Inakyat ni Mattia ang makitid at mataas na hagdan patungo sa pangalawang palapag ng boarding house. Kasalukuyan siyang nananatili rito kasama ang dalawang kaibigan na nag-imbita sa kaniya sa HEAP.
Nakilala niya ang dalawang imbestigador noong nagpunta ang mga ito sa kinalakihang bayan ng Capiz upang lutasin ang isang misteryo. Tumulong siya at ang kaniyang ingkong na si Lolo Guido sa mga ito, upang magapi ang Matruculan na nanamantala sa kanilang lugar. Mula noon ay napalapit na nga siya sa dalawa at binigyan siya ng mga kaibigan ng pagkakataon na makapagtrabaho sa organisasyon at makapag-aral sa kolehiyo.
Sila ang naging tulay kaya siya nakarating dito at pansamantala silang nangungupahan sa isang boarding house sa Cubao, Quezon City. Pinili nina Chubs at Joriz na manatili rito dahil mas malapit ito sa mga paaralan na pinapasukan at sa NCR Psychic Center.
Ilang minuto pa ay nakarating na rin siya sa wakas sa loob ng kwarto. Nakita niya ang dalawang kaibigan na nakaupo sa sahig, kumakain ng mga junkfood habang nanonood ng Netflix sa sala. Napatingin sa kaniya ang mga ito at saglit na natigilan.
"Kumusta ang lakad?" usisa agad ni Chubs na may laman pang pagkain ang bibig. Bilugan ang katawan nito dahil sa katabaan, maputi ang kutis at mamula-mula ang dalawang matambok na pisngi. Labing-pitong taong gulang pa lamang ito, kasalukuyang nasa ikalabing-dalawang grado at kumukuha ng HUMSS sa kalapit na senior highschool.
Si Chubs ang tinuturing nilang cryptozoologist dahil sa malawak nitong kaalaman sa mitolohiya, kultura, at kasaysayan ng buong mundo. Ito rin ang pinakamatalino sa grupo. Sa totoo lamang, si Chubs ang nagtiyagang mag-tutor sa kaniya bago siya kumuha ng entrance exam sa HEAP.
Dalawa lamang ang kahinaan ng matabang binatilyo— hindi ito nakakakita ng kahit anong uri ng paranormal at hindi marunong sa foreign language.
"Okay lang," wala sa mood na tugon ni Mattia. Nag-alis ng sapatos at naka-medyas na umupo sa tabi ni Joriz.
"Wala pa 'yang isang oras, makakatanggap ka kaagad ng email," komento naman ng binatilyong katabi. Kapansin-pansin ang buhok nitong kinulayan at inayos na parang sa mga kpop idols. Base rin sa kasuotan nito ay tila hindi nagpapaiwan sa uso at kung anong makabago.
Mahilig din si Joriz sa teknolohiya, sa kanilang tatlo ay ito lamang ang may kaaalamn sa mga paranormal technologies. Ito rin ang pinakabata sa kanila, labing-anim na taong gulang pa lamang ito at kasalukuyang kumukuha ng STEM Strand, ngunit hindi maaaring maliitin si Joriz lalo pa't mas may kaalaman sa ibang wika ito kumpara kay Chubs.
Ang kahinaan lamang ni Joriz pagdating sa mga misyon ay napakaduwag.
"Tingin n'yo ba ay papasa ako?" tanong ni Mattia sa dalawa.
"Dude, kumpara sa amin ni Chubs na pasang-awa lang sa HEAP, mas malaki ang percent na makakapasok ka," — si Joriz.
"Speaking of that. Hindi n'yo pa nakukuwento ang tungkol sa pagpasok n'yo sa organisasyon..."
Nagkatinginan at napakamot sa ulo ang dalawa.
"Ayaw na namin alalahanin ang masalimuot na mga karanasan," tugon ni Chubs at parang nagbiro na tumawa.
"Swerte lang talaga ako at nakapasok pa ako sa kanila. Ngayon ko lang din nalaman na hindi pala sila tumatanggap ng 15 yrs old pababa," sundot ni Joriz.
"Hindi nila ine-entertain ang mga walk-in applicants, ibig-sabihin ay may nag-invite din sa inyo para makasali kayo?"
Ibinaba ni Chubs ang hawak na baso at natigilan na tumungga ng inumin. "Uhm yes... Kilala mo ba ang Paradigm Unit?"
"Nabanggit ‘yan sa akin ni Maam Estrella kanina."
"Ang leader ng Paradigm Unit ang nag-imbita sa aming dalawa sa HEAP. Mahabang kwento at masasabi kong nagkataon lamang ang lahat,” dugtong ni Chubs.
"Oh? Pero sabi sa akin ni Maam Estrella, iyon daw ang grupo na nangunguna sa ranking."
"Ganoon na nga."
“At sa kasawiang palad ay nasa 128 rank tayo,” komento pa ni Mattia.
Nagmistulang nabagsakan ng langit at lupa ang mukha ng dalawa dahil sa sinabi niya. Napabuntong-hininga si Joriz at nagkibit na lamang ng balikat. “Ano pa bang magagawa namin? Sa ngayon, nasa pinakadulo nga tayo. There are currently 128 paranormal groups and 66 independent investigators. Approximately nasa 700+ employees ang nasa agency ngayon ng HEAP. Hindi naman tayo kulelat kung pagbabasehan ang skills at talent,” pampalubag-loob pa nito sa sarili.
Inabot ni Mattia ang baso, nagsalin ng softdrinks at uminom. “Pero sure naman na aangat din tayo lalo pa’t successful ang previous mission natin? Tama ba ako, Joriz Labatiti?”
Muntik nang masamid sa iniinom si Chubs dahil sa narinig. Namilog naman ang mga mata ni Joriz at agad ding pinamulahanan ng pisngi.
