Naaliw sina Mattia at Rainzel sa ganda ng tanawin habang nakasakay sa loob ng Tuk-Tuk. Nililipad ng malamig na hangin ang kanilang mga buhok at nararamdaman nila ang kaginhawaan nito sa kanilang mga mukha. Batay sa klima ay nasa wet season ang bansang binisita.
Napakaganda ng mga infrakstura sa syudad ng Antigua, makukulay ang mga bahay at ang makalumang disenyo ng mga ito ay hango sa baroque-style architecture noong 17th century. Kaya pala ito ang piniling sentro ng turismo at kasalukuyang kapitolyo ng bansa.
Tumigil sila sa tapat ng makalumang arko, ang Santa Catalina Arch. Bumaba sila sa sasakyan at humahangang tumitig sa tanawing nasa tapat. Napakaraming mga tao o mga turistang lumilibot sa lugar.
“We’re on the landmark, let's wait for her a little bit,” wika sa kanila ni Señor Gonzales bago ito muling lumulan sa Tuk-tuk at nag-park sa gilid.
Ilang minuto pang paghihintay sa tapat ng arko ay dumating na rin sa wakas ang kliyenteng hinihintay. Moreno ang kulay ng balat, kulot ang mahaba’t itim na buhok, hindi katangusan ang ilong ngunit maganda. Hindi ba’t ganito rin ang kutis at kaanyuan ng mga Pilipina? Hindi nakapagtataka sapagkat may dugong pilipino ang babae.
“Buenos dias,” bati agad ni Coach Caiden sa babae at inilahad ang palad upang makipagkamay.
“Marunong akong magtagalog, Señor,” nakangiting bati nito at nakipag-handshake. "Welcome to Guatemala, Antigua."
Kinagulat nila ang biglang pagtatagalog ng bagong dating. Maliban kay Caiden na alam na Half-Filipino ang client.
"So ikaw si Maria Silvia Alfonso y Caballero?" usisa ni Caiden at tumango naman ang tinuran.
"Ako naman si Caiden at ang dalawang kabataan na kasama ko ay sina Mattia at Rainzel," pakilala nito sa mga kasama. "Siya naman ang Informant namin, si Señor Gonzales."
Kahit hindi nakakaintindi ng Tagalog, nahulaan ni Gonzales na ipinakikilala siya sa dalaga. Bahagya nitong inangat ang cowboy hat sa ulo bilang paggalang.
"Kinagagalak ko kayong makilala. Mabuti pa at doon na lamang tayo mag-usap sa pinakamalapit na Restaurant. Ipaliliwanag ko sa inyo ang mga nangyari sa kapatid ko at kung bakit ako humingi ng tulong sa HEAP," tuwiran na sabi ni Silvia.
***
Nagtungo ang grupo sa Del Arco Restaurant, ang pinakamalapit na kainan doon. Hindi na sila lumayo pa, sapagkat binilin ng dalaga na hindi ito magtatagal. Kailangan lamang nito magpaliwanag hinggil sa misyon.
Nakapalibot silang apat sa iisang mesa, samantalang nagpaiwan na lamang si Señor Gonzales sa labas. Inumpisahan naman ng babae ang usapan sa pamamagitan ng pagpapakilala sa sarili.
"Ang ama ko ay isang Guatemalan at ang aking ina naman ay isang Pilipina. Pareho silang nagtrabaho sa Amerika, nagkakilala at bumuo ng magandang relasyon sa isa't isa bago magdesisyon na magpakasal at tumira dito. Mahabang kwento pero may pagkakataon na hindi sila nagkaintindihan. Kaya dumating ang araw na sinama kami ng aking ina sa Pilipinas. Ilang taon din kaming dalawang magkapatid na tumira sa Pilipinas bago kami kinuha muli ng aking ama."
Nanatili lamang silang nakikinig kay Silvia. Maya-maya pa ay may inilapag na litrato ang babae sa mesa. Tinitigan nina Mattia at Rainzel ang tatlong foreigner na nakangiti sa larawan. Ang isa ay kamukha ni Silvia, ang pangalawa ay isang lalaking matangkad at ang pangatlo ay isang aprikano.
"Ito ang kapatid ko, si Marriana. Kasama niya sa litrato si Leonor, ang pinsan namin at ang kaibigan nilang si Banjoko. Parehong seaman sina Leonor at Banjoko, pumunta lamang sila sa Guatemala para magbakasyon. Naisipan nilang tatlo na mag-hike sa Acantengo Volcano pero ilang linggo na silang hindi nakakabalik," parang maiiyak na si Silvia sa sobrang pag-aalala sa kapatid at sa pinsan.
"Nag-report na po ba kayo sa pulis? Ano pong sinabi nila?" usisa naman ni Mattia. Napatingin sa kaniya si Caiden na tila hindi inaasahan na bigla siyang magtatanong ngunit hindi niya pinansin ang lalaki.
"Nag-file na kami ng missing person case pero walang nangyari sa paghahanap nila. May mga civilian na nakakita sa tatlo bago sila umakyat sa bulkan. Halos pagabi na raw nang umakyat sila sa trail at binalaan sila ng mga good samaritan na huwag na lamang tumuloy dahil tuwing gabi ay may mga nilalang na lumalabas doon. Pero hindi nakinig ang kapatid ko at pinsan, naisip nilang mag-camping doon. Hindi sila naniniwala sa mga sinasabi ng mga tao."
"Pero ba't pinaniniwalaan n'yo na El Cadejo iyon?"
"Dahil tunay na namamalagi ang mga Cadejo roon. Maraming nakakita sa kanila, maraming saksi."
"Tuwing gabi lang po ba sila nagpapakita?" si Rainzel naman ang sumabat.
Tumango si Silvia. "Sinasabi ng alamat na ang Cadejo ay espiritu ng mga multo na may hitsura ng isang aso. Ngunit iginagalang at pinapabayaan ng mga mamamayan ang mga nilalang na ito, sapagkat hindi lahat ng Cadejo ay masama. Mayroong dalawang uri ng Cadejo. ang puting Cadejo na kumakatawan sa mabuti at ang itim na Cadejo na kumakatawan sa masama."
Mukhang nakuha ni Silvia ang interest ng dalawang kabataan. Nagpatuloy ang babae sa pagkwekwento.
"Ayon sa mga kuwento noong unang panahon... Ang Diyos, sa Kaniyang pagsisikap na protektahan ang mga tao, ay nagpasya na lumikha ng isang mabuting espiritu, iyon ang white cadejo. Gayunpaman, nakita ito ni Satanas at nagpasya na magpadala din sa mundo ng mga black cadejo upang makipaglaban sa mga puti."
"So, you think na black cadejo ang nambiktima sa kapatid at pinsan mo?" tanong pa rin ni Mattia.
"Maaari." May diin ang pagsagot ng babae at tila maluluha na sa pagsasalita. "Hindi ako sigurado pero mas okay nang sumubok sa inyo kaysa mag-isip ako habambuhay. Alam ko na may kakayahan ang HEAP na maresolba ang mga kasong may kinalaman sa paranormal. Kung ang resulta ng imbestigasyon ninyo ay hindi cadejo ang may sala, babalik ako sa pagtatanong sa mga pulis."
Natahimik sila ng ilang saglit bago muling nagsalita si Coach Caiden. "Mabuti kang kapatid," aniya, "Maraming salamat sa pagtitiwala sa amin. Huwag kang mag-alala dahil gagawin namin ang lahat ng makakaya para malaman ang totoo."
"Marami ding salamat, " wika nito na may pilit na ngiti sa labi. "Ibinibigay ko na sa inyo ng litratong ito. Sa tulong ng Diyos, sana'y makita n'yo silang buhay pa."
Nagpatuloy pa ang mga katanungan at maiging sinagot iyon ng babae. Pagkatapos ng ilang minutong pakikipag-usap ay nagpaalam na itong aalis.
Naiwan silang tatlo roon upang pag-isipan ang gagawin na plano.
"Ano sa tingin n'yo ang dapat nating gawin?" tanong ni Coach Caiden sa dalawang kabataan.
Nagtaka si Rainzel, hindi ba dapat bilang coach ay alam nito ang susunod na hakbang? Si Mattia naman ay seryoso ang mukha, alam niyang sinusubok lamang sila ni Caiden.
"Wala tayong makukuha kung uupo lang tayo rito at mag-iisip. Kailangan natin puntahan ang Acatenango Volcano at mag-hike din sa gabi. Saka lang natin malalaman kung totoo nga ang mga sinabi ni Silvia. Gayunman, kahit makasaksi pa tayo ng Cadejo, hindi naman natin sigurado kung ito nga ang may kagagawan ng pagkawala ng tatlong biktima," napagtanto ni Mattia. Pagkatapos ay bigla siyang may naalala at napatingin nang diretso kay Rainzel. "Oo tama! May kakayahan si Rain na makipag-usap sa mga paranormal entities. Kaya niyang magkipag-interrogate sa mga cadejo!" Nagningning ang mga mata ni Mattia dahil sa katuwaan.
Parang nahihiya at naiilang naman na hindi makasagot si Rainzel.
"Ang plano n'yo ay mag-camping din sa bulkan at makakita ng Cadejo, pagkatapos ay tatanungin ninyo sila ukol sa kaso ng tatlong turistang nawala," komento ni Caiden.
"What do you think? Posible ito dahil kasama natin si Rain," dugtong pa ni Mattia na biglang inakbayan ang katabing dalaga.
At dahil sa physical contact na hindi napaghandaan ng dalagita, naestatwa ito sa pagkakaupo at nangamatis ang buong mukha.
Napatingin si Coach Caiden kay Rainzel. "Well, its not a bad idea. Kailangan muna natin bumili ng mga kagamitan sa camping pagkatapos pwede na tayong magsimula mamayang gabi. Kaya n'yo na bang magtrabaho o may jetlag pa kayo?"
"May tanghali pa tayo at hapon para magpahinga. Sa tingin ko ay sapat na iyon at kaya na namin mamayang gabi," si Mattia na ang sumagot para sa kanilang dalawa. Wala namang tinutol si Rainzel sa sinabi niya.
Kitang-kita ang kasabikan sa mukha ni Mattia na para bang hindi nito naiisip ang panganib na susuungin. Napabuntong-hininga si Caiden, batay sa resulta ng psychiatric test na ibinigay sa mga bagong aplikante, walang na-detect na kahit anong phobia si Mattia. Dapat talaga ay sineryoso niya ang bilin ni Estrella hinggil sa lalaki. Hindi siya normal na binatilyo at maaaring gumawa ng mga bagay na ikapahamak nila.
Pero napagtanto rin ni Caiden na magiging magaling na pinuno si Mattia. Mukhang nahanap na ng kulelat na Adrenline Junkies ang leader nila. Dahil walang negatibong emosyon na bumabalakid dito, mas nakapag-iisip ito nang maayos. Puno rin ng self-confidence ang binatilyo, isang bagay na maaaring makatulong at isang bagay na maaaring maging pabigat.
***