KABANATA 8

2042 Words
Halos pamulaan ako ng pisngi sa paperbag na binigay niya. Binalak niya pang ilabas ang mga bra at panty doon ngunit tinabig ko ang kamay niya at sinamaan siya ng tingin. Hiyang-hiya na nga ako na binili niya pa ako ng ganito tapos ay ilalabas pa niya para tignan?! Ang gago lang! Marami naman akong bra, hindi ko din inasahan na tototohanin niya. "Marami akong bra, at saka panty. Hindi ko kailangan ang mga iyan," salubong ang kilay na bigkas ko. Pilit kong binabalik ang paperbag ngunit tumikwas lamang ang kilay nito at may aliw akong tinignan. "Sigurado naman ako sa mga sukat kaya sana kasya nga sa iyo." Nilingon pa nito ang mga dibdib ko. Wala sa loob na napayakap ako sa sarili at binigyan siya ng matalim na tingin. Nagtatagis ang ngipin ko sa mga lumalabas sa bibig niya. Kahit pa ang tanong ay inosente ngunit sa akin ay iba ang dating. "Hindi ako nanghihingi kaya bakit binigyan mo ko?!" singhal ko sa kanya bago umirap. Ngumuso siya at pilit pinigilan ang ngiting gustong kumawala sa labi niya. "Si Mareng ang humingi, pinagbigyan ko lang." Nanlaki ang mga mata ko sa kaalamang si Mareng ang humingi. Ang batang iyon! Akala ata niya ay hindi ko kayang umutang ng bra. "Hindi ko ito matatanggap. Marami akong bra." Iniabot kong muli sa kanya ang paperbag ngunit umiling siya. "Itabi mo na lang para may reserba ka sakaling masira ko ang iba." Nagpantig ang tainga ko at binigyan siya ng nanunuring tingin. "Ano ang sinabi mo?!" paglilinaw kong tanong. Kumibot ang labi niya bago tumikhim. Umayos ng tayo at namulsa. "Ang sabi ko ay baka masira ang mga luma," paglilinaw niya. Umismid ako, parang hindi naman ganoon ang sinabi niya kanina. Pinagsawalang bahala ko at hahakbang na sana ngunit naagaw ang atensyon ko sa malakas na ugong ng sasakyan. Tumikwas ang kilay ko at sabay pa naming nilingon iyon. Isang itim na Van ang tumigil sa tapat ng gate. Napakurap pa ako nang bumaba mula doon ang matikas na lalaking suot ay puting hapit na t-shirt. "Damn." Napalingon ako kay Drake upang makumpirma kung nagmura nga siya ngunit ang may kataliman nitong tingin ay nakadirekta sa lalaking papalapit. Kinakain ako ng kuryosidad lalo na ng ang lakad ng lalaki ay patungo kay Drake. Namilog pa ang mga mata ko at napatakip sa bibig noong makita ang kulay berde nitong mga mata. He's so cool! Bigkas ng maharot kong kaisipan. Hindi ko pa maiwasang mapasinghap sa tuluyan nitong paglapit. Ngunit nawala ang lalaki sa paningin ko matapos magtungo sa harapan ko si Drake. Sa tangkad at lapad niya ay ni hindi ko maaninag ang lalaki. Napaingos ako at bahagya pa siyang sinundot sa kanyang likuran. Paharang-harang! Tumaas pa ang kilay ko nang lingunin niya ako mula sa balikat niya at may kataliman ang ginawad na titig. Napaatras pa ako at napakurap. Ano namang nagawa kong masama? Inirapan ko siya kaya naman agad niyang binawi ang tingin at hinarap ang lalaki. "Pareng West, napadalaw ka?" Salubong nito sa lalaki na muntik ko nang ikinatawa. Pareng West? Sa gwapo ng lalaki ay hindi bagay ang tawag nitong pare. Pero kay Drake ay bagay? Marahas akong napailing sa naisip. Napalingon pa ako sa bigay niyang paperbag at namula ang mga pisngi. Kalalaki niyang tao tapos ay nagreregalo ng bra at panty. Kung humingi kaya ako ng tampon at n****e tape? Magtigil ka, Veron! Baka akala niya ay may pinahihiwatig ako. Huminga ako nang malalim at sa pag-angat ng tingin ko ay dalawang pares na ng mga mata ang nasalubong ko, kayumanggi at berde. Napangiwi ako at napakurap. Nahihiya sa kaisipang kanina pa sila nakatingin at nakita ang kabaliwan ko. Naku ka, Veron! "S-orry, una na ako." Tumalikod ako kahit hindi pa sila tumatango. Halos tumakbo pa ako at hindi na sila nilingon. Bahala na kung anong isipin nila. Nakahihiya na baka kanina pa ako iiling-iling tapos napapanood nila. Susmiyo! Tumatahip ang dibdib ko pagkapasok sa bahay. Agad ko iyong ni-lock at napasandal pa doon. "Mimi, did you see a ghost?" si Mareng na nabaling ang