"NABUSOG ka ba?" Sa ilang minuto naming tahimik at abala sa aming kinakain kanina, iyon ang kaniyang bungad sa muli naming pag-uusap. Kaagad akong tumango sa kaniya. "Ikaw? Hindi na rin nagrereklamo ang tiyan?" Tiningnan ko siya habang patuloy na nagmamaneho sa aming pupuntahan. Nasilayan ko ang pagkurba ng kaniyang labi. Ngumiti siya habang nakatutok sa dinadaanan. "Hindi na rin. Salamat sa masarap na hapunan galing sa 7eleven." Napangiti na rin ako sa sinabi niyang iyon. Nagawa niya pa talagang magbiro kahit sa kabila ng sitwasyon namin ngayon. Umulan pa talaga. Pambihira. Winaldas ko nang tuluyan ang aking atensyon sa kaniya at itinungo ko sa labas. Napayakap ako sa aking sariling mga braso dahil ramdam ko ang matinding lamig. "Ayos ka lang ba?" "Oo, ayos lang ako. Nilalamig lang."

