SAGLIT na natahimik si Celestine habang inaalala kung saan niya nakita ang babaeng nasa litrato.
Pamilyar kasi sa kaniya ang mala-dyosa nitong ganda na para bang minsan niya na itong nakita sa TV noon. Kung hindi man ito isang artista, nakasisigurado siyang isang mayaman at sikat na personalidad ang babaeng papakasalan ng boss.
"Hindi po ba kayo sabay na darating sa venue, Sir?" concerned niyang tanong. "I mean...mas matutuwa po siguro ang mga bisita kung makikita nila kayong magkasama mula umpisa hanggang dulo ng event."
Kung ang mga normal na magkasintahan nga sinusundo ang mga girlfriend nila sa araw ng date at mahahalagang event, ito pa kayang sa mismong araw ng kanilang engagement party. Hindi naman siguro masama kung susulitin na ng boss niya ang pagiging mapagmahal at sweet nitong boyfriend.
Proud pang nakatingin dito si Celestine habang naghihintay ng sagot bago niya napagtantong hindi na naman nito napigilang wag sabihin ang nilalaman ng isipan.
Ayaw na ayaw pa naman ng boss niyang pinangungunahan ito.
"Binabayaran kita para gawin ang gusto ko, Ms. Villegas. No buts, no what ifs."
Para siyang nasemento sa kinatatayuan. Hindi man bulyaw ang natanggap niya mula sa boss pero mahahalata naman ang matinding inis sa pananalita at ekpresyon ng mukha nito.
"Kalma, Sir. Nagmumukha ka pa namang impakto kapag nagsasalubong ang mga kilay mo," palihim niyang biro dito habang nagpipigil ng tawa.
"What?"
Hindi siya sumagot bagkus matamis na lamang itong ngumiti sa kaniyang boss bago sinabing gagawin nito nang maayos ang trabaho bukas. Alam niyang impossible namang naintindihan nito ang sinabi niya gayong sinadya niyang hinaan ang boses.
Pagkalabas niya ng opisina, doon pa lamang binuksan ni Celestine ang mamahaling coin purse na hawak.
'Fifty thousand? Para lamang magmukha akong tao bukas?'
Hindi makapaniwala nitong tinitigan ang halagang nakasulat sa isang bundle ng perang hawak habang iniisip kung bakit gano'n na lamang kalaking halaga ang ibinigay ng boss para lamang sa isang sekretaryang tulad niya.
'Limang libo para sa gown at sandals, isang libo naman para sa hair and make up. May ibabalik pa akong forty thousand kay boss,' bulong niya habang pinagmamasdan ang sarili sa salamin ng taxi. "Mukha naman na akong tao, siguro naman hindi na matatakot ang mga bisita kapag nakita ako."
Mahina siyang natawa sa kinauupuan.
Huli na kasi nang maalala niya ang naging reaksyon ng kaibigan ng boss matapos siyang pumasok sa opisina nito noon para maghatid ng kape. Para itong nakakita ng multo. Mabuti na lang at nagsalita ang boss niya kung hindi baka naghanap ito ng itim na insenso para gamitin laban sa kaniya.
'Ganon na ba ako kapanget sa paningin nila? Grabe naman!' napapasimangot niyang sambit.
Gusto nitong pasinungalingan ang iniisip pero mas lumalala lamang iyon nang makita niyang nakatingin sa kaniya ang driber ng taxi.
Lihim itong napabuga ng marahas na hininga. 'Dapat ba nagsabi na lang siya sa boss na biglaan siyang nagkaroon ng LBM? Baka kasi mamaya bigla na lang himatayin ang fiance at mga bisita nito kapag nakita siya.'
~~~
HINDI maintindihan ni Celestine kung bakit gano'n na lamang kabilis ang kabog ng kaniyang dibdib nang marating nito ang venue.
Lihim siyang namangha hindi lamang sa ganda ng lugar kung hindi maging sa mga bisitang bumababa mula sa magagarbong mga sasakyan suot ang mamahalin at naggagandahang mga gowns at tuxedos.
Maliban doon, nakakamangha ding tingnan ang ilaw na tumatama sa mga crystal decorations at white roses sa labas ng venue. Paano na lang kaya sa loob? Nakakasigurado siyang mas maganda pa itong tingnan doon.
Mula sa ilang minutong pagkatulala ay pinaalalahanan nito ang sariling nakatoka siya ngayong gabi para bantayan ang fiance ng boss.
Hindi siya maaring makalimot dahil nasa loob din ng hawak niyang coin purse ang litratong ibinigay ni Mr. Monteverde.
Mula sa sulok, naglakad siya patungo sa kinaroroonan ng mga bisitang mukhang nakaabang din sa mga sasakyang dumarating sa venue. Naramdaman nito agad ang hindi mabilang na mga matang sumalubong sa kaniya ngunit binalewala niya lamang iyon, siguro nagtataka lang ang mga ito kung sino siya at anong ginagawa ng isang low-class at hindi kagandahang babae sa ganitong klaseng event.
Ilang minuto siyang naghintay doon, hindi siya bumitiw sa pag-asang isa ang fiance ng boss sa lulan ng mga sasakyang humihinto sa entrance.
Ngunit nang mapansin nitong halos wala ng bisitang dumarating ay napagpasiyahan niyang pumasok ng venue para alamin ang mga nangyayari sa loob.
Baka mas nauna itong dumating sa kaniya? Impossible naman kasing hindi pa dumarating ang babaeng papakasalan ng boss ngayong malapit ng mag-umpisa ang party.
Malamang sa malamang biglang nagbago ang isip ng boss during last minute kaya magkasama ang mga itong dumating ng venue. Baka nakalimutan lang siyang sabihan dahil masyado na itong naging busy.
'Pwede, pwede...' napapatango niyang wika sa sarili habang hinahanap ang kinaroroonan ng boss at ng fiance nito.
Nakasisigurado kasi itong hindi siya mahihirapang hanapin si Mr. Monteverde dahil litaw na litaw naman palagi ang kaguwapuhan at kakisigan nito kung ikukumpara sa ibang mga lalaki. Mukha kasi itong kontrabida este bida sa pelikula minsan.
Pero gano'n na lamang ang pagtatakang naramdaman niya nang hindi nito mahanap ang boss.
Wala ito sa kumpulan ng mga tao sa gitna, wala sa taas ng stage at wala din sa kinaroroonan ng mga pagkaing nakahanda para pagsaluhan ng mga bisita.
'Nasaan ka, boss?'
Napaatras siya sa kinatatayuan.
Pero bago pa man ito makarating ng sulok ay narinig niya ang isang pamilyar na boses sa kaniyang likuran.
"Damn it. It took me long enough to find you," pabulong na sabi nito.
Gano'n na lamang ang panlalaki ng mga mata niya nang hinawakan ng boss ang kaniyang kamay saka ito matamis na ngumiti.
"Next time, stop making hasty decisions without consulting me."
"Ha?"
Sinadya niyang lumapit dito saka bumulong. "Ano bang pinagsasabi niyo, Sir? Ginagawa ko ang trabaho ko magmula kanina, hinihintay ko po si ma'am sa entrance."
Pasimple siyang ngumuso sa pinanggalingan pero hindi man lang ito lumingon, bagkus hinila siya nito kung saan.
"I told you, this is the end of our low-key relationship, Celestine. Everyone's waiting for you...for us. Enough playing hide and seek."
Muntik na siyang mapabulalas sa tabi nito.
Relationship?
Kailan pa sila nagkaroon ng relasyong dalawa? Hindi ba ikakasal na ito? Bakit?
Nasaksihan niya kung paano umigting ang panga ng boss saka mahinang nagsalita, "Just follow my lead and I'll pay you big time."
Ramdam na ramdam niya ang pangangailangan sa boses ni Mr. Monteverde kaya naman agad siyang napahinto. Paano siya susunod gayong wala naman itong kaalam-alam sa mga nangyayari?
"Paano po si ma'am? Hindi na natin siya hihintayin?"
Nasaksihan niya kung paano lumalim ang gatla sa noo ng boss. Pakiramdam niya ay agad na kumulo ang dugo nito habang nakatitig sa kaniya, maging ang pagkakahawak nito sa kaniyang kamay ay humigpit din.
Nagpakawala lamang ito ng isang marahas na hininga saka muling nagpatuloy sa paglalakad. Wala siyang natanggap na eksplenasyon o anumang utos mula dito.
"Sebastian, where have you been?"
Parang may kung anong bumara sa lalamunan niya nang salubungin silang dalawa ng isang magandang ginang na nakasuot ng isang silver night gown, kung hindi siya nagkakamali ay halos ka-edad lamang ito ng nanay niya.
"She's here, Mom..." maiksing sambit ng kaniyang boss saka bumaling sa kaniya.
Mom? As in mommy?
"Oh." Hindi maintindihan ni Celestine kung bakit gano'n na lamang ang ngiti ng ginang habang hindi inaalis ang tingin sa kaniya. "So you must be my son's fiancé."
Nanlamig ang kaniyang buong katawan at bumilis ang t***k ng kaniyang dibdib.
Fiancé?
Muntik nang kumawala ang salitang iyon mula sa mga labi niya pero naunahan siyang magsalita ng boss.
"Yes, Mom. She's Celestine Villegas, my one and only wife-to-be."
Pakiramdam nito ay bahagyang pumalya ang mga tenga niya nang marinig ang pormal na pagkakabanggit ng boss sa kaniyang pangalan.
Hindi makapaniwala siyang bumaling dito habang nanlalamig ang mga kamay.
Ito ba ang ibig sabihin ng sinabi nitong follow my lead?