tingin sa akin. May hawak itong cake bar at prenteng nakaupo sa cleopatra habang ang pinapanood ay Peppa pig. Ang mapanuri nitong asul na mga mata ay nakatitig sa akin. Nagtatanong at naghihintay ng kasagutan. "No, baby. Si Pareng Drake mo ay may bisita," sabi ko na lamang. Ang akala ko ay mananahimik ito ngunit halos napatalon pa pababa sa cleopatra at tumakbo palapit sa akin. "Mimi, I wanna see. Gusto kong makita ang bisita ni Pare, mimi." Tumalon-talon pa ito sa harapan ko. Mariin akong napapikit at halos mahilo sa galaw niya. Mas maganda yatang hindi ko na lamang sinabi upang hindi siya ganito kagulo. Minulat ko ang mga mata ko at pinaningkitan ko siya ng tingin ngunit hindi siya natigil. "Mareng, hindi pwede. Hindi natin kakilala ang tao. At saka magpapahinga pa iyon," tukoy ko sa bisita ni Drake. Bumagsak ang balikat niya at nanghaba ang nguso. Napakurap-kurap at bigong bumalik sa cleopatra. I sighed. Napailing at mabilis kong ni-lock ang pinto upang hindi siya lumabas. Sinilip ko pa ang malungkot niyang mukha. Inuusig ng konsenysa ang damdamin ko, ngunit hindi naman pwedeng hayaan ko siya doon. At baka hindi siya matignan ni Drake at aasikasuhin pa ang bisita nito. Pinilig ko ang ulo ko at dumiretso sa kwarto. Napabuntong hininga ako ngunit agad ko din iyong nahigit matapos maalala ang mga bra at panty na bigay niya. Ano bang naisip niya at binigyan ako ng ganito? Sa gabi lang naman ako hindi nagsusuot ng bra. Ang gago talaga! May kalakasan kong tinaktak ang paperbag. Dalawang kahon ang nahulog mula doon at halos pamulaan akong muli sa pisngi sa nakikitang disenyo ng mga iyon base sa transparent na plastic boxes. Nanginginig pa ang kamay ko sa pagbukas at paglabas ng mga iyon. Halos manghilakbot ako sa klase ng tela. Lace and with a touch of see through. Gusto kong magmura ng malakas sa mga bigay niya, matino nga sana ngunit maging ang tabas ay hindi kanais-nais. Bwisit! Ang gago lang! Pinalobo ko ang mga pisngi ko upang pigilan ang inis. Nagmamadali ko pang binalik ang mga iyon sa paperbag matapos marinig ang iilang katok sa pinakapinto. "Mimi, may tao!" si Mareng. Mabilis kong sinuksok sa ilalim ng kama ang paperbag bago nagmamadaling lumabas ng kwarto. Kita ko pang nasa tapat na ng pinto si Mareng at balak na iyong buksan kung hindi ko lamang naabutan. "Ako na, baby." Ngunit hindi siya umalis at hinayaan lamang akong magbukas ng pinto. Napaawang pa ang mga labi ko at umakyat ata ang inis sa ulo ko matapos madatnan ang namumungay na mga mata ni Drake. May bitbit pa itong dalawang kahon ng buko pie. Tumikhim siya at inabot kay Mareng ang dalawang kahon. "Wow! Thank you, pare! This is smell delicious!" sigaw pa nito bago umalis at dumiretso sa kusina. Napairap ako matapos tumapat muli ng tingin niya sa akin. "Nagustuhan mo ba ang mga regalo ko?" ani nitong may sinusupil na ngisi. Sinamaan ko siya ng tingin. Hindi ba niya nahahalata ang inis ko? Tinanong niya pa kahit alam niyang hindi! "Kinapos yata sa tela at may sira yata ang makinarya noong pinagbilhan mo. Hindi ako nagsusuot ng mga ganoon," sinubukan kong kumalma sa abot ng makakaya ko. Bigo nga lamang ako sa tuwing naaalala ang mga disenyo. Binalik ko ang tingin sa kanya, naabutan ko pa ang inosente niyang titig at pagkurap. "Hindi ba ganoon ang gusto mo? Sa tingin ko ay mas kumportable ang mga iyon at magaan sa katawan." Napamaang akong muli. Siguradong-sigurado siya sa sinabi niya. Halata mong maraming babae ang nakasama. "Bakit alam mo?" nanunuring tanong ko. "Huh? Hindi ba dapat? Sana ay sinubukan mo muna kung kumportable nga," mungkahi pa nito. Naningkit ang mga mata ko at basta na lamang sinarado ang pinto. Dinig ko pa ang mahihinang tawa niya sa labas. Sinasabi ko na nga ba! Pinag-ti-trip-an lamang ako ng loko! Akala yata ay gagawin ko, ngunit ginawa ko nga. Napailing pa ako sa sarili pagkatapos sukatin at subukan ang mga iyon. Sakto lang at magaan nga sa katawan. Napapadyak pa ako sa nahihinuhang pagngisi ni Drake