya, madalas ko siyang pagpantasyahan —ang bango niya, ang tindig niya. Ngayong katabi ko na siya, hiyang-hiya ako sa sarili ko.
Pagbaba namin sa hotel, biglang natapilok si Selena. Mukhang masama ang pagkaka-twist ng paa niya.
Agad siyang dinaluhan nina Sir William at Kuya Caleb.
Alam ko ang totoo—may motibo si Selena kay Kuya Caleb. Nalaman ko pa sa usapan kaninang tanghalian na magkababata sila.
Marahil ay sinamahan ni Sir William si Kuya Caleb para hindi masolo ni Selena ang fiancé ng kaibigan ko at dalhin ito sa clinic. Pero hindi ko maintindihan bakit nasasaktan akong makitang inaasikaso nya ang ibang babae
Sinamahan kami nina Mr at Mrs Campbell papasok ng lobby. Nauna na silang mag asawa na bumalik sa kanilang hotel room habang naiwan kaming magkakaibigan sa lobby.
"Ang pabebe naman nung Selena!" komento ko kay Ate Kate.
"Hindi naman siguro, mukhang napilayan talaga sya," depensa niya, pero halatang bothered din siya.
Doon na sumingit si Ate Megan.
"Huwag na kayong mag-alala doon. Mas interesado ako sa inyong dalawa ni Papa William," tukoy nito sa akin
"Busy kayong dalawa sa beach activities ah! Surfing na ba ang bagong tawag sa date?"
"Friends lang kami Ate," mabilis kong sagot.
Friends? Kahit ako, hindi ko na alam kung anong itatawag sa amin.
Tinukso pa nila ako bago kami bumalik sa aming kanya kanyang hotel room.
Kinagabihan, hindi ako makatulog. Bandang madaling araw, tumunog ang phone ko. Muli na namang nagkabuhul buhol ang t***k ng puso ko nang makita ang screen ng aking celphone:
From William:
Sahara, I can't sleep. May nakilala ako rito na kamukha mo ang tapang. Pero mas lalo lang kitang namimiss dahil sa kanya. I think I went too hard on her. Masyado ba akong naging unfair sa kanya kanina?
Halos lumabas ang aking puso sa sobrang bilis ng t***k nito. Nagtatalo ang aking isip kung sasagutin ko ba ito o hindi.
Pagkaraan ng ilang sandali, nanginginig ang mga kamay ko habang sumasagot bilang si Sahara
From Sahara:
Baka naman kailangan mo lang siyang intindihin. Minsan, ang galit ay pagtatago lang ng takot na masaktan.
Hindi ko alam kung tama ba ang ginawa ko. Pero bahala na.
Kinabukasan, hindi namin kasamang mag almusal sina Ate Kate at Kuya Caleb. Marahil ay nag date sila.
Pagkatapos ng agahan ay nagpasya kami ni Ate Megan na pumunta ulit sa dagat para mag sunbathing at magswimming.
Maganda ang panahon. Banayad pa ang sikat ng araw at malamig ang simoy ng hangin. Suot ang kanyang two piece at sunglasses ay nahiga muna si Ate Megan sa isa sa mga sun lounges.
Samantalang ako ay naupo sa dalampasigan. Dinama ng aking mga kamay ang pino at mainit init na buhangin habang hinayaan kong hugasan ng bawat alon ng tubig ang aking mga paa.
Napatingin ako sa malayo. Naalala ko sina Mama at Veronica sa aming probinsya.
Kasalukuyan pa akong nagmumuni muni nang may lumapit sa akin.
Pag angat ko ng tingin ay napaawang ang aking mga labi. Seryoso pa rin ang kanyang mukha. Ngunit walang bakas ng playboy kahapon.
"Gusto mo bang mag-surf? Ako ang magtuturo. No more surfers."
Tila umurong ang aking dila. Tanging dinig ko lang ay ang lakas ng kabog ng aking dibdib.
Ngunit hindi na nya ako hinintay pang umimik. Hinuli nya ang aking kamay at inalalayan upang makatayo.
"Hi, Papa William!" kaway ni Ate Megan at lumapit sa amin
"Hello, Megan," tugon nito
"Ipagpaalam ko si Tessa, ha. Tuturuan ko syang mag surf," Muli na naman nyang inilabas ang kanyang dimples. Ang plastic naman!
"Go ahead! Alam nyo namang fan ako sa tambalan nyo,"
Pinanlakihan ko ng mata si Ate Megan ngunit tumawa lang ito
"Sinasabi ko sa’yo Girl, may chemistry talaga kayo" bulong sa akin ni Ate Megan at saka ako tinulak palapit kay Sir William
Pakiramdam ko ay ipinagkanulo ako ng aking nararamdaman. Sumama na nga ako kay Sir William para magsurf. Doon sa gitna ng dagat, habang hawak-hawak niya ang baywang ko para ibalanse ako sa surfboard, doon ko naramdaman ang unti unting pagbagsak ng mga pader ko.
Doon ko na naman nakita ang pamatay niyang ngiti na nagpapalalim sa mga dimples niya. Nang dumapo ang aking paningin sa kanyang mga mata ay nakita ko ang kanyang sinseridad.
Mahirap magtiwala sa kanyang sinseridad ngunit sa totoo lang ay mas nahihirapan akong magtiwala sa aking sariling nararamdaman. Natatakot ako na baka unti unti na akong nahuhulog para sa kanya.
"Bakit ganyan ka makatingin?" asar niya, at lumitaw na naman ang mga dimples niya. "Masyado ba akong guwapo?"
Umismid ako, "Hindi ah,"
"Nagtataka lang ako at bakit mo ito ginagawa,"
Doon ko muling nakita ang seryoso nyang mukha,
"Nakinig lang ako sa payo...ng isang kaibigan," tugon nya
Pilit akong ngumiti, pero doon na ako gumuho. Habang tumatawa kami sa ilalim ng araw ay sya ring pagbalot sa akin ng matinding guilt. Niloloko ko si Sir William bilang si Sahara, bilang si Tessa na guest, at bilang si Tessa na katulong nya.
Sa pagkakataong iyon ay nabuo ang aking desisyon. Kailangan ko nang sabihin sa kanya ang totoo bago pa ako malunod sa aking kasinungalingan...at sa aking nararamdaman.