Barbara’s POV
PAPASOK na sana ako sa shop isang umaga ng makita ko sa bungad ng pinto si Dustin. Nakakapagtaka kasi hindi siya nakasuot ng uniform namin. “Dustin? Good morning! Hindi ka ba papasok?”
“Tayo. Hindi tayo papasok,” aniya.
“Ha? Bakit?”
“Kailangan nating mag-usap Barbie...” seryoso niyang turan.
Sumeryoso rin ako at hinarap siya. “May problema ba Dustin? Third party? LDR? No communication?”
Nangunot ang noo niya. “Ano bang pinagsasabi mo? Seryoso ako Barbie. M-may sasabihin ako sa iyo na sobrang importante. Halika na!” sabay hila niya sa kamay ko paalis.
“Teka teka teka lang! Mapapagalitan tayo ni Sir Marcus niyan. Pwede mamayang pagkauwian na lang natin?” suhestiyon ko.
“Nakapagpaalam na ako kay Sir Marcus.” aniya.
Wow! Ang Boy Scout naman ng boyfriend ko!
Sa Baywalk ako dinala ni Dustin. Mainit pero keri lang kasi mahangin naman eh. “Anong gagawin natin dito?” tanong ko sa kanya.
Tumingin sa dagat si Dustin. “May sassbihin sana ako sa iyo Barbia. Alam naman natin parehas na bago pa lamang tayo sa relasyong ito at bata pa tayo...Gusto ko sana na habang maaga pa ay tapusin na natin ito.” sabay tingin niya sa akin na may lungkot sa kanyang mga mata.
“D-dustin...” tigalgal ako sa isiniwalat niya.
Hindi ako makapaniwala sa sinabi niya. Pakiramdam ko ay pinagsakluban ako ng langit at lupa. Gusto kong isipin na sana ay panaginip lang ang lahat ng ito.
“Barbie...Hindi naman sa hindi na kita mahal pero nahihirapan na ako at ayaw kong pati ikaw ang mahirapan. Nalilito ako...Hindi ko alam. Mahal kita pero...May isang tao na nagpapagulo ng nararamdaman ko!”
Si Barbara. Alam ko na ito ang tinutukoy niya.
Masuyo ko siyang tinignan. May humaplos na awa sa puso ko ng makita ko ang mukha niya na parang nahihirapan.
Tumango ako. “Naiintindihan ko Dustin. Siguro nga, hindi pa ito ang oras natin. Tuldukan na natin ito...”
Bigla akong niyakap ni Dustin. “Sorry talaga Barbie...Sorry.”
Pinahid ko ang luhang nalaglag sa aking mga mata at gumanti sa kanya ng yakap.
MAG-ISA akong nasa Baywalk habang minamasdan ang magandang sunset roon ng biglang sumulpot sa tabi ko si Matandang Hukluban. “Hello Barba--- este Barbie! How was your day? Bakit nag-iisa ka yata? Sad?”
“Daming questions. Pwede isa-isa lang?” Iba na naman ang outfit ni Matandang Hukluban.
Naka-pink gown ito na akala mo ay aattend ng JS Prom! Pati make-up nito ay lahat pink.
“Malungkot ka alam ko...” aniya.
“Alam niyo naman pala, sinasabi niyo pa! Oo, malungkot ako.”
“Dahil ba sa lipstick?”
“Hmm...Ayokong sisihin ang lipstick Matandang Hukluban kasi napapasaya naman niya ako. Ang sarili ko ang gusto kong sisihin kasi pumasok ako sa isang sitwasyong alam kong makakasakit ako ng tao...”
Pumalakpak muna si Matandang Hukluban sabay pout. “Si Dustin ba?”
Tinignan ko siya. “Pano niyo nalaman? May pagkatsismosa rin kayo ano!”
“Hindi ka na nasanay sa akin. Simula ng ibigay ko sa iyo ang MAGIC RED LIPSTICK ay naging guardian angel mo na rin ako, ano! Kaya lagi akong nakasubaybay sa'yo. Parang paparazzi by Lady Gaga.”
Nangalumbaba ako. “Korek ka Matandang Hukluban, si Dustin nga. Alam ko kasi na siya ang nahihirapan ngayon sa nangyayari. Para kasing may gusto na rin siya kay Barbara at hindi ko alam kung ano ang nakita niya sa anyo kong iyon at ganoon ang nararamdaman niya. Masakit para sa akin na ako ang dahilan ng pagkakagulo-gulo ng kanyang nararamdaman...”
“Kaya mo na bang aminin sa kanya ang totoo?”
“Hindi ko pa po alam...Hindi ko pa alam...” Malungkot kong tugon.
“SAAN ka ba galing Barbara at ngayon ka lang umuwi?” bungad agad sa akin ni Chiqui.
“Malas naman! Bunganga mo agad ang sumalubong sa akin!” Pinuntahan ko sina nanay sa may kusina at nagmano ako. Tapos ay si tatay naman na nakahiga. Hinalikan ko siya sa pisngi.
Lumapit sa akin si nanay. “Anak, nasa ibabaw nga pala ng lamesa iyong gamot mo. May nararamdaman ka pa bang pananakit sa tiyan mo?”
“Minsan po nanay meron pero wag kayong mag-alala kasi kaya ko naman. Wala ng tatlong taon ang titiisin ko.”
“Ang anak ko...” at niyakap niya ako. “Bakit ikaw pa ang binigyan ng ganyang sakit ng Panginoon? Napakabuti mo naman! Huhuhuhu!”
Biglang singit si Chiqui. “Bakit gusto niyo sa inyo binigay?”
Sinapak ko si Chiqui sabay yakap ulit kay nanay. “Nanay, isipin na lang po natin na may magandang kapalit ang pagkawala ko. Maging positibo na lang po tayo, ha?”
Isa-isang nagsilapitan sa amin ang apat ko pang kapatid at nagsiyakapan sa akin. Si tatay, gumapang pa talaga para makiyakap sa binti ko nga lang. Hindi kasi siya nakakatayo. Si Chiqui naman halos himatayin sa paghagulhol.
Ang drama!
TALAGANG nagkakailangan kami ni Dustin sa shop kinabukasan. Hindi muna kami nag-uusap. Si Sir Marcus naman, aba mukhang OK na agad- agad kasi may dine-date na agad na girlaloo. Sinama pa niya sa shop. Mukha naman na mabait iyong babae at ang pangalan nung girl ay si Maya. Ganun?!
“I have something to say sa inyo.” turan ni Sir Marcus ng break time na namin. “Sa Monday ay anniversarry ng cake shop natin so we have a celebration to make. Magkakaroon tayo ng outing sa isang private island somewhere in Palawan!” Nagpalakpakan kaming lahat sa sinabi niya.
Tumaas ng kamay iyong isa naming katrabaho. “Sir, pwede po bang magsama kami ng family namin?”
“Yes, as long as two members lang. That's not a problem.”
Outing? Private island? Mukhang kailangan hindi mawalay sa kamay ko si MAGIC RED LIPSTICK!