Ilang minuto ko nang tinititigan ang screen ng cellphone ko. Nagdadalawang isip kung tatawagan ko ba siya o hindi.
Mali yatang hiningi ko ang number niya. At mas lalong mali na tinanggap ko ang libreng load mula sa kaniya. Halos mahiya pa nga ako kanina sa tindera. Kung makatitig kasi ay akala mo pinilit ko si Drake na load-an ako.
Urghh! Bahala na!
Huminga ako nang malalim bago pikit-matang tinawagan ang numero niya. Halos mahulog pa ang puso ko sa kaba matapos mag-ring.
Bakit ko ba siya tinawagan?!
Tila ako natauhan sa naisip. Balak ko na sanang i-end call ngunit huli na. He's husky bedroom voice saying 'hello' filled my room.
Nahigit ko yata ang hininga ko at sumakit na lamang bigla ang puson ko. Wala sa loob na napahawak ako doon at namimilipit sa sakit na napahiga sa higaan.
“Hello? Veron, ikaw 'to?”
Napapikit ako nang mariin. Hinagilap ko ang unan bago iyon niyakap. Pinilit kong kumalma upang mawala ang sakit sa puson ko.
"Veron?" malalim na pagkakatawag niya.
Kusang napaawang ang mga labi ko dahil doon at halos mautal pa ako sa muling pagsasalita.
"Uhm. H-indi. H-indi po si V-eron 'to. S-orry, w-rong number. H-indi po Veron ang pangalan ko."
Kulang na lang ay i-subsob ko ang sarili sa unan matapos marinig ang mahinang tawa niya.
"Baliw."
Napalaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. Napaupo pa ako sa higaan at tinapon sa sahig ang unan.
"Anong baliw? Hindi ako baliw ah!"
Nagsasalubong ang mga kilay ko sa muli niyang pagtawa. Kung hindi lang sumasakit ang puson ko ay baka pa sinugod ko na siya sa labas.
Akala yata niya nagpapatawa ako!
"Drake, magpatulog ka naman," dinig kong reklamo ng kaibigan niya at isa pang kalabog mula sa kabilang linya.
"Uhm. End call ko na. Baka nakakaistorbo na ako. Natutulog na yata ang kaibigan mo," nahihiyang sambit ko.
"Don't. Ibig kong sabihin, lalabas ako-"
"Hindi! Huwag kang lumabas. Matutulog na rin ako."
Napatayo ako ng wala sa oras matapos marinig ang pagbukas niya sa pinto. Hindi ko alam paano ko tatapusin ang tawag kung ganitong lumabas pa siya makausap lang ako.
"Nasa labas na ako." Tumikhim pa siya. "Anong ginagawa mo?"
"Ah?"
Naumid yata ang dila ko sa tanong niya. Ngayon lang ako nagkaroon ng katawagan. Ano ba dapat ang isagot ko?
"Si Mareng tulog na ba?"
"Uhm. Kanina pa. Ano, pumasok ka na ulit sa loob. Hindi ko naman sinasadyang tawagan ka."
Natahimik siya sa kabilang linya na nagpakaba sa akin. Mali yata ang nasabi ko. Balak ko na sana ulit na i-end call kung hindi pa siya nagsalita.
"Ayos lang. Hinintay ko ang tawag mo, Veron."
Pinasukan yata ng mga daga ang dibdib ko. Pakiramdam ko rin ay tinakasan ako ng hininga. Inis pa akong napa-ungol matapos mapindot ang end call.
Namilog ang mga mata kong tumitig sa telepono. Tinapos ko nga ang tawag.
Hindi ko naman sinasadya!
Natitigilan pa akong napatakip sa bibig sa nagawa. Pagkatapos ay agarang tumayo, lumabas ng kwarto at pinihit pabukas ang pinakapinto ng bahay.
Alanganin pa akong sumilip sa labas. Nasalubong ko nga lamang ang mga tingin niyang seryoso.
"Mukhang inaantok ka na." Pinihit din nito ang sariling pinto ng apartment niya ngunit hindi tuluyang pumasok.
