Acatenango has different ecosystems," salaysay ni Señor Gonzales habang umaakyat sila. "The first part is the farmland, next is the tropical cloud forest. Then, the high alpine forest and at the top is the base camp."
Maraming hindi magagandang pangyayari sa kasaysayan ng mga tao, maraming marahas sa kapwa, maraming mga maling desisyon at maraming walang moralidad. Datapuwa't sa kabila nito, hindi pa rin maitatanggi na napakaganda ng mundo.
At para kay Mattia, lalong napagtibay ang kaniyang paniniwalang magandang ang mundo nang masaksihan niya ang kahanga-hangang tanawin sa tuktok ng Acatenango Volcano.
Para siyang nasa langit sapagkat ang tanging nakikita niya sa paligid ay mga puting ulap na bumabalot sa tuktok ng bulkan. At dahil sa papalubog na araw ay nagkalat ang kulay ng kahel, dilaw at pula sa kalangitan na lalong nagparikit sa kagandahang taglay ng kalikasan. Mula sa base camp, sa lupang niyayapakan, natatanaw niya ang isa pang bulkan na patuloy na naglalabas ng usok sa hangin.
"That's the Volcan de Fuego , it means Volcano of Fire. It is known for its low-level continual activity. Every fifteen to twenty minutes, there are little gas and ash explosions but stronger eruptions happen less frequently," paliwanag sa kaniya ni Gonzales, "Tourists are not allowed to hike there since its dangerous."
Tila nasa loob siya ng computer wallpaper. Tila nasa loob siya ng simulation o sa loob ng gawang larawan ng magaling na artist. Tila wala siya sa tunay na mundo. Hindi niya napigilan ang labis na paghanga.
"And if you look further, you can see the Agua Volcano and Lake Atitlan," dagdag pa ni Gonzales na tinuro ang mga sinabi.
"Magkakatabi pala ang mga bulkan dito. Ang ganda!" bulaslas naman ni Rainzel na tumabi sa kaniya.
"Maganda nga pero hindi tayo nandito para magbakasyon, mga bata. Kung gusto ninyong makalibot sa bansang 'to, kailangan muna nating matapos ang trabaho," paalala naman ni Coach Caiden.
Napalitan agad ang saya sa mukha ni Mattia ng pagkaseryoso."Hindi naman po namin 'yon nakakalimutan."
"Tara na. Ayusin na natin ang mga tent," yaya ng coach na nauna nang maglapag ng mga gamit. Sumunod si Gonzales sa likod nito at nag-umpisa na ring mag-ayos ng kagamitan.
"Ang seryoso talaga niya, noh?" untag ni Rainzel na ang tinutukoy ay ang coach nila.
"Well, he's the leader. Sa totoo lang naiintindihan ko siya. Kapag nawawala sa pokus ang mga teammates, bilang isang pinuno kailangan mo silang paalalahanan."
Alam ni Mattia kung anong sinasabi niya sapagkat sa karanasan niya noong kasama ang Adrenaline Junkies, siya ang tumayong taga-paalala ng grupo. Mas bata sa kaniya sina Joriz at Chubs kaya madalas ay puro kalokohan ang naiisip ng dalawa. At dahil siya ang pinakamatanda at pinaka-matured mag-isip, tagasaway siya sa kapilyuhan ng mga ito.
Nami-miss na niya ang dalawang matalik na kaibigan na tinuturing niyang mga kapatid. Ano na kaya ang ginagawa nila?
Matapos makapag-ayos ng tent ay sinabihan na sila ni Coach Caiden na magpahinga. Itutuloy na lamang nila ang imbestigasyon kinabukasan. Nakausap na ni Coach Caiden ang namamahala sa Base Camp at nakakuha siya ng ilang impormasyon ukol sa pinuntahan ng tatlong turista bago maglaho ang mga ito. Ngunit sa kasamaang palad ay ayaw nang magsalita pa ng mga lokal na mamamayan hinggil sa pangyayari. Bukas ay susubukan nilang puntahan ang tinurong lugar ng tagapamahala, pansamantala ay kailangan nilang magpahinga.
Ngunit hindi makatulog si Mattia, kahit anong pagpikit niya ay hindi niya maipahinga ang diwa. Pabalikwas siya nang pabalikwas sa higaan, papalit-palit ng puwesto. Hindi siya sanay sa ganitong klaseng environment, napagdesisyunan niya na tumihaya at tumulala muna sa bubong ng tent. Maya-maya pa ay naisip niyang magpahangin sa labas.
Habang nahihimbing ang mga kasama sa loob ng kaniya-kaniyang sleeping bag, bumangon siya at lumabas sa tent. Dahan-dahan siyang kumilos upang hindi makalikha ng ingay na makakagising sa mga ito.
