Hindi agad napansin ni Jong ang lahat at marahil 'yon ang mas nakakatakot. Sa isang ordinaryong araw sa campus, habang nagkukumpulan ang barkada sa gilid ng corridor, nahuli ng mga mata niya ang isang sandaling hindi naman dapat mahalaga ang paraan ng mabilis na tinginan nina Chie at Jia, parang may lihim na sabay nilang itinago bago pa siya tuluyang lumapit. Hindi siya nagsalita, hindi rin nagbiro gaya ng dati, pero may kung anong kumurot sa loob niya, isang pakiramdam na hindi niya agad pinangalanan, pero maingat niyang itinabi sa isip bilang red flag.
"May problema ba?" tanong ni Chie ng pilit at casual nang mapansing tahimik siya.
"Wala," sagot ni Jong, bahagyang ngumiti, pero ang ngiting 'yon hindi umabot sa mga mata niya.
Habang nagpapatuloy ang usapan tahimik lang siyang nakikinig sinusukat ang pagitan ng mga salita, ang mga kilos na dati normal lang pero ngayon may kakaibang bigat. Hindi pa niya alam ang katotohanan, pero sa mismong sandaling 'yon may piraso ng tiwala ang unang nagbitak at minsan sapat na ang isang bitak para magsimulang gumuho ang buong paligid.
Mas tumagal ang katahimikan ni Jong kaysa sa inaasahan ng barkada, at 'yon ang unang napansin ni Chie. Sa tuwing nagsasalita si Jia, may paraan ng pag-iwas ng tingin si Jong hindi galit hindi rin selos kundi isang uri ng tahimik na pagsusuri parang may binibilang siyang hindi alam ng iba. Habang naglalakad silang magkakasama palabas ng building nahuli ni Jong ang kamay ni Jia na muntik nang humawak sa manggas ni Chie bago mabilis na umatras.
"Close kayo ah," biglang sabi ni Jong tila biro, pero may bigat ang tono.
"Matagal na," sagot ni Jia agad sa kanya masyadong mabilis, at masyadong handa.
Hindi na nagsalita si Jong pagkatapos noon. Sa isip niya unti-unting nabubuo ang isang larawan hindi pa buo pero sapat para guluhin ang tiwala niyang matagal niyang iningatan sa loob ng circle nila. Hindi niya balak manghimasok, hindi pa, pero sa sandaling 'yon alam niyang may isang katotohanang pilit na tinatakpan ng ngiti at normalidad at kapag ang katotohanan ay pinilit ikubli, mas nagiging malinaw ito sa mga marunong tumingin.
Mas naging mapagmatyag si Jong sa mga sumunod na araw hindi lantaran, hindi halata, kundi tahimik na parang isang kaibigang masyadong maraming napapansin. Napansin niya kung paanong nagiging maingat si Chie sa bawat kilos kapag naroon si Jia kung paano nag-iiba ang boses ni Jia kapag siya ang kausap nito kumpara sa iba. Hindi niya gustong isipin ang masama, pero mas mahirap pigilan ang instinct kapag paulit-ulit kang binibigyan ng dahilan.
Isang hapon, nadatnan niyang magkasabay na palabas ng library sina Chie at Jia masyadong tahimik para sa dalawang taong sinasabing "magkaibigan lang."
"Uy, sabay pala kayo." tawag ni Jong.
Nagka-tinginan ang dalawa bago sumagot si Chie, "Oo, nagkataon lang."
Tumango si Jong pero sa loob-loob niya may tahimik na tanong na lalong lumalakas.
Gaano karaming 'nagkataon lang' ang kailangan bago maging katotohanan? Hindi pa siya handang magsalita hindi pa handang manghusga alam niyang sa oras na masira ang tiwala sa loob ng barkada, wala nang babalik sa dati at ang una niyang gagawin alamin kung sino ang nagsinungaling, at kung hanggang saan.
Habang tumatagal mas nagiging malinaw kay Jong na ang katahimikan hindi kawalan ng problema madalas ito ang pinakamalakas na indikasyon na may itinatago ang lahat. Sa loob ng cafeteria habang magkakasabay silang kumakain napansin niya kung paanong hindi na magka-tugma ang mga kwento nina Chie at Jia kung paano may mga sandaling nauuna ang reaksyon nila bago pa ang tanong.
"Naalala mo 'yong sinabi mo kahapon?" biglang tanong ni Jong kay Jia parang wala lang.
"Alin doon?" sagot ni Jia, bahagyang nagulat.
"Yong tungkol sa ginawa nyo ni Chie sa library," dagdag niya at dahan-dahan tila sinusubok ang dalawang kaibigan niya.
May sandaling tumigil ang lahat isang kisapmata lang, pero sapat para mapansin ni Jong ang mabilis na palitan ng tingin nina Chie at Jia. Hindi siya nagsalita pagkatapos noon hindi rin siya ngumiti at sa loob-loob niya mas lalo niyang kinumpirma ang hinalang matagal nang bumubulong sa kanya. Hindi niya intensyong sirain ang barkada mas ayaw niyang maging bulag sa katotohanang unti-unting lumulutang.
Habang naglalakad siya pauwi mag-isa, malinaw sa isip niya na ang unang hakbang hindi ang paghaharap kundi ang paghihintay. Dahil kapag ang mga taong may tinatago masyadong kampante sila mismo ang nag-bubukas ng pinto patungo sa katotohanan.
Mas naging tahimik si Jong at ang katahimikang iyon ay hindi kawalan ng interes kundi senyales ng mas malalim na pag-oobserba. Sa bawat pagtawa ng barkada, may mga sandaling napuputol mga sandaling hindi napapansin ng iba pero malinaw sa kanya lalo na kapag magkalapit sina Chie at Jia nang higit sa nararapat. Hindi niya gustong mag-isip ng masama pero mas lalo siyang naguguluhan sa paraan ng pag-iwas nila kapag may tanong na dapat simple lang.
Isang hapon, habang naglalakad sila palabas ng campus bigla siyang huminto at tinanong si Chie.
"Kung may isang bagay kang kailangang itago para protektahan ang isang tao, hanggang saan ka lalayo?"
Napatingin si Chie sa kanya sandaling natigilan bago sumagot, "Depende kung gaano mo siya kamahal."
Hindi na nagtanong pa si Jong, pero sa loob niya may piraso ng puzzle ang kusang pumasok sa tamang lugar. Hindi pa buo ang larawan, pero sapat na para malaman niyang may isang kasinungalingang umiikot sa pagitan nila at sa oras na mabuo 'yon alam niyang may kailangang managot kahit pa masira ang katahimikang matagal nilang pinanghawakan.
Hindi umalis sa isip ni Jong ang tanong na binitiwan niya kay Chie. Sa bawat oras na lumilipas mas napapansin niya ang maliliit na detalye, ang paraan ng pagtigil ni Jia sa pagsasalita kapag biglang dumarating si Chie. Ang biglang pag-iiba ng tono ng boses nila kapag may ibang tao sa paligid.
Isang hapon, nadatnan niya si Jia sa hallway mag-isa hawak ang libro na parang hindi niya talaga binabasa.
"Jia," tawag niya ng mahinahon, "Okay ka lang ba?"
Napatingin si Jia sa kanya ng pilit na ngumiti.
"Okay lang," sagot niya agad masyadong agad para maging totoo.
Tumahimik si Jong sandali bago muling magsalita.
"Alam mo," sabi niya.
"Hindi ako pakialamero pero matagal na kitang kilala para hindi mapansin na may dinadala ka."
Napayuko si Jia at kinagat ang labi.
"Hindi lahat ng dinadala," sagot niya, "Pwedeng ibaba kahit gustuhin."
Sa di kalayuan nakita ni Jong si Chie na nakatingin sa kanila. Hindi selos ang naramdaman niya kundi pag-unawa na may mas malaking kwento sa likod ng katahimikan. Sa sandaling nagtagpo ang tingin nila ni Chie walang salita pero malinaw ang mensahe, alam ka, at alam kong may alam ka.
At doon unang naramdaman ni Jong na ang barkadang matagal nilang pinang-hawakan unti-unti nang binibitawan ng katotohanan.
Hindi makatulog si Jong.
Paulit-ulit sa isip niya ang eksena sa hallway ang paraan ng pagyuko ni Jia ang tingin ni Chie mula sa malayo ang katahimikang masyadong mabigat para maging normal.
Kinabukasan, nadatnan niya si Chie sa likod ng building mag-isang nakasandal sa pader.
"Hindi ka pala umiiwas," sabi ni Jong, sinubukang gawing casual ang tono.
Napangiti si Chie, pero halatang pilit.
"Hindi ako marunong umiwas," sagot niya.
"Sanay lang akong manahimik."
Lumapit si Jong ng konti.
"Alam mo," sabi niya, "Kapag may tinatago ang isang tao, hindi siya nagiging tahimik nagiging maingat siya."
Napatingin si Chie sa kanya ng diretso.
"Kung may bagay kang alam na pwedeng makasakit sa iba," tanong nito, "Pipiliin mo bang sabihin kahit masira lahat?"
Hindi agad sumagot si Jong.
"Depende," sagot niya sa wakas.
"Kung mas masakit ang kasinungalingan kaysa sa katotohanan."
Sa di kalayuan, nakatayo si Jia narinig ang huling sinabi ni Jong. Mahigpit niyang hinawakan ang bag niya parang doon lang siya kumakapit.
Kilala ni Jia si Jong dahil parehas sila anak ng mataas na posisyon sa underground organization.
Sa sandaling 'yon, alam niyang hindi na lang oras ang kalaban nila kundi ang mga matang unti-unti nang nakakakita.
Magkakasabay silang naglalakad palabas ng campus sina Jia, Chie, at Jong pero hindi magkakapareho ang takbo ng isip.
Napansin ni Jong kung paano halos hindi magkalapit sina Jia at Chie parang may invisible line na hindi pwedeng tawirin kapag may ibang tao.
“Ang weird n’yo ngayon,” bigla niyang sabi kalahating biro, at kalahating totoo.
Napatingin si Jia.
“Weird?” tanong niya na pilit maging kalmado.
“Ano’ng weird?”
Umiling si Jong at tumingin pa siya kay Chie.
“Wala,” sagot niya.
“Parang…masyado kayong maingat.”
Huminto si Chie.
“Hindi lahat ng maingat,” sabi niya, mabigat ang tono, “May tinatago.”
Sumagot si Jong agad.
“Pero lahat ng may tinatago nagiging maingat.”
Nanigas si Jia hindi na siya sumingit sa dalawang kasama niya.
Sa sandaling 'yon, alam ni Jong na tama ang instinct niya. Hindi pa malinaw ang buong kwento pero sapat na ang tensyon para malaman niyang may isang lihim na hindi lang personal kundi kayang basagin ang buong circle nila.