Nagising ako ng alas singko ng madaling araw. Humikab at agad na pinusod ang buhok. Halos kumulot na nga iyon sa kaka-pusod. Wala pa akong pambayad pampatuwid. Ganyan na muna at hindi pa kaya ng budget.
Natulala sa sinasaing. Bumabalik ang isipan ko sa tindero nang mango store. Mukha siyang banyaga sa unang tingin. Sa muling pagdaan ng mga tattoo niya sa isipan ko ay nilukob ako ng kakaibang pangamba. Natatakot kahit walang hitsurang nakakatakot sa mga iyon.
Pinilig ko ang ulo ko at bumuntong hininga. Kailangan ko na yatang iwasan ang fruit section sa tuwing mamamalengke. Tingin ko ay hindi makabubuting makita siya muli. Mukha siyang... mapanganib.
Napakurap ako at bahagyang nataranta sa mumunting amoy ng pagkasunog.
Tsk.
"Sinasabi ko na nga bang hindi healthy na isipin ang lalaking iyon! Napapabayaan tuloy ang sinaing," angil ko sa sarili.
Napalabi ako nang buksan ang kaldero. Nagkukulay brown na ang gilid at may amoy sunog na nga.
"Mimi? What's that smell? Did you burn the rice again?"
Nilingon ko si Mareng na naniningkit sa akin ang tingin. Magulo ang buhok at gusot na ang bestidang pantulog.
Napangiwi ako. Sa tagal kong nagluluto ng kanin ay hindi pa ako pumalya sa pagkasunog niyon. Laging sunog. Hindi na tumino.
"Sorry, Baby. Igagawa kita ng milk."
Mabilis kong kinuha ang baso at nilagyan ng powdered milk at mainit na tubig mula sa thermos. Hinalo bago iyon nilapag sa mesa.
Nakanguso siyang umupo. Tinititigan ang baso ng gatas.
"Mimi, ayaw mo bang bumili ng rice cooker? Lagi na lang sunog ang kanin," malungkot pang turan nito.
Inuusig ang konsensya ko. May part time job naman kaya lang ay hindi sapat para sa aming dalawa.
Inayos ko ang buhok niya papunta sa likod bago matunog na hinalikan sa pisngi.
"Pagka-graduate ni Mimi. Bibili na tayo." Ngumiti ako sa kanya.
Lalo lamang siyang napalabi. "Bakit 'yong kapit-bahay natin sa dulo may rice cooker, may electric kettle, may ref, may oven, at may air con pa. Pero hindi naman sa kanila ang bahay," litanya nito.
Napangiwi ako muli. Apat na taong gulang pa lamang siya ngunit ganito na siya kadaldal. Halatang hindi nagmana sa akin. Hmp!
Tumikhim ako, "That's fine, Baby. Hindi naman tayo ang nagbabayad ng kuryente nila. Wait lang ah, kukunin ko lang ang chicken na pina-ref ko kila Aling Flor."
Pagkatango nito ay tumungo na ako palabas ng pinto.
Mahirap talagang magpalaki ng bata. Paano kung marami pa? Doble ang hirap. Dumating din ako sa puntong malapit nang sumuko.
Pero sa tuwing nakikita ko si Mareng, bumabalik ang lakas ko. Ngunit minsan, tinatamaan din ako ng konsesnya pero hindi ko siya kayang iwanan lang kung saan.
Kumatok ako ng tatlong beses sa pinto. Agad na bumukas iyon at niluwa si Aling Flor. Swerteng napadpad ako sa paupahan niya. Maliit man ngunit mabuti naman ang may-ari.
"Good Morning po! Kukunin ko po sana 'yong manok na pina-ref ko kagabi."
Ngumiti ang ginang. Payat siya at maliit ngunit mabait. Ang buhok ay may puti na ngunit ang kislap ng mga mata ang nagpapabata sa kanya.
"Ikaw pala, Veron. Pasok ka muna at kukunin ko lang sandali. Iiwanan mo ba rito mamaya si Mareng?" tanong nito.
Sinundan ko siya sa kusina. Binuksan nito ang maliit na ref at linabas mula roon ang manok. Agad ko naman iyong kinuha nang i-abot niya.
"Opo. Ipapasuyo ko po sanang ipahatid ulit sa daycare." Nahihiya pa akong tumingin.
Lagi kong iniiwan sa kanya si Mareng. Gusto naman ng ginang dahil wala pang apo sa nag-iisang anak. Siguro ay naiintindihan niya ang sitwasyon ko dahil pareho kaming single mother.
"Walang problema. Ako na ang bahala, Veron." Ngumiti pa nito.
Tumango ako at mabilis na bumalik sa bahay. Ubos na ang gatas ni Mareng at hawak na nito ang tuwalya.
"Sige na, Baby. Maligo ka na," utos ko sa kanya.
Hinugasan ko ang manok sa lababo. Mga pakpak iyon. Nilagay ko sa plato at binuhusan ng breading mix.
"Mimi! Last na 'yong shampoo! Maliit na rin 'yong sabon!" Silip nito mula sa maliit na banyo.
Inis akong napakamot sa batok ko. Gastos na naman!
"Sige na. Bibili tayo mamayang pagkauwi."
Tumango ito at malakas pang sinara ang banyo. Napapikit ako at sinamaan ng tingin ang pinto. Naku talaga! May attitude!
Habang nagpiprito ay miminsan kong iniiwan iyon at pinaplantsa ang uniporme ni Mareng. Inayos ko rin ang baunan niya. Nilagay ko sa maliit na paperbag kasama ang tumbler niya at dalawang pirasong mangga. Sa ibang lalagyan, nilagay ko ang cakebar niya at isang yakult.
"Mimi, I'm finished!" sigaw nito bago pumasok sa kwarto niya.
Madali akong kumuha ng damit at naligo. Gaya ng sabi ni Mareng ay wala na ngang gamit sa banyo.
Nang matapos ay sinuklay ko lang ang buhok ko bago naghain sa kusina. Nag-almusal at hinatid siya kila Aling Flor.
"Veron, may mamgungupahan na pala sa katabing bahay mo," ani Along Flor.
Ngumiti ako at tumango, wala ng oras na sumagot at nagmadaling pumara ng tricycle. Sakto naman na may tumigil na sasakyan, may sakay pa ito sa likod ngunit hindi ko na hinintay pang makababa at agad na akong sumakay.
"Keep the change," dinig kong bigkas nito na nakapagpa-awang sa mga labi ko.
Gusto ko sanang silipin kung sino ngunit wala na ito sa likod. Pagbalik ng tingin ko sa harapan ay tanging likod na lamang nito ang nakikita ngunit hindi nakatakas sa paningin ko ang tattoo nito sa batok na siyang nagpalaki sa mga mata ko.
Sana ay mali ako ng iniisip kung sino siya!
Pilit iyong sumisiksik ang lalaki sa isipan ko ngunit pilit ko ring tinataboy.
"Please, secure your internship uniform sa store ng school. Maghanap na rin kayo ng bangkong pwede ninyong pasukan para sa internship," paalala ni Sir Magno bago umalis.
Napabuntong hininga ako. Ang mahal ng semester na ito! Di bale, itong sem na lang at graduate na.
"Veron, bibili ka na ba?" tanong ni May, classmate ko.
Wala sa loob na nilabas ko ang tatlong katalog sa bag at hinarap sa kanya. Walang akong panahon na hulaan kung sino ang lalako kung kaya't negosyo ang aatupagin ko.
"Order ka muna para may pambili ako." Ngiti ko pa.
Nanlaki ang mga mata niya at napaatras, "Hindi ko pa nga nababayaran 'yong kinuha kong panty tapos papa-utangin mo ulit ako. Wala pa akong pambayad." Ngumiwi siya at umiling.
Ngumiwi rin ako at binalik na lamang ang mga iyon sa bag ko. Inayos ko lang ng kaunti ang buhok ko bago tumayo.
"Uy! Veron, nagtatampo ka? Babayaran ko naman iyon sa katapusan tapos o-order pa ako ulit ng dalawang bra iyong size 36B." Pigil nito sa braso ko.
Pabiro ko siyang inirapan. Hinanap ko pa sa katawan niya kung saan niya isasabit ang size 36. Wala namang kakapitan sa dibdib niya.
"Hindi. May duty ako sa store. Alam na, work, work, work."
Napatango siya at binitiwan ang braso ko, "Oo nga pala. Sige, ipagtabi mo na ako ng uniform."
Lumabas ako ng room at tinahak ang papuntang tindahan. Mahirap ding pagsabay ang pagtatrabaho, eskwela, at pagiging ina ngunit kailangan kong panindigan ang desisyon ko.
"Veron, palapit naman nang isang case ng bondpaper. Bibilin na ng mga tiga-computing studies."
Walang angal na binuhat ko ang kahon. Mabigat. Masakit din sa braso. Pero okay lang. Swerte lang din ata na natanggap ako rito. Pinagpapasalamat ko rin na open ang school para sa mga working student na gaya ko.
"Veron, pa-check naman kung may size small pa sa p.e uniform!"
Hinawi ko ang iilang nakabalot na uniporme, "Wala na."
Kalahati ng araw ko ay sa trabaho ginugugol. Hindi rin naman kasi sapat ang kita ko sa pagpapautang ng gamit. One month to pay kasi iyon at hindi naman lingguhan ang bayad nila.
Nag-inat ako nang wala ng estudyanteng bumibili. Naupo sa bandang counter at tumutok sa electricfan.
"Veron, order ako ng deodrant ah. 'yong cream," si Ma'am Karen.
"Sige po." Nangingiti kong sagot.
Napatunghay ako sa relong nasa dingding. Napabalikwas ng tayo nang makitang lagpas alas kwatro na at halos alas singko na. Nagmadali pa akong bitbitin ang bag ko.
"Ma'am, una na po ako."
"Sure. Ingat ka." Kinumpas pa nito ang kamay niya.
Nagmadali akong naglakad. Pinagmadali ko rin ang tricycle. Hindi ko namalayang mag-aalas singko na. Kinakabahan na ako at nagsisimulang matakot. Sa oras na ganito ay wala ng tao sa daycare.
"Para na po!"
Magkanda-dapa dapa pa ako kakababa at halos mahulog pa ang baryang binabayad ko. Napailing na lamang ang driver bago agad na umalis.
Mabigat akong huminga. Sarado na ang daycare at tahimik na ang paligid. Agad na dumako ang tingin ko sa waiting shed.
Halos manlumo ako matapos siyang makitang mag-isang nakaupo sa bench. Nakayuko at hawak nang mahigpit ang magkabilaang strap ng bag niya. Magulo na rin ang buhok niyang naka-ponytail. Marahan niyang kinukuyakoy ang mga paa.
Napapikit ako nang mariin at nakonsensya. Bakit kasi hindi ko na-alarm!
Linapitan ko siya at tumayo sa harapan ngunit hindi siya nag-angat ng tingin. Bahagya akong lumuhod at sinilip ang mukha niya.
"Sorry. Na-late ako."
Parang dinamba ng martilyo ang dibdib ko sa hindi niya pagkibo. Ni ayaw niya akong tingnan. Basta lang siyang tumayo at alanganing kumapit sa kamay ko.
"Pinaghintay mo po ako, Mimi," mahinang bulong niya.
Napasinghap ako at nananakit ang puso dahil doon.
"Sorry na, Baby," hinging paumanhin ko ngunit hindi siya kumibo.
Bagsak ang balikat na pumara ako ng tricycle. Inayos ko pa ang pagkaka-ponytail ng buhok niya.
Pagkarating sa grocery ay mahigpit ang hawak ko sa kamay niya para hindi siya lumayo. Lumi-lingon lingon lamang siya sa mga estante.
Matapos kong kuhanin lahat ng kailangan ay hinarap ko siya.
"Sige na, Mareng. Ibibili kita ng ice cream," suyo ko pa sa kanya.
Namilog ang mga mata niya at nadepina ang mga asul na mata ngunit bumagsak din ang balikat niya.
"Magkano ba budget mo ngayon, Mimi?"
"1500 naman. Sige na. Ibibili na kita ng ice cream o baka naman gusto mong sa labas na lang tayo kumain?" Tinaas baba ko pa ang mga kilay ko.
Napakurap siya at hindi napigilan ang ngiting gumuhit sa mga labi niya.
"Spaghetti, Mimi. Gusto ko!"
Natawa ako sa pagbabalik ng sigla niya. Hinila ko na siya papuntang cashier at nagbayad. Gaya ng gusto niya ay dinala ko siya sa fastfood at doon kumain.
Napapatitig na lamang ako sa giliw niyang kumain. At tingin ko ay tama lahat ng desisyon na ginawa ko. Parte na siya ng buhay ko, at ng puso ko.
"Mimi, thank you." Pinunasan nito ang bibig bago humalik sa pisngi ko.
Kiniliti ko siya na kinatawa niya. Madilim na ng makapara kami ng tricycle pauwi. Mapungay na ang mata ni Mareng. Ilang minuto lang ay nakatulog na ito sa kandungan ko.
Marahan kong hinaplos ang buhok niya. Naisip ko, hindi ako ganito kasaya kung nasa puder pa rin ako ng mga magulang ko. Kawalan nilang hindi kami tinanggap. Hindi nila nasilayan ang ganda ng apo nila.
"Diyan na lang po sa hilera ng mga apartment."
Tumigil ang sasakyan sa pinaka-gate ng compound. Hindi ko pa alam kung paano bumaba. Ayaw ko namang gisingin si Mareng. Inuna kong binaba sa lupa ang dalawang eco bag laman ang pinamili namin. Sinabit ko sa isang braso ang bag ko at bag ni Mareng. Maingat ko pang binuhat ang bata para hindi mauntog sa paglabas sa tricycle.
Nahirapan pa akong kumuha ng pambayad.
"Salamat po."
Tumango ang driver bago nagmaneho paalis. May ilaw naman sa labas. Ang balak ko ay ihatid na muna si Mareng pagkatapos ay balikan ang mga pinamili ko. Ngunit pagpihit ko paharap sa mga apartment ay napahakbang din ako paatras.
Kumunot pa ang noo ko sa lalaking papalapit. Litaw na litaw ang matipuno niyang mga braso. Ang suot na sandong fitted ay dinepina ang ganda ng katawan niya.
Bakit sa iba ang tingin ko ay madumi ang maraming tattoo? Pero ang lalaking papalapit ngayon ay tila likha ng magaling na mang-uukit ang kanyang mga tattoo.
Tattoo? Nangunot ang noo ko matapos maalala ang lalaki sa palengke at ang lalaki kanina.
At noong nasalubong ko ang tingin niya. Kumabog ang dibdib ko nang makilala siya. Ang sabi ko ay hindi na ako bibili ng mangga sa kanya pero heto siya't naglalakad palapit sa akin.
"Tulungan na kita," ani nito.
Hindi ako nakakibo nang bitbitin niya sa isang kamay ang dalawang eco bag. Nabigla pa ako nang kunin din niya ang dalawang bag na hawak ko. At tanging si Mareng na lamang ang buhat ko.
Hindi pa ako agad na nakakilos at nakahakbang. Nauna siyang naglakad ngunit liningon din ako at tila inuutusang humakbang base sa tingin niya.
Linunok ko ang kaba at humawak nang mahigpit kay Mareng bago sumunod. Tumigil siya sa tapat ng apartment namin kahit na hindi ko naman sinasabing doon.
Napamaang akong pinagmasdan siya. Seryoso niyang binaba ang mga bitbit sa tapat ng pinto bago ako hinarap.
"Gusto mo bang buhatin ko siya para mabuksan mo ang pinto?" tanong niya gamit ang malalim na boses na mamalat-malat pa.
Nanginig ang kamay ko at napaiwas ng tingin, "Hindi na. Kaya ko na. Salamat."
Hindi naman sa nanghuhusga ngunit hindi ko kayang ipagkatiwala sa kanya ang anak ko.
Marahan siyang tumango bago umatras, "Sige. Papasok na ako."
Umawang ang mga labi ko nang buksan niya ang katabing pintuan ng apartment ko. Sinulyapan niya pa ako ng isang beses bago siya tuluyang pumasok ngunit iniwang naka-awang nang bahagya ang pintuan.
Tama ang hinala ko! Pero paanong dito na siya?
Ang balak kong pag-iwas na mamili sa palengke upang hindi siya makasalamuha ay wala pa lang silbe. Dahil heto na at kapit-bahay ko pa. Susmiyo! Ako ay magkakasala!