Sa kabilang banda, si Mavy Buergo ay bihis na bihis. Pupuntahan kasi niya si Ingrid at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito sumasagot sa mga text niya. Ang dibdib niya ay hindi matigil sa pagtibok ng dahil sa sobrang kaba. Sinisigurado ni Mavy na nagkaroon ito ng problema ng dahil kay Pierce. Lumunok siya ng laway at hindi naman siya pwedeng umatras.
Siya lang naman ang ginawang kawawa ni Ingrid. Sa katunayan ay hindi naman sila magkasintahan at matalik na magkaibigan lamang pero dahil sa hindi niya ito matiis, magpapanggap pa tuloy siyang boyfriend at sasabihin na magpapakasal na sila. Gusto na tuloy ni Mavy na kainin na siya ng lupa ng dahil sa naisip ng kanyang kaibigan.
Hindi tuloy alam ni Mavy kung hanggang saan o hanggang kailan sila magpapanggap at kinakabahan na siya. Ang paa niya ay kanina pa hindi mapakali at panay ang lakad niya. Halos mahilo na nga ang tao sa loob ng bahay ng dahil sa ginagawa niya. Pero walang nagawa si Mavy at napilitan siyang sumakay sa kanyang kotse.
"Pahamak ka kahit kailan," mahinang sambit ni Mavy at nagsimulang paandarin ang sasakyan.
Kinagat ni Mavy ang kanyang sariling labi at kapag naiisip niya si Pierce ay talaga namang nakakatakot ito. Ang mukha niyang laging seryoso ay bagay na bagay lamang sa pangalan niya. Nanlalamig ang mga kamay ni Mavy kahit na malayo pa siya sa bahay ni Pierce at Ingrid. Hindi niya alam paano siya a-akto na parang boyfriend ng kaibigan, lalo na hindi niya kayang gawin iyon kay Ingrid.
Aminado si Mavy na babaero siya, pero hindi niya kayang bastusin ang kaibigan. Kaya naman ang role na kayang gagawin ay parang masusuka na lang siya dahil hindi niya kayang gampanan. Ang daliri tuloy niya ay panay patunog sa manubela at parang malapit na siyang maihi sa sobrang kaba.
Simula ng sabihin ni Ingrid ang plano nila ay umatras siya. Ayaw talaga niyang gawin ang nais ng kaibigan, kaso naaawa na rin siya. Palagi itong umiiyak sa harap niya at nagmamakaawa na tulungan siya. Kaya naman walang nagawa si Mavy at tinulungan ang kaibigan. Hindi rin niya kaya na palagi itong umiiyak at palagi na lang nagtitiis kay Pierce.
Pinagsasabihan naman ito ni Mavy, pero matigas talaga ang ulo ni Ingrid. Ayaw talaga niyang humanap ng iba na mas bata kay Pierce o kaya naman magpaligaw sa mga lalaking gustong manligaw sa kanya. Wala naman a-ayaw kay Ingrid dahil talagang napakaganda nito. Sobrang cute niya dahil baby face ang kanyang mukha at napakakinis. Ang height naman niya ay tama lang sa height ng mga babae, kaya naman hindi malabong marami talaga ang nagkakagusto sa kanya.
"This is it," mahinang sambit ni Mavy at tuluyan na siyang bumaba sa kotse. Nangangatal ang kanyang tuhod at hindi niya alam ang gagawin. Bumungad sa kanya ang napakalaking bahay at may ilang hardinero sa labas ng bahay.
Tinignan siya nito at nginitian, kaya naman nakahinga ng maluwag si Mavy at mukhang mababait ang mga katulong. Hindi pa nakakapunta rito si Mavy ng dahil sa malaki ang takot niya kay Pierce. Sa tagal nilang magkaibigan ni Ingrid ay ngayon lang siya makakapasok sa loob ng bahay at hindi pa nga siya sure kung talagang makakapasok siya. Bumuntong hininga si Mavy at nilapitan niya ang isang katulong sa bahay at tinanong si Ingrid.
"Nand'yan po ba si Ingrid?" magalang na tanong ni Mavy at nagulat si Mel ng makita niya ito. Nanlaki ang mata niya at mukhang may kutob na siya kung dino ito.
Maayos ang kanyang pananamit at napakagwapo rin. Ang edad nito kung titignan ay parang katulad lang din ni Ingrid. Pinagbuksan ng pinto si Mavy at itinuro sa kanya ang sofa. Agad naman umupo si Mavy sa upuan at pinagmasdan niya ang buong bahay. Halos mamangha siya sa ganda nito at talaga namang napakalinis.
Sobrang daming painting at hindi na niya mawari kung ilan iyon. Basta sobrang ganda at talagang nahumaling siya at medyo nawala ang kabang dinadala. Kasunod no'n ang paglunok ni Mavy, dahil isang kwarto ang bumukas at bumungad sa kanya si Pierce.
Parang kakainin na siya ng lupa sa sobrang sama ng tingin nito sa kanya. Hindi alam ni Mavy ang gagawin kung babatiin ba niya ito o hindi, dahil baka mamaya ay magkamali siya ng sabi at bigla itong magalit. Lumapit si Pierce sa binatang si Mavy at kumunot ang kanyang noo. Hindi niya alam kung sino ito at sa hindi inaasahan isang sigaw ang narinig nila.
"Mavy!" sigaw ni Ingrid at tumakbo ito papalapit kay Mavy at agad niyakap.
Si Mavy ay parang kakainin na talaga ni Pierce at ang tingin nito ay ibang-iba. Halos umurong ang kaluluwa niya sa sobrang takot at pinagpatuloy lang ang pag-acting.
"Hindi mo sinasagot mga tawag ko, bakit gan'yan ang mata mo?" tanong ni Mavy kay Ingrid at alam na rin naman niya ang sagot sa tanong niya. Magang-maga ang mata ni Ingrid ng hawakan ito ni Mavy.
"Who the hell are you?" Nanlamig ang buong katawan ni Mavy ng marinig niya ang boses ni Pierce. Talagang nakakatakot ito at hinarap niya ito ng maayos. Tumungo siya at nagbigay galang, ito na lang ang naiisip niya para matulungan ang kaibigan.
"I'm Mavy Buergo, Ingrid's boyfriend," pagpapakilala ni Mavy at mahigpit niyang isinara ang kamay sa takot.
"Is this your boyfriend?" tanong ni Pierce kay Ingrid at tumango ito sa kanya.
Ang mata ni Pierce ay nakatinging maigi kay Mavy. Sinuri niya ang buong katawan nito at tumaas ang isa niyang kilay at kumunot ang noo. Nakita ni Pierce ang tattoo ni Mavy sa kamay at mayroon pa itong hikaw. Hindi niya pinansin kung maayos man ang pananamit nito. Umupo siya at pinipigilan ang sarili na hindi sumigaw sa dalawa.
"I'll marry her no matter what." Napantig ang taenga ni Pierce sa sinabi ni Mavy sa kanya. Gusto niyang tumawa, pero puno ng inis ang kanyang katawan.
"I won't let you, may ipapakain ka ba dito? Nag-aaral pa lang kayo, kaya h'wag mo masabi-sabi sa akin na pakakasalan mo ito." Napalunok si Mavy ng marinig niya ang sinabi ni Pierce.
Ngayon ay nakaramdam siya ng inis sa lalaki at doon niya napagtanto na talagang walang pakielam si Pierce sa kaibigang si Ingrid. Kaya naman ang naisip ni Mavy na mas lalo niyang inisin si Pierce.