Ilang oras din ang tinagal ng operasyon ng mga magulang at kapatid ni Keith. Nailipat na sa Recovery Room ang mga magulang nila, pero si Ken ay nasa ICU pa din. Kailangan pang sumailalim sa isa pang operasyon ang kapatid. Malala ang naging pinsala ng liver nito, kakailanganin ng liver transplant. Hinihintay lang na bumuti ang kalagayan nito bago isagawa ang isa pang operasyon.
Nagpasabi siya kay Peter na hindi muna siya makakapasok sa SSC. Alam na din ng kaibigan ang tungkol kay Ana.
Kumusta naman ang Itang at Inang mo?” tanong ng kaibigan sa kanya.
Kasalukuyang kausap niya ito, isang linggo na sila sa hospital. Siya ang nagbabantay sa mga magulang, habang ang Kuya Karlo niya ang tumitingin kay Ken. Isang Nurse ang Kuya Karlo niya, nagleave ito sa pinapasukang clinic para personal na bantayan si Ken.
“Mga ilang araw na lang daw ay makakalabas na sila, si Ken ang inaalala namin ngayon,” wika niya.
“Pasensya na, Keith, wala akong maitulong sa iyo,” anito.
“Wala iyon, sapat na nakikinig ka sa akin at salamat at tinatawagan mo ako,” tugon niya.
“Siyanga pala, Keith, may VIP kagabi. Ikaw ang hinahanap,” wika nito.
Sumikdo ang puso niya sa narinig, alam niyang si Sapphire ang tinutukoy nito.
“Talaga! Sino? Bakit daw?” patay-malisyang tanong niya.
“Di ko naman nalaman, narinig lang naming ni Jon na galit na galit si Ronan, mukhang nanunulot ka daw ng VIP client. Sabi pa nga, ang akala niya bartender ka at hindi escort,” kwento nito.
Nangalit ang panga niya, si Ronan ay isa sa mga male escort ng SSC, mainit na ang ulo nito sa kanya simula pa lang na pumasok siya doon.
“Hayaan mo siya,” malamig niyang tugon.
“Sino nga kaya iyong naghahanap sa iyo?” anito.
“Wala akong maisip,” sagot niya rito.
“Sige, Keith, sa day-off ko puntahan kita diyan,” tumikhim ito, “Tignan ko kung makakasama sila Jon at Aldos, subukan namin,” dagdag nito.
“Salamat, Pete,” wika niya.
“Karlo, anak, isanla mo muna ang bahay at lupa natin,” wika ng kanilang Itang.
“Itang!” bulalas ng Ate niya.
“Napag-usapan na naman ito ng Inang ninyo, kakailanganin natin ng pera para sa transplant ni Ken,” anito.
“Isa pa mga anak, nag counter demanda ang may-ari ng sasakyan na bumunggo sa amin,” naluluhang wika ng kanila Inang.
Iyon pa ang isang problema nilang mag-anak, nagsampa sila ng reklamo laban sa may-ari ng truck na nakaaksidente sa van nila. Pero matigas ang tanggi ng may-ari ng truck na may pananagutan ang mga ito. Pinipilit ng abogado nito na ang kapatid niyang si Ken ang may kasalanan sa aksidente.
“Sige po, Itang, Inang. Ako na po ang bahala,” wika ng Kuya Karlo nila.
“Basta magpagaling ho kayo,” aniya naman sa mga magulang.
“Salamat mga anak!” naluluhang wika ng Inang nila.
Ngumiti naman ang kanilang Itang. Bakas ang bigat ng problemang kinahaharap nila. Pero alam ni Keith na pilit nagpapakatatag ang mga magulang.
Sinabihan siya ng Ate Karlie niya na kinabukasan na magbantay sa hospital. Umuwi sila ni Kian sa kanilang bahay. Matapos nilang maglinis at maghapunan ay pumasok sila sa kani-kanilang silid. Madalas ay di umiimik ang bunsong kapatid. Mas malapit sa isa’t isa si Kian at Kenneth, dahil isang taon lang ang pagitan ng edad ng mga ito.
Nakahiga na siya sa kanyang kama nang maalala ang black envelope na pinaglagyan ng pera. Kinuha niya ito, hindi nga siya nagkakamaling may nakaipit na isa pang sobre sa loob nito.
Napansin niya iyon nang ilabas niya ang pera para ibigay sa kapatid. Nawalan siya ng pagkakataon na buksan ang laman ng isa pang sobre.
Itim na sobre din ito na may tatak na SS. Kumunot ang noo niya nang buksan niya ito. Isang black calling card ito na tanging cellphone number lang ang nakasulat. Dinampot niya ang kanyang cellphone at dinayal ang numerong nasa card.
Naka limang ring bago niya narinig ang boses ng babaeng di mawaglit sa isip niya.
“Hello, Keith!” mahinang usal nito.
“Paano mo nalaman na ako ang tumatawag?” gulat niyang usal.
“Wala akong binigyan ng number ko maliban sa iyo,” anito.
Hindi siya nakakibo, bahagyang nakadama siya ng tuwa sa sinabi nito.
