Puyat. Pagod. Kalungkutan.
Hindi na nakapagtataka kung bakit napakatahimik ng dalawang kabataan sa isang buong araw na biyahe. Dahil walang non-stop flight patungong Pilipinas, naghanap pa sila ng connecting airports. Ngunit kahit sa stop-over nila ay walang ginawa ang dalawang kabataan kundi magpahinga at matulog lamang sa sleeping pod ng airport. Sapagkat ang mga ito ay puyat, pagod at nalulungkot.
Kinabukasan na sila ng hapon nakarating sa NAIA. Kahit sa pagbaba ng eroplano ay lulugo-lugo pa rin ang dalawa. Pagdating sa arrival area ay iginiya sila ni Coach Caiden na dumiretso sa pinakamalapit na coffee shop.
Pagpasok nila sa cafe ay kinagulat pa nila ang naabutan. Nakita nila si Estrella na naghihintay sa isang table. Nakakrus ang mga binti ng ginang, bahagya pa nitong inayos ang salamin sa mata habang binabasa ang menu. Hindi binanggit ni Coach Caiden na naghihintay pala sa kanila si Estrella. Lumapit sila sa ginang, saka lamang nito napansin ang pagdating nila.
"Good morning, Estrella," bati ni Coach Caiden na umupo sa tabi ng babae.
Walang gana na umupo sina Mattia at Rainzel sa tapat ng mga ito. Hindi makatingin ang dalawang kabataan sa mg matatanda.
"Um-order muna kayo ng makakain. Alam kong hindi pa kayo naghahapunan," bilin nito sa kanila.
Binasa nila ang laman ng menu at pumili lamang ng cafe latte, fries at sandwich. Ayaw nilang kumain ng marami sapagkat baka mabigla ang kanilang sikmura.
Habang hinihintay nila ang in-order na pagkain, minabuti ni Estrella na simulan ang pakay. "Nabasa ko ang case report na pinadala ng coach ninyo through email. Sad to say, na nabigo kayo na mailigtas ang mga biktima."
Nagyuko sila ng ulo. Inihahanda na nina Mattia at Rainzel ang mga sarili sapagkat alam nilang sasabihin ng babae na hindi sila nakapasa.
"Gayunman, wala na tayong magagawa pa. Patay na nang matagpuan ninyo ang dalawang lalaki." Napabuntong-hininga si Estrella. "Ngayon naintindihan n'yo na ba kung gaano kahirap makapasok sa HEAP?"
Hindi nila alam kung ano ang itutugon kaya nanatili silang nakatahimik at nakikinig lamang.
"Anyway, pirmahan n'yo na ito para makauwi na ako." Inilapag ni Estrella ang apat na pirasong dokumento sa harap nila.
Tinitigan nina Mattia at Rainzel ang ibinigay sa kanilang dokumento. At ganoon na lamang ang panlalaki ng mga mata nila nang makitang employment contract iyon. Nagtatakang napatingin sila sa coach ngunit ngumiti lamang ito sa kanila.
"Pero mission failed po kami," hindi pa rin makapaniwalang wika ni Mattia.
"No." Umiling si Estrella. "Ang misyon ninyo ay mahanap ang tatlong turistang pinapahanap ng kliyente. Hindi binanggit sa written statement na ipinasa ng client na kailangang buhay ang tatlong biktima. Kaya buhay man o patay ang mga iyon, basta mahanap ninyo sila, mission success ang isusulat ng coach ninyo sa report."
Napanganga sina Mattia at Rainzel. Hindi pa rin sila makapaniwala.
"Isa pa, isang linggo ang palugit pero nagawa ninyong matapos ang misyon sa ikaanim na araw n'yo sa Guatemala. Congratulations, guys. Welcome to the HEAP." Matamis na ngumiti ang babae.
Wala nang masabi pa sina Mattia at Rainzel. Kahapon pa sila nalulungkot sa mga nangyari. Ang akala nila ay hindi sila tatanggapin sa HEAP dahil ang tingin nila'y natalo sila sa misyon. Nagkatinginan silang dalawa at napangiti.
"Pirmahan n'yo ang employment contract ngayon dahil kailangan ko. Pero iyong application form bukas n'yo na ipasa sa opisina ko, kasama ang iba pang requirements na hinihingi namin. Nakalagay sa application form ninyo kung sasali kayo as a member of affliated group o magiging solo expert. Individual investigator ang isusulat niyo sa form kung gusto ninyong maging solo expert."
Natigilan si Mattia sa pagsusulat ng pangalan sa kontrata. Napatingin siya kay Rainzel, binabasa ng babae ang laman ng papel. May naglarong ideya sa kaniyang isip habang pinapanood ang babae.
***
Pagkatapos ng meeting nila sa Cafe Resto, nakipagkamay sa kanila si Estrella bago ito tuluyang lumisan. "See you tomorrow, mga bata." Iyon lamang at nauna na itong umalis sa harap nila.
"I guess this is goodbye then." May simpatya sa mukha nang bumaling sa kanila ang coach.
"Yeah, it seems that way." Medyo nakaramdam ng kalungkutan si Mattia. Kahit may pagkakataon na naiinis siya sa lalaki, sa totoo lamang ay kaibigan na rin ang tingin niya rito. "Marami kang itinuro sa amin, Coach. Tatandaan namin lahat ng iyon."
Tumango ang lalaki. "Ba't ba ganiyan ang itsura ninyo." Tumawa ito. "Magkikita pa tayo dahil sa NCR branch din ako nagtratrabaho."
Kinagulat nila ang biglang paghalakhak ng lalaki. Sa buong misyon nila sa Guatemala, kahit kailan ay hindi man lang ito tumawa. Marahil, dahil hindi na sila mga trainees, handa na itong magpakilala ng tunay na sarili.