Hindi na napigilan ni Mattia na tumawa nang malakas, "Kaya ba ayaw mong sabihin ang totoong pangalan mo dahil nahihiya ka?" panunukso pa niya.
Nangamatis ang mukha ng tinuran dahil sa sobrang pagkapahiya. "Ano ba?! Hindi kayo nakakatawa!" Parang nagtatampo ang mukha na pinagkrus nito ang mga braso at umirap. "Sumpa 'yang apelyido na 'yan."
Pero hindi pa rin humuhumpay ang tawanan nina Chubs at Mattia."Kaya 'yan laging pumuporma sa mga magagandang babae dahil natatakot na hindi makapang-asawa dahil sa apelyido niya," panunudyo pa ni Chubs.
"Sabagay, sino bang babae ang gustong magkaapelyido ng Labatiti?" sundot din ni Mattia. Nasundan ito ng malakas na mga halakhak ni Chubs.
Nairita na naikuyom ni Joriz ang kamao at nagbanta nang mananapak. "Sapakin ko na kayo! Walang nakakatawa, ha!"
"Relax, we're just joking,"pagpapahinahon ni Mattia na tinigilan na ang panunukso.
Natigilan sila sa walang humpay na tawanan nang marinig na tumunog ang phone ni Mattia na nakalapag sa mesa. Inabot niya iyon at binasa ang notification. Namilog ang mga mata niya nang mapagtanto na galing ang mensahe sa HEAP. “Wow, ang bilis naman lumabas ng resulta.”
“Ano iyan?” usisa ni Chubs na tumabi at sumilip sa hawak niya. Nakiusisa rin si Joriz.
“Nakapasa ako sa exam.”
Kahit inaasahan na ng dalawa ang mangyayari, lumawak pa rin ang ngiti ng mga ito at siya’y binati. “Congratulations! Anong average score mo?”
Bumalik ang paningin ni Mattia sa mensahe upang basahin pa ang ilang detalye. “78…”
“Hindi na rin masama, at least nakapasa ka. Alam naman naming mahirap ang exam.” Tumango si Labatiti.
“Anong mga average score ninyo dati?” tanong naman niya sa mga ito.
“Naka-90 ako, si Chubs naman ay 96.”
Namilog ang mga mata ni Mattia nang mapagtanto kung gaano katalino ang mga kaibigan. “Really?”
“Naperfect ko sana ‘yon pero hindi ako magaling sa foreign language.” Parang nahihiya pa na napakamot ang matabang binatilyo sa ulo. Nagbago ang ekspresyon ng mukha nito nang may maalala. “Oo nga pala, Mattia. Basahin mo nang buo ang mensahe, siguradong papa-summon kayo agad para sa isang linggong training.”
“Prepare yourself, dude. Dito pa lang talaga magsisimula ang lahat ng pagsubok. Kapag hindi ka nakapasa, siguradong masasayang lamang ang lahat ng paghihirap mo,” wika ni Joriz.
“Taon-taon, illang porsyento ng mga new applicants ang nakakapasa sa training?” usisa niya.
“20%” sabay na wika ng dalawa.
Lumaki ang awang ng bibig niya. “Ha? Ganoon kahirap ang makapasa?”
“You need to see for yourself,” litanya ni Chubs, “Now, read it again. Kailan at saan daw kayo magtre-training?”
Bumalik ang linya ng paningin niya sa mensahe at walang emosyon na binasa ang nilalaman. “Next week, Monday…” Saglit siyang natigilan bago dinugtungan ang sinabi. “Sa Republic of Guatemala, Central America…”
“Guatemala?!” sabay na bulaslas ng mga ito at nakanganga nang tumitig sa kaniya.
Kumunot ang noo niya dahil sa reaksyon ng mga kaibigan. “Bakit?”
“Hindi ako makapaniwala! Binigyan nila ng international mission ang mga new applicants ngayong taon!” —- si Joriz.
“Napakaswerte mo, samantalang kami dito lang sa Pilipinas, nag-training!” — si Chubs.
“Hindi ko maintindihan!” Umiling siya at pilit na pinahinahon ang puso ng mga kasama. “Can you please explain this to me, ano naman ang gagawin ko roon? At ako ba ang gagastos ng pamasahe?”
“Sila na ang bahala sa lahat. Wala kang gagastusin, huwag kang mag-alala. Magpapasa ka lamang ng requirements sa kanila para maproseso ang passport mo. Pero ang daya! Makakarating kayo sa ibang bansa, makapasa man o hindi sa training… sulit pa rin!” naiinggit na wika ni Joriz na napasapo sa noo.
“Pero bakit kaya?” Napahawak naman si Chubs sa baba. “Sa tingin ko ay mas mahirap ang training mission ngayong taon dahil gaganapin pa sa ibang bansa.”
“Who cares?! It's unfair,” reklamo pa rin ni Joriz.
“Bibigyan pa rin naman sila ng informed consent form, para kung may mamatay o mapahamak sa training, hindi sagutin ng kumpanya,” tugon ng matabang lalaki.
“Informed consent form?” Lalo lamang naguluhan si Mattia.
Pinatong ni Chubs ang kamay nito sa balikat niya at may ngiti sa labi na sinabing, “Basta. Pirmahan mo lang lahat ng papel na ibigay sa ‘yo. Malaki ang tiwala namin sa ‘yo, Mattia. Alam naming makakapasa ka rito.”
Hindi na siya nakapagsalita pa. Naalala niya ang mga pangakong binitawan sa naiwang ingkong sa Capiz. Hindi siya pwedeng mabigo sa lakad, kundi ay wala siyang mukhang maihaharap sa kaniyang lolo at mga kaibigan.
***