"Ano'ng pinunta niyo rito? Hindi ba ay pinaalis niyo si Verona?" "Mama!" simpleng suway ko kay Mama. Nakahihiya kasi kay Draco. Alam ko namang ilang beses na niya akong ginustong sunduin ngunit ako itong pumipigil sa kanya. Nakahihiya na ngayon ay siya ang sumasalo sa galit ni Mama at sa mabibigat na tingin ni Papa. Nilingon ko ito na prenteng nakaupo sa sofang kaharap nila Mama. Parang kanina lang nagwawala ito pero ngayon ay tila bumalik na ito sa dati niyang aura ngunit medyo mukhang mabait naman. "Pasensya na po at umabot sa ganito. Hindi ko lang po kayang manahimik sa nalamang..." Napatigil si Draco at halos hindi maituloy ang sasabihin niya. "Sa nalamang alin? Na miserable ang anak ko?" Tinaas pa ito ng kilay ni Mama. "At talagang binitbit mo pa 'yang anak mo?" dagdag ni Mama.

