Kabanata 2 : Arrival and Departure Area

1630 Words
"Papa?" usal niya kasabay ng malakas na t***k ng kaniyang puso. Kitang-kita sa mukha niya ang labis na pagkagimbal. At naitanong niya sa sarili, ito ba ang mga dating panahon na marunong pa siyang matakot? Sapagkat sa kasalukuyan ay nakalimutan na niya ang pakiramdam. Ngunit dito, damang-dama niya ang hilakbot. Hindi para sa sariling kaligtasan ngunit para sa kapakanan ng ama. "Umalis ka na, Mattia!" at narinig niya muli ang pamilyar na boses. Ang pagsigaw nitong punong-puno ng pangamba. At katulad ng dati, nakita niyang hinigop ito ng kadiliman. Walang nagawa ang lalaki kundi tumili lamang at hindi rin niya nagawang makakilos mula sa pagkakatayo. Pagkatapos, muling sumara ang lumang pinto at naiwan siyang nakatulala sa harap nito. Hinihingal na biglang bumangon si Mattia mula sa pagkakahiga. Natutulog lamang siya ngunit para siyang tumakbo ng ilang kilometro dahil sa tumatagiktik na pawis at paghahabol ng hininga. Napasapo siya sa ulo at pinahinahon ang mabilis na t***k ng dibdib. "Panaginip na naman..." Paulit-ulit. Walang katapusan. Lagi na lamang ganito ang laman ng kaniyang mga bangungot— isang pinto, ang kaniyang ama, at ang kadiliman. Hindi niya maunawaan ang simbolismong pinapakita ng guniguni ngunit inaamin niyang sa panaginip lamang siya nakakaramdam ng ganito. Isang malaking misteryo para sa kaniya sapagkat sa pagkakaalam niya'y wala siyang kakayahan na matakot. Dahil sa pinsalang natamo niya noon sa isang bahagi ng utak— ang Amygdala, naapektuhan din ang kakayahan niyang makaramdam ng panganib. Wala siyang flight or fight response and perception of threat. Ang katangian niyang ito ang naging dahilan kaya nagkaroon ng interest sa kaniya sina Chubs at Joriz. Ngunit bakit sa panaginip lamang siya nakakaramdam ng takot? Napakaimposible na madama niya ito sa tunay na buhay. Ang tanging totoo lamang sa mga bangungot ay ang biglaang pagkawala ng kaniyang ama noong siya'y musmos pa lamang. Isa rin sa mga hangarin niya na muli itong makita. Kaya siya lumuwas sa Manila ay upang malaman ang nangyari sa kaniyang ama. Sapagkat, walang makapagsabi kung nasaan ito at tila naglaho lamang na parang bula. Napabuntong-hininga siya bago tumingin sa bed side table. Naudlot ang malalim niyang pag-iisip nang makita ang kamay ng orasan. Namilog ang mga mata niya at napasinghap nang mapagtanto kung anong oras na. Nagmamadali siyang bumangon sa kama at dumiretso sa banyo. Hindi ito ang tamang pagkakataon upang mag-isip ng kung ano-anong bagay dahil kailangan niyang makahabol sa takdang oras. "Male-late ako sa flight!" bulaslas niya habang inihahagis ang mga hinubad na saplot sa labas ng palikuran. At dahil sa ingay niya, naalimpungatan din sina Joriz at Chubs na natutulog sa kabilang double deck bed. Pupungas-pungas na nagising ang mga ito at tumingin sa direksyon niya. *** Inihatid siya nina Joriz at Chubs sa NAIA. Katulad ng inaasahan nila ay napakaraming tao at napakahaba ng pila kahit sa labas pa lamang ng gusali. Akyat panaog ang mga tao sa escalator, at may ilan pang mga dayuhan ang nagbla-vlog sa paligid. "Salamat sa paghatid sa akin dito. Kung hindi dahil sa inyo, baka naligaw na ako," aniya sa dalawang kaibigan. "Saan daw ang mga kasama mo?" "Sabi nila ay bababa raw sila mula sa Service Bus. Saan ba babaan ng mga bus dito?" "Kasama kaya nila si Mr. Clean?" imbis na sagutin ang tanong niya, bumaling