NANG sumapit sila sa bahay nila Alilee ay nakita niya sa garahe ang kotse ni Ice, bagay na nagpakunot sa noo niya.
'Hindi siya nag-duty sa ospital?' sa loob-loob niya.
"Nakauwi na si Dad?" tanong naman ni Alilee, bakas sa boses ang tuwa.
"Yeah, I think so," tugon na lang niya habang ipina-park ang kaniyang kotse sa tabi ng sasakyan ni Ice sa garage.
Nang ganap na niya itong maiparada ay hindi na siya nahintay ni Alilee, ito na mismo ang nagbukas ng pintuan ng sasakyan para sa sarili at nagmamadaling tumakbo papasok sa loob ng bahay.
Kumilos siya at bumaba na rin sa sasakyan. Nang makapasok siya sa loob ng bahay ay nakita niya si Alilee na umaakyat sa hagdanan habang nakasunod dito ng tingin si Ice na noon ay nakaupo sa sofa at may kaharap na bote ng alak.
"Hindi ba masyado pang maaga 'yan?" kompronta niya rito.
Hindi ito kumibo.
"Kumusta? Nakapag-usap na ba kayo ni Alisa ng maayos?" tanong pa niya.
Tumingin si Ice sa kaniya habang siya naman ay lumakad palapit at naupo sa sofa katabi nito.
"Gusto niyang kunin si Alilee kagaya pa rin ng dati," malungkot at seryoso nitong sabi. "Pero hindi ako pumayag." Lumagok ito ng alak sa wine glass.
Bigla ay bumangon ang inis sa dibdib niya. "Dapat lang, at dapat naghain ka na rin ng reklamo against her," suhestiyon niya.
Tumingin ito sa kaniya. "That's not what I want... Ang gusto ko, bumalik s'ya rito."
Hindi niya itinago ang disgusto sa sinabi nito. "P'wede ba Ice? Tanggapin na lang natin pareho na baka nagkaroon na siya ng iba kaya iniwan ka niya, kayong mag-ama. Ginagawa mo lang tanga at kawawa ang sarili mo r'yan sa ginagawa mo."
Nakadama ito ng inis sa sinabi niya. "You’re not in my shoes so you don’t understand!" singhal nito.
"Ice, oo tama, at dahil nasa labas ako ng sitwasyon mas nakikita ko kung anong problema."
"Dominic," bigkas nito sa pangalan niya bago napabuntong-hininga ng marahas at napailing. "Ang gusto ko lang mangyari bilang isang ama, bigyan ng buong pamilya si Alilee," hindi na maitago ang pagkabuwisit sa tono at anyo nito.
Tinitigan niya ito at hindi pinansin ang pagkainis nito sa kaniya. "Pero malabo na 'yong mangyari, dahil malinaw naman kay Alisa na ayaw na niya sa'yo. Bakit hindi mo na lang tanggapin ang katotohanan para mas maging madali para sa iyo," bahagya nang mataas ang kaniyang tono na mas nagpatindi sa namumuong tensyon sa pagitan nila.
"Kung wala ka lang namang magandang sasabihin p'wede bang h'wag ka na lang magsalita?!" Padarag itong tumayo.
Napatayo rin siya. "If you insist, si Alilee lang ang lolokohin mo. Just...give up, Ice. Kapag nagpatuloy ka pa baka hindi na lang ngiti ang mawala sa'yo, baka pati buhay mo kitilin mo na."
Sumilay sa mga mata ni Ice ang galit pero hindi siya nagpatinag.
"Darating naman ang araw na maiintindihan ka ni Alilee kung bakit hindi siya nagkaroon ng buong pamilya," pagpapatuloy pa niya. "Pero baka hindi niya maintindihan kung bakit lumaki siya sa magulong pamilya."
"Hindi ka naman ama kaya madali lang sa'yong sabihin 'yan!" bulyaw nito sa kaniya.
"Pero naging ama ako kay Alilee," maagap niyang sabi sa emosyonal na paraan, maluha-luha siya. "Nagsakripisyo rin ako para sa kaniya," pagpapatuloy niya habang itinuturo ang sarili. "Hinati ko ang oras ko para sa kaniya, ginawa ko ang ilang bagay na hindi mo kaya—"
"Enough!" pabulyaw na putol nito sa kaniya, napatiim-bagang.
Tinitigan niya ang kaibigan habang ito ay sinisikap na hindi siya tingnan upang siguro ay ikubli ang galit sa mga mata.
"Umalis ka na," kapagkuwa'y mahinahong pagtataboy nito sa kaniya.
Hopeless siyang napabuntong-hininga at binawi buhat kay Ice ang mapait na tingin. Akmang kikilos na siya upang umalis nang mapansin si Alilee na nakatayo sa itaas ng hagdanan at tahimik na umiiyak habang nakamasid sa kanila.
Nakadama siya ng habag para sa bata pero dahil ayaw na niyang humaba pa ang usapan nila ni Ice ay nagpasya siyang umalis na lang nang tuluyan, walang imik.
•••
NAGULAT si Tawny nang bumukas ang pintuan ng bahay ni Ice at iluwa niyon si Dominic.
Tinitigan siya nito pero hindi nag-abalang magtanong kung bakit siya naroon, bagkus ay dumiretso ito sa kotse nito at kaagad iyong pinasibad palayo.
Napasunod siya ng tanaw sa sasakyan nito bago napagtanto na hindi siya dapat naroon. Masyado siguro siyang nadala ng emosyon niya dahil sa narinig buhat kay Ice kanina habang kausap nito si Alisa.
Oo nga at malaki ang atraso sa kaniya ni Alisa pero hindi ibig sabihin nito ay makikisimpatya na siya kay Ice, isa pa ay hindi naman siya kaabot-usap sa problema ng mga ito.
Kikilos na sana siya para umalis nang muli ay bumukas ang pinto. Si Ice, nabigla ito nang makita siya.
Kaagad na nagtama ang kanilang mga paningin. Namumula ang mapait nitong mga mata.
"Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong nito sa kaniya sa malamig na tono.
Hindi siya nakasagot, hindi niya mahagilap ang mga salita na kanina lang ay nabuo sa isip niya at bibigkasin na lang ng kaniyang dila.
"Umalis ka na," pagtataboy nito sa kaniya sabay talikod.
"Sandali." Mabilis niya itong nahawakan sa braso para pigilan.
Buhat sa mukha niya ay bumaba ang tingin nito sa kaniyang kamay na nakahawak sa braso nito. Napalunok siya kasabay ang pagsikdo ng dibdib.
"Daddy."
Kapwa sila napatingin kay Alilee na noon ay nakatayo na pala sa likod ni Ice, umiiyak ito.
Binitawan niya si Ice sa braso at ito naman ay kaagad na pumihit sa anak.
"Alilee, bumalik ka sa'yong silid." Hinawakan nito sa balikat ang bata at iginiya papasok.
Napasunod siya sa mga ito pero kaagad siyang natigilan nang ibalibag ni Ice sa kaniya ang dahon ng pintuan.
Wala siyang nagawa kun'di titigan ang nakapinid na pinto, at makalipas ang ilang sandali ay nagpasya siyang bumalik na lang sa bahay niya.
•••
SALUBONG ang mga kilay ni Dominic nang bumalik siya sa hotel matapos ang naging pag-uusap nila ni Ice. Subalit lalong nagsalubong ang mga kilay niya nang makalapit siya sa entryway at makita ang kakaibang mga tingin ng duty guards doon.
Naisip niyang nagulat siguro ang mga ito. Nasanay na ang lahat ng hotel staff na half day lang siya sa opisina kapag weekdays dahil nga mula nang iwan ni Alisa sila Ice at Alilee ay siya na ang nagsilbing yaya ng bata. Bukod sa kaniya ay wala nang ibang pinagkakatiwalaan si Ice pagdating sa anak, at bilang matalik na kaibigan, sino ba naman siya para hindi sumuporta?
Kapag sinundo niya si Alilee ay hindi na siya bumabalik sa hotel. Tuwing sabado lang siya whole day, kapag linggo naman ay araw ng pahinga niya.
Kaagad siyang binati ng guards sa entryway.
"May problema ba?" seryosong tanong niya pero hindi naman hinintay na sumagot ang kahit sino sa mga ito sapagkat patuloy siya sa paglakad papasok.
Nakita niya ang isa pang duty guard sa reception desk kung saan may gulong nagaganap.
Lalong nagsalubong ang mga kilay niya. "May problema ba?" untag niya sa mga ito.
"Mr. Chairman," korus ng mga receptionist at ng guard bago magkakasabay na lumipad ang tingin sa dalawang babaeng naroon na noon ay napamata nang makita siya.
Tiningnan niya ang dalawa at mabilis na hinagod ng tingin.
