Chapter 4 - Pananambang kay Prinsipe Duncan

2011 Words
Abala ang buong Chantra Kingdom para sa pag-alis ni Prince Duncan patungo sa paaralang sinasabi ng kaniyang amang hari at si Marcus. Hindi pa man nakaalis si Duncan ay naiiyak na ang kaniyang ina. Ayaw man niyang pansinin iyon ngunit hindi niya mapigilang yakapin na lang ito upang ipadama rito na huwag mag-alala sa kaniya. May kung ano sa puso niya ang hindi niya maintindihan o marahil ay mapapalayo siya rito. Nilapitan din niya ang kaniyang ama at niyakap nang mahigpit. Pakiwari ni Duncan ay matagal niya itong hindi makikita. Maya-maya lang ay tinulungan na siya ng mga kawal upang makasakay sa karwahe. Pagkasakay niya hindi na siya tumingin sa ina at ama niya. Pinaalis na agad niya ang karwahe upang hindi na niya makitang malulungkot ang kaniyang mga magulang. Ito ang unang beses na mawawalay siya sa kaniyang mga magulang at batid niya ang lungkot. Subalit kailangan niyang tuparin ang kaniyang tungkulin bilang prinsipe at magiging susunod na hari. “Malalim yata ang iniisip mo, mahal na prinsipe. Hindi yata bagay sa isang katulad mo na nalulungkot habang pinagmamasdan ang iyong kaharian. Huwag kang mag-alala, ako ang bahala sa mga masusugid mong tagahanga,” pang-aasar ni Apollo sa kaniya habang mabagal lang ang kanilang takbo. Sinulyapan niya ito sa gilid ng kaniyang binata habang nakasakay si Apollo sa kabayo. “Ang trabaho mo ay ihatid ako nang maayos sa paaralang iyon at hindi ang makipagdaldalan sa akin,” pagsusungit niya. “Kung gusto mo sa iyo na ang mga tagahanga ko. Hindi naman sila ang iniisip ko kung hindi ang mga magulang ko habang wala ako.” “Kami na ang bahala sa kaharian at sa mga magulang mo. Basta lang ay pagbutihin mo ang pagsasanay mo upang maka-sparing naman kita minsan. Ayokong pagbalik mo rito ay lalampa-lampa ka,” muli nitong asar. “Hindi ko ipinapangako na magiging mahusay akong mandirigma katulad mo. Ang sa akin lang ay matutunan ko ang sinasabi niyang pakikidigma,”  wika niya. Bahagyang napangiti si Apollo sa kaniya. “Mahal na prinsipe, anong silbi na nag-aaral ka na humawak ng espada at makipagbuno kung hindi mo rin lang seseryosohin. Tandaan mo, kapag nakaharap mo ang mga kalaban mo, hindi sila nakakaramdam ng awa. Kailangan tibayan mo ang loob mo at maging matapang sa lahat ng bagay. Kung pwede lang ay ako na ang magturo sa iyo pero mas gusto ng ama mo na lumabas ka. Kung hindi lang siya nasulsulan ni Marcus.” “Anong ibig mong sabihin?” curious niyang tanong. “Ayokong magsalita pero hindi ko gusto ang Marcus na iyon. Kakaiba siya sa lahat at palagay ko ay may ginagawa siyang katarantaduhan sa palasyo. Marami na akong naririnig tungkol sa kaniya sa mga nasa labas ng kaharian. Malimit daw nila itong makitang may ibang kasamahang mga tauhan. Hindi lamang iyon masabi ng mga taong iyon dahil natatakot siguro,” paliwanag ni Apollo. “Baka siguro nakipagkita lang sa mga tauhan niya para maayos ang pinapautos ng aking ama. Kung wala naman siyang ginagawa sa palasyo, kampante ako roon. Nakikita ko naman ang lahat ng statement ng budget at mga proyekto kaya ayos lang din. Nasa maayos naman ang lahat at nakikita ko naman na masigasig si Marcus para sa kaharian. Maliban na lang kung may hindi ito sinasabi sa aking proyekto. Susunod ko pa naman ay ang budget ng palasyo,” sambit niya. “Ikaw ang bahala. Sa ngayon ay isipin mo muna ang iyong pagsasanay,” saad ni Apollo. Muli siyang tumahimik habang malalim na naman ang iniisip. Nag-aalangan pa rin siya sa magiging kalagayan ng kaniyang mga magulang sa palasyo. Dahilan nito, umidlip muna siya upang makabawi man lang. Hindi siya nakatulog dahil inaayos pa niya ang ibang mga maiiwan niya habang wala siya. NAGISING na lamang si Duncan nang biglang bumilis ang takbo ng kaniyang karwahe. Agad siyang nagmulat ng mata saka tumingin sa kanilang paligid. Mabilis talaga ang pagtakbo nito kaya nagtataka rin siya sa nangyari sa paligid. “Mahal