Pasado alas onse na ng gabi nang ako'y nakauwi. Nag taxi na ako pauwi sa amin dahil may natira pa naman akong pera sa pitaka. Madilim na ang bahay at marahil ay natutulog na si Ate Kate sa kanyang silid. Matapos kong ilock muli ang gate at pinto ng bahay ay dumiretso na rin ako sa aking silid.
Agad akong nagsipilyo at naligo. Ipinikit ko ang mga mata habang hinayaang bumagsak ang tubig mula sa rainshower patungo sa aking balat.
Napabuntong hininga ako. Ang daming nangyari ngayong araw. Hindi ko akalaing sa isang iglap ay makakapiling ko ang lalaking pinapangarap ko.
Iminulat ko ang aking mga mata at pinagmasdan ang aking kamay na palagi nyang hawak kanina. Dinala ko ito sa aking pisngi at pumikit habang nangangarap na hinahaplos nya ang aking pisngi
"Ayyyieee! Tessa!" muli akong kinilig at tahimik na tumili
Nang mahimasmasan ay umiling ako at sinaway ang sarili. Tama na yan, Tessa! Tandaan mo, palabas lang ang nangyari sa inyo ni Babe kanina!
Agad ko nang tinapos ang paliligo at nagtuyo ng katawan. Nang nakapagpalit na ako ng pantulog ay niligpit ko muna ang gown at mga gamit na ipinahiram ng designer. Saka ay nahiga na ako upang matulog.
Ilang minuto na ang lumipas ngunit hindi pa rin ako dalawin ng antok. Paulit ulit sa aking isip ang imahe ni Sir William, ang kanyang boses, pati na ang lambot ng kanyang mga kamay.
"Urrghhh, Tessa! Matulog ka na,"
Agad akong nagtalukbong ng kumot. Ngunit kahit anong saway ko sa sarili ay sya namang tila pagwawala ng aking puso. Gayunpaman, pinilit kong pakalmahin ang sarili at tuluyan na ngang nakatulog pagkatapos ng ilang minuto.
Maaga akong gumising kinabukasan. Linggo ngayon at nakatakda kaming magsimba ni Ate Kate. Kahit puyat pa ay agad akong nagsipilyo at nag ayos ng sarili.
Pagkatapos ay bumaba na ako at dumiretso sa kusina. Nag init muna ako ng tubig upang magtimpla ng kape. Habang sumisimsim ng mainit na inumin ay hindi pa rin mawaglit sa aking isipan si Sir William. Tahimik ang umaga ngunit hindi ko maintindihan ang sarili kung bakit tila nag uunahan ang t***k ng aking puso. Pakiramdam ko'y sinisikmura pa yata ako at parang gusto kong maduwal dahil sa nagwawala kong kalooban.
Napapikit tuloy ako at umiling
"Tessa, okay ka lang ba?"
Abala ako sa mga iniisip nang mapukaw ang aking pansin ng boses ni Ate Kate
"Uh, Ate Kate..."
"Masama ba ang pakiramdam mo?"
"Uh, hindi naman Ate. Baka napagod lang siguro ako kahapon,"
Kumuha ito ng kanyang tasa at nagtimpla ng kanyang mainit na tsokolate. Pagkatapos nitong sumimsim ay muli itong nagsalita,
"Saan ka pala galing kahapon? At tsaka anong oras ka na nakauwi?" sunud sunod nitong tanong. Kinabhan tuloy ako.
"Uh, marami kasing pinagawa yung isa kong amo kaya ginabi na ako, Ate... Mga alas onse na ako nakauwi,"
Ngumuso ito, "Grabe naman yang amo mo, Tessa,"
Wala sa loob akong bahagyang tumawa, "Di bale, day off ko naman ngayon kaya makakabawi ako ng pahinga," Sana nga pati ang isip at puso ko ay mapahinga muna!
Nang matapos kami sa aming inumin ay umalis na rin kami patungong simbahan. Magkakasala pa yata ako dahil kahit nasa Misa ay si Sir William pa rin ang nasa isip ko!
Aminado naman akong malaki ang paghanga ko sa aking amo, pero bakit tinamaan naman yata ako nang sobra?!
Muli akong napapikit at napailing
"Huy, Tessa!" mahinang saway sa akin ni Ate Kate
Agad tuloy nag init ang mga pisngi ko, "Ayyy, pasensya na Ate,"
Pagkauwi namin galing sa simbahan ay nagsimula na akong magluto ng aming almusal. Nagsangag ako ng kanin at nagprito ng itlog at hotdog.
