Chapter 4
Rest
“Joy, ba’t parang namumutla ka?”
Iniwas ko kaagad `yong mukha ko para hindi ko makita na nag-aalala si Donita. Ang bilis pa naman nitong makahalata. Nagkasalubong kasi kami nitong si Donita `tapos nag-usap saglit. Hindi ko naman inaasahan na mahahalata niya kaagad `yong mukha ko. Gano’n na ba `ko kaputla?
Tumingin na `ko ulit sa kaniya. “Hindi, ah.”
Pero mukhang hindi rin siya na-convince. `Di bale na. Hindi na lang ako magpapahalata. Ma-o-obvious na ako.
Tinapik ko na lang siya. “Ikaw naman! Relax. Okay lang talaga ako.” Ngumisi ako.
Tumango naman siya kahit na nando’n pa rin `yong kunot sa noo niya.
“Tara, `kain na tayo sa canteen---”
“Naku, sorry!” pinigil ko kaagad `yong pag-alok niya. “Kailangan ko kasing umuwi nang maaga. May gagawin ako sa bahay.”
Sorry talaga, Donita…
Nakonsensya pa ako lalo dahil ang lungkot no’ng mukha niya. “Gano’n? Wala ka na bang klase mamaya?”
Tinanguan ko siya `tapos kinindatan din. “Wala na. Wala `yung prof namin sa World Literature. Siya, ba-bye na.”
Naging araw-araw na gawain ko na `yun. Sa weekdays, gumagawa ako ng assignments at projects ng mga kaklase ko maging ng mga ka-schoolmates ko sa ibang course. Sa weekends naman, lagi naman akong nasa salon at ginagawa ko `yung trabaho ko bilang part-time manicurist, pedicurist, at siyempre assistant ng make-up artist.
Minsan nga, `di ko na halos maramdaman `yong katawan ko. Sa dami ng ginagawa ko na halos dyina-juggle ko na lahat – pag-aaral `tapos trabaho, pagiging ate pa sa mga kapatid ko. Minsan, iniisip ko, nakakahinga pa ba `ko? Para na kasi akong lumulutang. Ramdam na ramdam ko `yung pagod at gutom tuwing natutulog ako pero siyempre hindi ko naman puwedeng sabihin `yon.
Gusto ko na minsang sumuko at huminto sa mga ginagawa ko pero kapag nakikita ko `yung mga kapatid ko na nagpupursige sa buhay para makatulong, naiisip ko na hindi pa pala puwedeng sumuko. Kailangan ko pang lumaban. Para sa kanila; para sa kinabukasan nila. Namin.
Ang tamis ng ngiti ko habang naglalakad palayo sa apartment. Pupuntahan ko na kasi si Aling Becky at mababayaran ko na `yun sa renta!
Seryoso!
Kakasahod ko lang kasi kahapon sa salon at sumakto na siya sa pambayad ko sa upa! Ang laki no’ng ngiti ko kasi may pambayad na `ko! Proproblemahin ko na lang `yong sa bayarin no’ng dalawang bata.
No’ng nakita niya `ko, inasahan ko nang liliwanag `yong mukha niya kasi may dala akong pera.
Ang giliw niya rin akong sinalubong. Ang lakas talaga nitong makaamoy kapag may pera `yong mga pinapauhan niya ng apartment niya.
“Naku, Joy, maaga pa, ah?”
Ang sarap namang ngisihan ng isang `to. Ganito lang `to kapag may magbabayad sa kaniya. Tingnan lang natin kapag na-delay na ako. Mag-iiba ang timpla ng mukha nitong maraming wrinkles sa mukha.
Binigyan ko nga siya ng isang pekeng ngiti. “Naku, dinaanan ko lang po ito. Bayad po namin sa renta para po sa buwan na `to.”
Kumislap lalo `yong mga mata niya no’ng makita na `yong pera na hawak ko. Mga tao nga namang uhaw sa pera…
Agad-agad, kinuha na `yong pera ko. Ang excited.
Ang lapad pa ng ngiti. “Naku, Joy, salamat, huh? Iba na talaga `yong nagagawa kapag `yong tatay, eh, foreigner, ano?”
Buwisit!
`Di ba puwedeng produkto `yun ng ilang linggong pagpupuyat ko sa paggawa ng assignments ng iba?! Ng pagod ko sa salon?! Ng pagtitipid ko sa pagbili ng pagkain sa canteen?!
