Itinaas ni Joriz ang zipper ng jacket niya at biglaang napahatsing. Kasabay pa nito ay ang pagtulo ng sipon niya sa ilong, mabilisan niyang pinunasan iyon gamit ang likod ng kamay. Kasalukuyang nasa Bicol Region ang dalawang magkaibigan at nilulutas ang kaso sa bayan ng Catanduanes.
“Ang lamig pala rito!” angal pa niya na napayakap sa sarili at hinaplos-haplos ang sariling braso.
“Puro ka naman reklamo!” wika ni Chubs habang hawak ang paranormal detector na may dalawang silver rod sa dulo. Kasing-laki ng ipad ang hawak niyang gadget. Kanina pa siya paikot-ikot sa kusina ng bahay upang mahanap ang Pirotso na nananakot daw ng mga bata.
Ang Pirotso ay isang uri ng nilalang na nagtatago sa loob ng mga kaldero. Binibiktima nito ang mga batang hindi kumakain ng hapunan o mga paslit na masyadong maselan sa pagkain. Hinihila nito ang mga biktima sa loob ng kaldero at kapag nakuha ang biktima ay hindi na ito makikita kailanman.
Noon ay gawa-gawang kuwento lamang ng mga matatanda ang pirotso, upang takutin at bigyang leksyon ang mga batang mapili sa pagkain.
Ngunit dahil sa dami ng bilang ng mga batang na-trauma, ika ng mga ito ay may nakita raw silang naglalakad na kaldero. Naisip ng kabahayan na baka totoo na ring nabubuhay ang mga Pirotso. Kaya naman humingi na rin ng tulong sa HEAP ang buong barangay. Ang kaso nila ay mula sa public client - national mission category na may set time frame na isang linggo.
“Nakakatawa! Naghahanap tayo ng kalderong naglalakad. Hindi naman siguro ganoon kadelikado ang Pirotso,” dugtong pa ni Joriz sa reklamo niya. “Nakauwi na kaya si Mattia ngayon? Wala pa rin ba siyang reply sa ‘yo, Chubs?”
Hindi tumitingin sa kasama na sumagot ang matabang lalaki. “Nakauwi na raw siya. Tapos na raw ang misyon niya sa Guatemala.”
“Mabuti pa siya. Nakarating na sa ibang bansa!” naiinggit pang sabi ni Joriz na nagpalumbaba sa tabi ng lababo.
“Mahirap daw ang biyahe. At saka hindi naman bakasyon ang pinunta niya roon. Huwag kang mangarap, Joriz. Kahit bigyan tayo ng international mission, hindi rin naman natin mae-enjoy dahil trabaho ang focus natin.”
“Anyway, nakapasa ba siya?”
“Hindi ko alam. Wala siyang sinabi.”
“Ambobo mo naman, bakit hindi mo tinanong?”
“Tanga, tinanong ko! Ayaw nga sabihin.” Napabuntong-hininga si Chubs at naibaba ang hawak na detector. “Wala pa rin akong mahanap. Baka naman imagination lang ng mga batang witness ang nakita nila? Wala namang nade-detect dito ang gadget natin.”
“Ewan ko. Patingin nga. Hindi kaya lowbat na ‘yan?” Kinuha ni Joriz ang hawak ng matabang kaibigan. Binuksan niya ang loob at sinuri ang battery. “Hindi pa naman, ah. Kailangan ko yatang patingin ito sa IT ng NCR HEAP branch. Mukhang may problema sa loob.”
Pagod na napaupo si Chubs sa dining chair. Hinawakan pa nito ang malaking tiyan. “Parang nagugutom na ako…” Napatingin siya sa double handle na kawali. Nakapatong ito sa kalan at naaamoy niya ang halimuyak ng bagong lutong sopas. Nakakatuksong tanggalin ang takip nito.
Namilog ang mga mata ni Joriz nang makita ang ginagawa ni Chubs. “Pal, mahiya ka naman sa may-ari ng bahay na ‘to! Hindi ka man lang ba magpapaalam?”
Ngunit nagtaingang-kawali lamang ang kaibigan. Inangat na ng mokong ang takip upang tingnan ang loob. Subalit natanggal din ang saya sa mukha nito nang makitang hindi sopas ang nasa loob ng kawali. Kulay berde ang sabaw at mukhang wala man lang kahit anong halo. Kakaibang putahe.
“Ah!” Ganoon na lamang ang sigaw ni Joriz nang may makitang may sampung mahahabang daliri na lumabas sa gilid ng kawali. Kumapit ang berdeng kamay ng halimaw sa gilid ng kawali at kitang-kita niya ang matutulis at mahahaba nitong kuko.
Nagtatakang napatingin si Chubs sa kaibigan habang hawak pa rin ang takip. “Nakakatakot nga itong putahe na ito. Akala ko sopas pero green soup pala.”
“Hindi Chubs!” Takot na takot na napaatras si Joriz habang umiiling. Nakalimutan niyang hindi nakakakita ng paranormal ang kaibigan.
“Bakit ganyan ang itsura mo?” Nagtataka pa rin si Chubs, kumuha ng kutsara sa gilid at sumandok ng sabaw. “Pero nagugutom na talaga ako. Kahit ano kakainin ko.”
“Ah! Huwag!” Ganoon na lamang kalakas ang tili ni Joriz, napasapo siya sa ulo dahil nakita niyang tumikhim pa ng sabaw ang lalaki.
“Hmmm.. ang weird ng amoy. Amoy bulbol,” komento pa nito habang humihigop ng sabaw.
Halos maduwal-duwal naman si Joriz sa nakikita. “Chubs, tigilan mo iyan, hindi iyan pagkain!”
“Ha?” Nagtataka na tumingin ang binata sa kaniya.
“Nagtatago diyan ang Pirotso!”
“Huh?” Lumaki ang nganga ng bibig nito.
“Bodily Fluid ‘yan ng Pirotso!” dagdag pa ni Joriz.
Tuluyan nang nabitawan ni Chubs ang kutsara dahil sa pagkabigla. Nahulog iyon sa sahig at hindi man lang nito dinampot.
Nakita ni Joriz na tumayo ang nilalang sa loob ng kawali. Maliit lamang ito at halos kasinglaki ng duwende. Dahil sa pagpa-panic ay kinuha niya ang isang garapon ng asin sa estante, tinanggalan ng takip at binuhos lahat sa kinalalagyan ng halimaw.
“Wah! Waaaa!” Dahil sa lakas ng tili ni Joriz, nagsitakbuhan ang mga tao sa loob ng bahay papunta sa kusina.
Humahangos na dumating doon si Detective Bobby, ang imbestigador na tinatawag nilang Detective Buysit at ka-partner ng grupo sa mga national mission. Parang timang na nanutok pa ito ng b***l. “Sino nandiyan? Taas ang kamay!” Ngunit nagtaka lamang ang imbestigador nang makita ang dalawang kabataan lamang ang naroon.
Dahil sa asin na binuhos ni Joriz, natakot at nagtago muli ang nilalang. Pero kahit wala na ang Pirotso, hingal na hingal pa rin ang binatilyo na akala mo’y inatake sa puso.
Si Chubs naman ay duwal nang duwal sa lababo dahil sa pandidiri. “T-Tulong! Tulong nalason n-na yata ako!” nag-iinarte pang sabi habang nakahawak sa leeg.
“Kasalanan mo ‘yan dahil sa katakawan mo!” sambit ni Joriz, nakasapo siya sa dibdib na mabilis pa rin ang kabog.
Dismayadong ibinaba ng detective ang b***l, hindi pa rin nito maunawaan kung anong naganap. Lumapit naman sa kanila ang ginang na may-ari ng bahay, nasa likod nito ang tatlong apo na nagtataka rin sa kung anong nangyari.
***
Dahil wala namang kriminal na nahuli, umuwi na si Detective Buysit. Para sa lalaki ay nasasayang lamang ang oras niya dito. Hindi pa rin ito naniniwala sa paranormal.
Samantalang sina Chubs at Joriz naman ay nagpaalam na sa kliyente. Sinabi nilang hindi na mananakot pa ang Pirotso dahil nagawa nilang takutin at gantihan ito. Kung lumabas man ulit ang nilalang, handa silang bumalik upang itaboy ito muli.
Pagkatapos ng pamamaalam ay nilakad nila ang mahabang daan pabalik sa syudad. Habang naglalakad ay nakatanaw rin sila sa perpektong tuktok ng bulkang Mayon.
Kinatuwa ni Joriz nang makita ang bulkan sa personal. Ngunit ang kasiyahan niya ay napalitan agad nang simangot nang marinig ang paglabas ng utot ni Chubs.
Napasapo si Joriz sa ilong. “Buysit ka, Chubs! Ang ganda ng tanawin, ang presko ng hangin, nagiging polluted dahil sa puwit mo!”
Naglabas pa ang lalaki ng matinis at mahabang tono sa butas nito. “Buti kabag at diarrhea lang ang inabot ko. Natakot ako kanina. Akala ko nalason na ako.”
“Heh! Napapala mo.” Umirap si Joriz.
“Hindi mo kasi sinabi agad na nandoon pala iyong Pirotso!”
“Aba, ako pa ang sinisi!”
Napatigil sa paglalakad at pakikipag-argumento si Chubs nang tumunog ang notification ng phone nito. Napahinto rin si Joriz at inusisa ang kaibigan.
“Bakit Chubs?”
“Email galing sa HEAP.”
“Oh?” Nakuha ang kuryosidad ng binata.
Binasa ng matabang binatilyo ang mensahe galing sa HEAP at nagningning ang mga mata nang malaman kung ano iyon. “Confirmation email!”
Confirmation email. Pinadadala ng admin ang mga mensahe na ito sa mga miyembro ng affiliated group, kung may nag-request sa kanila na sasali.
Isang lalaki noon ang binigyan ng invitation ng isang hindi kilalang grupo. Nang makapasa sa training, ang Paradigm Unit ang sinulat nitong grupo sa form imbis ang grupong nag-imbita sa kaniya.
Ngunit hindi kinumpirma ng Paradigm Unit ang confirmation email na kilala nila ang sumasali. Pagkatapos ng tatlong araw, inilagay ang taong iyon sa solo expert list.
Ganito rin ang naganap kina Chubs at Joriz. Ang Paradigm Unit ang nagbigay sa kanila ng invitation ngunit hindi rin sila na-confirm within three days. Nalista sila as individual investigators, ngunit dahil sa takot ng dalawa na sumabak sa mga misyon nang mag-isa. Sumugod sila sa administrators ng NCR Branch at nakiusap na bumuo na lamang ng sariling grupo. Dito nagsimula at nabuo ang Adrenaline Junkies.
“Tinatanong nila kung isasali ba natin si Mattia sa grupo,” dugtong ni Chubs.
Lumawak din ang ngisi sa mukha ni Joriz. “Kung confirmation email ‘yan, ibig-sabihin nakapagpasa na si Mattia ng mga requirements. Ibig-sabihin—”
“He passed the training!” Si Chubs na ang tumapos ng sinasabi niya. Pinindot ng lalaki ang confirm button na naka-attached sa email.
Nagbigay sila ng high five sa isa’t isa bago pinagpatuloy ang paglalakad. Kailangan nilang makauwi agad upang ipagdiwang ang tagumpay ng kaibigan.
*WAKAS*