Ilang saglit na walang nagsalita sa kanila.
“Sa iyo ba galing ang pera?” maya-maya ay tanong niya.
“Yes.”
“Pati mga grocery?” parang baliw na tanong niya kahit alam naman niya ang sagot.
“Yes.”
“Salamat! Babayaran ko iyon sa iyo paunti-unti” senserong wika niya kay Sapphire.
“For what?” anito.
“Huh?” nalilitong wika niya.
“Hindi mo kailangang bayaran iyon,” malamig nitong tugon.
Napatuwid siya ng upo, “Ipagpaumanhin mo, hindi ko maintindihan kung bakit bibigyan mo ako ng ganoong kalaking pera.”
“Look, Keith, ayaw kong makipagtalo, ikaw ang bahala kung anong gusto mong gawin sa pera,” inis na tugon nito.
“Ibabalik ko sa iyo ang pera,” bakas ang tinitimping galit sa tinig niya.
Hindi kumibo si Sapphire, tanging ang paghinga lang ang maririnig sa kabilang linya. Umayos siya ng pagkakasandal sa kama, bumuntong hininga siya bago muling nagsalita.
“Ang totoo, nagastos ko na ang pera.”
“I told you, bahala ka kung anong gusto mong gawin o saan mo gagastusin,” anito.
“Naaksidente ang mga magulang ko at ang isa kong kapatid, naoperahan sila at ginamit ko ang perang iniwan mo,” paliwanag niya sa dalaga.
“How are they?” tanong nito, bakas ang concern sa tinig ni Sapphire.
“Makakalabas na ang Itang at Inang bukas, si Ken ay kailangan pa ng liver transplant,” sagot niya.
“Kaya wala ka sa SSC.”
“Oo, nabanggit ng kasamahan ko na may naghahanap sa akin,” aniya.
“Hindi din ako nagtagal, nag-usap lang kami ni Sonny,” wika nito.
“Ah!” aniya.
Hindi maintindihan ni Keith ang nararamdaman niya, may bahagi ng isipan niya ang naiinis sa pagkakabanggit nito ng pangalan ni Boss Sonny.
“May liver donor na ba ang kapatid mo?” tanong ni Sapphire.
“Nagpatest na kami ni Kuya Karlo, malalaman namin bukas.”
“Send me your address,” wika nito.
“Ha?”
“Just text me your address, Keith,” pormal ang tinig na wika nito.
Bumuntong-hininga siya, “Okay,” aniya.
“Have a rest, talk to you tomorrow,” saad nito.
“Okay, good night, Sapphire,” paalam niya sa dalaga.
“Good night, Keith.”
Matapos ang tawag, napahawak siya sa kanyang batok. Naguguluhan siya, sa kanyang nararamdaman, naguguluhan din siya kay Sapphire. Gusto pa niya sanang makausap at marinig ang boses nito. Sa di malamang dahilan ay may kakaibang damdamin itong pinupukaw sa kanya.
Nakatulog si Keith nang gabing iyon na si Saphhire ang laman ng kanyang isipan.
Kinabukasan ay maaga silang gumayak ni Kian. Naghanda si Keith ng mga dadalhin nila sa hospital. Maaga siyang nagluto ng pagkain na madadala nila.
“Kuya! Kuya! Dumini ka nga saglit,” sigaw na tawag sa kanya ni Kian, nakadungaw ito sa bintana.
“Bakit ba?” kunot-noong wika niya nang lapitan niya ang bunsong kapatid.
“May bisita yata tayo,” wika nito.
Napadungaw si Keith sa bintana, napapalatak siya ng makita ang isang itim na BMW na nakaparada sa labas ng bahay nila. Nagkatinginan sila ni Kian, agad siyang patakbong bumaba ng kanilang bahay. Napansin niya ang mga kapitbahay nilang nagkadahaba na ang leeg sa pag-usyuso. Lumabas ng sasakyan si Sapphire. Naka salamin ito ng itim at naka baseball cap. Naka pink t-shirt ito at fitted jeans. Gusto niyang itago ang babae, o dukutin ang mga mata ng mga lalaking nakatitig kay Sapphire.
“Anong ginagawa mo rito?” mahinang tanong niya. Sinuri niya kung nailock nito ang sasakyan. Inalalayan niya ang dalaga sa siko nito paakyat ng hagdanan nila.
Nang makapanik, nilibot nito ang tingin sa kabuuhan ng kanilang salas.
“Kuya!” bulong sa kanya ni Kian. Nakalimutan niya na kasama niya pala ang kapatid.
“Sapphire, si Kian, bunsong kapatid ko,” pakilala niya.
“Hello, Kian!” tipid itong ngumiti.
“Hello, Ate Sapphire!” napakamot sa batok si Kian.
“Maupo ka muna,” wika niya sa dalaga. Binalingan niya si Kian, “Pakitempla mo nga ng Juice,” aniya.
Nakangiting tumango ito sa kanya, nasa mata ni Kian ang panunukso sa kanya.
