"S-Sasagutin ko ho muna," pagpapaalam ko kay Mr. Guzman na siyang nakangiting tinanguan naman ako.
Pinindot ko ang answer button at agad na itinapat ito sa kanang tenga ko.
["M-Marie! Bwiset ka! N-Nasaan ka ba! P-Pumunta ka gaga ka—hindi! H-Huwag! P-Pumunta ka sa kwarto nila Mama! K-Kunin mo ang pera na tinabi nila! Bilisan mo punyeta!"]
Dati nang palamura si Ate Leslie pagdating sa akin, kaya alam ko ang pinagkaiba ng pagmumura na trip niya lang at ngayon na alam kong may problema.
Nag-iisteriko siya. Alam kong may mali kapag nagiging ganiyan siya.
"A-Ate? B-Bakit Ate?!"
["S-Sina mama! A-Ang bilis ng pangyayari hindi ko alam n. . .k-kasalanan mo ito eh! Bwisit ka! P-Pumunta ka na agad sa Denzen hospital! Dalhin mo ang pera nila Mama! M-Magkita na lang tayo doon! P-Papunta na rin kami doon! Bilisan mo! Bwisit! Bwisit ka!"] napatayo ako nang wala sa oras.
Hindi ko na pinatapos ang sasabihin niya at binaba na ang tawag. Ayaw kong marinig. Nangingilid na ang luha ko ngunit pinipilit ko pa ring patatagin ang sarili ko.
"Are you alright, Miss? You look pale," pangamba sa akin ni Mr. Guzman na may bahid ng pag-aalala ang mukha.
"P-Pasensiya na ho. Kailangan niyo nang umalis. Ayos lang ho ba?" mukha namang naiintindihan niya at tumango naman siya. Inayos niya naman agad ang mga papeles na pinabasa niyang muli sa akin at pinasok iyon sa briefcase na bitbit niya.
Noong maihatid ko na si Mr. Guzman papalabas ng bahay, patakbong umakyat agad ako sa taas at dumiretso sa kwarto nila mama at hinalungkat ang laman ng cabinet nila.
Kinakabahan ako sa kung ano man ang nangyari sa mga magulang ko!
"N-Nasaan na iyon!?" mas lumala pa ang pag-aalala ko sa kahahanap ng pera nila Mama dahil hindi ko man lang matagpuan. Wala akong mahanap na lalagyan na hugis parisukat.
Dapat naririto lang iyon. Naglalaman iyon ng pera na tinatabi nila para kapag nagka-emergency, hindi kami magkakaproblema sa pera.
Dapat nandirito lang iyon! Dito lang iyon parating tinatago nila Mama! Dito lang iyon malapit sa-s-sandali. . .a-ang bintana. . . nasira ang bintana ko! Kaya ba hindi ko mahanap ay dahil. . .n-ninakawan kami?!
Ayaw kong isipin na ganun nga ang nangyari. Kailangan kong mahanap ang perang iyon dahil iyon ang gagamiting pang down payment sa ospital.
I-ICU raw sina Mama at Papa. Nakakahibang lang dahil hindi ipapasok ang mga magulang ko sa ICU habang hindi pa raw nababayaran ang pang down payment sa ospital!
Ano bang gusto nila? Mamatay muna yung mga magulang ko bago pa nila asikasuhin? Uunahin pa nila ang pera bago ang buhay?!
Bulok na sistema ng mundo!
Ilang beses ko pang hinalungkat ang kwarto nina Mama at maging ang buong bahay na ay hindi ko na pinalagpas, ngunit hindi ko pa rin nahanap ang sisidlan ng pera.
Nauubusan na ako ng oras kaya mas pinili ko nang pumunta sa ospital dahil sobrang nag-aalala na ako sa mga magulang ko.
"M-Marie! Nasaan na 'yung pera!? Akin na!" bungad agad sa akin ni Ate noong makarating ako sa emergency room. Kausap niya ang isang doktor.
"A-Ate walang pera doon sa box. N-Nawawala yung box. Kahit saan-saan ko hinanap ngunit w-wala—"
"—A-Anong walang perang pinagsasabi mo ha?! Ba't ngayon pa!? Bwisit ka talaga! Wala ka talagang kwenta! Nagiging malas kami dahil sa iyo! Baka hindi mo lang hinananap dahil ang tamad tamad tamad mong pokpok ka!"
Hindi ang pagsisisigaw niya sa akin sa harap ng mga nars at mga pasyente sa paligid namin ang nagtulak sa akin upang magsalita, kung hindi dahil nauubusan na kami ng oras. Kung mag-aaway pa kami dito, hindi na namin maabutan pang buhay sina Mama!
"Ate! Tama muna please! Pwede itigil muna natin to! Maghanap muna tayo ng paraan upang—" gaya nga nang dapat na asahan sa oras na sumabat ako, muli na naman akong nakatanggap ng isang malakas na sampal at malutong na mura. Sa harap ng lahat.
Sa sobrang lakas siguro ng sampal, napatingin ang mga tao na nasa lobby sa direksiyon namin.
"Huwag na huwag mo akong pagtataasan ng boses, pokpok ka! Wala kang karapatan dahil palamunin ka lang! Kasalanan mo ang lahat ng ito! Kasalanan mo at nangyayari ito!" sumasakit na ang lalamunan ko habang nakikita ko sa peripheral vision na pinagtitinginan na ako ng ibang pasyente at mga nars.
Nagbubulong-bulongan na rin sila sa likod ko.
Huminga ako nang malalim.
"O-Oo. K-Kasalanan ko na. Kasalanan ko na kung bakit nangyayari ang lahat ng ito, Ate. Pero Ate, kaysa mag-away na naman tayo dito, unahin muna natin sila Mama. M-Maghanap na muna tayo ng mahihiraman ng pera. Mas marami ka namang kakilala, Ate. Mayayaman naman ang mga kaibigan mo. B-Baka sila. Baka sila yung makakatulong sa atin?" tinalikuran ko na siya habang nakakaya ko pang hindi umiyak sa harapan niya.
Umupo na lamang ako sa isa sa mga bench dito sa ospital sabay hilamos ng mukha gamit ang palad ko.
"Doc, kailangan na ho talaga nating I-ICU ang mga pasyente. Bumababa na po ang heart rate ng dalawa," pagpapaalala ng nars. Para akong pinagsasaksak ng walang laban at nakapiring ang mga mata sa mga nangyayari.
Wala akong magawa.
Wala akong kwentang anak.
Parati naman.
Hindi naman kami pepwedeng humingi ng tulong sa mga kamag-anak namin dahil magkagalit ang mga pamilya namin. Paniguradong hindi kami nun tutulungan at bagkus, iinsultuhin lamang kami.
Si Ate. Siya. Siya na lang ang makakatulong ngayon kina mama dahil marami siyang kakilala.
"Ano?! Akala ko ba mayayaman kayo? Mga kupal lang naman pala kayo e!" napatingin ako kay Ate na ngayon ay namumula na sa galit habang may kinakausap sa telepono.
Kung sa pampublikong ospital naidala sina Mama, may magagawa pa sana kami. Pero pribadong ospital ito dahil akala ni Ate, may pera kaming naitabi kaya hindi siya nangamba na mababayaran ang down payment.
Napakagat na ako ng labi. Sa sobrang pagkagat ko nito ay may nalalasahan na akong kalawang na maihuhunuha kong dugo. Namamanhid na ako sa sobrang bigat ng nararamdaman ko.
Iniisa-isa na ng utak ko ang mga posibleng mangyari sa oras na maging huli na ang lahat.
Pumikit na ako bago pa man tumulo ang luha sa mga mata ko.
Humihiling ako sa hangin, "G-Gagawin ko ang lahat ng gusto niyo. . .huwag niyo lang kunin ang mga magulang ko. . .sila na lang ang meron ako. . ."
Kahit hindi maganda ang trato sa akin ni Mama at kahit kailan, hindi ako kinikibo ni Papa. . .mahal na mahal ko pa rin sila. . .at hindi ko gugustuhing mawala sila. Sa pagtatapos ng araw. . .pipiliin ko pa rin sila.
Sana. . .may himalang mangyari.
At pinapangako kong, handa kong ibigay ang sariling buhay kapalit ng buhay ng dalawang taong mahalaga sa akin.
Pinapangako ko. . .kaya nagmamakaawa ako. .'wag niyong kukunin ng mga magulang ko.
"Pakihanda na ang ICU!"
"Itakbo niyo na bilis!"
"Blood pressure rate. . ."
Sa mga narinig kong pagsisigawan, napababa ko ang palad na nakatakip sa mukha ko. Sinusundan ko nang tingin ang mga doktor at nars na tulak-tulak ang dalawang higaang degulong. Nakita ko ang mga magulang kong nakahiga sa dalawang higaan at pinagtutulungan nilang itakbo.
Lumapit si Ate sa isa sa mga nars, "S-Saan niyo dadalhin ang mga magulang ko!?"
"Itatakbo na ho namin sila sa ICU Ma'am."
Napatigil ako sa paghinga at napatayo ako nang wala sa oras mula sa pagkakaupo.
"P-Pero wala pa po kaming perang pambayad?" tanong ni Ate.
"Sagot na po ng ospital ang lahat ng bills niyo dito even the upcoming expenses. Sige po ma'am kailangan na ho ako sa ICU. . ." sabi ng nars bago ito nagmamadaling sumunod papunta sa ICU.
Nakita kong nagulat si Ate.
Napatingin siya sa akin, isang tingin na pamilyar na sa akin. Isang tingin na nagsasabing 'Pasalamat ka.'
Isang tingin na puno ng poot.
Hindi ko na lang pinansin ito dahil nanlalaki ang mga mata ko at hindi pa rin ako makapaniwala sa isang himalang nangyari ngayon lang.
Sa narinig ko sa pag-uusap nina Ate Leslie at ng nars kanina, fully paid na raw ang lahat ng expenses dito sa hospital.
Nagsasabi lang na wala na kaming babayaran kahit na isang duling. At mabubuhay ang mga magulang ko!
Marahil isa sa mga kakilala ni Ate Leslie ang may koneksiyon sa ospital na ito kaya napakiusapan niyang wala na kaming babayaran.
Marahil iyon nga.
Siya lang naman sa aming dalawa ang malapit sa mga mayayaman. May mababait pa rin palang tao sa panahon na 'to?
Tumunog muli ang cellphone ko. Agad ko naman itong itinapat sa tenga ko matapos kong malaman kung sino na naman ang tumatawag.
Kukulitin na naman ako nito tungkol sa trabaho.
At tatanggi pa rin ako. Ngayon pa na kailangang kailangan ako ng mga magulang ko.
"Mr. Guzman?"
["That's not free, Miss Sarcuevas."]
Nangunot ang noo ko, "Ho? Ano pong pinagsasabi nin—"
Napatakip ako ng bibig habang namimilog ang mga mata ko.
S-Si Mr. Guzman. . .huwag mong sabihing siya ang tumulong sa amin? T-Teka lang, bakit? At papaano niya nalamang kinakailangan ko ng tulong sa mga oras na 'to?!
["The company would really want you to accept the job, Miss Sarcuevas."]
Napatayo ako, "K-Kayo ho ba ang sumagot sa g-gastusin sa ospital?"
["No. It's not me, Miss."]
Napakunot ako ng noo.
["It's the company."]
Natahimik ako.
["We hope you'll reconsider the offer, Miss."]
Sa sitwasyon ko ngayon, makakatanggi pa ba ako? May utang na akong dapat bayaran sa kanila.
Sa huli, mukhang kailangan ko rin pala ang trabaho. Nabunutan rin ng tinik ang puso ko. Nawala ang pangamba ko at nakahinga na rin ako nang maluwag. Hindi ko mapigilang maiyak. Malaki ang pasasalamat ko sa kanila.
"M-Maraming salamat po. Pag-iisipan ko na po nang mabuti," narinig ko ang pagtawa niya sa kabilang linya.
["Give us a call, Miss Sarcuevas."]
"Tatawag po ako."