Puwede bang tanggalin naman sa mindset niya `yong hindi lahat ng tao, opurtunista?! Hindi ko kailangan ng kahit sino para lang mabuhay ako!
Pero idinaan ko na lang siyempre sa tawa. Wala akong balak sirain `yong araw ko sa mga tagilid ang mindset.
“Wala po siyang kinalaman sa pambayad po namin. Pera po na kinita ko `yan sa parlor. Sige po, alis na po `ko.”
Ayan, ngiwi lang `yong binalik niya sa `kin. `Buti naman, tinikom niya kaagad `yong bibig niya kasi buwisit, baka hindi ako makapagpigil, nasagot ko na `to nang pabalang.
Kesa naman maging bastos, umalis na `ko ro’n pagkatapos kong magpaalam. Pero, kinuyom ko kaagad `yong kamay ko kasi nanginginig ako sa inis! Gano’n ba tingin ng lahat ng tao sa `min?! Na madali kaming masilaw sa pera kapag nakapag-asawa si Glenda?! Na porket gano’n na si Glenda, na oportunista siya, gano’n na rin kaming lahat ng mga anak niya?!
Mga tao nga naman!
Alam kong kapag nakita akong ganito ni Cara, mag-aalala `yon kaya nagpahangin lang ako saglit sa labas bago pumunta ng bahay. Naabutan ko si Cara na abala sa pagnguya no’ng kinakain niya `tapos si CJ, naghuhugas ng mga plato.
“Ate, kain.”
Ang bilis mangalam ng sikmura ko no’ng maamoy ko `yung pinaghalong sardinas at itlog---nagugutom na `ko!
“Sige lang.” sabay iling ko. “Mauna na `ko sa inyo. May exam pa kami mamaya, eh.”
Nagsalubong agad `yong mga kilay ni Cara. “Okay ka lang? Hindi ka pa kaya kumakain, ate, simula pa kagabi. `Tapos, namamayat ka na, oh.”
Nakita ko kaagad sa gilid no’ng mga mata ko na tumigil sa paghuhugas si CJ `tapos tumingin na rin sa `kin!
Ang daldal din minsan nitong si Cara! Narinig tuloy ni CJ!
“Kumakain ka ba, ate?”
Hindi ko gustong nag-aalala si Cara sa `kin. Hindi `yan matahimik. Kapag nagkakasakit sa `min, kahit na hindi halata sa kaniya, siya pa `yong unang matataranta kaysa sa `kin. Hindi ako titigilan niyan… `susko, `yang si Cara para nang nanay kung umasta kapag nagkasakit kami.
Ayoko pa naman ng gano’ng pakiramdam.
“Oo nga… Sa MSU na ako kumakain.” Nagpeke pa ako ng ngiti para convincing.
Umalis na ako kaagad kasi maraming tatakbo sa isip ni Cara. Ayoko na siyang mag-isip sa `kin. Lalo lang siyang mag-aalala. Okay naman ako.
Pumasok ulit ako sa pinakapaborito kong subject, Phil. Consti. Pero hindi kagaya noon na trip kong asarain `yong magaling kong prof, ngayon, hindi ko na nagagagawa. Mas naging focus ako sa buhay ko.
Mas naging masaya ako no’ng nagsipagbayad na sa `kin `yong mga ka-schoolmates ko, siyempre. Minsan, iniisip ko na ilegal naman talaga `tong ginagawa ko kaso hindi naman ako kagaya ng iba na may privilege card. Kailangan ko munang paghirapan lahat bago ko ma-achieve `yong mga bagay na gusto ko. `Yong mga pangarap ko.
Hindi naman sa minamasama ko `yong mga taong may pribileheyo kasi may ilan din naman sigurong ginagamit `yong meron sila sa tama at pinaghirapan naman din nila `yon. Ang akin lang, suwertihan lang talaga kung ano’ng sitwasyon `yong mapupuntahan mo. Malas ko lang at sa ganitong sitwasyon ako ngayon.
Pero aangat din ako. Wait lang sa pangarap ko, abala lang ako na abutin ka.
Kapag medyo nakaluwag-luwag na `ko, hindi ko na talaga `to gagawin. Ipapatigil ko na rin `to sa mga kapatid ko. Kailangan lang talaga namin ng pera at ito lang `yong nakikita naming easy money.
Bahala na sa mga hindi makakaintindi.
Kaso, napansin ko kanina pa na parang hapong-hapo ako? `Tapos, ang tamlay ng pakiramdam ko na parang ang dami kong ginawa? Nakakaramdam din ako ng hilo… ano ba `to? Ba’t ngayon pa `to umaatake kung kailan na may recit kami subject na `to?!
Pinilit kong basahin `yong reviewer ko na nakasulat sa yellow paper. Iyon talaga `yong sinunod ko pagkatapos kong magtrabaho… alas-cuatro na yata ako natapos. Ni wala pa akong tulog halos na ginawa. Kaya siguro ako nahihilo?
Ang lala naman kung gano’n nga!
Pinikit ko muna `yung mga mata ko `tapos umiling-iling ako para umayos `tong katawan ko. Kailangan kong mag-focus. Malaki `yong points nitong recit na `to sa grades ko. Wala akong planong matanggal sa scholarship nang dahil sa course na `to.
Eksakto, dumating na si Sir Vergara. Ang seryoso no’ng mukha niya… wala namang planong ngumiti `yang si sir---pakialam ko ba? Nahihilo na nga `ko, kung ano-ano pa `yong mga napapansin ko.
“Please prepare for this graded recitation. I hope, you all studied well because if you’re going to fail this recit, it would affect your grades in over-all. This will also serve as your long exam.”
Seryoso ba siya?!
Rinig ko `yung panlulumo ng mga kaklase ko pero hindi naman ako naka-focus doon kundi sa hilo na nararamdaman ko.
Bakit ngayon pa `to umatake?!
Napansin kong nagsisimula na siyang mag-shuffle no’ng hawak niyang index cards. Hindi ko alam kung saan ko ba i-po-focus `yong mararamdaman ko; kung `yung kabog ng dibdib ko dahil sa kaba o dahil sa alam kong kapag nagkasakit ako, absent ako nito.
Ang dami niya ring tinawag. Naghahalo na nga `yong kaba ko at `yong hilo ko dahil iyong mga alam kong tanong, natanong na niya. Nabablangko ako… buwisit na hilo!
“Miss Perez.”
Ako na!
Pinilit kong tumayo kaso ang bigat ng ulo ko.
Ano ba namang katawan `to, umayos naman!
Sa wakas, nakatayo rin ako pero parang matutumba na `ko sa bigat ng katawan ko. Sinubukan kong ituon `yong atensyon ko kay sir.
“Yes, sir?”
“Cite the importance of our legislative system and the implications if this will be dependent to the executive branch.”
Wala halos pumapasok sa ulo sa mga sinabi niya. Para na akong babagsak.
“Miss Perez,” tawag niya ulit.
Alam ko naman `yong tanong niya. Kaso, ibubuka ko pa lang `tong bibig ko, nahihilo na `ko.
“Miss Perez, did you hear what I---”
“I heard it, sir, loud and clear.”
Hindi ko na narinig `yong boses ko kung nasungitan ko ba siya o ano kasi hindi ko gusto `yung tanong niya. Ano’ng akala niya sa `kin, bingi?!
Ang lalim ng paghinga ni sir.
“All right, please begin.”
Huminga muna ako nang sandali bago nagsalita… pero malas. Malas talaga ng araw na `to dahil pagkatapos ko lang yata magsalita ng tatlong sentences, nahimatay na `ko.
At `yun `yong una kong naalala pagkagising ko. Ang tanga ko! Buwisit, ang sarap umiyak! Bakit naman kasi sa lahat ng tao na makakaranas nang gano’n, ako pa?! Recit namin `yon! Long exam namin `yon pero nagawa pang sumuko nitong katawan ko!
`Yong kagustuhan kong lumuha dahil sa frustrations at halo-halong emosyon na bumibigat sa dibdib ko, `di ko naman magawa, kasi sino namang magpapatahan sa `kin kapag nasasaktan ako? Sino nama’ng mag-aalala sa `kin kapag ganito ako nanghihina? Sino’ng aagapay sa `kin sa sitwasyon na `to?
Walang kuwarto para panghinaan ako. Maraming umaasa sa `kin. Bawal umiyak. Ayokong umiyak.
Aware na `kong nasa clinic ako pagkagising ko. Nilapitan na `ko no’ng school physician no’ng makita na niya `kong gising. Okay na sana `yong pakiramdam ko, pero para akong binuhusan ng malamig na tubig dahil sa paglitaw ni sir Vergara sa likod no’ng university physician!
Siya ba `yong---hala, lagot na `ko!
Nagpapanic na `yong buong katawan ko! Sa lahat pa talaga ng puwedeng magdala sa `kin dito sa clinic, siya pa?!
Ang tuyo ng lalamunan ko kaya hindi kaagad ako nakapagsalita no’ng lumapit na siya nang tuluyan sa hospital bed. Napaka-kaswal niya lang no’ng tumitig na siya sa `kin. Iniwas ko nang mabilis `yong paningin ko. Ano na lang `yong mukha na ihaharap ko sa lalakeng `to?!
“Kumain ka na ba, iha?” napaka-kalmado no’ng boses ni doktora. Kita mo pa sa mukha niya na nag-aalala siya sa `kin. Hindi katulad no’ng katabi niya. Hindi mo malaman kung gusto pa ba niyang gumaling ako o ayaw niya. Mukha siyang napilitang pumunta rito, eh!
Ano nama’ng sasabihin ko?! Siyempre, `di ko sasabihin `yong totoo! Ayoko namang ma-ospital nang `di oras. Mahal ang gamot. Magastos magkasakit.
Sinulyapan ko saglit si sir. Balak niya sigurong pakinggan kaming nag-uusap ni doktora dahil hindi siya umaalis. `Tapos, nakatupi pa `yong mga braso niya sa dibdib niya. Sobrang seryoso niya pa. Halatang nakaantabay `to sa isasagot ko.
“Opo---”
“Sigurado ka ba? Ang putla mo kasi masyado… mukha pang bagsak `yong katawan mo. Sigurado ka ba talaga?”
“Opo naman po, doc!” ngumiti pa `ko para convincing sa kanila.
“Please be honest with us. `Di namin malalaman `yong current state ng katawan mo kung hindi ka magsasabi ng totoo sa `min.”
Tinikom ko na lang `yong bibig ko. Ayokong may makuha sila sa `king impormasyon sa kalagayan ko. Baka, mauwi `to sa pagsugod sa `kin sa ER. Ang mahal pa namang magpa-ospital.
Isa pa, mukha namang napansin nilang pagod na pagod `yong mukha ko. Halatang sinagad ko `yung katawan ko na magtrabaho at hindi kumain.
May narinig akong nagbuntong-hininga. Pag-angat ko ng tingin, parehong umalis na si Sir Vergara at `yong physician. Ano ma’ng pinag-uusapan nilang pribado, wala na `kong pakialam. Kailangan ko nang umalis dito.
Inalis ko na `yong kumot na nakabalot sa buong katawan ko bago bumaba sa hospital bed. Dahan-dahan akong naglakad at hindi naglikha ng ingay. Baka pa makahalata sina sir na lumabas ako.
Nakahinga ako nang maluwag nang makalabas na `ko nang tuluyan sa clinic. Maglalakad pa lang ako ng ilang hakbang kaso napatigil ako kaagad.
“Where will you go, Miss Perez?”
Ang bilis namang maglakad ni sir!
Pumihit ako paharap. Nakakakaba naman `yong pagkaseryoso ng mukha niya!
Napatikhim ako. “Good… afternoon, sir.”
“Your test is not done yet.”
Ngumiwi akong bigla. Grabe namang magbantay `tong si sir!
“Uuwi na po `ko, sir. Okay naman na po `ko. Kaunting pahinga lang po siguro `to.”
“You look pale. Are you eating your food regularly?”
Tumango ako. “Yes, sir.”
“You passed out in the class… Are you now okay?”
Hindi ko alam kung bakit tanong siya nang tanong pero tumatango naman ako. Mukha bang hindi convincing `yong mga sinabi ko kanina?
At… pinaalala niya pa `yong kahihiyan na nangyari sa `kin kanina. Pag-uusapan na naman ako ng mga tao nito…
No’ng tumango ako, mas malalim `yong titig niya. Hindi ko alam kung ano’ng tumatakbo sa isip niya na parang gusto niyang basahin `yong buong pagkatao ko.
“Sige po, aalis na `ko sir---”
“Where are your parents?”
Patay!
“Wala po sila---”
“Where are them? They need to know your condition.”
Ang kulit naman ng isang `to!
“W-wala nga po sila, sir.”
Napipikon na `ko.
“All right.” Tumango siya. “Who’s with you in your household?”
Hindi pa ba siya tapos?!
“Kasama ko po `yung mga kapatid ko sa bahay,” sagot ko.
“Okay, I’ll coordinate your condition with the Student Affairs; they will call your siblings---”
Pota!
Nanlaki kaagad `yong mga mata ko. Pati puso ko, nagrarambol sa dibdib ko!
“Pakiusap, sir! H’wag n’yong gawin `yan!”
Napapitlag si sir sa inasal ko. Halos mangilid sa luha `yong mga mata ko. Kung may huling dapat makaalam ng kalagayan ko, `yon ay walang iba kundi `yung mga kapatid ko! Ayokong mag-alala sila sa `kin! Ang dami na nga naming problema, pampabigat pa `ko!
Napahugot ako ng malalim na hininga. “Sir, nakikiusap po `ko. H’wag n’yo pong gawin `yon. Okay naman na po `ko… Ayoko pong bigyan sila ng alalahanin dahil marami na po kaming problema. Pakiusap po...”
Halos basag na `yong boses ko dahil isang pitik na lang, iiyak na `ko. Mahina ako sa mga kapatid ko. Hindi nila deserve na maroblema nang dahil sa `kin. Mas kailangan nilang isipin `yong pag-aaral nila. Ayokong maging hadlang sa mga pangarap nila sa buhay.
Parang lumambot `yong mukha ni sir. Kalmado siyang tumango. “All right.”
Nakahinga ako nang maluwag!
“But you still need to rest.”
Nanlaki na naman `yong mga mata ko kasi may exam pa kami!
“May recit pa po, sir!”
“I canceled it.”
Umawang ang labi ko. Ano raw?!
“My students’ health matter the most. After we sent you here at the clinic, I dismissed the class and told your classmates to have the recit conducted by next week.”
Hindi ko pinahalatang masaya ako sa ginawa niya. Magte-thank you na sana ako kaso oo nga pala, si Sir Raven Vergara nga pala `tong kausap ko. Ayaw sa `kin nito. Kaya, h’wag na lang. Ayokong isipin niya na okay na kami.
Sinunod ko `yung sinabi niya na magpahinga ako. Ginawa ko kasi baka kapag pinairal ko `yung pagiging pasaway ko, magsumbong na talaga siya sa mga kapatid ko. Sinabi rin naman niya sa `kin na siya na raw ang bahala sa mga professor ko sa iba kong subject. Mabuti na lang at minor lang `yong kasunod `tapos uwian na.
Medyo bumuti-buti na rin `yong pakiramdam ko pagkatapos. Nagpasalamat ako sa doctor na nag-attend sa `kin. Binigyan niya rin ako ng gamot. Mabuti na lang, walang bayad. Free raw na binibigay nila iyon kapag unang consultation.
Pagabi na nang makalabas ako sa MSU. Proproblemahin ko na naman `yong uulamin namin mamaya. Kailangan ko tuloy sumuyod sa bayan para makahanap ng murang ulam.
“Miss Perez.”
Nanlaki kaagad `yong mga mata ko no’ng makita `yong mukha ni sir Vergara na nakasilip sa bintana ng mamahalin niyang sasakyan. Gano’n pa rin, seryoso `yong mukha.
Medyo alangan pa akong lumapit. “Yes, sir?”
“Are you okay now?”
Tumango ako. “Yes, sir.”
“Good.”
Ang tagal din niya `kong tinitigan. Parang may gusto pa siyang sabihin pero pinili na lang niyang tumikom.
Bumuntong-hininga siya. “Take enough rest. See you next week.”
Tumango ako. No’ng nakalayo na `yong sasakyan niya sa paningin ko, naisip ko na dapat, pakitaan ko pa siya nang mas higit nang kung ano pa `yung pinapakita ko sa klase niya. Titiyakin ko na hahanga rin sa `kin si sir. Hindi lang ako nakakapag-aral nang maayos dahil sa mga nagdaang problema, eh.
Pero next time? Magugulat siya sa ipapakita ko. I will ace the recit. Tama… wait lang siya.