“Anong ginagawa mo dito?” tanong niya sa dalaga nang makaupo siya sa katapat nitong upuan.
Hinaplos nito ang pigurin sa side table.
“Gusto kong makatulong, ngayon ang labas sa hospital ng mga magulang mo di ba?” wika nito sa kanya.
“Sapphire, hindi naman na kailangan,” sabi niya sa dalaga.
Napahawak siya sa kanyang batok.
“Keith, saan mo sila isasakay sa motor mo? Alam kong naka impound pa ang van ninyo. Hindi practical kung kukuha ka ng taxi, and let me be,” di tumitinging saad nito.
“Masyado na akong nakakaabala sa iyo,” mahinang usal niya.
Tumingin si Saphhire sa kanya, bakas ang lungkot sa mga mata nito bago muling nagsalita.
“Hindi ka nakakaabala sa akin Keith, this is what I need for now,” makahulugang wika nito.
“May problema ba?” nag-aalalang tanong niya.
Nais pawiin ni Keith ang nakikitang kakaibang kalungkutan sa dalaga. Pakiramdam niya ay may malalim itong problema. Sisiguraduhin niya na sa mga susunod na araw ay malalaman niya din kung anong nagpapalungkot dito. Kanina ng tipid itong ngumiti kay Kian, sumikdo ang puso niya. Kauna-unahang beses na nakita niya itong ngumiti, kahit di man umabot sa mga mata nito.
“Nothing that I can handle,” wika ni Sapphire.
“Ate Sapphire, mag meryenda po muna kayo,” wika ni Kian at nilapag sa center table ang isang pitsel ng orange juice at ensaymada. Sinalinan niya ang baso at iniabot kay Sapphire ang juice, at ang ensaymada na nasa platito.
“Salamat,” anito.
Sa sasakyan ni Sapphire sumakay si Kian habang ang motorsiklo naman niya ang ginamit niya. Nakarating sila sa hospital, subalit hindi bumaba ng sasakyan si Sapphire.
“Hindi ka ba papasok?” nagtatakang tanong ni Keith sa dalaga.
“Hintayin ko na lang kayo dito,” wika nito.
“Sige, sandali lang kami. Na kina Ate naman na ang released paper ng mga Itang,” saad niya.
Tumango ito sa kanya, nag-aalangang iwan niya ito. Marahil ay nabasa nito ang pag-aalinlangan niya.
“Okay lang ako, Keith,” tipid nitong sabi.
Napabuga siya ng hangin bago tumango rito. Sumunod siya kay Kian papasok ng hospital.
Nang maayos nila ang mga kakailanganin, nagpaalam sila sa Kuya Karlo niya. Ito ang maiiwan para magbantay kay Kenneth.
Tulak-tulak ni Kian ang wheelchair kung saan naka-upo ang kanilang Itang, ang Ate Karlie naman niya ang nagtutulak ng wheelchair ng inang nila. Siya naman ang may bitbit ng mga gamit nila.
“Anak, ano ba itong sinasabi ng kapatid mong magandang kotse ang sasakyan natin?” nagtatakang tanong ng Itang nila.
“Oho, Itang, makikita na lang ninyo,” aniya. Sinamaan niya ng tingin ang bunsong kapatid na pasipol-sipol.
“Wow! Talaga? Hay salamat! Akala ko mag jeep tayo o taxi,” wika ng Ate Karlie niya.
Pagkatapat nila sa sasakyan ni Sapphire ay lumubas ito sa driver’s seat. Tinanggal nito ang salamin sa mga mata.
“Magandang araw po!” magalang nitong bati sa Itang at Inang niya.
Ilang saglit na walang nakaimik sa kanyang pamilya, maging ang Ate Karlie niya ay tulalang nakatingin kay Sapphire.
“Hmm!” tikhim ni Sapphire, yumuko ito at inabot ang kamay ng kanyang Itang at nagmano. Ganoon din ang ginaawa nito sa kanyang Inang.
“Kaawan ka ng Diyos, hija!” sabay na wika ng kaniyang mga magulang.
“Keith,” ani ni Sapphire sa kanya.
Hinamig niya ang kanyang sarili nang marinig ang tinig ng dalaga. Hindi niya inaasahan na magmamano ito sa kanyang mga magulang.
“Ah, Sapphire ang Itang ko, si Renato Angeles; ang Inang kong si Karla Angeles; at ang Ate Karlie ko,” pakilala niya sa kanyang pamilya kay Sapphire.
“Diyos ko!” bulalas ng Ate Karlie niya. Nabaling ang tingin nilang lahat rito. Namumutla ito, at parang hihimatayin na.
“Ayos ka lang ba, Kaling?” tanong ng kanilang Inang.
“S-Sapphire Santillan!” bulalas ng Ate niya na kinagulat nilang lahat.
“I can’t believe it! You are here, the Ice Queen!” gulat na gulat na usal nito habang hindi kumukurap na nakatitig kay Sapphire.
Nabaling ang kanyang tingin kay Sapphire, may dumaan na lungkot sa mga mata nito, bago dahan-dahang tumango sa Ate Karlie niya.