Tumambay at umupo siya sa malaking tipak ng bato saka nanood sa patuloy na pagbuga ng usok ng Bulkang Fuego. Sa tuktok niyon ay may pulang likido nang dumadaloy. Pinanood niya iyon habang dinadama ang malamig na simoy ng hangin. Napabuntong-hininga siya nang tumitig sa sanlibong bituin na kumikislap sa kadiliman. Napakaganda talaga.
Maya-maya pa ay tumunog ang notification sa kaniyang selepono. Tinitigan niya kung sino iyon at lumaki ang ngiti sa labi nang mabasa ang pagkainggit sa mensahe nina Chubs at Joriz. Kanina kasi ay pinadalhan niya ang mga ito ng mga larawan sa kanilang group chat.
Ang daya talaga! Samantalang kami si Detective Buysit lang ang nakikita rito! - si Joriz.
Ang ganda diyan, bro. Sana kapag nakapasok ka na sa HEAP, makapag-travel tayong tatlo. - si Chubs.
"Hinahangad ko rin," naisip ni Mattia. Nais niyang makapasok sa HEAP hindi lang para masagot ang mga katanungan sa kaniyang buhay kundi para makasama rin ang mga matatalik na kaibigan, malibot nila ang buong Pilipinas at ang buong mundo. Nais niyang makalutas ng mga misteryo, makahanap pa ng ibang mga mythical creatures, at makakilala ng mga bagong kaibigan.
Sa saglit na katahimikan na tinatamasa niya ngayon, nangarap ang diwa ni Mattia. "Sana rin, balang-araw, mahanap ko rin ang aking ama."
"Are you okay?"
Naudlot ang kaniyang malalim na pag-iisip nang may marinig na boses sa likod. Lumingon siya at nakita ang nag-aalalang mukha ni Rainzel.
"Yes. Hindi lang ako makatulog."
"Sa totoo lang, ako rin. Nakita kitang lumabas sa tent kanina." Lumapit sa kaniya ang dalaga, tumabi sa kaniya at umupo. Tumingala ito sa langit at kumislap ang mga mata. "Ang ganda... napakaganda talaga rito. Para akong nasa loob ng libro."
Lihim na ikinatuwa ni Mattia ang pagtabi nito sa kaniya. Mabuti naman at nababawasan na ang pagiging mahiyain ni Rainzel.
"Speaking of books, hindi ba't may isinusulat kang libro?"
Parang ikinagulat nito ang kaniyang sinabi at biglang napatitig nang diretso sa kaniya. "Paano mo nalaman?"
"Nakita ko lang kanina. Observation ko lang dahil lagi kitang nakikitang nagta-type sa cellphone or nagsusulat sa notebook."
"Ah...." Iniwas nito ang paningin. "Nagsusulat ako tungkol sa mga supernatural creatures. Gusto ko lamang ma-educate ang mga tao tungkol sa kanila. Iniisip kasi ng karamihan na lahat sila ay delikado at masama."
"Ah, I see. Kapag natapos mo na 'yang libro mo at nakapag-published ka na, pwede bang makabili ako ng kopya?"
Matamis itong ngumiti ngunit tila nahiya muli. "Oo naman, k-kung gusto mo, sa 'yo na ang complimentary copy ko, eh. Ibibigay ko sa 'yo nang p-personal," pabulong nitong sinabi ang huling salita kaya halos hindi niya narinig.
Ngunit naputol ang kanilang taimtim na usapan nang may marinig na kaluskos si Mattia. Napatayo siya mula sa pagkakatayo at seryosong tumitig sa pinagmulan ng ingay. Malabo man ang naaaninag ngunit sigurado siyang may nakatayong kulay itim sa trail na papunta sa kagubataan.
Napatayo rin si Rainzel at nagtatakang sinundan ng tingin ang tinititigan niya. "Ano 'yon, Mattia?"
"Hindi mo ba nakikita? May nakatayo roon!" aniya at walang pasubali na tinakbo ang trail upang matingnan iyon nang malapitan.
"Mattia, wait! Kailangan muna natin magpaalam kay Coach," pigil naman ni Rainzel ngunit hindi na niya pinakinggan. Sumunod sa kaniya ang babae.
Samantala, kanina pa gising si Coach Caiden dahil naalimpungatan din ngunit pinili nitong huwag lumabas ng tent at nagkunwaring natutulog. Inobserbahan lamang nito ang dalawang kabataan at nag-isip nang malalim.