"Take care of yourself out there, okay?" untag nito sa kanila.
"Ikaw rin, coach."
"Paalam na, baka magkaiyakan pa tayo rito," biro pa nito sa kanila bago tuluyang tumalikod at naglakad palayo.
Sinundan nila ng tingin ang lalaki. Nasa mga mata nila ang kislap ng pamamaalam at pasasalamat.
Nang silang dalawa na lamang ni Rainzel ang naiwan, bumaling si Mattia sa babae at nagtanong. "Rain, hindi ka ba nagmamadali? Pwede ka bang makausap nang saglit?"
Napamaang ang bibig nito. Halatang nagtaka sa biglang pagyayaya niya. " Oh sige." Tumango ito.
***
Nilakad nilang dalawa ang sidewalk. Ang naririnig lamang nila sa paligid ay ang tunog ng mga rumaragasang sasakyan. Nagkikislapan ang mga street lights sa kalagitnaan ng mapayapang gabi. Inaamin ni Mattia, nakaka-miss ang Pilipinas.
Naramdaman niya ang hampas ng malamig na hangin sa kaniyang mukha. Bumaling siya sa kasama. Nilalaro lamang ng hangin ang buhok nito at nakatuon ang mga mata sa kalsada.
"Rain, kumusta na ang sinusulat mong libro?" tanong niya sa babae. Lumingon ito sa kaniya.
"Sa ngayon naisulat ko na ang lahat ng detalye na alam ko tungkol sa cadejo. Pero hindi pa tapos ang libro dahil alam kong marami pang mythical creatures sa mundo na hindi ko pa nakikilala."
"Ngayon na paranormal investigator ka na rin ng HEAP, siguradong marami ka pang makikita at maisusulat."
Tumango si Rainzel habang may ngiti sa labi. "Yes, you're right."
Tumigil siya sa paglalakad at seryoso ang mukha nang tawagin ang babae. "Rain..."
Napatigil din ang dalagita nang huminto si Mattia. Nagtatakang tumingin ito sa mga mata niyang nag-aalala.
"Gusto mo bang sumama sa akin?" diretsong tanong ni Mattia, may pangamba sa boses. "Gusto mo bang maging isa sa mga Adrenaline Junkies?"
Ikinagulat ni Rainzel ang sinabi niya. Saglit na nagningning ang mga mata ng babae dahil sa kasiyahan. Ang binata naman ay matiyagang naghintay ng tugon.
Ngunit bigla ring nag-iba ang damdamin ng babae. Pagkuwa'y nagbaba ito ng tingin at nalungkot na parang may naalala.
"Mattia, ang plano ko talaga ay maging solo expert," sagot nito na naglakad muli.
Saglit na napamaang si Mattia bago naisipan na sumunod sa likod ng dalaga.
"Nagmula ako sa isang relihiyoso at espiritual na pamilya, ipinanganak na may psychic ability. May kapatid akong babae na sumali sa HEAP. Isang araw pinadala sila sa US para tapusin ang isang kaso na hindi maresolba ng mga expert doon. Mahabang kwento pero sa dulo, siya lang ang nakaligtas sa mga team mates niya.
Nag-resign siya at ilang taon na naging depressed. Hanggang sa dumating sa puntong nakita namin siyang nakalambitin sa kuwarto."
Natahimik siya Mattia at ikinalungkot niya ang narinig na kuwento. "Im sorry..."
"Isang taon ang lumipas nang magpakamatay ang kapatid ko, sumubok akong pumasok sa HEAP. Ang tanging naiwan ng ate ko sa akin ay ang invitation doon. Noong buhay pa siya, lagi niya akong niyayaya na sumali... pero lagi ko siyang tinatanggihan. Nagsisisi ako..."
Napabuntong-hininga si Rainzel. "Nang makita ko si Marriana at hindi ko siya nagawang iligtas, nagsisisi rin ako."
"Rain, its okay..." nag-alala si Mattia nang makita namamasa ng luha ang mga mata ng kaibigan.
Bahagyang natawa si Rainzel, napahinto sa paglalakad at nahihiyang pinunasan ang mga mata. "Nakakahiya... pasensya na."
"I understand."
"Nag-aalinlangan ako sa sariling kakayahan, Mattia. Masyado akong mahiyain. Maraming kinakatakutan sa sarili..."
"Naiintindihan ko." Tumango siya. "Kung gusto mong maging solo expert para ma-improve ang sarili mo, hindi kita pipigilan."
"Patawarin mo ko, Mattia ngunit kung sasama ako sa 'yo, maaaring dumepende lamang ako sa kakayahan mo. Gusto kong maging solo expert para matutong maging independent sa sarili. Gusto kong matuto sa sarili kong mga paa."
"Naiintindihan ko, Rain. Pero tandaan mong laging bukas ang pinto ng Adrenaline Junkies sa 'yo." Ngumiti lamang si Mattia. "Maliit lamang ang mundong kinagagalawan natin, siguradong magkikita muli tayo."
Nag-iwan sila ng matamis na ngiti sa isa't isa. Nakakalungkot man ang magkahiwalay, naniniwala silang magtatagpo muli ang kanilang mga landas.
"Until next time." Inilahad niya ang kanang palad at nakipagkamay ang dalagita.
Pagkatapos ng ilan pang salita ng pamamaalam ay nagkahiwalay na sila ng lalakaran. Mabigat man ang mga naranasang pagsubok, magaan ang kanilang loob na umuwi nang gabing iyon.
Sapagkat, marami pang pwedeng mangyari sa daang kanilang tinatahak at nasasabik sila sa panibagong paglalakbay.
***