"Mr. Chairman, nagpumilit po silang pumasok, gusto raw po nilang makausap si Dominic Labrador, bellhop daw po rito sa hotel," sabi ng isang receptionist kaya napatingin siya rito. Nahulaan niya ang nasa isip nito nang tingnan ito sa mga mata.
Tumingin ulit siya sa dalawang babae na noon ay tila hindi pa rin nakakabawi sa pagkabigla nang makita siya.
Kaagad na pumasok sa isip niya ang babae na nag-check-in lang doon para ibenta sa kaniya ang sarili niyang pag-aari. Naisip niyang isa na naman siguro itong modus. Subalit kaagad din siyang napaisip, isang tao lang ang binigyan niya ng ganoong identity, si Reign. Dominic Labrador ang ibinigay niyang pangalan dito at sinabi niyang bellhop siya sa isang five star hotel pero hindi binanggit dito kung saang hotel.
Paano kaya nalaman ng mga ito ang tungkol sa hotel niya?
"Isunod mo sila sa opisina," utos niya sa guard at lumakad na patungo sa elevator na para lamang sa mga VIPs.
Nauna siyang dumating sa opisina niya kaya ilang sandali niyang hinintay ang mga ito.
Maya-maya ay narinig na niya ang marahang katok sa pintuan at bumungad ang guard kasunod ang dalawang babae.
"Nandito na po sila," sabi ng guard.
"Sige, salamat. Iwan mo na kami."
Nang makaalis na ito ay tumayo siya buhat sa leather chair at lumapit sa mga ito imbes na alukin ng upuan.
Hindi niya pinugkatan ng tingin ang dalawa ganoon din ang mga ito sa kaniya.
"Ano naman ang kailangan ninyo?" diretso at pormal na tanong. 'Ni hindi siya nag-abalang tanungin kung anong pangalan ng mga ito.
"Nandito kami para kay Reign," sabi ng isa sa mga ito na tila nakabawi na buhat sa pagkakabigla kanina nang makita siya.
"So?" wika niya kasabay ang pag-angat ng mga kilay matapos marinig ang pangalang iyon.
"Inamin na niya sa 'min ang namagitan sa inyo, pero hindi niya alam na nagpunta kami rito," wika pa nito.
"Uhmm?" kumunot ang noo niya at kunwa'y sinipat ang mga ito.
"Nagsinungaling ka sa kaniya. Hindi mo sinabi sa kaniya kung sino ka talaga," sabi naman ng isa.
"Bakit naman? Hindi naman importante kung sino talaga ako." Lumakad siya palapit sa sa glass-wall window at tumanaw sa labas.
"Pagkatapos ng namagitan sa inyo ganoon lang ba iyon?" tanong ng isa.
"Bakit? Hindi pa ba sapat ang halaga ng bagay na ninakaw niya sa akin bilang kabayaran sa nangyari sa amin ng gabing iyon?" tanong din niya na hindi nag-abalang lumingon sa mga ito bagama't may nadamang kudlit sa dibdib niya. Laban ang kalooban niya sa salitang ginamit.
Napamaang ang dalawa at dahil nakatalikod siya, hindi niya iyon nakita.
"Sa tingin mo ba may katumbas na halaga ang dangal ng kaibigan namin? Iyon ba ang akala mo kaya pala ini-blocked mo siya sa social media account mo dahil iniisip mong hanggang ganoon lang iyon?"
Kunot-noong humarap siya sa mga ito. "Siya ang unang nag-blocked sa akin imbes na harapin ako at kausapin. Walang paalam na iniwan niya ako sa hotel matapos tangayin ang mahalagang bagay sa akin," malamig ang tonong sabi niya. "Wala na akong oras para makipag-usap pa sa inyo, busy akong tao. Umalis na kayo," tapos ay hayagang pagtataboy sa mga ito at kaagad na tinawagan ang secretary sa intercom para magpatawag ng security guard na bibitbit sa mga ito palabas sa opisina niya.
"Aba't hindi ka lang pala sinungaling, bastos ka rin pala at arogante!" galit na sabi ng isa. "Paano ka ba ginusto ni Reign at nagawang ibigay ang puri niya sa iyo?!" dagdag pa nito na nagpasiklab ng galit sa kaniya subalit pinili niyang maging kalmado.
Kaagad na dumating ang security guard at maayos na inaya palabas ang dalawa na sa kabila ng labis na galit sa kaniya ay nagawang tumalima sa guard.
"I-ban sila rito," utos pa niya sa guard bago pa makalabas nang tuluyan ang mga ito. Nakuyom niya ang mga kamao kasabay ang pamamasa ng mga mata sa galit.