"Wala kaming clue kung sino ang maysala o kung ano ang nangyari sa tatlong turistang nawawala. Hahayaan ko ba na ang mga bata ang makadiskrube ng misteryo? Bilang coach nila, responsibilidad kong itulak at hasain ang kanilang kakayahan. Anong dapat kong gawin sa ganitong sitwasyon?"
Ipinikit niya ang mga mata at inalala ang mga sinabi ni Estrella tungkol kay Mattia. Ayon sa case report na ipinasa ng Adrenaline Junkies noong nakaraang buwan, si Mattia raw ang nakapatay sa Matruculan na namiminsala sa bayan ng Capiz. Nagkaroon ng interest ang affliated group sa binatilyo dahil sa pambihira nitong kakayahan at katapangan. Dapat ba siyang magduda o magtiwala sa kakayahan ni Mattia?
Ngayon lamang siya na-pressure nang ganito sa trabaho. May ibinigay sa kaniyang napakalaking isda na hindi niya alam kung paano alagaan. Maya-maya pa ay muling bumalik ang coach sa pagkakahiga at inunan ang mga braso. Napabuntong-hininga na lamang siya at lihim na ipinalangin ang kaligtasan ng dalawang kabataan.
***
Isang kulay itim at napakalaking aso na may malalagong balahibo. Kasinglapad at kasinglaki ito ng baka. Ang mga paa nito ay maihahalintulad sa paa ng kambing. Ngunit ang nagbigay pansin sa kanila ay ang pulang mga mata nito na tila umiilaw sa kadiliman. Malalaki ang mga pangil nitong nakalabas at tumutulo pa ang laway sa bibig. Saglit silang natigilan sa paglapit upang masinsinang tingnan ang itsura ng halimaw.
Nahintakutan agad si Rainzel na napakapit sa likuran ni Mattia. Samantalang si Mattia ay seryoso lamang na nakatingin sa El Cadejo. "Hindi ko inaasahan na may magpapakita agad sa atin. Akala ko tayo ang maghahanap sa kanila pero sila ang lumalapit sa atin," aniya.
"Huwag mo siyang kausapin, Mattia. Sabi ng mga mamamayan dito, sinumang kumausap sa mga aso na iyan ay mababaliw," saway ni Rainzel na natatakot pa rin ang mga mata.
"Naniniwala ka sa kanila, Rain?"
Natigilan si Rainzel at pinakinggan ang sinasabi niya.
"Higit kaninuman tayo ang makakaintindi sa kanila. Kung talagang mapanganib siya, bakit hindi pa niya tayo inaatake o bakit wala naman siyang ginagawa?"
Agad na napagtanto ng dalagita ang kaniyang punto. Napatingin ito sa Cadejo na nakatayo lamang doon at nakatingin sa kanila.
"Nararamdaman ng nilalang na 'to na tumutulong tayo sa mga katulad nila," wika ni Mattia, "Sa tingin ko ay may gusto siyang sabihin kaya nagpakita siya sa atin."
"W-What?" Hindi makapaniwala si Rainzel sa mga naririnig. Bumalik ang paningin nito sa nilalang na nasa harap. Napasinghap ang babae nang may marinig na boses sa diwa at biglang tumalikod ang Cadejo saka naglakad pabalik sa gubat. "S-Sa tingin ko, gusto niyang sumunod tayo sa kaniya."
"Then let's go," desididong sabi ni Mattia na nauna nang naglakad.
Pinigil ni Rainzel ang braso niya. "Saglit lang, Mattia! Black Cadejo 'yan at ayon sa sinabi sa atin ni Silvia, masasama sila."
Saglit na natigilan ang binata at tumitig sa mga mata ng kaibigan. "Mabuti pa, manatili ka na lamang dito. Puntahan mo si Coach Caiden at sabihin mong nakakita na tayo ng Cadejo," bilin niya at akmang susundan pa rin ang nilalang.
"Huwag mong sabihin na susundan mo siyang mag-isa!" Hindi pa rin binibitawan nito ang braso niya.
"Huwag kang mag-alala. Kaya kong protektahan ang sarili ko. Sayang ang pagkakataon, Rain. Mabibigyan agad tayo ng clue sa imbestigasyon kung masusundan ko siya. Magtiwala ka sa akin," iyon lamang at tinanggal niya ang mga kamay nitong nakakapit. Naglakad siya papunta sa gubat.
Naiwan si Rainzel na naguguluhan sa dapat gawin. Gigisingin ba niya sina Coach Caiden at Senyor Gonzales upang ibalita ang nakita? O susundan niya si Mattia na mag-isang pumunta sa loob ng gubat? Ngayon lamang napagtanto ni Rainzel ang disadvantage ng isang taong hindi marunong matakot o makaramdam ng panganib. He's reckless!
***