Matapos naming kumain ni Ate Kate ay naglinis naman ako ng bahay. Pinilit ko talagang maging abala para iwaksi kung anuman ang aking nararamdaman. Baka nastarstruck lang ako nang husto o sumobra lang ang infatuation ko kay Sir William
"Tessa, akala ko ba babawi ka ng pahinga? Bakit ka gawa nang gawa sa bahay?" tanong ni Ate Kate
"Mababagot naman kasi ako Ate kapag walang ginagawa...kaya magwalis walis muna ako ng bahay," palusot ko
"Tsaka parang ikaw lang din Ate, di makatiis na hindi magbasa ng work emails kahit Linggo," biro ko
"Bahala ka na nga Tessa. Basta h'wag mong pagurin nang husto ang sarili mo,"
"Opo, Ate," may halong biro kong tugon kaya natawa na lang kami pareho
Nang matapos ay naupo muna ako sa sofa
"Sya nga pala, Tessa," sambit ni Ate Kate
"Ano yun, Ate?"
"Sasama ka sa amin sa darating na long weekend. May pupuntahan tayong resort. Kaibigan ni Caleb ang may-ari,"
"Talaga, Ate?" excited kong tugon
Tumango ito, "Para makapag relax and unwind din tayo,"
"Kaso..." agad napalitan ang excitement ko nang alinlangan, "di ba, mahal dun? Parang di naman ako bagay sa ganung klaseng lugar,"
"Ano ka ba, Tessa?" huminto si Ate Kate sa kanyang ginagawa
"Kasama ka sa outing natin...kasama kita. At hindi porket mahal ay hindi ka bagay...tulad ko, ordinaryong empleyado lang naman ako. Nagkataon lang na kaibigan ni Caleb ang may-ari kaya makakapunta tayo,"
"At saka deserve mo rin na makapagrelax sa isang magandang resort... wag mo nang isipin ang gastos, akong bahala sa 'yo," dagdag nito
"Pero Ate, sobra na ang naitulong mo sa akin,"
"Tessa, kapag hindi ka sasama, hindi na rin ako sasama kay Caleb sa resort,"
"Hala! Sige na nga Ate, sasama na ako,"
Ngumiti ito, "Kaya mag ayos ka na at pupunta tayo sa mall mamaya para mamili ng mga susuutin natin,"
Hindi na ako nakipagtalo pa. Sa totoo lang ay excited din ako dahil first time kong makakapagbakasyon sa isang beach resort.
Nagpunta kami sa isang mall para mamili ng mga susuutin naming swimwear. Binilhan din ako ni Ate Kate. Nais kong bayaran sya kahit hulugan pero tumanggi ito. Regalo raw nya ito para sa akin.
Nagwindow shopping na rin kami sa ibang mga stalls. Kahit paano ay nalibang ako at saglit na nawaglit sa aking isip si Sir William. Dito na rin kami sa foodcourt ng mall kumain ng tanghalian.
Kasalukuyan kaming naglalakad nang tumunog ang aking celphone. Kinuha ko ito at nakitang si Ser Cortes ang tumatawag,
"Ser? Ano po 'yun?"
"Tessa, nasaan ka?"
"Nasa mall po, bakit Ser?"
"Gusto kang makita ni Sir William!"
"Ha?!!" Napatingin sa akin si Ate Kate dahil napataas ang aking boses
Ngumiti ako sa huli at bahagyang lumayo
"T-teka Ser, bakit nya akong gustong makita?" hininaan ko ang aking boses
"Hindi ko rin alam, Tessa. Basta ang sabi nya, gusto nya raw na personal na iabot ang bayad sa 'yo para sa ginawa mo kahapon,"
"P-pero Ser, nasa labas kami ngayon ng aking amo. At tsaka, pwede namang sa 'yo na lang ipaabot ni Sir William ang bayad...Pag nagkita kami, makikita na nya ang mukha ko! Paano kapag nabisto nya sa hinaharap na ako yung kasambahay nya?!" sunud sunod kong sambit
"Hayst, Tessa! Sinubukan ko rin ngang magpalusot pero gusto ka raw nya talagang makita,"
"Pwede bang magpaalam ka muna sa isa mong amo... kailangan mong makipagkita mamaya kay Sir William!"
"Hay, Ser!" Nakakastress naman ang dalawang ito!