Chapter 2

2100 Words
Pagkagaling sa 24-hour conveniece store ay tumuloy na sila sa inuupahan niyang apartment. Buti na lang at medyo malawak ang kalsada papasok sa lugar niya. Isang up and down apartment ang tinutuluyan niya. Tuwing day-off niya ay saka lamang siya umuuwi sa probinsiya nila sa Bataan. Lumabas sila ng sasakyan. Pinagpapasalamat ni Keith na pasado hatinggabi na kaya walang gaanong tao sa paligid. Binuksan niya ang apartment, dala-dala ang backpack at ang mga binili niya ay binuksan ni Keith ang ilaw. Lumiwanag sa buong bahay. Wala naman siyang gaanong kasangkapan. Halos lahat ng furniture ay naroon na bago pa man siya lumipat. Ang tanging binili niya ay ang mga appliances. “Sandali lang ha, maghahanda lang ako ng pagkain,” kausap niya kay Sapphire. Tumango ang babae, walang kibong umupo ito sa sopa. Sa tingin ni Keith ay hindi na gaanong lasing ang dalaga. “Gusto mo bang magpalit ng damit o kaya mag shower habang hinahanda ko ang pagkain,” tanong niya rito. “Sige,” tipid nitong sagot. Nagpauna na si Keith na umakyat sa ikalawang palapag, naramdaman niya ang pagsunod ng dalaga. Binuksan niya ang kanyang silid, nilingon niya ito. Naupo si Sapphire sa gilid ng kama. Binuksan niya ang kanyang cabinet at kumuha ng isang puting kamiseta at drawstring basketball short. Naglabas din siya ng malinis na tuwalya. Inabot niya ito sa dalaga. “Doon ang banyo, iyong pouch mo nasa backpack ko,” tinuro niya ang kanyang bag na nilapag niya malapit sa kama. “Thank you,” anito. Tinanguan niya ito bago siya lumabas ng silid. Pagdating niya sa kusina ay nagsimula na siyang magluto. May stock pa siyang karne ng baboy kaya iyon ang inadobo niya. Saktong naihain na niya ang pagkain sa mesa nang bumaba ang dalaga. Sumikdo ang puso ni Keith, halos umabot sa tuhod ng dalaga ang t-shirt niya, lagpas tuhod naman ang basketball short na suot nito. Napamura siya ng bahagyang bumakat ang dibdib nito sa suot na damit nang ipusod nito ang mahabang buhok. Tumikhim siya, “Tara kain na tayo,” yaya niya sa dalaga. Pinaghila niya ito ng bangko, walang imik na umupo ito. Si Keith na rin ang naglagay ng pagkain sa pinggan ni Sapphire. “Pasensya ka na, ito lang ang laman ng ref ko dahil di pa ako nakapamalengke,” aniya sa dalaga. “It’s okay!” anito. Yumuko si Keith at umusal ng maikling pasasalamat, pag-angat niya ng tingin ay siya ding angat ng mukha ni Sapphire. Bahagyang nginitian ni Keith ang dalaga. Sa ilang oras na magkasama sila ay hindi pa din nagbabago ang anyo nito. Nandoon pa din ang kalamigan sa mga mata nito. Maganang kumain ang dalaga, dinagdagan ni Keith ang pagkain na nasa pinggan nito. Hindi naman mariringgan ng pagtutol si Sapphire. Halos naubos nilang dalawa ang pagkaing hinanda niya. Matapos kumain ay pinagtimpla niya ang dalaga ng kape. Sininop niya ang pinagkainan nila. Matapos masiguradong maayos ang kusina ay tumuloy si Keith sa salas. Naabutan niyang nakatulog na si Sapphire. Napabuntong-hininga siya, alas-dos na nang madaling araw. Pinangko niya ang dalaga at inakyat niya sa kanyang silid. Pagkalabag niya kay Sapphire ay kinumutan niya ang dalaga. Inilabas niya ang extra comforter at nilatag niya sa sahig. Muling sinulyapan niya ang dalaga na payapang natutulog sa kanyang kama. “Masisilayan ko ba ang mga ngiti mo?” mahinang bulong niya. Napailing si Keith, may kasintahan siya pero ibang babae ang nasa kanyang kama. Sa buong oras simula ng makilala niya si Sapphire ay di sumagi sa isip niya si Ana. Siguradong magwawala ang nobya kapag nalaman nitong may pinatulog siyang babae sa kanyang bahay. Kahit si Ana ay hindi pa nagagawang magpalipas ng gabi sa apartment niya sa kabila ng madalas nitong igiit sa kanya ang kagustuhan nitong magsama na sila. Tanging kanyang Inay at Ate Karlie lamang ang nagpapalipas ng gabi sa kanyang tinutuluyan kapag dumadalaw sa kanya ang mga ito. Tutol ang kanyang Inay sa kanyang pakikipagrelasyon kay Ana. Subalit kalaunan ay pinaubaya na din sa kanya ang desisyon. Pero nandoon ang animosity sa pagitan ng Inay Karla niya at ng nobya. Hindi siya dalawin ng antok, sa kanyang trabaho