na prinsipe!” sigaw ni Apollo. “May mga tulisan na sumusunod sa atin! Humawak ka nang mabuti at maging alerto!” “Ano?!” Dumukot ng espada si Apollo mula sa tagilirang bahagi nito saka nito ibinigay sa kaniya. “Heto! Gamitin mo muna!” Inabot naman niya ang espada kahit alam niyang may agam-agam siyang gamitin iyon. Si Apollo naman at ang iba pang tauhan ay hinigpitan ang seguridad niya. Inihanda na rin niya ang posibleng mangyayari kaya mahigpit ang pagkakahawak niya sa espada. Maya-maya pa ay narinig na niya ang mga nagtatagisang espada, mga mabibilis na yabag ng kabayo at mga kalalakihang naglalaban sa isa't isa. Sumilip siya sa binata at laking gulat na lamang niya na napakaraming mga tulisan ang nasa likuran ng kanilang karwahe. Ang iba naman ay duguan na at nahulog sa kani-kanilang mga kabayo. May isang lumapit sa kaniyang gawing bintana habang lulan ito ng kabayo at gusto siyang patayin. “Hah!” sigaw ng lalaking tulisan. Umiwas siya saka siya nakipagbuno dito ng espada rito. Pinipigilan niyang matamaan siya ng espada nito hanggang sa hinablot niya ang damit ng lalaki saka niya ibinaon sa katawan nito ang espadang hawak niya. “Haaah!” Sabay itinulak niya ito hanggang sa ito nahulog sa kabayo. Sa unang pagkakataon ay nakapatay siya ng isang tulisan. Kung hindi naman niya gagawin iyon, siya ang babawian nito. May panginginig pa siya sa kaniyang katauhan ngunit nilalabanan niya pa rin ang takot niya. Namalayan na lamang ni Duncan na dumadami na ang mga kanilang kalaban. Nakita rin niyang nakikipaglaban si Jefferson sa unahang bahagi pati na rin si Apollo. Kaya naman, mas lalong binilisan ng kawal ang karwahe kung saan siya naroroon. Maya-maya lang pinagtutulungan na siya ng mga ibang tulisan at katulad nang ginawa niya, pinoprotektahan niya ang kaniyang sarili. Kailangan niyang maging matapang sa hamon ng buhay upang manatiling matatag kahit alam niyang wala siyang sapat na lakas. Pinapahina ang loob niya ng kaniyang kapansanan ngunit pilit din niyang nilalabanan ang kaniyang kahinaan. Pagewang-gewang na ang karwaheng kaniyang sinasakyan habang nakipagbuno siya sa mga tulisan. Nagkataon pa na dumaan sa lubak ang karwahe kaya lumuwag ang lock ng pinto saka siya sumubsob patungong labas sana. Huli na niya nalaman na umangat pala ang karwahe sa lupa patungo sa malalim na bahagi ng bangin. No! Nawalan ng kontrol ang kawal niya sa pagmamaneho ng karwahe na pati siya ay nanganib. Labis na kinabahan si Duncan at agad na naghanap ng paraan. Subalit mabilis ang mga pangyayaring dire-diretso na lang ang sinasakyan sa bangin. Kasabay nila ay ang mga tulisan na nasa likuran nila na hindi rin napansin ang bangin sa unahan. Pumikit siya upang hindi niya makita ang malagim niyang katapusan. Subalit muli rin siyang nagmulat ng kaniyang mga mata nang maramdaman niyang nakalutang lang siya sa kawalan. “Anong—“ Napamulagat siya nang maramdaman niyang totoong nakalutang lang siya kasama ng iba pa. Maya-maya lang ay may isang lalaking purong puti ang kasuotan nito na biglang naroon sa harapan niya at nakalutang. Nanlaki na naman ang mga mata ni Duncan subalit bigla na lang itong hinawakan siya. Ang mga sumunod na nangyari, hindi niya alam. Bigla silang nawala roon habang muling gumalaw ang oras. Nahulog ang karwahe pati na rin ang mga sakay nito at ang mga nakasunod na tulisan. Lahat sila ay diretso sa bangin. Walang nabuhay sa naganap na trahedyang iyon.   Samantala, biglang lumitaw sina Duncan at ang lalaking nakasuot ng puting damit sa isang bermudang lupa. Dahil hindi siya makatayo, gumulong siya sa lupa habang dama niya ang sakit ng kaniyang pagkakabagsak. Ang lalaki naman na may mahabang balbas, mahaba at puting buhok, at may hawak na baston, at nakatayo sa kaniyang paanan. “S-Sino ka?! N-Nasaan ako?!” nagtatakang tanong niya habang iniinda ang mga paa na bumagsak sa lupa. “Ikaw ang prinsipe ng Chantra, hindi ba? Dapat magpasalamat ka na lang dahil iniligtas kita at hindi iyong tanong agad ang ibubugand mo sa akin,” pagsusungit ng may edad na lalaki. “Magbigay galang ka sa iyong prinsipe,” mariin niyang sabi rito. “Ako? Magbibigay ng galang? Huh?! Hindi mo nga kayang ipagtanggol ang iyong mga nasasakupan, magbibigay pa ako ng galang? Wala ka ngang silbi na prinsipe tapos pagsasabihan mo ako?” Bahagya itong umupo upang lumapit sa kaniya. “Bata, isa akong pantas at hindi ako luluhod sa kaninong hari maliban na lang kung karapat-dapat siya. Ang katulad mong lumpo ay hindi dapat iginagalang kong ganyan lang din ang ugaling mayroon ka.” Tumayo ito saka ito nag-magic sa kamay ng dalawang saklay. “Heto. Gamitin mo kung gusto mong tumayo riyan o kaya naman ay hintayin mong gapangan ka ng ahas.” Maya-maya lang ay tumalikod ang may edad na lalaki at naglakad. Nakita niyang may isang lumang kubo sa unahan at doon tumungo ang may edad na lalaki. Maya-maya lang ay sinulyapan niya ang saklay na ibinigay nito saka niya pilit kinukuha upang gamitin. Wala siyang pwedeng gawin kung hindi gamitin ito kaysa manatili siyang nakadapa sa lupa. Kahit nahirapan man siyang gamitin ang saklay, kinaya niyang gamitin ito at naglakad patungo sa bahay ng may edad na lalaki. “Tanda!” sigaw niya. “H-Hindi mo pwedeng talikuran ang prinsipeng katulad ko! Kailangan mo akong tulungan upang matulungan ko rin ang mga kasama ko! Ibalik mo ako sa kanila!” tiim-bagang sigaw niya rito. “Hindi! Kung babalik ka roon, mas lalong manganib ang buhay mo!” “Mas lalong manganib ang buhay ko kung hindi mo ako dadalhin sa kanila. Kailangan nilang ang tulong ko!” “Anong klaseng tulong ang kaya mong ibigay?” sigaw ng may edad na lalaki. “Inubos na ng mga tulisan na iyon ang mga kasamahan mo at hindi ka maaaring puntahan sila kung ayaw mong pati ikaw ang patayin ng mga iyon! Hindi mo ba naisip kung bakit ka nandito at naglakbay? Kung matalino ka, naisip mo sanang dapat ay nanatili ka sa iyong kaharian at hindi na lumabas!” “Anong ibig mong sabihin?!” Hindi niya maintindihan kong bakit iyon ang sinabi ng may edad na lalaki. “Isa itong patibong, mahal na prinsipe! Walang paaralan sa lugar na ito kung hindi kabundukan! Nilinlang lang kayo ng taong matagal na rin traydor sa inyong palasyo.” “Paano mo ang nalaman lahat ng ito?” Tiningnan siya nito nang malalim. “Matagal na kitang sinubaybayan pati na rin ang kalakaran ng inyong kaharian. Wala akong masabi sa iyong ama dahil sa kabutihan niya pati na rin ang mahal na reyna. Subalit ang mga nasa paligid niyo ay hindi mapagkakatiwalaan. Hindi ko na alam kung paano ko ito ipaliwanag sa iyo pero may traydor sa palasyo,” wika nito. “Ano?! S-Sino ang traydor sa palasyo? H-Huwag kang magkamaling magbitiw ng pangalan kung wala kang sapat na ebidensiya.” “Ebidensiya? Hindi na kailangan ng ebidensiya dahil kasama ang nangyari sa iyo ang ebidensiyang sinasabi mo. Ngayon, kung ayaw mong maniwala, malaya kang makakaalis ng bahay ko. Mas isipin mo ngayon ang iyong mga magulang dahil sa mga oras na iyo ay nasa panganib na rin ang buhay ng iyong mga magulang.” “Hah? S-Sino ang traydor na ito?” “Gusto mong malaman? Kung gusto mong malaman, manatili ka rito. Hindi ka dapat mawala sa mundong ito dahil isang misyon kang dapat ay tuparin mo.” “S-Sige! Mananatili ako rito at ilayo ang sarili ko sa kung anong kapahamakan pero kailangan mong sabihin sa akin kung sino ang traydor sa palasyo.” “Si Marcus Lucius!” direkta nitong tugon sa kaniya. Natigilan siya. Napamaang din siya nang marinig ito mula sa may edad na lalaki. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon niya na ang traydor sa palasyo nila ay si Marcus. Noon niya naisip ang sinabi ni Apollo sa kaniya na wala itong tiwala sa taong iyon. Ngayon, mas lalong umigting ang kaniyang pag-aalala sa kaniyang mga magulang. Napakuyom na lang siya ng kamao niya sa matinding emosyon at galit sa lahat ng mga nangyari. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD