KINAUMAGAHAN, ipinatawag ni Haring Luccus si Prince Duncan dahil mahalaga itong sasabihin. Kakatapos lang niyang mag-almusal at ngayon kaharap ni Duncan ang mga dokumento na pinag-aaralan niya sa mga pagpapatakbo ng kanilang kaharian.
“Prince Duncan, ipinapatawag kayo ng iyong amang hari. Inaasahan niya tayo bago pa man siya tumungo sa kaniyang gawaing tingnan ang ibang mga tauhan natin sa kaharian,” wika ni Jefferson sa kaniya.
“Nakikita mong nagbabasa pa ako, Jefferson. Sabihin mo sa amang hari na kung may kailangan siya ay siya ang pumarito. Hindi ko matatapos ang mga ipinapagawa niya kung ganito naman na inaabala niya ako,” pagsusungit na naman niya. Madalas na ayaw niyang lumabas at nais lang na magkulong sa kaniyang library kasama ang mga libro at ibang mga dokumento.
“P-Pero mahalaga ang sasabihin ng hari. Kung hindi agad tayo pumunta⸻”
“Jefferson…” Sabay nag-angat siya ng tingin dito at tinanggal ang salamin niya sa mata. “Ini-utos ko na ang hari ang pumunta rito sa aking library. Kung ayaw niya, maaari niyang ipagliban ang kaniyang mahalagang sasabihin.”
“Uhm… Sige, masusunod.” Agad na tumalikod si Jefferson upang ang hari ang tatawagin nito.
Muli niyang ibinalik ang tuon sa pagbabasa at pag-aaral sa mga papeles na nasa harapan niya. Isinuot niyang muli ang salamin niya sa mata upang malinaw niyang makita ang mga naroon. Maya-maya pa ay narinig niyang bumukas ang pinto at mga yabag na paparating sa kaniyang direksiyon. Wala siyang balak na tignan ang mga ito dahil alam niyang ang kaniyang ama ito na kasama ang iba pa.
“Duncan!” Hatalang inis ang boses ng kaniyang ama. “Ganito ba ang pagtrato mo sa iyong amang hari? Hindi na ba ako pwedeng sundin ng aking anak?”
Nag-angat siya ng tingin dito, tinanggal ang kaniyang salamin saka niya seryosong hinarap ang kaniyang ama. “Iginagalang ko ang hari subalit kung ganito lang din at papahirapan niyo ako lalo na at hindi agad ako nakakapunta sa inyo, sana hindi niyo na lang ako inutusan na tingnan ang mga papeles na ito. Gustuhin ko man na tumungo sa tuwing ipinapatawag niyo ako, sana naisip niyo rin ang kalagayan ko. Kung ito man ay isa sa mga bagay na paglapastangan ko ay maaari niyo akong parusahan,” malalim siyang nakipagtitigan sa kaniyang ama.
Napabuntong-hininga ang kaniyang ama.
“P-Prince Duncan, huwag mong pagsalitaan ang hari. Maghunos-dili ka, mahal na prinsipe. N-Naririto naman ako upang alalayan ka,” sambit ni Jefferson.
“Mahal na prinsipe, igalang mo man lang kahit papaano ang iyong ama. Mayroon lamang siyang mahalagang anunsiyo para sa inyo,” sambit naman ni Marcus.
Sumandal siya sa kaniyang kinauupuan. “Ano itong mahalagang sasabihin niyo sa akin, mahal na hari?” tanong niya. Kahit papaano ay ayaw naman niyang bastusin ang kaniyang ama sa harap ng mga alagad nito. “Ipagpatawad mo ang aking pagiging marahas na pananalita. Hindi ko lang mapigilan ang sarili ko dahil sa… alam mo na ang bagay na iyon, aking ama.”
“Wala na akong magagawa sa bagay na iyan,” tugon ni Haring Luccus. “Bueno, ang mahalaga kong sasabihin ay ang tungko sa pag-aaral mo sa self-defense. May nakita si Marcus na isang paaralan sa labas ng ating kaharian na mahusay sa pagtuturo ng paghawak ng espada. Nais ko sanang⸻”
“Ama!” Pinutol niya ang sasabihin ng kaniyang ama. “Nag-usap na tayo sa bagay na ito. Bakit ba hindi niyo maintindihan na ayokong lumabas at humawak ng espada. Sapat na ang aking kaalaman sa pagtantiya sa pamamalakad ng kaharian. Hindi ba kayo naaawa sa sitwasyon ko?” sigaw niya.
“Duncan! Hindi habang-buhay ay narito ako sa iyong tabi. Isipin mo kung paano mo ipagtanggol ang iyong kaharian kung ang gagamitin mo ay iyang isipan lamang? Kailangan ng isang magiting na hari ang kahariang ito kapag nawala na ako!” ganting sigaw rin ng kaniyang ama sa kaniya. “Pagod na ako sa diskusyunang ito at sa lalong madaling panahon din ay ipapadala kita sa paaralang iyon!”
“At sino ba ang nagbigay sa inyo ng suhestiyon niyan?” matapang niyang tanong sa ama.
“Ako, mahal na prinsipe. Nabalitaan ko lang ito dahil nalaman ito ng isa kung tauhan,” tugon ni Marcus. “Nakita naman n gating mga kawal na isa itong magandang paaralan at matutunan mo ang kakayahan na hindi itinuturo dito sa Chantra. Kung gusto mo ay isama natin si Apollo sa paglalakbay mo upang ligtas ka kung iyan ang nais mo.”
“Lumalawig na ang hawak nating teritoryo at hindi natin alam kung kailan tayo sasalakayin ng mga nais sakupin ang ating kaharian. Masyado tayong ma-impluwensiya sa lahat kaya iniisip ko ang kapakanan mo, Duncan. I’m sorry, anak. Ito lang ang isa sa mga paraan ko upang hindi ka saktan ng sinumang nais tayo lipulin. Isipin mo na lang kapag wala na ako? Paano na ang kahariang ito kung ang isang mamumuno ay⸻”
“Isang lumpo!” Natigilang ang lahat sa sinabi niya saka isa-isa niyang tinitingnan ang mga ito. Hindi maipagkailang nahahabag din ang mga ito sa kaniyang sitwasyo. “Alam kong nag-aalala kayo sa akin pero hindi ko kayo maaaring iwanan dito. Hindi natin alam at baka kung mapaano ako sa daan o kaya ay may mga mananakop,” nag-aalala rin naman siya sa kalagayan niya.
“Huwag kayong mag-alala, mahal na prinsipe. Sinisguro ko ang kaligtasan niyo habang naglalakbay kayo at kasama mo naman si Apollo. Hinding-hindi ka niya pababayaan dahil siya rin naman ang malalagot oras na may mangyaring masama sa iyo,” paliwanag ni Marcus.
“Gusto niyo ay sasamahan ko rin ang prinsipe sa kaniyang pag-aaral,” sambit ni Jefferson.
“Sasama ka talaga, Jefferson. Walang mag-aalaga sa prinsipe kapag nasa pag-aaral na siya,” tugon naman ni Marcus kay Jefferson.
“Maari ko bang malaman kung anong klaseng paaralan ito?” tanong niya.
“Oo naman, mahal kong anak. Ang sabi sa akin ni Marcus ay isa itong Academy kung saan naglalayon na makatulong sa mga mandirigma sa buong Chantra na makapagbigay ng sapat na kaalaman sa paghawak ng espada, determinasyon at tamang diskarte sa pakikipaglaban. Dahil sinabi ko sa guro na hindi ka makalakad, may espesyal na training para sa iyo.”
“Anong espesyal na training ito, ama?” curious niyang tanong. Hindi pa nga niya nabalitaan ang paaralang ito at tila may naaamoy na siyang hindi maganda. Pasimple niyang sinulyapan si Marcus na ngayon ay malalim ang tingin sa ibang direksiyon habang nagpapaliwanag ang kaniyang ama. Subalit ngumiti rin ito nang lumingon sa kaniyang direksiyon.
“Fist to fist, training. Mayroon din kaalaman sa paghawak ng espada at iba pa. Hindi ko gaanong nalaman pa ang ibang detalye at may tiwala naman ako kay Marcus. Hindi kita ipapadala roon kung hindi namin na-secure ang iyong pagtungo. Sana naman ay bigyan mo ito ng panahon, anak ko. Sana ay pagbigyan mo na lang ako sa aking kahilingan.”
Napatitig siya sa kaniyang ama na nababakasan ng pagsusumamo na sundin niya ito sa maraming pagkakataong inalok siya nitong mag-aral. Napaisip din siya sa isang bagay kung paano na lang kapag wala na ang kaniyang ama. Hindi niya pwedeng umasa na lang sa mga tauhan nila at kailangan din nila ng hari na may buong tapang na ipagtanggol ang kaharian. Alam naman niya ang bagay na iyon kaya nga binigyan na niya ng tamang pansin ang suhestiyon ng kaniyang ama.
“Sige. Pumapayag na ako,” wika niya.
Malawak ang pagkakangiti nina Jefferson at Marcus sa kaniya nang sambitin niya ang bagay na iyon.
“Mabuti kung ganoon. Marcus,” tawag ni Haring Luccus kay Marcus. “Ihanda mo na ang kakailangan sa paglakbay ng aking anak sa susunod na araw. Kailangan muna niyang matapos ang mga pinapagawa ko sa kaniya bago siya lumisan.”
“Masusunod, mahal na hari. Ngayon din ay ipag-uutos ko sa ating mga tauhan na ihanda ang mga kawal na maghahatid sa mahal na prinsipe,” tugon naman ni Marcus.
“Mahusay.” Muli itong humarap sa kaniya. “Duncan, magiging malungkot ang iyong ina kapag nawala ka ng ilang linggo sa kaharian. Tumungo ka muna sa kaniya at magpaalam,” utos ng kaniyang ama.
“Sige,” tipid niyang tugon.
“Ihahanda ko na rin ang mga gamit ng prinsipe,” sabat ni Jefferson.
“Mabuti pa, Jefferson. Tara na, Marcus. Marami pa tayong gagawin sa araw na ito.”