bilang bartender sa SSC ay sanay na siyang gising magdamag. Pinilit niyang ipikit ang kanyang mga mata, ramdam niya ang pagod sa sari-saring emosyong nararamdaman niya simula ng una niyang masilayan si Sapphire. Ang mukha nito ang nasa kanyang isipan bago siya dalawin ng antok. Dahan-dahang minulat ni Sapphire ang kanyang mga mata. Bahagyang mabigat ang kanyang ulo, pero magaan ang kanyang pakiramdam. Bumangon siya at umupo sa kama, nilibot niya ang tingin sa kabuuhan ng silid. Dinig niya ang bahagyang paghihilik, sinilip niya ang baba ng kama. Sa sahig ay tulog na tulog si Keith. Tipid siyang napangiti at malungkot na tinitigan ang lalaki habang natutulog. Alam ni Sapphire na napilitan lang ito na pagbigyan ang kapritso niya. Sigurado siyang kinausap ito ni Sonny. Ganoon pa man nagpapasalamat siya, dahil di siya nagkamaling sumama rito. Pansamantala ay nakalimutan niya ang sakit ng damdamin na dala-dala niya. Bumaba siya sa kama at tumuloy siya sa banyo. Nag-ayos siya ng sarili at nagpalit na damit. Maayos niyang tinupi ang pinagbihisang pinahiram sa kanya ni Keith. Nilagay niya ito sa nakita niyang bakanteng paper bag sa silid ng lalaki, isinilid din niya ang kanyang pouch. Papalabas na siya ng pintuan nang magbago ang isip niya. Naglakad siya palapit sa natutulog na lalaki, tumalungko siya at bahagya niyang hinaplos ang pisngi nito. Ilang sandali din niyang pinapanood ang banayad na paghinga nito. Bumuntong-hininga si Sapphire at mabilis niyang kinintalan ng halik sa pisngi ang lalaki. Walang ingay siyang lumabas na silid ni Keith. Naalimpungatan si Keith, napahawak siya sa kanyang kanang pisngi. Iniisip niya kung nanaginip siya o totoo bang may humalik sa kanyang pisngi. Dala ng sobrang antok ay muli niyang pinikit ang kanyang mga mata. Mabilis siyang tumayo nang maalalang may kasama pala siya sa silid. Pero walang Sapphire na nakahiga sa kama. Maayos na nakatupi ang kumot na ginamit nito. Amoy din niya ang shampoo at bath soap na ginamit nito. Nakadama siya ng panghihinayang na di niya nakita ang damit nito at pouch bag sa bedside table. Niligpit niya ang pinaghigahan at inayos niya ang kanyang sarili. Pagbaba niya ay napakunot-noo siya. May paper bag ng pagkain sa mesa, at hindi lang basta pagkain. Mula ito sa isang sikat ng restaurant. Sigurado siyang si Sapphire ang nagpabili niyon. Tumuloy siya sa kusina para uminom ng tubig, napatigil siya dahil puno ng grocery bags ang kitchen counter. Binuksan niya ang ref, puno din ito ng laman. Kinuyom niya ang kanyang kamao, naiinis siya dahil hindi man lang nagpaalam sa kanya ang babae. Hindi na kailangan na ipamili pa siya nito ng pagkain. Wala siyang nagawa kundi iaayos ang mga grocery bags. Kinain niya din ang binili nitong almusal. Wala siyang lakad ng araw na iyon kaya ipinasya niyang bumalik sa pagtulog. Tunog ng nag-iingay na cellphone ang gumising kay Keith. Inabot niya ito at di tinitignang sinagot ang tawag. “Hello!” aniya. “K-keith.” Napabangon siya nang marinig ang hikbi ng Ate Karlie niya sa kabilang linya. “A-ate! Bakit ka umiiyak?” tinambol ng matinding kaba ang kanyang dibdib. “Keith, kailangan mong umuwi nagyon. May nangyari kina Inang at Itang, naaksidente ang van, pati si Ken nasa hospital,” umiiyak na kwento nito sa kanya. “Sige, Ate, pupunta na ako,” mabilis niyang sagot. “Mag-iingat ka, Keith, kailangan din natin ng pera ngayon,” dagdag nito. “Alam ko Ate, didiskarte ako. Update mo ako sa kalagayan nila Inang,” pahabol niyang wika sa nakakatandang kapatid. Agad siyang nagbihis at nagmamadaling tumawag ng taxi. Dinayal niya ang cellphone number ni Ana, pero naka off ito. “Manong, saglit lang po itabi po ninyo diyan sa kanto,” wika niya sa driver. “Sige hijo.” Nang huminto ang taxi ay agad siyang bumaba at tinahak ang daan papunta sa tinutuluyan ng nobya. Napakuyom ang kanyang kamao ng bumungad sa kanya ang nobya na masayang nakayakap sa isang lalaki. Namumukhaan niya ito, isa sa mga regular member ng SSC. Matagal ng usap-usapan sa SSC na bukod sa kanya ay may karelasyong customer ang nobya. Kuyom ang kamaong mabilis siyang naglakad