6
Ang taong nagigipit, kahit kanino sumasabit!
RIC’S POV
Maaga akong umalis ng bahay para di ako maabutan nila tatay. Dumating kasi ako kagabi tulog na sila. Tuwing umaga kasi bago ako pumasok nangangamusta yun ng nangyari sa Tregoe. Alam ko namang maiintindihan nila nanay at tatay ang nangyari dahil sila na ang pinakamaintindihing magulang sa buong mundo. Pero syempre sayang din ang sweldo ko dun. Pambayad din namin yun ng kuryente sa bahay.
“Uy ‘tol, good morning!” bati ni Feiffer na kakapasok lang. “Nakatulog ka ba?”
“Oo naman. Bakit hindi ako makakatulog?” nakasimangot kong tanong. “Teka – natulog ka ba?” tinitigan ko sya. “Bakit kasing laki ng maleta yang eyebags mo? May nangyari ba?”
“Ano? Syempre wala! Di lang ako nakatulog kakaisip dun sa – sa pagkakatanggal mo sa Palmieri.” Sagot nya habang naghahanda ng almusal.
“Alam mo ‘tol di mo naman dapat pinoproblema yun. Mamroblema ka kapag tinanggal mo ako sa trabaho. Humanda ka! Dahil hindi kita patutulugin!” pananakot ko sa kanya.
“Di naman kita tatanggalin no. Ikaw pa ba?” nagtimpla sya ng kape at sabay kaming kumain.
Nakain kami ng biglang umingay sa harap ng shop. “Bakit parang ang daming tao? Ano bang meron?” tanong ko.
“Bayaan mo na. Hangga’t hindi sila customer ng shop wag na nating pansinin.” Sagot ni Feiffer habang nilalagyan nya ng palaman ang pandesal ko. “O ayan kumain ka pa. Kumain ka lang ng kumain habang libre.”
“Oo naman. Gutom na gutom na kasi ako.” Di ko na tinanggihan ang alok ni Feiffer.
“Nandito pala kayo. Ang daming nakaharang sa shop. Hindi ako agad nakapasok.” Bungad ni Mang Nesto.
“Ano po bang meron? Parang ang ingay po nila.” Tanong ko. “Ay, kumain na po ba kayo? Mainit pa po itong pandesal tsaka kape. Ito po, kumain na kayo.” Pag-alok ko.
“Sige lang. Kumain na ako sa bahay. Magbabasa na lang muna ako ng dyaryo.” Umupo sya sa unahan at nagbasa ng dyaryo.
“Mang Nesto, araw-araw na lang kayong nagbabasa ng tabloid. Puro chismis lang naman ang nakalagay dyan.” Sabi ko kay Mang Nesto. Tumingin si Mang Nesto sa’kin tsaka ulit nagbasa.
“Uy ‘tol ikaw na ang maglinis nyan ha. Magbubukas lang ako dun sa tindahan.” Sabi ni Feiffer tsaka sya tumayo.
“Sige.” Iniligpit ko ang pinagkainan namin. Pumasok ako sa kusina at hinugasan ang mga ginamit namin.
“Aba’y Ric! Pumarine ka nga!!” sigaw ni Mang Nesto.
“Bakit po?” tanong ko habang nagpupunas ng kamay.
“Ikaw ba ‘tong nasa litrato?” tanong ni Mang Nesto.
Iniabot nya sa’kin ang dyaryo. “Baka kamukha ko lang, alam nyo naman marami akong kamukhang artista.” Tiningnan ko ang picture. Picture ng dalawang tao.
“Tol, ikaw nga yan. Di ba yan ang suot mo kahapon?” sabi ni Feiffer.
Binasa ko ang headline.
Model heartthrob Mikael Slovis may karelasyong lalaki?
“ANO?!!” sigaw ko.
“Ano Ric, ikaw nga ba yan?” tanong ni Mang Nesto.
“O – opo. Ka – kahapon po ito. Pero – pero hindi po ‘to tulad ng nandito sa dyaryo. Mang Nesto di totoo ang nakasulat dito sa tabloid na ‘to.” Ibinalik ko sa kanya ang dyaryo. “Magta-trabaho na po ako.”
Nagpunta ako sa talyer at binuksan ko na ito ng tuluyan. “Ayun sya!” sabi ng mga tao sa labas at nasilaw na lang ako sa mga ilaw at ilang flash ng camera.
“Totoo po bang may relasyon kayo ni Mikael?”
“Nakita kayong magkasama kahapon sa mall, nagde-date ba kayo?”
“Binabayaran ka ba nya?”
“Anong pangalan mo?”
“Teka – teka – hindi tama yang ginagawa nyo. Wala kayong karapatang pumasok dito sa shop namin! Pwede ko kayong kasuhan!” sabi ni Feiffer sa mga taga media at ipinasok nya ako sa loob.
“Anong nangyayari?” tanong ko. “Bakit nila iniisip na bading ako?”
“Hindi naman ikaw – kundi yung lalaking yun.” Inabutan ako ng tubig ni Feiffer. “Tatawag na ako ng pulis para paalisin sila dito. Hindi tayo makakapagoperate kung nandyan sila.”
“Teka – tingin mo ba babayaran nila ako kapag nagsalita ako? Magkano kaya ang ibabayad nila sa’kin?” bigla akong binatukan ni Feiffer. “Bakit ka ba nananakit?”
“Oras na magsalita ka dyan lahat ng tungkol sa’yo hahalungkatin nila. Gusto mo ba yun?” sagot ni Feiffer. Napaisip naman ako at may punto sya.
“Tao po – ” sumulpot si Mr. Antipatiko.
“G*go ka!!!” hindi ko napigilan ang sarili ko at nasuntok ko sya. “Ayusin mo ‘to!!! Nasisira ako dahil dito!!”
“Ginusto ko ba ‘to? Malay ko bang may sumusunod sa’king paparazzi?” Nakahawak sya sa pisngi nya. “Pwede ba tayong mag-usap?” tumingin sya kay Feiffer tsaka bumalik ng tingin sa’kin. “Yung tayong dalawa lang.”
“Dun tayo sa loob. Siguraduhin mong maganda yan.” Pumasok kami sa walk in closet ni Feiffer.
“Wow, may shop pala dito.” Sabi nya habang nakatingin sa mga damit at sapatos.
“Hindi naman siguro presyo ng mga damit na yan ang pag-uusapan natin no?” umupo ako sa may cabinet.
“Yeah. Gusto mo ba ng trabaho?” tanong nya. Bigla kong naalala ang pagkakatanggal ko sa banda kagabi.
“Ikaw ba ang nagisip ng topless concept ng banda ko?” seryoso kong tanong sa kanya.
“No! Nirecommend ko lang ang banda nyo. Kung anuman ang pinagawa nila, labas na ako dun. Nabanggit nga sa’kin ng production na may bago silang member. Umalis ka ba?” tanong nya.
“Oo, dahil hindi ko matagalan ang malisyosong pinapagawa nila sa’kin. Isa pa, baka ibenta lang kami sa mga bakla!!” sigaw ko sa kanya.
“Gusto mo ba ng trabaho?” tanong ulit nya.
“Basta legal, sige.” Sagot ko.
“Great. Naghahanap ng driver ang MacLaren Family para sa pagdating ni Donya Frieda. Hindi naman sya araw-araw, kung kailan lang sya aalis tsaka ka nya ipapatawag. Malaki ang sahod dun. Hindi sila natanggap ng driver ng hindi recommended ng malapit sa pamilya. Gusto mo ba?” offer nya.
“Magkano ba ang bayad?” syempre yun agad ang tanong ko kasi yun ang kailangan ko eh.
“2,000 kada labas isang araw. Hindi ka naman araw-araw magda-drive.” Medyo napangiti naman ako sa narinig kong presyo pero nagduda naman ako.
“Teka, bakit ako? May iba ka pa bang kailangan?” padududa kong tanong.
Lumingon sa likuran ‘tong lalaking ‘to at siniguradong sarado ang pintuan. “Listen, I really need your help. Big time! I am willing to pay you, 10,000 per month.”
“10,000? Bakit ang laki naman? Akala ko ba driver ang trabaho ko?” nagdududa na talaga ako sa lalaking ‘to. “Alam mo hindi ako papasok sa kahit anong illegal! Hindi nga ako nagyoyosi! Kung droga man yan, sori pero hindi ako papayag!” pagtanggi ko.
“Hindi. Hindi ako drug lord. Pumayag ka na. Oo nga driver ka, kasi kailangan natin ng front.” Paliwanag nya.
“Natin? Teka ano ba ‘to? Kung hindi mo sasabihin bahala ka na dyan!!!” sigaw ko sa kanya.
“Shhh!” Nagbuntong hininga sya. “You’ll be my boyfriend.”
“ANO!!! Siraulo ka ba!! Lalaki ako at hindi ko yan gagawin!!! Baliw ka rin no?!! Alam mo nakabasa at nakapanood na ako ng lalaki at babae na nagpanggap na magsyota at mag-asawa. Pero ang parehong lalaki na magpapanggap, aba may saltik ka na talaga!!! Hindi ako papayag!!” Tumalikod ako sa kanya pero pinigilan nya ako.
“Please, wala ka namang ibang gagawin. I need to do this.” Mukhang seryoso sya.
“At bakit? Bigyan mo ako ng magandang paliwanag.” Tumigil ako at nakinig sa kanya.
“Para layuan at tigilan na ako ng mga stalkers ko. Halos araw-araw akong nababaliw dahil may sumusunod sa’kin. May nagtetext at tumatawag pero hindi nagsasalita. Natatakot na ako na isang araw ma-gang r**e na lang ako sa labas.” Natawa ako sa sinabi nya. “Please naman, seryoso ako.”
“Paano naman ang image ko? Paano naman ako sa mga chicks? Bata pa ako. Paano kung hindi na ako makapagsyota dahil sa trabaho na yan?” pagtatanong ko sa kanya. Sino ba naman kasing lalaki ang magpapanggap na may boyfriend. “Teka, aminin mo nga – bakla ka ba talaga?”
“No! I’m straight. May babae akong gusto at sya lang ang gusto kong pakasalan. Pero paano ko pa sya mapapakasalan kung may umaaligid sa’kin at nagtatangka sa buhay ko.” Sagot nya.
“Ric!! Ric ayos ka lang ba dyan?” kumakatok si Feiffer.
“Oo tol ayos lang ako.” Sagot ko. “Ang komplikado ng buhay mo. Ayoko ng komplikadong buhay. Maghanap ka na lang ng iba.”
“Ikaw nga yung naisip ko dahil sa nasa dyaryo. Please, magkano ba ang gusto mo? 15,000 okay na ba?” pinipilit nya pa rin ako.
“Hindi ko alam. Ang hirap ng pinapagawa mo. Gusto mong magpanggap ako na hindi ako tunay na lalaki?” Habang buong buhay ko nagpapanggap ako na isa akong tunay na lalaki. Naiisip ko.
“Teka – bading ka ba at natatakot ka na magkagusto ka sa’kin?” tanong nya.
“HOY G*GO KA BA!! LALAKI AKO!! STRAIGHT!! HINDI KO SISIRAIN ANG IMAGE KO PARA LANG SA’YO!!!” sigaw ko sa kanya.
“Sorry na dude. Di ko naman intensyong pagkamalan ka. Sige na, pumayag ka na. Wala naman tayong ibang gagawin. Malinis ‘to. Ipapaalam lang natin sa lahat na boyfriend kita. Malaking halaga ang 15,000. Makakatulong na yun ng malaki sa pamilya mo.” Nakakainis, pagdating sa pamilya talagang tumitiklop ako.
“Kelan ‘to magsisimula?” tanong ko.
“Ngayon na. Haharap tayo sa media at ipapaalam natin sa kanila.” Sagot nya.
“Papayag ako basta sisiguraduhin mong hindi sila maghahalungkat ng kahit ano tungkol sa’kin at sa pamilya ko. Ikaw lang ang papakialaman nila at hindi ako. Dahil oras na mangyari yun, aatras ako.” Paliwanag ko sa kanya.
“Sure. No problem.” Sagot nya. “So are you ready?”
“Bayad muna.” Inilahad ko ang kamay ko.
“Grabe, sigurista ka pala.” Kinuha nya ang wallet nya.
“May kasabihan nga tayo, ang taong nagigipit, kahit kanino sumasabit. Kaya sige na, bayaran mo na ako.” Sabi ko sa kanya. “Ikaw ang tinutukoy ko at hindi ako.”
Binayaran naman nya ako at binilang ko ang binigay nya. Kakalagay ko palang sa bulsa ko ng pera ng bigla nyang higitin ang kamay ko at dire-diretso kami sa labas. Nasilaw ako sa ilaw ng camera at sa mga flashes.
“Maghawak sila ng kamay!!! Kuhanan nyo bilis!!” sigaw ng isa sa mga nasa media.
“Mikael, anong ibig sabihin nito?” tanong ng isang reporter.
“Isa ba itong pag-amin?” tanong pa ng isang reporter.
“Kung anong nakikita nyo, yun na yun. Hindi ko na kailangang itago pa.” Maigsing sagot nitong lalaking ‘to.
“Paano kayo nagkakilala? Anong pangalan nya?” tanong ng ilang nasa likuran.
“Driver sya ng mga MacLaren. Kaya wag nyong subukang alamin ang tungkol sa kanya o mananagot kayo sa mga MacLaren.” Sagot nya ulit.
Nagbulungan ang mga reporters at di ko alam kung anong mga sinasabi nila. “May mensahe ka ba sa mga taga-hanga mo Mikael?”
“Sa mga patuloy na nagtetext, tumatawag, sumusunod at nananakot sa’kin – hindi kayo maituturing na taga-hanga. Pero pwede na kayong tumigil dahil hindi ko kayo pag-aaksyahan ng oras. Para naman sa mga taga-hanga ko, kung tunay ko kayong taga-hanga, tatanggpin nyo ako bilang ako at hindi nyo ako huhusgahan.” Mahaba nyang sagot. “Ngayon kung tapos na kayo maari na kayong umalis at iwanan nyong pribado ang relasyon namin.”
Binitawan nya ang kamay ko pagkaalis ng mga reporters. Iniabot nya ang cellphone nya sa’kin. “Anong gagawin ko dito?”
“Ilagay mo ang number mo. Kapag tinawagan kita pupunta ka. Isa pa, tatawagan din kita para ipakilala sa mga MacLaren. Malapit ng dumating ang magiging amo mo!” sagot nya.
Inilagay ko ang number ko at ibinalik ko sa kanya ang phone nya. “Tumupad ka sa napagusapan natin. Hindi ko ibabalik ang sobra sa bayad mo kapag di ka tumupad.”
“Sige.” Ayun lang ang sinabi nya at sumakay na sya sa kotse nya tsaka umalis.
“Ric!! Anong ibig sabihin nun? Nababaliw ka na ba talaga? Kapag nalaman ‘to ng nanay at tatay mo – ” tinakpan ko ang bibig ni Feiffer.
“Wag kang sumigaw dyan. Dun tayo sa loob.” Hinigit ko sya papasok sa loob. “Binayaran nya ako para magpanggap kami. Isa pa kinuha nya rin akong driver dun sa mga MacDonald. Kainan ata yun.”
“MacLaren! Hindi mo ba sila kilala? Hindi ka ba natatakot? Masyadong makapangyarihan ang pamilyang yun.” Babala ni Feiffer.
“Magda-drive lang naman ako. Ipagda-drive ko lang daw yung donya. 2,000 kada labas. Makakapagtrabaho pa rin ako dito.” Paliwanag ko kay Feiffer.
“Hindi naman yung pagda-drive yung inaalala ko kundi ikaw.” Seryoso yung mukha ni Feiffer kaya naman sinuntok ko sya ng mahina sa dibdib. “Ric, seryoso ako.”
“Wag ka nang mag-alala. Magpapanggap lang naman kami. Wala kaming ibang gagawin. Malalaman lang ng mga tao na kami pero ang totoo naman hindi. Safe naman yun, okay lang yun. Alam mo namang kailangan ko ng pera di ba?” paliwanag ko sa kanya na parang nagpapaawa.
“Alam mo namang pwede kitang pahiramin di ba?” offer nya.
“Yun na nga. Ayokong magkautang. Alam ko namang mabait ka, pero gusto kong paghirapan yung kikitain ko. Makakatulong yun sa pagbabayad sa iba pa naming utang.” Ngumiti ako at tumalon ako para maakbayan ko sya. Bumitin ako sa kanya. “Sige na ‘tol. Ngumiti ka na. Wag ka nang mag-alala sa’kin.”
“Paano kapag nalaman nya?” tanong nya sa’kin.
“Hindi nya malalaman. Okay? Smile ka na dyan. Tsaka walang dapat makaalam ha. Baka bawiin nya yung bayad. Sige ka, sa’yo ko uutaning yung 15,000.” Pagbibiro ko.
“Bahala ka. Basta wag mong sabihing hindi kita binigyan ng babala ha.” Ginulo nya ang buhok ko. “Sige na, tara na. Balik trabaho na.” Ngumiti sya pero halatang hindi pa rin sya masaya.
Alam ko namang nag-aalala sya sa’kin. Pero mag-iingat naman ako. Wala pa ring makakaalam ng totoo – na isa akong babae.