"Bravery and stupidity have a slight wall in between. When the plot succeeds, we define it as bravery, but if it fails, we call it stupidity."
Naalala ni Mattia ang salawikain na iyon. Sinabi sa kaniya iyon ni Lolo Guido at binanggit pa ng matanda na maibubuod nito ang pagkatao niya sa mga pangaral na iyon. Hindi sinasabi ng kaniyang ingkong na siya'y matapang ngunit madalas nitong banggitin na siya'y isang hangal. Para sa kaniyang ingkong ang tunay na matapang ay humaharap sa kalaban kahit na natatakot. At dahil wala siyang kakayahan na matakot, wala rin daw siyang kakayahan na maging matapang.
Sumasang-ayon si Mattia sa pangaral ng matanda. Kaya nga, nais niyang maging normal. Nais niyang makaramdam ng takot katulad ng mga normal na tao. Dahil inaamin niyang nagiging problema siya ng karamihan dahil sa pagiging pangahas.
Ngunit hindi niya mapigilan ang sarili. Kusang lumalakad ang kaniyang mga paa upang sumalubong sa panganib. Nakahawak siya sa selepono at nakabukas ang flashlight niyon upang makita niya ang daan.
Naaninag niya ang black cadejo sa trail na dinaraanan, paminsan-minsan ay tumitigil ito sa paglalakad at lumilingon sa kaniya na para bang tsinetsek kung sumusunod pa rin siya.
Inaamin ni Mattia na wala siyang ideya kung saan sila patungo at hindi rin niya kabisado ang daan pabalik. "Damn! Hangal nga ako. Lagi kong inilalagay ang sarili ko sa alanganin. Naliligaw na yata ako."
Tumigil siya sa paglalakad nang biglang huminto ang cadejo sa unahan. Humarap ito sa kaniya at naglakad palapit. Nagtaka siya sa kinilos nito, lalo pa't paglinga niya sa kanan at kaliwa ay nagsisulputan na rin ang ibang black cadejo. Napaatras siya ngunit pagtingin niya sa likod ay may isa ring itim na cadejo.
Naalala niya ang sinabi ni Rainzel— ang itim na cadejo ay masama. Dito na ba matatapos ang kaniyang buhay? Napabuntong-hininga si Mattia, kahit talaga sa oras ng kamatayan, hindi pa rin siya nakakaramdam ng takot.
Nanatili siya sa pagkakatayo roon at hinintay na makalapit ang mga nilalang ng kadiliman. Hindi siya sumigaw o nag-panic, hinayaan niyang ma-corner siya ng mga ito.
Binuka na niya ang bibig upang magsalita. "Ano bang balak ninyong gawin? Balak n'yo ba akong gawing midnight snack?"
Nagtatakang tinitigan lamang siya ng cadejo na nasa harap.
"Wait, hindi ba kayo nakakaintindi ng Tagalog? Uhm, how about... what are you planning to do?" aniya ngunit wala pa ring tugon ang mga ito at naguguluhan pa rin na tinitigan siya. Mukhang nalilito ang mga itim na cadejo kung anong gagawin sa kaniya.
"Hindi n'yo pa rin maintindihan? Damn! I can't speak spanish!" Napasapo siya sa ulo. "Paano ko kayo kakausapin? Sana pala sinama ko si Rainzel, makakausap n'yo siya through telepathy. Nakakaintindi siya kahit ano pa ang inyong wika."
Ngunit hindi na pinakinggan ng mga ito ang sinasabi niya. Lumapit ang cadejong nasa harap at napakislot siya nang ilapit nito ang nguso. Akala niya ay sasakmalin nito ang kaniyang kamay ngunit inamoy-amoy lamang nito ang kaniyang mga daliri. Napatawa si Mattia. "Parang ordinaryong mga aso rin pala kayo. Akala ko kakagatin mo na ako, eh."
Walang pasubali na inangat niya ang kamay at sinubukang hawakan ang ulo ng nilalang. Bahagyang napaurong ito na tila natakot. Nabawi niya ang mga kamay. "Pasensya na. Hindi pala kayo sanay na hawakan ng tao."
Ngunit naramdaman ng nilalang ang mabuti niyang puso. Inilabas nito ang dila upang dilaan ang kaniyang kamay. Nagulantang si Mattia lalo pa nang makita niyang kumakawag-kawag ang buntot nito.
Ngayon, wala na siyang nakikitang pagkakaiba ng mga cadejo sa mga ordinaryong aso. Nakangiting hinaplos-haplos niya ang ulo ng nilalang at hindi na ito umiwas sa kaniyang palad.
Pagkatapos ay tumalikod muli ang nilalang at nagsisunuran ang iba pang mga cadejo. Nagtatakang napatingin si Mattia sa mga ito.
Tumigil ang grupo ng mga cadejo sa paglalakad at nilingon siya. Mukhang hinihintay siya ng mga ito na sumunod.