Sinundan lamang niya ng tingin ang mga ito habang ito ay papaalis sa kaniyang harapan. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya lubos maisip na sa wakas ay pumayag siyang mag-aral ng self-defense. Matagal na rin siyang kinukumbinse ng kaniyang ama ngunit sa pagkakataong ito ay umoo siya. Muli niyang isinuot ang kaniyang salamin saka niya itinuon ang kaniyang sarili sa gawain niya.
Matapos niyang ayusin ang kaniyang ginagawa sa libray, nagtungo si Prince Duncan sa gawi ng kaniyang ina. Kasama na naman niya si Jefferson habang tulak-tulak nito ang kaniyang wheelchair. Natagpuan niya ang kaniyang ina sa hardin na nag-aayos ng mga halaman. Kasama nito ang adiutoress nitong si Lucila.
“Magandang hapon, Prince Duncan.” Bahagyang yumuko si Lucila upang magbigay sa kaniya ng paggalang.
“Magandang hapon,” tipid naman niyang tugon. “Nais ko sanang makausap ang mahal na reyna nang sarilinan. Maaari niyo ba kaming iwanan?”
“Sige, mahal na prinsipe.” Bumaling si Lucila sa mahal na reyna. “Mahal na reyna, doon lang ako sa kabilang bahagi.”
“Sige,” tugon naman ng mahal na reyna.
Sumama muna si Lucila kay Jefferson sa malayong bahagi upang makapag-usap sila ng kaniyang ina. Lumapit naman si Reyna Lien sa bench na naroon malapit sa kaniya. Umupo ito habang nasisilayan niya ang magandang ngiti nito.
“Bakit ako nais makausap ng aking anak?” magiliw nitong tanong sa kaniya.
“Nais ko lang sabihin sa inyo na nakumbinse ako ng mahal na hari na mag-ensayo sa labas ng ating kaharian,” direkta niyang wika sa kaniya.
“Talaga ba, anak? Pumapayag ka ng mag-aral sa labas ng ating kaharian? Anong klaseng paaralan ba ito?”
“Ang sabi sa akin ng hari, matutunan ko ang ibang level ng pakikipaglaban doon kumpara sa mga itinuturo dito. Matututunan ko ang paghawak ng espada, tamang galaw, tamang pagsangga, diskarte at kung ano pa. Pumayag ako hindi dahil sa kagustuhan ko lang kung hindi sa maraming posibilidad. Alam kong hindi ito naaayon sa katulad kong may kapansanan ngunit naisip ko rin ito oras na dumating ang panahon na ako ay maging hari. It’s time for me to fight back and protect my kingdom from the outsiders. Hindi ko alam kung hanggang saan ang pananatili ko sa paaralang ito kaya nandito na ako upang magpaalam, aking ina.”
“Duncan, labis akong natutuwa sa iyong desisyon at proud akong malaman na pinili mo ito. Alam kong hindi rin naman ito para sa kapakanan mo. Iniisip lang ng iyong amang hari ang mga posibilidad kaya siya naghanap ng makakatulong sa iyo. Huwag mo sanang isipin na ikakasama mo ito anak. Mahal ka namin ng iyong ama kaya gagawin namin ang lahat para sa iyo.” Hinaplos nito ang kaniyang pisngi. “Sana sa pagbabalik mo ay makapili ka na rin ng babaeng papalit sa aking trono.”
“Ma, hindi ako magugustuhan ng mga babae dahil sa hitsura ko. Magugustuhan nila ako dahil may dugong bughaw na nananalaytay sa ugat ko.” Gusto niyang matawa sa bagay na iyon ngunit sinarili na lamang niya. Wala pa naman siyang napupusuan at wala pa sa plano niyang humanap ng makakasama sa buhay. Hindi nga niya kayang paliguan ang sarili niya, maghanap pa kaya siya. “Ayokong may mag-aalaga sa akin. Si Jefferson nga lang ay nahihirapan na sa akin, paano na lang kung siya ang mapapangasawa ko? Ang pagiging prinsipe ko lang ang habol niya at hindi ang kung ano ako.”
“Anak, kahit ako ay sisiguraduhin ko rin naman na mamahalin ka ng babaeng mapupusuan mo. Ayoko rin naman na malagay ka sa alanganin at ang ating kaharian. May napupusuan ka na ba?”
“Wala. Kahit maraming magagandang babae rito sa ating kaharian, wala pa rin akong nagugustuhan. Nasa kabilang bahagi ng Chantra siguro ang itinakda para sa akin.”
Napangiti ang kaniyang ina. “Nakakasiguro akong isa siyang maganda at mabait na dalaga. Hindi na ako makapaghihintay na makilala siya, anak.”
“Na… Iisipin ko muna ang training ko bago ang hanapin ang sinasabi niyo. Kailangan ko ng magpalit ng damit, ina. Salamat sa iyong mga payo at tatandaan ko ang lahat ng iyon.”
“Walang anuman, mahal kong prinsipe.”
Maya-maya lang ay lumapit si Jefferson sa kaniyang gawi kasabay nito si Lucila. Ngayong pumayag na siya, maghahanda na rin siya sa paglalakbay.