Beep! Beep! Beep!
"Ahh...hhaaaa," Kinusot ko ang aking mga mata habang naghikab at nag inat. Inabot ng aking kamay ang tumutunog kong celphone at saka pinatay ang alarm.
Unti unti kong iminulat ang mga namimigat na mata. Sa araw araw ay nasanay na ako sa tunog ng aking alarm. Hudyat ng panibagong laban sa buhay.
Matapos magsambit ng panalangin ay agad na akong tumayo saka muling nag inat at ngumiti,
"Good morning Tessa! Kaya mo yan! Happy lang!"
Pagkatapos kong ayusin ang aking higaan ay dumiretso na ako sa banyo upang magsipilyo at maghilamos. Saka ay bumaba na ako sa kusina upang maghanda ng aming almusal ni Ate Kate.
Sabado ngayon pero kailangan kong gumayak nang maaga para tapusin ang mga gawaing bahay dito. Mamaya kasi ay pupuntahan ko si Babe...este!...ang condo unit ni Babe para maglinis, maglaba at maghanda ng kanyang pagkain.
Kinuha ko mula sa ref ang natira naming kanin kahapon. Inihanda ko na rin ang mga sangkap para sa lulutuin kong almusal.
Nabasag ang katahimikan ng umaga mula sa ingay ng water kettle. Isinalin ko ang kumukulong tubig sa thermos at saka naglagay sa aking tasang may lamang coffee powder. Pagkatapos kong magtimpla ng inumin ay sumimsim ako nang kaunti.
Dumiretso na ako at nagsimulang magprito ng mga itlog. Isinunod ko namang lutuin ang chorizo.
"Mmm, ang bango naman,"
"Ay, kabayo!" napaigtad ako nang maramdamang may nagsalita sa aking tabi.
Pagkalingon ko ay natagpuan ko si Ate Kate. Napahawak ako sa aking dibdib, "Ate Kate, para ka namang multo! Basta basta kang sumusulpot!"
Bahagya itong tumawa, "Alam mo, kakainom mo yan ng kape Tessa. Masyado kang nagiging nerbyosa!"
Natawa na rin ako, "Sya nga pala Ate, bakit ang aga mong gumising? Sabado at walang pasok ngayon,"
Napabuntong hininga ito habang nagtitimpla ng kanyang mainit na inumin, "Kailangan kong pumasok ngayong Sabado, may mga kailangan kasi akong tapusin sa opisina lalo na't malapit na rin ang long weekend,"
"Oh sya, mag almusal ka na muna Ate Kate. Tamang tama at okay na 'to," tukoy ko sa sinangag
"Hay nako Tessa, mag aalmusal tayo...hindi lang ako. Sabayan mo ako dito," naghain ito ng mga pinggan at iba pang kubyertos sa mesa
Natawa naman ako, "Okay Ate Kate,"
Pagkatapos naming mag almusal ay naligo na ito at nag ayos ng sarili. Bago umalis ay nagbilin ito,
"Tessa, baka sa labas na ako maghapunan mamaya. H'wag mo na akong hintayin mamaya ha, ikaw nang bahala sa bahay,"
Napangiti ako, "Sige Ate, enjoy sa date nyo mamaya ni Kuya Caleb!"
Ngumiti ito, "Bye, Tessa!"
Kumaway ako. Pagkalabas ni Ate Kate sa gate ay naroon si Kuya Caleb na nakatayo sa tabi ng kotse nito. Kumaway din ito sa akin bago pinagbuksan ng pinto ng sasakyan si Ate Kate hanggang sa makapasok ang huli. Umikot naman si Kuya Caleb sa kabila at saka pumasok na rin sa loob ng kotse. Pinaandar na nito ang sasakyan at umalis.
Isinara ko na ang gate at pumasok na sa loob ng bahay. Saka ay nagsimula na akong maglaba ng mga damit at maglinis ng bahay.
Nang matapos sa mga gawaing bahay ay naligo na ako at nag ayos ng sarili. Kahit pagod ay excited ako dahil syempre, pupuntahan ko naman ang bahay ng aking Babe.
Hindi na ako nag aksaya pa ng oras. Pagkatapos siguruhing maayos ang bahay ay lumabas na ako at nilock ang pinto at gate. Saka ay pumara na ako ng tricycle para ihatid ako sa labas ng subdivision. Sa labas naman ng subdivision ay nag abang ako hanggang sa makasakay ng jeep.
"Manong, para po!" Pagkababa ko ng jeep ay naglakad na ako mula sa entrance ng gate patungo sa loob ng building complex ng mga condo unit.
Sa wakas ay nakapasok na ako sa building ng condo ni Babe,
"Good morning, Tessa!" nakangiting bati sa akin ni Ateng security guard
Napangiti ako, "Good morning Ate!"
Sa araw araw kong pagpasok bilang kasambahay dito sa condo unit ni Babe ay kilala na nga ako ng mga staff sa building.
Nang makapasok na ako sa unit ni Babe ay inilagay ko muna ang aking bodybag sa sofa. Una muna akong nagtungo sa kusina upang tignan kung may bilin ba si Babe. Tulad ng dati ay inilista nito ang mga bibilhin sa grocery. Inisa isa ko ang mga ito hanggang sa manlaki ang aking mga mata sa nabasa,
"Btw, thank you sa cupcakes. They're good. I left one for you =),"
"Aiyyyyyeeeeh!!!" Agad nagkabuhul buhol ang t***k ng aking puso habang hindi ko napigilang mapatili sa sobrang kilig. Napadpad ang aking mga kamay sa magkabila kong pisngi at saka ako nagtatalon.
"Ano ba yan, Babe?! Pinapakilig mo naman ako nang sobra!" para akong timang na nagsasalita nang mag isa
"Tessa!"
Para akong bulateng namimilipit dahil sa aking kakiligan nang mapukaw ang aking pansin ng isang boses. Paglingon ko ay laking gulat ko sa nakita,
"S-Ser Cortes!"
Kumunot ang noo nito at tila naiinis,
"Kanina pa ako tawag nang tawag dito tapos pinagpapantasyahan mo na naman si Sir William!"
Napakamot ako ng ulo, "Pasensya na Ser, hindi ko naman namalayan na nandyan ka,"
"Paano mo nga ako mapapansin eh sa halip na magtrabaho ay kung anu ano ang ginagawa mo dyan?!"
Nilagpasan ako nito at umupo sa sofa. Saka nito hinilot ang kanyang sentido
"Haaay, bakit ba puro pasaway ang mga tao,"
Lumapit ako at binigyan sya ng isang basong tubig,
"Bigla yata kayong naparito Ser,"
Hindi kasi ito karaniwang nagpupunta dito sa condo maliban na lang kung may importante itong pakay
"Haay, ang laki ng problema ko ngayon, Tessa. Kailangan kong makapag isip nang mabuti,"
"Ganun po ba, eh dito na muna kayo kumain. Magluluto po ako nang masarap na tanghalian,"
Tumango lamang ito. Mukhang ngang problemado ito.
Gutom na rin naman ako kaya mamaya na muna ako pupunta sa grocery store para mamili ng mga bilin ni Babe at maglinis ng bahay.
Nagsimula na akong magsaing ng bigas. Pagkatapos nito ay ginayat ko ang natitirang gulay at karne. Pagkalipas ng halos isang oras ay naluto na ang aking menudo.
Kumuha ako ng ulam at isinalin sa isang mangkok para pagsaluhan namin ni Ser Cortes sa tanghalian. Nagtira naman ako para sa hapunan ni Babe. Matapos kong ihain ang mga pinggan at iba pang kubyertos pati na ang sinaing sa mesa ay nagsimula na kaming kumain.
"Makakaisip din kayo Ser ng solusyon sa inyong problema," sambit ko
Panay ang subo nito ng kanin at ulam, "Alam mo Tessa, kung naging mayaman ka lang, bagay na bagay kang maging asawa ni Ser William,"
Halos mabilaukan ako, "T-talaga po? Ikaw talaga Ser, boto ka naman pala sa akin eh," biro ko
"Ang sarap mo kasing magluto. Tapos marunong ka pa sa gawaing bahay. Tamang tama ka talaga sa ginugusto ni Chairman para sa kanyang apo---"
Bigla itong tumigil sa pagsubo at tila nag isip
Taka ko naman itong tinignan,
"Ser, sino po si Chairman?"
Muli itong bumaling sa akin at seryoso akong tinignan,
"Tessa,"
"A-ano yun Ser?"
"Gustung gusto mo si Sir William diba?"
"Oo naman Ser,"
"Kung ganon, handa mo syang tulungan diba?"
"K-kung kaya ko Ser,"
Nakakapagtaka talaga itong si Ser Cortes. Bakit ba ganito ang mga tanong nya?
"Tessa," bigla nitong inabot ang aking mga kamay,
"Huy, Ser!" napaigtad naman ako at sinubukang alisin ang aking mga kamay mula sa kanyang pagkakahawak. Ngunit hindi nito binitawan ang aking mga kamay at bagkus ay matama akong tinignan,
"Magpanggap ka munang girlfriend ni Sir William mamaya,"
"A-ano po?!"