Nakahinga nang maluwag na nagpatuloy siya sa paglalakad. Sigurado na siyang hindi siya sasaktan ng mga ito. Sa totoo lamang, habang naglalakad ay tila may body-guard siya na malalaking aso. Para siyang amo na binabantayan ng mga alaga.
Ngunit palaisipan pa rin ang nangyayari. Saan ba siya dadalhin ng mga Cadejo? Ano bang gustong ituro ng mga ito sa kaniya?
***
"Ah, umalis si Mattia."
Ipinikit-pikit ni Rainzel ang mga mata dahil hindi niya inaasahan na iyon lamang ang sasabihin ng kanilang coach pagkatapos niyang ibalita ang nangyari.
"O-Opo Coach Caiden, mag-isa po siyang pumasok sa gubat para sundan ang cadejo."
"Hayaan mo, babalik din 'yon."
Napamaang ang kaniyang bibig. Walang makikitang pag-aalala sa mukha ni Caiden at mukhang nagambala lang ito sa mahimbing na pagkakatulog. Hindi ba nito naiisip na nasa panganib si Mattia?
"P-Pero coach..." Nais mangatwiran ni Rainzel.
"Una, pinagbawalan ko kayong 'wag gumawa ng hakbang na hindi ko nalalaman pero ginawa niyo pa rin. Kasalanan ni Mattia kung hindi siya makakabalik dito. At kung hindi nga siya makakabalik, hindi siya karapat-dapat na maging paranormal expert."
"Pero coach, hindi ba't responsibilidad n'yo kapag may nangyari sa kaniya?!"
"Hindi ba't pumirma kayo sa consent form?"
Natameme si Rainzel. Hindi niya gusto ang pinatutunguhan ng usapan. Binanggit nito ang consent form, ibig-sabihin ay hindi nito sagutin kung mapahamak man silang dalawa ni Mattia, sapagkat pumayag silang isakripisyo ang mga buhay sa panganib. Maluwag sa kalooban at walang tulak ninuman na pumirma sila sa information consent form.
"Kung nag-aalala ka sa kaniya, ba't hindi mo s'ya sundan?"
Ayaw nang makinig ni Rainzel. Baka hindi niya mapigil ang sarili na sumagot nang pabalang at bastusin ang lalaking kaharap.
"Duwag! Duwag! Duwag!" nais niyang isigaw ang mga salitang iyon ngunit hindi niya ginawa. Tumayo na lamang siya at nakasimangot na kinuha ang flashlight sa bagpack bago lumabas ng tent.
Napabuntong-hininga si Caiden nang makitang lumabas si Rainzel. Alam ng ginoo na hindi mauunawaan ng dalagita ang sinusubukan niyang gawin. Nais lamang niyang makita kung anong abilidad ng bawat isa kaya hindi siya kumikilos. Ngunit batay sa reaksyon ng mukha ni Rainzel, mukhang namumuhi na ito sa kaniya.
***
Nagtatakang tumigil si Mattia sa paglalakad nang may natanawan na liwanag sa hindi kalayuan. May naririnig din siyang mga boses na nagmumula roon. Lumingon sa kaniya ang cadejo na kasama at ipinatong ang paws nito sa hawak niyang flashlight. Naintindihan niyang pinapapatay ng nilalang ang dala niyang liwanag. Pinatay niya muna ang flashlight ng selepono at isinuksok ito sa bulsa. Pagapang at maingat siyang lumapit sa pinagmumulan ng mga boses.
Nagtago siya sa kadiliman at likod ng mga puno upang magmanman sa nangyayari sa lugar na iyon.
Pagkasilip niya ay nakita niya ang grupo ng kalalakihan na nakatayo sa isang taniman at tila may inilalagay sa sako. Ngunit hindi niya sigurado kung ano ang mga iyon dahil hindi niya masyadong makita sa dilim.
Ikinagulat niya nang mamukhaan ang kulot na lalaki na una niyang nakita sa Aldea La Soledad.
Kumunot ang noo ni Mattia. Anong klaseng transaction ang nangyayari dito? Anong pinag-uusapan nila? Hindi siya nakakaintindi ng espanyol. Anong ginagawa nila sa ganitong oras? Bakit siya dinala rito ng mga cadejo? Nadagdagan ang mga katanungan sa isip niya.
Napanganga siya nang may dumating na dalawang lalaking may bitbit na mga rifle. Kasama ng mga ito ang dalawang white cadejo.
Ngayon lamang siya nakakita ng puting cadejo sa tanang buhay niya. Halos magkamukha ang dalawang uri ng cadejo at ang pagkakaiba lamang nila ay sa kulay ng balahibo at mga mata. Bughaw ang kulay ng mga mata ng puti at pula naman ang mga mata ng itim.
White cadejo, ibig-sabihin ay mababait sila 'di ba? Pero bakit... hindi ko na maintindihan ang nangyayari.
"Mira lo que encontré!" sumigaw ang isang lalaki at ibinalibag nito sa lupa ang isang lambat. Tinitigan iyon ni Mattia at napasapo siya sa bibig nang makitang nasa loob ng lambat ang isang kulay itim na cadejo. Mukhang sugatan din ang nilalang.
Subalit walang awa na pinagpupukpok at pinaghahampas ng kahoy ng mga lalaki ang walang laban na nilalang. Dinig na dinig ni Mattia ang atungal ng kaawa-awang malaking aso.
Hindi na siya makapagtimpi. Akma na siyang susugod upang pigilan ang mga ito sa karumal-dumal na gawain, subalit nahinto si Mattia. Naramdaman niyang kinagat ng kasamang cadejo ang laylayan ng jacket niya na para bang pinipigilan siyang umalis sa tinataguan.
Nasa mga mata niya ang pagtatanong ng bakit. Umiling lamang ang nilalang habang kagat-kagat pa rin ang kaniyang damit.
Ito ba ang gusto nilang ipakita?
Maya-maya pa ay tumahimik na ang paligid. Napagtanto niyang tuluyan nang namatay ang cadejong nahuli.
"Vamos a cazar más de ellos," narinig niyang wika ng isa nilang kasapi.
Gumalaw ang dalawang tainga ng cadejong kasama nang marinig ang mga salitang iyon. Bigla siya nitong hinila na para bang pinapaalis na siya sa lugar.
Hindi maunawaan ni Mattia kung anong nagaganap ngunit sumunod siya sa nais ng cadejo lalo pa't biglang sumigaw ang isang lalaki ng, "Qué es eso?!" At itinutok nito ang rifle na hawak sa punong tinaguan niya.
"Podría ser el viento?" hinuha naman ng pangalawa.
Nakayuko at gumagapang na umalis siya, sinigurado niyang wala siyang malilikhang ingay. Kasama niya pa rin ang mga kaibigang cadejo na bumalik sa pinagmulang trail. Salamat sa Diyos at hindi siya nahuli ng mga lalaki.
***
Mangiyak-ngiyak si Rainzel habang naglalakad mag-isa sa gubat. Sinisisi niya ang sarili, dapat pala ay sumama na siya kay Mattia kanina. Ganito rin pala ang mangyayari.
Ni hindi niya maidiretso ang pagkakahawak sa flashlight dahil sa pangangatog. Nanginginig din ang boses niya habang isinisigaw ang pangalan ng kaibigan, "M-Mattia?!" Ngunit wala namang tumutugon sa pagtawag niya. Mag-isa lamang siyang naglalakad sa paligid.
"Naliligaw na yata ako. Ang lamig pa rito. Mattia! Nasaan ka na ba? Sana naman ay hindi ka lumayo. Please, bumalik ka na."
Nahinto siya sa paglalakad nang may makitang puting nilalang na nakaupo sa daan. Kinusot niya ang mga mata at pinasingkit ito upang makita nang mabuti ang natatanawan.
Hindi siya nagkamali. May nakikita siyang puting cadejo sa harap. Kasing laki rin ito ng baka, mabalahibo at tila umiilaw ang bughaw na mga mata. Kumakawag-kawag ang buntot nito, nakalawit ang dila na tila normal na aso.
Nagningning ang kaniyang mga mata dahil sa labis na katuwaan. "White Cadejo! Isang mabait na espirito." Nagmadali siyang lumapit upang salubungin ito ngunit biglang natigilan. Namilog ang kaniyang mga mata nang biglang nag-iba ang itsura nito. Tumayo ang mga balahibo nito, lumapad ang pagkabuka ng bibig na tila nakangisi, lumabas ang malalaking pangil at nagsitulo ang mga laway.
Instinct. Naramdaman ni Rainzel. Hindi mabait ang isang ito katulad ng sinasabi nila.
Napatili siya nang biglang tumalon ang cadejo upang sakmalin ang buong kaluluwa niya. Hindi agad siya nakakilos sa pagkakatayo. Bago pa man siya masaktan ay may itim na nilalang na bigla ring tumalon sa kung saan. Nakita niyang sinakmal ng itim na cadejo ang puti at tumalsik ang dalawa sa mga halaman.
Natumba sa lupa si Rainzel dahil sa pagkagimbal at bilis ng mga pangyayari. Napatulala siya habang nakaupo at nanonood sa paglalaban ng dalawang nilalang.
"Rain!" Narinig niya na may tumawag sa kaniya at humila sa kaniyang kanang braso. Napatayo siya at napatakbo nang kaladkarin siya ng taong iyon palayo.
"Mattia!" Napagtanto niya kung sino ang lalaki. Nakaramdam siya nang katuwaan nang makitang ligtas si Mattia. Ngunit agad din napawi ang ngiti niya nang makitang kasabay nilang tumakbo ang mga itim na cadejo.
"Huwag kang matakot. Mababait sila," wika ni Mattia.
Maya-maya pa ay natanawan na nila ang mga ilaw sa base camp. Nang makitang malapit na sila sa ligtas na lugar, tumigil na ang mga itim na cadejo sa pagsunod sa kanila.
***