kapag nalaman niyang sinukat ko nga. Kaya naman pagdating ng umaga ay hindi ako makatingin sa kanya. "Mareng, huwag kang tumakbo." Pigil ko sa kanya. "Mimi, I wanna see Pareng Drake's visitor. I wanna try if I can ask for a bathtub!" sigaw pa nito. Nanlaki ang mga mata ko at lalong binilisan ang hakbang upang maabutan siya. At saka anong bathtub? Sa liit ng banyo ay hindi iyon kakasya! Saan namin ilalagay? Sa bubungan ng bahay? "Mareng, wala tayong paglalagyan no'n." She stopped then looked at me arguing. "Mimi, ipapalagay ko sa room ko. That will fit." Tumakbo siyang muli pagkasabi roon. Inis akong napapadyak nang hindi siya maabutan. Nasa harap na ito ni Drake at West sa tapat ng Van. Ginambala niya ang matiwasay na pag-uusap ng dalawa. Kahit huli na ay sinubukan ko pa ring pigilan si Mareng sa balak ngunit napapikit ako matapos marinig ang hiling nito. "I want a big bathtub. I will place it in my room, and relax all day. Hindi kasya sa banyo iyon kaya't sa kwarto ko na lang. Hindi iyon afford ni Mimi, kaya baka naman Pareng West." Kumurap-kurap pa ito sa harapan ng lalaki. Nakagat ko ang pang-ibabang labi sa pagpipigil na sigawan si Mareng. Nahiya pa ako nang magkatinginan nang makahulugan ang dalawang lalaki, tila pinag-iisipan ang hiling ni Mareng. Huwag sabihing binabalak nga nilang pagbigyan?! Hindi na maaari! Hindi na ako papayag! Nagmadali ako lalo sa paglalakad at marahang hinigit si Mareng. Inosente pa itong napatingin sa akin. "Sorry, huwag na ninyong seryosohin ang hiling niya. Nagbibiro lamang siya-" "Mimi, I'm not joking! I want a big bathtub!" Maktol pa nito. Napabuga ako ng marahas na hangin at pinigilan ang sarili kong sigawan siya kahit na naiirita na ako sa ugali niya. "Mareng!" nagpipigil kong sigaw. Hindi ko pinansin ang bahagyang paggalaw ni Drake at paglapit ni West. Ang atensyon ko ay nakatuktok kay Mareng na nagmamaktol. Hindi ko talaga alam kung saan nagmana ng ganitong ugali ang anak ko. Akala yata ay bilyonaryo ang pare niya at kung ano-ano na lang ang hiling. "Stop that, Mareng. I am not liking that attitude," may riing bigkas ko. Napasinghot ito at napayuko na ikinausig ng konsensya ko ngunit hindi pwedeng lagi na lamang pinagbibigyan ang ugali niya. Kapag nasanay ay hindi na mababago. "Fix that look, ayaw ko ng ganyang hitsura, Mareng. Punasan mo 'yang mga luha mo," inip kong utos sa kanya. Napanguso siya at pinunasan nga ang pisngi at nag-angat pa ng tingin ngunit hindi sa akin ang tingin. Nililingon nito si Drake at West. "I will not ask it for free, pare. Order ka na lang kay mimi ng gamit po para may pambili ako ng bathtub," ani nito. Napahagod ako sa batok ko at napailing. Sinulyapan ko pa ang dalawang lalaki na hindi na-alarma sa sinabi ni Mareng. Pagbibigyan nga yata nila basta gustuhin nito. "Hm. What item can you offer, Mareng?" Kumunot ang noo ko at nakuryoso kay West. Sabagay, hindi malabong maalam ito lalo pa't may sasakyan. Hindi ko lang sigurado kung kaibigan nga siya ni Drake o baka naman naging boss niya. "I don't know yet. Tell me what do you usually wear ba?" Nilingon pa ni Mareng si Drake at naghintay ng sagot mula dito. Napatikhim ang huli at napalingon pa sa akin. Tinaasan ko siya ng kilay, tutal ay siya ang pasimuno sa pabigay-bigay kaya ngayon ay siya ang mag-isip ng isasagot kay Mareng. Umiwas ito ng tingin matapos walang makuhang sagot mula sa akin. Binalikan nito ng tingin si Mareng na naghihintay ng sagot. "Nagpapautang ba ng brief ang mimi mo, Mareng?" mahinahong tanong ni Drake kay Mareng na kinalaki ng mga mata ko. Nagkagulo ang kaisipan ko. Dinig ko din ang pag-ubo ni West. Tanging si Mareng lamang ang kalmado at inosenteng tumango kay Drake. Ang gago ay ngumisi pa bago ako hinarap. "Pa-order naman ng brief, Veron. Dalawang dosena, XL," nangingising sabi niya. Naningkit ang mga mata ko at namula ang mga pisngi ko. Hindi ko sigurado kung pinaglalaruan niya ako o seryoso siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD