Chapter 2

1117 Words
Naglalakad sina King Luccus at Marcus sa malawak na bulwagan habang pinag-uusapan nila ang proyekto ng kanilang kaharian. Pinapalawak ng hari ang pagtulong sa mga nasasakupan nito lalo na sa mga kapos at walang kakayanan. Si Marcus Lucius ay kanang kamay ng hari na siyang namamahala sa halos limampung porsyentong proyekto ng kaharian. “Kumusta ang mga ipinapagawa ko sa iyo, Marcus?” tanong ni Haring Luccus. “Maayos naman, King Luccus. Malapit na rin matapos ang proyekto natin sa hilagang bahagi ng ating kaharian. Kaya lang ay may problema tayo sa kanlurang bahagi ng kaharian dahil sa unti-unting nagkakasakit at nanghihina ang ating mga trabahador,” wika naman ni Marcus. “Nanghihina? Ipadala mo ang mga mahuhusay nating manggamot upang gamutin sila. Maghanap ka na rin ng alternatibong mga kawal natin na maaaring pumalit sa posisyon ng mga nagkasakit. Hindi natin puwedeng ihinto ang proyekto ng mga pader sa bahaging iyon dahil maraming mga tulisan at mga bandidong gustong pumasok dito sa Changtra Kingdom.” “Ginawa ko na ang mga iyan, King Luccus. Nagpadala na ako ng mga mahuhusay nating manggagamot. Kumuha na rin ako ng mga taong gagawa ng mga pader na iyon at binigyan ko na rin ng kaunting tulong ang mga pamilya ng mga ito,” dagdag pa ni Marcus. “Mabuti naman kung ganoon, Marcus. Natutuwa ako na ikaw ang naging kanang kamay ko. Siyangapala, kumusta na rin ang paghahanap mo ng magister ni Prince Duncan? Nakahanap ka na ba?” “Isa pa iyan sa dapat ko sanang sabihin sa iyo, King Luccus. May nakita akong isang maliit na paaralan sa labas ng ating kaharian na may isang mahusay na magister. Hindi na man ito kalayuan sa ating kaharian at pwedeng tumungo naman ang prinsipe roon upang mag-ensayo. Kaya lang ang inaalala ko ay baka tanggihan din ito ni Prince Duncan. Kilala natin ang prinsipe na masyadong matakutin at laging iniisip ang kaniyang kapansanan,” paliwanag ni Marcus. “Ako na ang bahalang kakausap sa kaniya sa bagay na iyan. Kung hindi naman ito makakasama sa kaniya, napapanahon na upang matutunan niya ang ipagtanggol ang kaniyang sarili. Hindi habangbuhay na narito ako sa kaniyang tabi upang gabayan at protektahan siya.” Napailing ito lalo na at naalala nito ang nangyari kanina sa pagitan nila ni Prince Duncan. “Kayo ang bahala, King Luccus.” “Oh, muntik ko na rin makalimutang itanong sa iyo, Marcus. May nahanap ka na rin ba na magaling na pantas para sa mga paa ni Prince Duncan?” “Sa ngayon, wala pa. Nagpadala na rin ako ng mga tauhan natin upang maghanap sa labas ng kaharian. May pabuya na rin akong inihanda para sa sinumang makagamot sa mga paa ni Prince Duncan.” Napagkawala ito nang mahinang buntong-hininga. “Marami ng manggagamot ang sumuri sa kalagayan ng prinsipe pero ni isa sa kanila ay wala man lang nakapagpagaling. Kahit ang mahika nila ay hindi gumagana sa mga paa ng anak ko.” “Ako man ay nag-aalala rin sa kalagayan ng ating mahal na prinsipe. Paano niya maipagtanggol ang ating kaharian kung hindi rin lang siya marunong sa pakikidigma. Hindi sapat ang kaalaman lang sa pag-aaral ng mga dokumentong hinaharap niya sa araw-araw. Kailangan niyang maging mahusay sa larangan ng tibay at lakas ng loob. Nakakapanghinayang lang at kailangan pa nating magsanay ng mga mahuhusay nating mandirigma.” “Hayaan mo at kakausapin ko ang