"Sorry. Good night."
Hindi ko na hinintay ang reaksyon niya. Basta ko na lamang sinara ang pinto at hinihingal na napasandal doon.
Nawawalan na nga yata ako ng manners kapag siya ang kausap ko. Hindi ako nakatulog nang maayos kakaisip sa tawag.
Kinabukasan ay halos hindi ako makatingin sa kanya. Minsan ko pang nasasalubong ang mga sulyap niya. Maging ang pagngisi ng kaibigan niya ay nahagip ng tingin ko.
"Kagabi, may napuyat," ani pa nito.
Namula ang mga pisngi ko dahil doon. Nalingunan ko pa si Mareng na naninitig sa mga mata ko.
"Mimi, zombie ka po?"
Nag-init muli ang magkabilaang pisngi ko, mas lalo na ng marinig ang hagalpak na tawa ng kaibigan niya. Dinig ko nga lamang itong napahinto at napaubo.
Umiling ako at hinarap si Mareng na balak kong iwan kila Aling Flor. Ang kaso ay nakanguso itong umiling at tumakbo pa papunta kay Drake.
"Mareng! May trabaho ang Pare mo. Kay Aling Flor na lang."
"No, Mimi. Sama ako kay Pareng Drake. Magbebenta ako ng manga. Tapos bibigyan niya ako ng bente at ibibili ng mango shake." Nagpapa-awang kumurap pa ito.
Balak ko na sana siyang pagalitan at paningkitan ng tingin. Ang kaso ay agad siyang binuhat ni Drake. Kita ko pa ang pagngisi ni Mareng at pagyakap sa leeg ni Drake.
Doon na naningkit ang tingin ko sa kanilang dalawa. Baka pagalitan pa siya ng Boss niya kung isasama niya si Mareng.
"Sabay na kayo," si West na pumasok na sa sasakyan niya.
Bumaling ulit ang tingin ko kay Drake na papihit pasakay sa sasakyan ni West.
Napalaki ang mga hakbang ko at pinigilan ito sa braso.
"Ibaba mo," matigas kong sabi at tinapatan ang tingin niya.
Hindi siya kumilos at binigyan lamang ako ng inip na tingin. Nagngitngit ang kalooban ko dahil doon.
"Ibaba mo sabi!" may gigil nang bigkas ko.
I saw how his lips lifted a little. He even looked at me with amusement.
"Veron, Hindi pwedeng basta na lang ibababa ang pantalon ko." Ngumisi pa siya lalo.
Tila nabingi ako dahil doon at naguluhan, "A-no?"
"Ang sabi ko, bawal ibaba ang pantalon ko kung nasa publiko. Saka na lang kapag sa... kwarto na."
Nagpantig yata ang tainga ko dahil doon. Kusang umakyat ang init sa mga pisngi ko. Kung hindi niya lang hawak si Mareng ay baka nahampas ko siya nang malakas.
Si Mareng ang ipinapababa ko, hindi ang pantalon niya. Urgh!
"Tara na?" si West na bumusina pa.
Tikom ang bibig na pumasok ako sa backseat. Hindi ko pa matignan si Drake na nilalagay sa kandungan ko si Mareng na nakangisi.
Dumukwang ito at yumuko sa bandang tainga ni Mareng. Maging ang ilong niya ay halos dumampi sa balikat ko. Siniksik ko tuloy ang sarili sa sandalan ng upuan.
"Behave, Mareng. Galit ang Mimi mo," dinig kong bulong niya.
Humagikgik si Mareng at bumulong pabalik, "Yes, Didi."
Nangunot ang noo ko dahil doon. Balak ko sanang magtanong ngunit pag-angat niya ng tingin sa akin ay naaliw na titig ang ginawad niya. Agad akong nag-iwas ng tingin. Tinapik pa niya ng tatlong beses ang kinasasandalan kong upuan.
Napasulyap ako dahil doon. Nahuli ko pa ang bahagya niyang pagnguso at pagpipigil mangiti. Gusto ko tuloy hilamusin ang mukha niya at alisin ang pilyong itsura mula doon.
Inirapan ko siya ngunit ganoon pa rin ang itsura niya. Naiiling pa niyang sinara ang pinto.
Nauna nila akong hinatid sa bangko. Naghabilin pa ako kay Mareng na huwag maglikot.
Pinilit ko namang magpokus sa trabaho ang kaso ay pumapasok sa isipan ko ang sinabi niyang pantalon at kwarto. Hindi rin nakakatulong ang sakit ng puson ko. Idagdag pang inaantok ako.
Miminsang nagsasara ang talukap ng mga mata ko sa pagka-antok. Hindi ko rin alam kung paano hahaplusin ang puson ko upang mawala ang sakit.
Sa huli, sinubsob ko ang ulo ko sa mesa at mahinang umungol. Maging ang ulo ko ay pa-unti unting sumasakit.
"Veron! Bawal matulog. Oras pa ng trabaho!" mahinang bulong ni Miss Yumi. Tinapik pa ako nito sa braso.
Namumungay ang mga matang nag-angat ako ng tingin. Napaayos nga lamang ng upo matapos masalubong ang nagbabantang tingin ni Miss Yumi, at maging ang dismayadong tingin ni Mama mula sa harap ng counter.
"Sorry po. Ang sakit po kasi ng puson ko." Yumuko ako at humawak nang mahigpit sa puson ko.
"Miss, baka red days mo," si Mama.
Napa-angat ang tingin ko dahil doon. Napaawang pa ang mga labi ko sa inaabot nitong isang pack ng sanitary napkin.
Hinagod ng init ang puso ko. Kusang nangilid ang mga luha sa mata ko na pilit kong pinigilan. Nanginginig pa ang kamay kong kinuha ang sanitary napkin.
Kahit na dismayado ang binibigay niyang titig ay naiiyak pa rin ako.
Alam niya. Alam pa rin niya.
Umiwas ako ng tingin matapos bumagsak ang isang patak ng luha sa mga mata ko. Nagmamadali pa akong tumayo at walang lingon likod na umalis sa counter.
Pagdating sa comfort room ay tuluyan nang bumuhos ang luha ko.
Hindi niya nakalimutan. My Mama knows it. She cares.
Mas lalo yatang sumakit ang puson ko sa pag-iyak. Kahit na gusto ko pang umiyak ay pilit kong pinatahan ang sarili. Mas lalo kasing humihigpit ang sakit sa puson ko at ulo.
Naghilamos ako ng mukha. Pagkatapos ay dumiretso sa cubicle at tinignan kung meron nga. I saw few little red spots on my underwear.
May inis pa akong umatungal bago naglagay ng napkin. Inayos ko ang sarili at isang beses pang naghilamos bago nagpunas sa tissue at bumalik sa counter.
"Oh, Veron. Ayos ka na? Nag-iwan pala ng meryenda daw si Misis Hernandez kanina. Hot chocolate drink at ensaymada," si Miss yumi.
Ngumiti ako nang maliit sa kanya. Sinulyapan ko pa ang nilapag niyang chocolate drink at ensaymada sa mesa ko. Nilingon ko pa ang harapan ng counter ngunit wala na doon si Mama.
"Sa katanghaliang tapat ganyan ang meryendang binigay niya. Mabuti na lang may air con dito sa loob. Medyo mabait din pala si Misis Hernandez, oh, ka-apelyido mo?" Tumayo pa ito at sinuri ang nameplate ko.
"Ah? Baka nagkataon lang." Hinawi ko nang marahan ang kamay niyang nakahawak sa nameplate ko.
Napatango ito at agad ding bumalik sa trabaho. Kahit na sumasakit pa rin ang puson ko at inaantok ay pinilit kong huwag antukin. Nakatulong naman ang hot chocolate drink na bigay ni Mama.
Kaya lang, pagdating ng hapon ay pasulyap-sulyap na ako sa orasan. Gusto ko nang umuwi at magpahinga.
Napahikab pa ako matapos makitang tapos na ang duty ko. Nagmadali pa akong mag-out at lumabas sa Bangko.