si Joriz kay Chubs. "Mr. Clean?" naguguluhang tanong niya. "Malamang, Joriz. Hindi naman mawawala ang kalbo na 'yon," tugon ni Chubs na hindi siya pinansin. "Makikilala mo rin si Mr. Clean mamaya. Mabait naman 'yon, gago lang," si Joriz ang sumagot sa kaniya. Natawa pa ito sa sariling biro. "Anyway, mauna na kami. Diyan lang banda ang departure and arrival area," wika ni Chubs na tinuro ang lugar. Tumango na lamang siya. "Good luck sa first mission mo," pahabol pa ni Joriz. "First Mission?" "Para sa amin, first mission na ang training camp ng HEAP dahil sa sobrang hirap," panunudyo pa nito na siniko si Chubs sa braso. "Hindi ba, Chubs?" "Huwag mo naman takutin si Mattia," bumaling ang matabang binatilyo sa kaniya. "Kayang-kaya mo 'yan. Kapag nakapasok ka sa HEAP, tutulungan ka naman namin na makahanap ng mapapasukang university." Napangiti siya sa suportang ibinibigay ng mga ito. "Salamat." "By the way, may national mission din kami ngayong linggo kaya mawawala rin kami. Mukhang next week na tayo ulit magkikita-kita," paalala naman ni Joriz. "Ah I see, goodluck din sa inyo." "Mag-ingat ka, Mattia." Itinapat ni Chubs ang kamao at nakipag-fist bump muna sa kaniya. Naghiwa-hiwalay nang pansamantala ang kanilang grupo. Nagtungo ang dalawa sa kabilang direksyon at siya naman ay nagpatuloy sa paglalakad sa unahan. Ayon sa pribadong mensahe ni Estrella sa kaniya, kung hindi siya makakasabay sa service bus ay pinapayagan siya ng mga ito na bumiyaheng mag-isa patungo sa Guatemala City. Susunduin na lamang daw siya ng taxi kapag nakarating na siya sa La Aurora International Airport. Ngunit tumanggi siya sa suhestyon ng ginang, iyon ay dahil sa hindi pa siya marunong sumakay sa eroplano. Kaya minabuti niyang makipagkita at maghintay na lamang sa tapat ng departure and arrival area. Muli siyang napabuntong-hininga nang malalim. Inaamin ni Mattia na napakabilis ng mga pangyayari. Mula sa pagpunta sa Manila hanggang sa pagpunta sa ibang bansa. Gayunman, inaamin niyang nakakasabik lalo pa't ito ang unang pagkakataon na makakasakay siya ng eroplano. *** Nabuka niya ang bibig sa pagkabigla nang makita si Estrella. Naghihintay na ang babae sa binanggit nitong lugar, nakakrus ang mga braso nito at inaayos pa ang salamin sa mata nang makita siya. Katulad ng dati ay intimidating at masungit pa rin ang aura ng babae. Ang hindi lamang niya inaasahan ay may kasama itong isang lalaki. "You're late." "Sorry po," paghingi niya agad ng dispensa sa babae. Bumaling ang tingin niya sa matangkad na lalaking kasama nito, nakasuot ito ng puting polo at makakakitaan ng kakisigan sa katawan. Mukhang naglalaro sa trenta anyos ang edad nito at kapansinpansin din ang makintab nitong kalbong ulo. Napansin ni Mattia na para itong siga o tigasin kung umasta. "Siya si Coach Caiden, makakasama mo siya sa Training Camp. May kasama pa kayong isang newbie," pakilala ni Estrella sa kasama. Siya siguro iyong Mr. Clean na sinasabi nina Joriz at Chubs. Napasimangot si Mattia nang maalala ang mga binanggit ng mga kaibigan. Ano pa bang maasahan niya sa dalawang mokong na mahilig manukso at magbigay ng nakakatawang palayaw sa kapwa? Inilahad ng lalaki ang kamay at mabilis siyang nakipagkamay rito. "Nice to meet you po." Pilit siyang ngumiti ngunit agad ding napasimangot nang mapansin ang diretsong tingin nito sa kaniya. Naiilang na binawi niya ang mga kamay. May kung ano siyang naramdaman sa paraan ng pagtitig nito. "Aalis na po ba tayo?" Bumaling na lamang siya kay Estrella. "May hinihintay pa tayong isang tao," at bago pa matapos ng babae ang sinasabi, dumating na rin sa wakas ang isa pa nilang hinihintay. Lumingon siya sa likod upang makita ang tinitingnan ng mga kasamahan. Nakita niya ang isang maliit na babaeng nakatungkod sa dalawang tuhod at hinihingal na tila ba tumakbo ito palapit sa kanila. "I-I'm sorry I'm late," anito. Tumayo nang tuwid ang dalagita at tumitig nang diretso kay Estrella ngunit nang mapansin ang dalawang lalaking kasama ay parang nahihiyang nag-iwas ito ng tingin. Hindi niya maibaling ang paningin sa iba sapagkat nakuha ng dalagita ang interest niya. Hindi man katangkaran ang babae ay makakakitaan pa rin ng kagandahan sa mukha at pangangatawan. Makinis at maputi ang balat. Mahaba ang paalon o kulot nitong buhok. Natural na mamula-mula ang pisngi nito at labi. Naisip ni Mattia, she's cute. Ngunit batay sa mga mata nitong hindi makatingin, mukha itong mahiyain. Naudlot ang pag-iisip niya nang marinig ang boses ni Estrella. "Ngayong nandito na kayong dalawa, si Coach Caiden na ang bahala sa inyo. Siya na rin ang bahalang magpaliwanag sa lahat kapag nakarating na kayo sa Guatemala. Pwede na kayong pumila para makasakay sa eroplano. Mauna na ako sa inyo dahil marami pa akong gagawin sa opisina," paalam nito at iniwan na silang tatlo roon. *** Awkwardness. Ito ang nararamdaman ni Mattia habang katabi ang dalawang kasamahan sa loob ng eroplano. At ang masaklap pa nito, pinanggigitnaan siya ng mga ito sa upuan. Sa totoo lamang ay hindi pa niya natatanong ang pangalan ng babae. Kapag tumitingin siya rito ay umiiwas ito ng tingin na tila ba naiilang sa kaniya. Bawat tanong niya'y napaikli lamang ng sagot ng babae. Naisip niyang ayaw siguro nitong makipag-usap. At hindi rin naman niya makadaldal si Coach Caiden dahil mukha rin itong masungit katulad ni Estrella. Kapag nagtatanong siya at sinusubukang makipag-usap sa lalaki ay napakapormal lamang ng mga sagot nito. Anupa't napakatahimik ng biyahe. Para siyang nato-t*****e dahil sa pagkainip. Masakit na rin ang puwit niya dahil sa halos labing dalawang oras na pagkakaupo. Hindi akalain ni Mattia na ganito pala katagal ang travel hours patungo sa ibang bansa. Napagtanto na niya kung bakit ganoon na lamang ang gulat nina Chubs at Joriz nang sabihin niyang sa Guatemala gaganapin ang Training Camp. Hindi makapaniwala ang mga ito na ganoon kalayo ang lalakbayin niya. Sa totoo lamang, hindi rin niya ito inaasahan. Masakit na rin ang ulo niya dahil hindi siya makatulog nang maayos. Sino ba ang makakatulog nang mahimbing sa hindi komportableng posisyon? Pero kahit nahihirapan, pinilit na lamang niyang bilangin ang pagpapalang nararanasan niya ngayon. Atleast naranasan niyang makasakay ng eroplano. Nakagamit siya ng mga teknolohiyang sa airplane seat lamang matatagpuan, katulad ng miniscreen tv na nasa harap, free video games, controller at kung ano-ano pa. Hindi naman siya nagutom dahil may pagkain na ibinibigay sa kanila. Iyon nga lamang, naiilang pa rin siya dalawang kasamahan. Mistulang mag-isa siyang bumibiyahe dahil wala siyang makausap. Sa wakas, dumating na rin ang pinakahihintay niyang layover sa Anchorage International Airport. Nakahinga siya nang maluwag nang binigyan sila ng break-time sa mahabang biyahe. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD