“Oh, my goodness!” tili ng Ate Karlie ni Keith.
“Kaling!” saway ng kanilang Itang rito, dahil napalingon sa kanila ang mga dumadaan sa parking lot.
“Sorry po, Itang! Di ko ho mapigilan,” hinging paumanhin nito. Ang mga mata ng Ate Karlie niya ay nakatitig pa din kay Sapphire.
“Umayos ka nga Kaling, nakakahiya. Sapphire, pasensya ka na dito sa dalaga namin” ani ng kanilang Inang.
“Ayos lang po iyon,” saad naman ni Sapphire.
“Please, baka pwede naman akong magpa-authograph pagdating sa bahay. Nandoon ang mga collection ko ng magazine na ikaw ang cover,” excited na saad ng Ate niya.
Napailing ang kanilang mga magulang sa inasal ng Ate Karlie niya.
“Walang problema,” tipid na nginitian ito ni Sapphire, bumaling ito sa kanya.
“Tara na, Keith, para makapagpahinga ang Itang at Inang,” yaya nito sa kanya.
May sayang dulot sa kanyang puso ang tawag nito sa kanyang mga magulang. Nakita niya din ang galak sa mukha ng kanilang Inang at Itang sa tinuran ni Sapphire.
Sumakay ang kanyang pamilya sa kotse ni Sapphire. Ang Inang at Itang niya ay sa backseat umupo, katabi si Kian. Hindi pumayag ang Ate Karlie niya na di sa passenger seat umupo.
“Ingat ka sa pagmamaneho,” bilin niya kay Sapphire bago ito pumasok sa driver seat.
“Ikaw din, wag ka masyadong mabilis magpatakbo,” anito.
Nginitian niya ang dalaga, hinintay niyang maikabit nito ang seatbelt bago siya sumakay sa kanyang motorsiklo.
Pagkadating nila ng bahay ay agad nagluto ng pagkain ang Ate Karlie nila. Punong-abala ito sa pagluluto na tila ay piyesta.
Kasalukuyang isa-isang pinipirmahan ni Sapphire ang mga magazine ng Ate niya.
“Pasensya ka na talaga,” hinging paumanhin niya sa dalaga, napahawak siya sa batok.
“Ayos lang iyon, madali lang naman ito,” anito.
“Pero baka mangalay ka,” nag-aalang saad niya.
Binitawan nito ang marker pen, “Ayos lang talaga ako, isa pa mas kunti pa nga ito kompara pag nasa opisina ako,” tugon nito sa kanya.
“Basta, pag nangalay ka na, itigil mo muna ‘yan,” bilin niya sa dalaga.
Tumango ito at pinagpatuloy ang pagpirma sa mga magazine. Habang tinitigan niya si Sapphire ay nakadama siya ng lungkot. Lalong naging malinaw sa kanya ang layo ng agwat nito sa katayuan nila sa buhay.
Tumayo siya at pinuntahan niya ang kanyang mga magulang sa silid ng mga ito. Kumatok muna siya bago buksan ang pintuan.
“Itang, Inang!” tawag niya sa mga magulang.
“Oh, Keith!” bungad ng Inang niya.
“Malapit ng matapos magluto si Ate Karlie, nagugutom na ho ba kayo?” tanong niya sa mga magulang.
“Hindi pa naman, anak,” nakangiting wika ng Itang niya.
“Si Sapphire, kumusta? Ayos lang ba siya?” tanong ng Inang niya.
“Opo, madami pang pinipirmahan!” pabirong sagot niya.
“Nakakahiya naman sa kanya, sobrang naabala na natin siya,” ani ng Itang niya.
“Ayos lang naman daw po sa kanya, Itang,” nakangiting wika niya.
“Teka, kayo ba’y magkaibigan lang talaga?” nanunuksong wika ng kanyang Inang.
“Inang naman!” nahihiyang usal niya.
“Sus, binibiro lang kita. Alam ko namang may kasintahan ka na. Ang di ko lang maintindihan ay bakit wala dito si Ana. Hindi man lang kami dinalaw sa hospital,” wika ng kanyang Inang sa seryosong tinig.
“Karla,” usal ng kanyang Itang.
“Mas gusto ko si Sapphire, iba ang pakiramdam ko sa batang iyon,” hayag ng Inang niya.
“Kuh! Ikaw talaga Karla,” nailing na wika ng kanyang Itang.
Natahimik si Keith sa tinuran ng Inang niya, nginitian niya ang mga magulang. May sasabihin pa sana ang Inang niya nang kumatok si Kian.
“Inang, Itang, kakain na po!” malakas na tawag nito, binuksan nito ang pinto.
Inalalayan niya ang Inang niya na makatayo, habang ang Itang niya ay si Kian ang umalalay.
Masaya silang kumakain. Talaga ngang ang daming inihanda ng Ate Karlie niya. Panay ang kwento nito at panay ang tanong kay Sapphire.
Kasalukuyan silang nagkakape sa sala kasama ang mga magulang.
“Maraming salamat sa pagsundo mo sa amin sa hospital, Sapphire,” saad ng kanyang Itang.
“Wala ho iyon,” tugon ni Sapphire.
“Hija, bakit kailangan mo pang bumalik ng Maynila? Dumito ka na magpalipas ng gabi,” hayag ng kanyang Inang sa dalaga.
“Oo nga naman, Ms. Sapphire, sige na!” sabat naman ng Ate Karlie niya.
“Sapphire na lang, Karlie,” usal nito na kinagalak ng mukha ng ate niya.
“Sige na, Sapphire, sa silid ko na ikaw matulog. Doon muna ako sa silid ni Kuya Karlo,” pagpipilit ng Ate Karlie niya.
Tumingin ang dalaga sa kanya, nakangiting tinanguan niya ito.
“Sige ho, bukas na lang po ako babalik ng Maynila,” nakangiting tugon nito.
“Sige, ayusin ko na ang silid,” hayag ng Ate Karlie niya.
Patayo na ito ng magsalita uli ang dalaga, “Samahan mo akong matulog, malaki naman siguro ang kama mo,” wika nito sa kanyang kapatid.
“Really!” di makapaniwalang bulalas ng Ate Karlie niya.
“Oo, di ka naman siguro naghihilik,” kiming sagot ni Sapphire.
“OMG!” tili ng Ate Karlie niya at patakbong pumasok sa silid nito na kinatawa nilang lahat.
“Sigurado ka ba?” tanong niya sa dalaga.
Tumango ito.
“Binabalaan kita, hindi nga naghihilik si Ate Karlie, naninipa naman?” tatawa-tawang wika niya na kinangiti nito.
“Keith!” malakas na tili ng ate nang marinig nito ang sinabi niya.
MATAPOS masigurado ni Keith na naka-lock ang gate at ang mga pintuan ay tinungo niya na ang kaniyang silid. Nadaanan niyang bukas ang silid ng Ate Karlie niya. Kumatok siya, lumingon si Sapphire sa kanya.
“Oh, Keith,” tipid itong ngumiti sa kanya. Nakaupo ito sa gilid ng kama at hawak nito ang cellphone.
“Okay ka lang ba dito?” tanong niya sa dalaga. Pumasok siya at umupo sa upuan.
“Oo, ayos lang ako. Ang Inang at Itang?” anito.
“Tulog na sila, nagbabawi ng lakas. Syempre pa namiss nila ang isa’t isa,” natatawang wika niya, Napatuwid siya ng upo at seryosong tumingin sa mga mata ni Saphhire, “Maraming salamat sa lahat-lahat ng tulong mo.”
“Sabi ko naman sa iyo na hindi mo kailangang magpasalamat. Gusto ko ang ginagawa ko.”
“Basta, ibabalik ko sa iyo ang lahat ng nagastos sa pagpapahospital nila Inang,” wika niya sa dalaga.
Tumango ito sa kanya, “Ikaw ang bahala. Pero sinabi ko naman sa iyo na hindi mo na kailangan pang isuli sa akin ang pera.”
“Hayaan mo na lang ako.”
“Okay,” tugon nito sa kanya.
“Ah, sige papasok na ako sa kwarto ko,” paalam niya kay Sapphire makalipas ang ilang sandaling katahimikan sa pagitan nila.
“Okay, good night, Keith,” tipid na sabi nito sa kanya.
“Good night,” aniya.
Gusto pa niya sanang makipagkwentuhan sa dalaga subalit naiilang siya. Isa pa ay alam niyang napagod ito sa biyahe.
Nginitian niya ito bago siya tuluyang lumabas ng kwarto ng Ate Karlie niya. Nakasalubong pa niya ang kapatid na may dala-dalang dalawang tasang hot chocolate.
“Magkwekwentuhan pa kami ni Sapphire,” masayang sabi nito sa kanya.
Naiiling na sinundan niya ng tingin ang Ate Karlie niya.
Pagkapasok niya sa kaniyang silid ay nakangiting inihiga niya ang sarili sa kama. Sa di malamang dahilan ay masaya siyang naroon si Sapphire sa kanila. Tumunog ang kanyang cellphone. Nang makita niya na ang nobyang si Ana ang nagtext ay pinatay niya ang cellphone at inilapag niya sa ibaba ng study table. Masama pa rin ang loob niya sa nobya. Saka na lang niya ito kakausapin.
Ang maamong mukha ni Saphhire ang nasa isipan niya nang ipikit niya ang kanyang mga mata.