aking anak tungkol diyan.” Nagpatuloy lang ang dalawa sa paglalakad habang pinag-uusapan pa ang ilang mga maliliit na bagay. Samantala, lihim na nagmamasid si Prince Duncan sa training ground kung saan nakikita niya ang isang lalaking matapang na nakikipagtagisan ng galing sa espada at depensa. Ang lalaking ito ay ang heneral ng hukbo ng chantra warriors. Siya si Heneral Apollo Magallon. Kung sa lakas at depensa lang ang pag-uusapan, isa ang heneral sa mga mahuhusay nilang mandirigma. May matipuno itong katawan at sanay sa man to man defense. “Hah!” Isang pagwasiwas ng espada ang ginawa ni Heneral Apollo sa katunggali nito. Naririnig ni Prince Duncan ang paglapat ng mga nagtatagis na talim ng mga hawak nitong espada habang ginagamit ang bawat taktika upang mapatumba lang ang isa’t isa. Pinagkasya na lang niya ang sarili sa panonood ng ganoong pag-ensayo ng kanilang mga tauhan kasama si Jefferson sa kaniyang likuran. Tahimik lang din ito habang nakikinood tulad niya. Malakas na itinulak ni Apollo ang kalaban gamit ang espada nito. “Hah!” Saka ito mabilis na umikot at sinipa ang lalaking mandirigma. “Ugggh!!” impit nitong wika. Natumba rin ito at humandusay sa aspaltong sahig. “Sinong susunod?” matapang na tanong ni Heneral Apollo. Tinulungan ng mga ibang mandirigma ang lalaking humandusay habang ang iba naman ay hindi na makatingin kay Heneral Apollo sa takot. Maya-maya lang din ay inilagay nito ang espada sa kaluban nito sa kaliwang baywang saka ito naglakad patungo kay Prince Duncan. Punong-puno rin ng pawis ang buong katawan nito. “Magandang umaga, Prince Duncan,” sambit nito. Bahagya itong yumukod bilang paggalang sa kaniya saka ito muling humarap. “Magandang umaga, Heneral Apollo. Humuhusay ka sa pakikipaglaban,” wika niya. “Nararapat lamang na maging mahusay ako upang ipagtanggol ang mahal naming prinsipe,” tugon nitong may ibig sabihin. “Maagang pang-aasar iyan, Apollo. Bitay ang hatol ko sa mga katulad mong maaga pa lang ay inaasar ako.” Natawa ito. “Kung bakit pa kasi ayaw mong turuan kita kahit man lang humawak ka ng espada.” “Alam mo na ang sagot ko. Hindi nasusukat ang galing ng magiging hari sa kahariang ito sa pakikipaglaban kung lakas lamang ang paiiralin. Kailangan ng talino upang makapagdesisyon para sa iyong mga nasasakupan,” saad naman niya. “Sinasabi mo lang iyan dahil sa loob ng ilang taong nandito ako ay walang digmaang naganap. Paano kung may magtangkang sakupin ang buong kaharian ng Chantra Kingdom? Maipagtanggol mo kaya ang mga tauhan mo?” “Nariyan ka naman para ipagtanggol ang kaharian. Trabaho ng isang heneral na protektahan ang kaharian laban sa mga mananakop.” “Hay, Duncan. Mga bata pa lang tayo noon, ganyan ka na. Hindi ka pa rin nagbabago.” Bahagya lang siyang ngumiti at napailing dito. Si Apollo ay kasabay niyang lumaki sa kahariang iyon. Dating heneral ang ama nito na ngayon ay retirado na at ito ang pumalit. Sanay na siya sa mga pang-aasar nito pagdating sa pakikipaglaban dahil kahit ito ay hindi rin siya makumbinse. Para sa kaniya, ang digmaan ay hindi nasusukat sa lakas ng depensa lamang. Kung kailangan gamitan ng taktika sa pakikipag-usap at negosasyon, iyon lang ang angat niya. Dahil sa ngayon, iyon lang din ang kaya niyang ibigay alang-alang sa kaharian nila.   
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD