"Fiona, hindi mo pa rin ba ako kilala?" tanong niya sa akin na mas lalong nagpakunot ng aking noo. "Isa lang naman ako sa katauhan mo. Sa madaling salita, ikaw at ako ay iisa."
Matagal bumulabog iyon sa aking ulo lalo na nang mawala ulit ang boses na iyon. Minsan ay hindi naman iyon nagpaparamdam sa akin kaya sobra akong naguluhan lalo na nang bigla itong sumulpot at mawala muli.
"Hindi mo ba natatandaan ginawa mo kagabi?" saad ni Karina na nagpakunot ng aking noo.
Nasa campus na ako ngayon at break time namin. Naisipan naming tumambay sa ilalim ng puno dahil may bench naman sa ilalim nito. Mabuti na lamang at walang tao rito ngayon kaya nakapuwesto kami kaagad.
Wala akong maintindihan kahit ano ang pilit ko magmula nang sinabi ni Mommy na umuwi akong lasing kahit na hindi ko naman tanda. Kaya mas lalong nagpagulo muli sa akin ang tanong ni Karina.
"Karina, wala akong maala," sagot ko nang mahinahon.
Ibinaba ko naman ang hawak kong pagkain dahil parang nawalan ako ng gana. Katawan ko kasi ito pero minsan ay hindi ko na ito naiintindihan. May mga bagay na sumasagi sa isipan ko lalo na ngayon kung ano ba ang nangyayari sa akin.
Misan nga napag-isip kong magpunta na lang sa psychiatrist para magpa checkup dahil parang may mali sa akin. Pakiramdam ko ay nababaliw na ako dahil may mga naririnig akong hindi ko maintindihan. Kaya paano ko iyon gagawin? Paano ko sasabihin na wala akong matandaan?
Baka kasi isipin nilang nababaliw lang ako o umaarte pero ang totoo ay wala akong naaalala.
Good thing, lasing kami dahil nag-bar kami pero kahit na ganoon ay gusto ko pa ring malaman sa kaibigan ko dahil ang naaalala ko lamang ay nawalan ako ng malay sa parking lot kahapon dahil uuwi na dapat ako.
"Hindi mo naaalala?" natatawang tanong niya.
Base pa lang sa kaniyang tawa, kumalabog na ang puso ko dahil pakiramdam ko ay parang may nangyaring hindi maganda. Kilala ko na kasi si Karina lalo na kapag ganito ang kaniyang tawa.
"Hindi nga!" saad ko saka tumingin sa kaniya. "Ano bang nangyari?"
Tumingin naman siya sa akin nang seryoso saka ngumiti sa akin. Hindi ko alam kung bakit kumalabog ang puso ko sa paraan ng kaniyang ngiti pero sinubukan kong kumalma dahil walang maitutulong sa akin ang pagpa-panic. Mas lalo ka lang kasing kakabahan kapag ganoon. Kaya as much as possible, kailangan mong kumalma talaga.
"Ang totoo niyan, medyo tipsy ka na that time. Tapos bigla kang lumapit sa lalaki. Hindi ko maaninag ang mukha pero guwapo siya. After no’n, nagpunta kayo sa medyo madilim na part. Hindi ko nga lang kayo nasundan dahil may lumapit din sa akin na babae para makipag-usap," paliwanag niya.
Napanganga naman ako sa gulat nang sabihin niya iyon. Hindi ko kasi ine-expect na sasabihin niya iyon at ganoon ang gagawin ko kahit hindi naman talaga ako ganoon.
Sinubukan kong pakiramdaman ang aking sarili kung may nangyari ba sa amin ng lalaking iyon.
Malalaman mo kasi iyon lalo na pakiramdam mo ay malagkit ka sa ibaba pero hindi naman. Kaya baka walang nangyari? Pag-uusap lang siguro?
"Malalaman mo soon," bulong na naman ng isang pamilyar na boses.
Inis na napapikit ako ng aking mga mata at hinaplos ang aking sintido. Naririnig ko na naman kasi iyong boses na iyon tapos kapag susubukan kong hanapin, wala naman.
Hindi ko talaga maintindihan kung bakit nangyayari ito. Gusto ko na lang matulog nang matulog para lang mawala siya sa isip ko.
Ngunit hindi pa man akong nakakatapos kumain, bigla kong naramdaman ang panginginig ng aking katawan at panlalamig.
Sinubukan kong magsalita ngunit hindi ko talaga kaya. Para akong nanigas at hindi ko kayang magsalita o kahit man lang pagalawin ang aking katawan. Sinubukan ko ring ibuka ang aking bibig pero hindi ko magawa.
"Ako muna," saad ulit ng isang boses.
Napalunok ako lalo na nang magsimula kong habulin ang aking hininga. Para akong napapagod sa pagtakbo kahit na hindi naman talaga ako tumatakbo.
Ano ang nangyayari? Bakit ganito ang nararamdaman ko?
Nakarinig muli ako ng malanding tawa kaya natigilan ako. Hindi ko alam kung may mga elemento ba rito at ako ang pinagti-trip-an pero kahit na ganoon ay sinusubukan ko pa ring kumalma.
"Hindi ako elemento, Fiona," bulong ng boses sa aking utak.
Napapikit ako at sinubukan siyang alisin sa aking ulo pero mukhang ayaw niya yata dahil mas lalo ko lamang siyang naririnig.
"Sino ka ba kasi?! Bakit naririnig kita? Bakit hindi kita nakikita?" sunod-sunod na tanong ko dahil hindi ko talaga maintindihan ang lahat.
Naguguluhan ako nang sobra pero siya ay parang natutuwa pa lalo na ngayong nandito na naman siya sa aking utak.
Gusto kong magalit. Gusto ko na lang din iuntog ang sarili ko hanggang sa mawala siya sa aking isipan pero magmumukha akong baliw no'n.
"Bakit ba hindi ka makaintindi, Fiona?" napipikon na tanong niya sa akin. "Ako ay ikaw at ikaw ay ako. Iisa lang tayo pero magkaibang identity. Kaya puwede ba? Huwag nang magpaulit-ulit dahil may date ako. Magpahinga ka na lang muna."
Bago pa ako magsalita ay mabilis ng kinain ng dilim ang aking paningin.
Napahawak ako sa aking sintido nang ginawin ako. Sinubukan kong hanapin ang kumot pero nangunot ang aking noo nang maaalala kong hindi naman ganito kalakas ang aircon ng aking kuwarto.
Sa pagkakatanda ko ay hindi naman halos magyelo na sa loob. Sakto lang para hindi mainit. Kaya bakit biglang ganito ang nangyari?
Hindi ko man maintindihan ay mabilis kong iminulat ang aking mga mata hanggang sa mapansin kong ibang kuwarto pala ito. Kulay itim at gold ang theme ng kuwarto pero kahit na ganoon ay mabilis akong bumangon.
Patakbo akong lumabas ng condo na iyon dahil baka namaling condo lang ako nagpunta dahil hindi naman ganito ang theme ng condo ko. Halatang panlalaki.
Ninenerbyos akong nagpunta sa aking condo at isinara kaagad ang aking main door. Napasandal ako sa pinto at huminga nang malalim. Mabuti na lamang at ilang pinto ang nalagpasan ko bago ako makarating sa condo ko pero nakakapagtaka kasi kung bakit ako napunta roon kahit na wala naman talaga akong naaalalang pumasok ako roon.
Hindi naman ako lasing. Kaya bakit ako napunta roon? Bakit bigla na lang akong nakapasok sa iibang condo kahit na may condo ako?
Ang malala pa ay walang tao roon o baka talagang hindi ko lang napansin? Lumabas kasi ako kaagad dahil sa pagka-panic ko. Hindi ko alam. Basta ang ugali ko, kapag wala ako sa condo o lugar ko, lalabas ako kaagad at hindi ko na titingnan kung may tao ba o wala.
Napahawak ako sa aking dibdib nang maramdaman kong sobrang lakas ng kabog nito at halos mabingi na ako.
"Ano ba? Bakit nagpunta ka kaagad sa condo mo?" tanong ng isang boses.
Inilibot ko ulit ang aking mga mata at nagbabaka sakaling nandito lang ang taong nagsasalita pero wala talaga.
"Hindi ka man lang ba nag-iisip? Ako na nga ang gumagawa ng paraan para magkaroon ka ng boyfriend."
"Please, stop!" sigaw ko at tinakpan ang aking dalawang tainga.
Bigla akong umupo at ipinikit ang aking mga mata dahil hindi natitigil ang boses na iyon sa aking utak.
"Stop! Huwag mo na akong guluhin! Ayaw ko nang marinig pa ang boses na iyan. Please! I'm begging you," umiiyak na saad ko. "Huwag mo naman akong gawing baliw!"