Napahigik nga lamang sa sakit ng puson ko. Naningkit pa ang tingin ko sa labas matapos na hindi datnan si Drake at Mareng doon.
Hinalughog ko ang cellphone ko sa bag at balak na tawagan si Drake ngunit may tumigil ng sasakyan sa harapan ko.
Balak niya pang lumabas sa sasakyan ngunit pinigilan ko siya at agad pumasok sa loob. Kahit na magdikit na ang mga balat namin ay hindi ako nagreklamo.
Gusto ko na lamang humiga at itulog ang sakit.
"Mimi, pinapasuyo ni Teacher yung bert, bert, ano nga iyon Pareng Drake?" Baling nito kay Drake.
"Birth Certificate," si Drake.
"Iyon! Yung BC, Mimi. Hatid mo daw po kay Teacher." Ngumuso pa ito bago sumubo sa hawak niyang junkfood.
Sa sakit na nararamdaman ay tumango na lang ako kay Mareng. Kahit na gusto ko rin siyang pagalitan sa chichiryang hawak niya ay hindi ko na tinuloy.
Napapapikit pa ako sa andar ng tricycle. Humihigpit din ang yakap ko sa sariling puson.
"Pare, mamamatay na ata si Mimi!" Dinig kong hikbi ni Mareng.
Kahit gusto kong magmulat ng mga mata para pigilan siya sa pag-iyak at itama ang sinabi niya ay hindi ko nagawa.
"Shh. Inaantok lang ang Mimi mo. Quiet ka muna."
Kasunod doon ay ang naramdaman kong marahan niyang pag-aalalay sa ulo ko patungo sa balikat niya. Ramdam ko rin ang mahihinang tapik niya sa balikat ko, tila hinehele ako.
Hindi ako nagprotesta at hinayaan ang sariling tangayin ng antok. Hindi nga lamang nagtagal at nagising ako sa pagtigil ng tricycle.
"Mimi," si Mareng na gumapang pa papunta sa kandungan ko at yumakap sa balikat ko.
"Baby," Hinalikan ko siya sa ulo at binuhat palabas ng sasakyan.
Agad din naman siyang kinuha ni Drake sa akin pagkalabas niya sa tricycle at pagkabayad. Kahit ang paghawak niya sa bewang ko ay hindi ko inangilan.
Ang gusto ko lang talaga ay matulog at magpahinga.
Natigil ako sa paglalakad matapos naramdaman ang sobrang sakit ng puson ko. Umatungal pa ako nang mahinang hikbi sa sakit. Napahigpit pa ang kapit ko sa damit niya.
"Veron, are you alright? Saan masakit?"
Hindi na yata rumerihistro sa isipan ko ang mga tanong niya kahit ang hikbi ni Mareng ay hindi ko mapagtuunan ng pansin.
Kung hindi pa ako inalalayan sa paglalakad ay hindi na yata ako makararating sa harap ng apartment.
"Oh? Ano nangyari kay Veron?" boses ni Aling Flor.
"Hindi ko rin po alam," boses ni Drake.
Ang kamay ko ay kusang hinanap ang door knob at pilit iyong pinihit.
"Ganoon ba."
"Opo, Aling Flor. Bakit po ba?" Baling ko sa kanya.
Pinilit kong humarap sa kanya ngunit sa huli, sinandal ko na ang ulo sa pinto ngunit hawak pa rin ni Drake ang bewang ko. Ramdam ko rin ang mahihinang paghatak ni Mareng sa laylayan ng damit ko.
"Ano, Veron. Libre na ang upa at kuryente mo. Huwag ka nang magbayad."
Nangunot ang noo ko dahil doon. Kahit na sumakit muli ang puson ko ay hinanap ko ang pagbibiro sa mukha ni Aling Flor ngunit wala. Ang tingin nito ay na kay Drake.
Kaya naman sunod kong sinulyapan ay si Drake na hinapit nang mahigpit ang bewang ko at tuluyang binuksan ang pinto bago ako alalayan na pumasok doon.