Hindi ako pinatulog nang sabihin niyang katulad ko ay ayaw niyang mapahamak si Mareng.
Bakit?
Ang dami kong bakit na naiisip lalo na at hindi ko naman siya kamag-anak.
Paggising ko tuloy ay halos tanghali na at ang isipan ay nandoon pa rin sa mga salitang binitiwan niya.
Humikab ako. Kamot ko pa ang ulo nang lumabas sa kwarto. Si Mareng ay nasa cleopatra na at nanonood ng paborito niyang cartoon. Iyong pink na baboy. Marahan din siyang ngumunguya ng cake bar. Ngunit paglingon niya sa akin ay matalim ang kanyang titig na para bang may mali akong ginawa.
Napakurap ako at napaatras, hindi mawari kung anong kasalanan ko.
"You woke up late, Mimi. I'm starving!" maktol niya.
Napatakip ako ng bibig at namilog ang mga mata matapos matanto ang oras. Halos takbuhin ko na ang kusina ngunit natigilan lamang sa mga katok sa pinto.
Humihikab pa ako nang pagbuksan ang kumakatok ngunit tuluyang nagising pagkakita kay Drake. Mukha siyang fresh sa suot niyang muscle tee. Labas ata lahat ng tattoo niya.
"Magandang umaga," mahinang bati nito.
Tumango ako at niluwagan nang kaunti ang bukas ng pinto. Kita ko pa ang pagpasada nito ng tingin sa kabuuan ko. Nailang tuloy ako bigla. Napaayos pa ako sa may kalakihang t-shirt na suot ngunit agad na nanlaki ang mga mata ko nang mapagtanto na wala na naman akong bra.
Pashneya, Veron!
Nahihiya akong nagtago sa likod ng pinto at ulo na lamang ang pinakita sa kanya. Kita ko ang pagtikwas nang bahagya ng kanyang kilay.
"Uhm. Good morning din. Pasensya na kagigising ko lang," mahinang bati ko, nahihiya ganito na naman akong haharap sa kanya.
Dumapo ang tingin ko sa hawak niyang plato. Ang mabangong amoy ng ng tocino ay nagtagal sa ilong at halos kumulo ang tiyan ko dahil doon.
"Tocino nga pala. Hindi ko naubos kaya sa inyo na lang," bigkas niya ngunit pansin ko naman ang aliw sa mukha niya.
Pinagtatawanan niya ba ako?
Nag-alinlangan tuloy ako na kunin iyon ngunit nauna pa sa akin si Mareng. Siya na ang umabot sa plato habang ang ngiti ay napakalawak.
Patay-gutom na bata!
"Pareng Drake, may rice ka ba? Hindi pa kasi nakaluluto si Mimi. Tapos kapag nagluto siya baka sunog ulit. Wala kaming rice cooker," paawang kwento nito.
Pinanliitan ko ng tingin si Mareng ngunit hindi niya ako pinansin. Halos pamulaan ako ng mga pisngi nang lingunin ako ni Drake.
"Pasensya na. Huwag mo na lang pansinin. Magluluto na 'ko ng kanin." Ngiwi ko pa.
"Huwag na. Mayroon pa naman akong tirang kanin sa bahay."
Bago ko pa ito mapigilan ay nakaalis na at nakalipat na sa bahay niya. Binalingan ko ng tingin si Mareng na nangingiti.
"Mareng, hindi ko gusto ng ganiyang ugali. Hindi tayo pulubi," sermon ko sa kanya.
Napalabi siya at halos maiyak sa harapan ko, "Kasi naman, Mimi. Gutom na ako. Ang tagal pa kung magsasaing ka... po," depensa niya.
Napahilot ako sa sentido sa sagot niya. Kumikirot ang utak ko sa ugali niya. Hindi ko talaga alam kung kanino siya nagmana!
Nasa ganoon akong sitwasyon nang bumalik si Drake. Bitbit na nito ang maliit na kaserolang may kanin. Nahihiya akong ngumiti lalo na noong kunin agad iyon ni Mareng.
"Yes! Salamat, Pareng Drake!" Binigyan niya pa ito ng flying kiss na kinatawa ng huli.
Napailing ako habang sinusundan ng tingin si Mareng na tumatakbo papunta ng kusina. Hawak ang kaserola habang ang plato ng tocino ay nakapatong doon.
"Pasensya ka na. Nahuli kasi ako ng gising. Hindi agad nakapagluto," hinging paumanhin ko.
Ayaw ko naman isipin niya na wala akong kwentang ina, at baka pa ibalita niya sa ibang kapit bahay.
Kaya lang hindi siya ngumiti. Malalim lamang akong tiningnan, "Madalas bang mangyari 'to?"
Nanlamig ako sa tanong niya. Sinasabi ko na nga ba! Baka ipamalita niya sa iba talaga!
Hindi ko pa naman makitaan iyon ng simpleng katanungan lang kundi pag-aakusa. Tila ba napakamali ng nagawa kong hindi maagang pagluto.
"H-indi. N-gayon lang. Napagod lang sa trabaho."
Hindi ko alam kung bakit ako kinabahan sa klase ng tingin niya. Ang dating sa akin ay hindi ako pwedeng magkamali ng sagot.
Tumango siya at namulsa sa suot na khaki short.
"Ganoon ba? Walang anuman," huling sabi niya bago pumasok sa bahay niya.
Naguluhan pa ako ngunit lalo lamang napangiwi nang mapagtantong hindi ako nakapagpasalamat kaya ganoon ang sinabi niya.
Paano ba naman kasi ako makapagpapasalamat kung nananakot ang titig niya?!
Mabigat akong napabuntong hininga. Nagkagulo na yata ang sistema ko simula nang maging kapit-bahay ko siya. Kailangan ko na bang mag-file ng petition? Kailangan ko na ba siyang paalisin dito?
Nagsuot muna ako ng bra bago inasikaso si Mareng sa hapag. Nagmadali pa ako ng lakad papunta kila Aling Flor upang kumuha sa hotdog na pina-ref ko.
Wala naman akong pasok ngunit lalakarin ko ang internship at kukuha pa ng mga item na na-order kaya kailangan ko pa ring iwanan si Mareng at pabaunan.
Bumagal lamang pabalik ang lakad ko sa bahay nang makita si Drake sa bandang gate na may kausap sa kanyang cellphone. Nalingunan pa ako nito ngunit hindi man lang tinanguan. Binalewala ko at nagpatuloy na lamang sa bahay at inasikaso si Mareng hanggang sa muli ko siyang ihatid kila Aling Flor.
"Ako na ang bahala. Abot tanaw ko na at malapit na," dinig kong bigkas niya sa kausap na nakapagpakunot ng noo ko.
"Isang hakbang at akin na," muling sabi niya na nakapag-paawang sa mga labi ko lalo na noong magtama muli ang paningin naming dalawa.
"Mimi, huwag kang makipag-date ah!" bilin nito.
Dinig kong tumawa si Aling Flor na kinangiwi ko. Noong sinama ko dati si Mareng ay nalaman niyang nililigawan ako noong staff ng branch. Ayaw niya at lagi niya akong hinahabilinan ng ganoon sa tuwing magpupunta ako doon.
"No, baby. Ikaw lang ang bibi ko." Matunog ko pa itong hinalikan sa pisngi na kinahagikhik niya.
"Hart, hart, Mimi!" sigaw pa niya.
Nangingiti ako at na-iiling sa Jeep habang inaalala si Mareng. Matalino naman talaga siya pero maldita rin.
Tinantya ko ang oras. Dalawang oras lang ang pwede kong gugulin sa branch. Kailangan ko pang habulin na bukas pa ang pinakamalapit na bangko sa bayan upang doon magpasa ng internship paper.
"Veron! Ako na ang kukuha ng orders mo," si Christian, ang tinutukoy kong manliligaw.
"Huh. Sige, kung okay lang sa'yo." Ngumiti ko nang maliit sa kanya.
Napakamatiyaga niya kahit na alam niyang hindi ko siya gusto at mas lalong hindi siya gusto ni Mareng para sa akin. Ang cute niya pa, may isang biloy pa sa kaliwang pisngi. Tisoy at may kakapalan ang kilay.
Hindi ko maiwasang ikumpara siya kay Drake. Napamalinis niya kumpara kay Drake na may kadumihan dahil sa mga tattoo. Ayaw ko lang puriin na bagay niya naman talaga ang mga iyon ngunit kailangan kong itatak sa isipan ko na madumi siya. Baka sakaling hindi na magulo ang sisitema ko kapag ganoon.
Ngumiti ako nang malapad nang makuha ko ang resibo ng mga items. Isang oras lang ang tinagal ko at malaking bagay iyon.
"Salamat." Ngiti ko kay Christian.
Pasimple siyang napahawak sa batok niya at nagpipigil mangiti. Nagmukha tuloy siyang binatilyong kaharap ang crush niya!
"Ano, Veron. Baka naman pwedeng kuhanin na ang numero mo," mahinang hiling nito.
Napatikom ang bibig ko at naalala si Mareng. Okay lang naman na tumanggap ako ng manliligaw basta sana ay tanggap din si Mareng. Ang kaso ay hindi papasa si Christian. Kahit tanggapin niya si Mareng ay hindi naman siya tanggap ng bata.
Ngumiti ako na napunta sa ngiwi, "Pasensya na. Hindi kasi ako naglo-load."
Tumango lamang ito at hinayaan na akong makaalis. Sa isip-isip ko, kung sinabi niyang bibigyan niya ako ng load ay baka pa binigay ko ang numero ko!
Magtigil ka, Veron!
Tanggap ko naman na mahihirapan akong magkaroon ng matinong relasyon dahil kay Mareng. Ngunit mahal ko ang anak ko. Di baleng walang lalaki sa buhay basta na sa akin siya ay kuntento ako.
Inayos ko nang mabuti ang buhok ko nang makarating sa bangko. Iniwan ko lang sa may security guard ang mga bitbit ko. Niluwagan ko pa ang ngiti ko sa teller na nakausap.
"Ibibigay ko muna sa manager. Tawagan ka na lang siguro kapag napirmahan na. Salamat." Ngiti ng babaeng teller.
Napatango na lamang ako bago dumaan sa convenient store at binili ng isang balot na trolli candy si Mareng. Gustong gusto niya ng gummy at chocolate candies. Kapag sumweldo ako ay dadagdagan ko na lamang.
Ayaw kong pagkaitan siya ng mga kagustuhan niya. Hangga't kaya ko ay binibigay ko. Ganoon siguro talaga, kapag usaping anak ay laging panalo ang anak.
Binibilang ko pa sa isipan ko ang perang naipon sa savings ko. Balak kong ipaghanda si Mareng sa fifth birthday niya. Ngunit naglaho sa isip ko kung magkano na ang pera nang madinig ang tawa ni Mareng. Nalingunan ko pa itong tumatakbo habang hinahabol ni Drake.
Natigil ako sa paglalakad at napahawak sa gate. Mukha silang mag-ama na naglalaro.
Hindi ko maiwasang malasahan ang pait sa dila ko. Siguro, mas magiging masaya si Mareng kung kumpleto ang pamilya niya. Kaya lang, alam kong hindi ko na iyon maibibigay pa sa kanya bukod na lang kung may malakas ang loob na liligawan ako at tatanggapin kung sino ako, at siyempre, iyong tatanggapin si Mareng ng buo.
Masakit pero iyon ang katotohanan. Kaming dalawa lang. Natatakot ako na baka isang araw tanungin niya ako at hanapin ang tatay niya at hindi ko alam kung paano iyon sasagutin.
Hindi ko iyon kakayanin!
Kahit gusto kong magkaroon siya ng tatay ay hindi rin madaling basta na lamang tumanggap ng tao o lalaki.
"Mimi! Run! Run! Run! Huhulihin ka ni Pareng Drake!" sigaw nito na kinabalik ng atensyon ko sa kanilang dalawa.
"Mareng, mahuhuli na kita. Malapit na!" sigaw ng huli sa nakatatakot na boses.
Madali akong pumasok sa loob ng gate at binitiwan ang mga bitbit ko. Halos mapasigaw pa ako nang tumalon si Mareng papunta sa akin. Nakahinga lamang ako nang maluwag nang masalo ko siya.
Takot at nagpapanic pa ito.
"Mimi! Run! Run! Run! Hindi tayo pwedeng mahuli ni Pareng Drake!" Niyugyog pa nito nang bahagya ang balikat ko.
Naguguluhan man at natataranta ay mahigpit ko siyang niyakap at nagsimulang tumakbo. Halos hingalin pa ako sa bigat niya. Hindi ko alam kung mabilis ang takbo ko. Maliliit lamang ang nagagawa kong hakbang. Nahihirapan pa sa pagbuhat kay Mareng.
"Mimi! Bilisan mo! Matatalo tayo!"
"Ah? Sandali, ang bigat mo," reklamo ko pa.
Naglumikot ito at nanlaki ang mga mata, "Malapit na si Pareng Drake, Mimi. Takbo pa!"
Wala sa loob na napalingon ako sa lalaki na halos hindi man lang naglalabas ng lakas sa pagtakbo. May kabilisan lamang ang bawat hakbang ng mga mahabang biyas nito.
Kita ko ang pagngisi niya na kinataranta ko lalo. Binalik ko ang tingin sa harapan at natutuliro sa bawat sigaw ni Mareng. Ni hindi ko na makita ang daanan. Huli na noong makita ko na kanal na ang sunod kong hakbang.
Akala ko ay mahuhulog ako. Akala ko, mahuhulog na kami ni Mareng ngunit matitipunong mga braso ang sumalo sa bewang ko at walang hirap na kinuha si Mareng mula sa mga bisig ko.
Nakapikit pa ako sa bilis ng kabog ng dibdib ko. Mahigpit din ang kapit ko sa braso niyang naninigas. Hinihingal ako mula sa pagtakbo at sa takot na mahulog.
"It's fine. You are safe."
Tila malamyos iyon na hangin na dumaan sa tainga ko. Nalalasing pa akong napamulat at balak na tanungin siya kung totoong wikang ingles nga ang nadinig ko mula sa bibig niya.
Natigil ako sa balak na tanong at natulala lamang kay Mareng na nakasiksik sa leeg niya. Napabuntong hininga ako at binalak na kunin si Mareng ngunit ayaw nitong umalis sa kanya.
"No, Mimi. Ihuhulog mo 'ko!" sigaw pa nito.
Napataas ang kilay ko. Ako na nga itong nabiktima, ako pa ang may balak na masama?
"Ako na lang ang bubuhat. Tara na," presinta ni Drake.
Napatango ako ngunit natigilan na naman sa palad niyang taimtim na nakapatong sa bewang ko. Napakurap ako at mabilis na humiwalay sa kaba.
Ngunit halos mapasigaw akong muli sa maling hakbang. Swerte ko lang na muli niyang nahatak ang kamay ko upang hindi tuluyang malaglag sa kanal.
"Si Mimi, clumsy," dinig ko pang bulong ni Mareng.
"Dito. Hindi riyan," aniya.
Hinila niya ako nang tuluyan pabalik sa may gate. Pagdating ay doon lamang binitiwan ang palad ko. Tila nangulila pa ang palad ko sa pag-alis ng kamay niya.
Bahagya ko pang winaksi ang sariling palad upang mawala ang init na naiwan doon.
"Salamat," mahinang bulong ko.
Tumango ito bago naunang naglakad habang bitbit si Mareng. Napapailing na lamang ako sa nangyari. Sa susunod hindi na ako sasali sa ano pa mang laro.
Nakasasakit na! Nakatutulala pa!
Nagmadali akong sumunod. Iniwanan lamang nito si Mareng sa tapat ng pinto. Inip pa akong tinatanaw ng anak ko.
"Mimi kasi! So bagal," maktol nito bago pumasok sa loob.
Aba! Kasalanan ko na naman!
Nagtagis ang mga ngipin ko. Kunsintidor ba ako kung sabihin kong hindi ko siya pagagalitan?
Akmang isasara ko na ang pinto nang pigilan ito ng kamay na may tattoo— walang iba kun'di si Drake.
"Bakit?" litong tanong ko sa kanya.
"Sa'yo na lang 'tong rice cooker ko. Hindi ko naman... ginagamit."
Nagulat ako sa maliit na rice cooker na inaabot niya. Mukha pa 'yong bago at tila isang beses pa lang na nagamit.
"Hindi na. Wala naman akong pambayad sa dagdag na kakainin niyan sa kuryente."
"I insist. Kunin mo na. Huwag mo ng pakainin ng sunog na kanin si Mareng."
Sa lahat ng sinabi niya, isa lang ang nanatili sa tainga ko.
Talaga bang sinabi niyang, 'I insist'?