pabalik sa taxi. “Tara na po Manong, sa Makati po tayo,” walang emosyong wika niya. Nagpupuyos ang dibdib niya sa galit para sa nobya, at nag-aalala siya sa kalagayan ng mga magulang at ng kapatid. Nagpahatid siya sa SSC para kunin ang kanyang motorsiklo, nakiusap siya sa naka duty na security na gusto niyang makausap si Boss Sonny. Susubukan niyang mag cash advance para may madala siyang pera pag-uwi niya sa kanila. Pero nakaalis na daw ito, isang oras na ang nakakaraan. Bagsak ang balikat na sinusian niya ang kanyang motorsiklo, hindi niya alam kung saan manghihiram ng pera. Siguradong tulog pa sila Peter kaya di sumasagot sa tawag niya. Malayo ang tinutuluyan nito at nina Jon at Aldos. Paaandarin na niya ang motor nang may security na humarang sa kanya. Hinubad niya ang kanyang helmet at ini-off ang makina ng motor. “Ikaw ba si Keith?” tanong nito. “Oho! Bakit po?” aniya. “Iniwan ni Boss Sonny itong envelope, ibigay ko daw sa iyo pag kinuha mo ang motor mo.” Inabot nito sa kanya ang isang selyadong black envelope. Nagtatakang tinanggap niya ito. Tumango ang security sa kanya bago tumalikod pabalik sa loob ng SSC. Sinuri niya ang envelope, may kabigatan ito. May logo na nakasulat ay SS Advertising sa harapan nito. Binuksan niya ang envelope at tumambad sa kanya ang ilang bundle ng pera. Napatingala siya sa langit, di niya maiwasang mapaiyak. Matapos umusal ng panalangin, isinilid niya ang envelope na may lamang pera sa kanyang backpack. Sa oras na iyon, hindi na niya muna aalamin kung bakit siya binigyan ng ganoong kalaking halaga. Ang mahalaga sa kanya ay matutulungan nito ang pangangailangan ng pamilya niya nang mga sandaling iyon. Humigit kumulang tatlong oras ang naging byahe niya bago makarating ng Bataan. Agad siyang tumuloy sa hospital. Natanawan niyang nag-aabang ang nakakabatang kapatid na si Kian, labing pitong taon gulang ito at bunso sa kanilang limang magkakapatid. “Kuya Keith!” patakbong lumapit ito sa kanya, mugto ang mga mata ni Kian, Inakbayan niya ito, “Si Ate Karlie?” tanong niya. “Nasa loob, Kuya, ooperahan daw sila Inang, Itang at Kuya Ken,” pagbibigay alam nito. Pagkapasok ng hospital ay naabutan niyang nakaupo sa labas ng Emergency Room ang Ate Karlie nila. Katabi nito ang Kuya Karlo nila, panganay sa kanilang magkakapatid. Tumayo ang dalawa pagkakita sa kanya. “Keith!” bulalas na iyak ng Ate niya. “Ate, tahan na, may awa ang Diyos!” sumisinghot na usal niya. Sinulyapan niya ang Kuya Karlo nila, “Kuya,” mahinang usal niya. Tinapik nito ang balikat niya. Naupo sila, “Ate, Kuya, may dala akong pera bayaran na natin ang kailangan para maoperahan sila Inang, Itang at Ken.” Kinuha niya sa backpack ang envelope, nilabas niya ang laman nito at binigay sa Kuya Karlo niya. “Saan galing ito!” bulalas nito. “Pinahiram sa akin yan ng Boss ko, Kuya, hindi galing sa masama iyan,” bahagyang nginitian niya ang mga kapatid. “Keith!” usal ng Ate niya. “Ang mahalaga sila Itang,” nakikiusap ang tinig na wika niya sa mga ito. Binilang ng kapatid ang naka bundle na pera, “Limang-daang libo ito, Keith,” gulat na pagbibigay alam ng kapatid sa kanya. Pilit niyang wag ipahalatang siya man ay nagulat. Hindi niya binilang kung magkano ang laman ng envelope. “Tara na Kuya Karlo, kausapin na natin ang doctor,” wika ng Ate niya. “Dito muna kayo ni Kian, saglit lang kami ni Karlie,” paalam nito. Nang makaalis ang mga kapatid ay tinignan niya ang hawak-hawak niyang black envelope. “Kuya Keith, buti mabait ang Boss mo, pinahiram ka ng pera,” ani ni Kian sa kanya. Hinaplos niya ang ulo nito, “Kumain ka na ba?” tanong niya. “Di ako makakain Kuya, nag-alala ako kina Inang at Itang, pati kay Kuya Ken,” naiiyak na usal nito. “Malakas sila, hindi sila pababayaan ng Diyos. Hindi tayo pababayan ng Panginoon.” “Natatakot ako Kuya, hindi ko kayang mawala sila sa atin,” nakayukong wika nito sa kanya. Niyakap niya ang kapatid, siya man ay puno ng pag-alala at takot. Pakiramdam niya ay binagsakan siya ng langit at lupa. Halo-halo ang sakit na naramramdaman niya nang mga oras na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD