Chapter 1
Mabilis na lumipas ang limang taon ni Brix sa kolehiyo. Hindi na mabilang kung ilan ang naging girlfriends at flings niya, karamihan kasi ay hindi na niya maalala ang mga pangalan. Taon-taon siyang nananalo na Mr.DLSU kaya naging sikat siya nang husto, votes lang 'yon galing sa mga estudyante. Matangkad siya, maganda ang pangangatawan dahil mahilig siya sa basketball at swimming, moreno at isang architecture student.
Bago ang kanilang graduation, nagkaroon ng patimpalak ang student council. 'FALSE GAY' ang titulo ng contest. Ang objective noon ay magbibihis ng pambabae ang mga straight na lalaki. Pero, sinong baliw ang sasali sa ganoong contest? Inaasahan na raw ng mga organizers na walang maglalakas ng loob na sumali sa mga straight na mga lalaki kaya ginawang palabunutan ang pagkuha ng mga kasali. Tawanan at kantiyawan ang umalingawngaw sa buong quadrangle nang ianunsiyo kung sino-sino ang mga napili. Ngunit ang nagpaluwa sa mga mata ni Brix ay ang pangalan ng huling contestant.
"Nhico Santillan is our last candidate. Mukhang magiging maganda ang laban." Nakangiting sabi ni Rebecca, ang student council president.
"Ano ito? Lokohan? Gusto nilang isali si Nhico sa contest na iyon?" Dali-daling lumapit si Brix kay Nhico, ang best friend niya. "Dude! Ano na? Gusto mo bang kausapin ko si Rebecca? Matagal na siyang nagpapa-cute sa 'kin, sigurado akong hindi siya aayaw sa gusto ko kapag sinabi kong tanggalin ang pangalan mo sa mga sasali sa contest," tanong niya kay Nhico.
Imbes na sumang-ayon ay bigla na lang tumawa nang tumawa ang loko. "Dude naman, 'wag ka ngang kill joy. Contest lang naman iyon, saka mukhang masaya iyon. Puro aral na lang ba tayo? Dapat magpakasaya rin tayo!"
"Para akong binabangungot sa mga sinasabi mo, dude. Okay ka lang?" Inalog-alog ni Brix si Nhico dahil baka nasisiraan na ito ng bait.
"I'm fine! Let's just go with the flow. Tara, pumunta tayong cafeteria. Gutom na ko," aya ni Nhico sa kaniya.
"Sige, tara na. Mukhang nagdedeliryo ka na." Iiling-iling na lang siya habang sumusunod sa matalik na kaibigan.
* * * *
The hideous night came, 'False Gay' contest na. Ang entablado ay naaadornohan ng mga pink na mga rosas, mga puting lobo, at may mga nakasabit na tila mga mamahaling hiyas sa tuwing tinatamaan ng liwanag. Malakas ang tugtog mula sa speaker, halos takpan ni Brix ang kaniyang tainga dahil sa feedback. Nakaupo siya sa may bandang kanan ng entablado at tahimik na kumakain ng hamburger.
Nagsimula na ang palabas. Ipinapakilala ang bawat kandidata. Pinagtatawanan ang mga contestant dahil ang malalaki ang katawan ng mga ito pero nakapalda. Tumigil lang ang pang-aasar ng mga estudyante nang lumabas si Nhico galing sa back stage. Nagsigawan ang lahat para sumuporta.
"Ang ganda ni Nhico!" sigaw ng isang babaeng nakasuot ng denim jacket.
"s**t! Ang ganda mo pre!" sigaw ng lalaki sa tabi niya.
"Yahoo! Alam na kung sinong panalo ngayon!" hindi na nakita ni Brix kung sino iyon.
Dinig na dinig niya ang mga positibong kumento para kay Nhico. Pero si Brix, mukhang na-engkanto! Wala siyang ibang ginawa kundi titigan si Nhico. Nakasuot ang kaniyang kaibigan ng knee length flower print dress at doll shoes. Nagsuot din ito ng wig na hanggang beywang ang haba. Inawit ni Nhico ang 'A thousand years' na naging theme song nito para kay Sofia. Maganda rin ang sagot ni Nhico sa Q&A kaya hindi nakapagtatakang si Nhico ang nanalo.
Pagkatapos ng contest, umupo si Brix sa bench at litong-lito. Gusto niyang makita ulit si Nhico na nakabihis ng pambabae. Dahil sa matinding pag-iisip, hindi na niya napansin ang paglapit ng kaibigan.
"Hoy! Bakit tulala ka riyan?"
"A... E... Wala. Dude, ang galing mo. Congrats, nanalo ka," naiilang niyang bati sa kaibigan. Nakasuot na ng pantalon at tshirt si Nhico, wala na itong make up o suot na wig.
"Thanks, dude." Nakangiting sagot ni Nhico. "Tara, pumunta ka sa bahay. Nagluto si Mommy ng paborito mong paella."
"Sa susunod na lang dude. Gusto ko nang matulog, masama ang pakiramdam ko."
Hinaplos ni Nhico ang noo ni Brix. "Mukha ngang may sinat ka, dude. Sige, umuwi ka na at magpahinga. Gusto mo bang ihatid kita? Dala mo ba ang kotse mo?"
Umiwas siya ng tingin sa binata at bahagyang lumayo. Lalo lang nailang si Brix kay Nhico. "Ayos lang ako, dude, dala ko ang kotse ko. Sige, mauna na ko sa 'yo." Tumayo na siya at hindi na hinintay na sumagot pa ang kausap.
Simula noon, pilit nang iniwasan ni Brix si Nhico. Nalilito ang binata sa kaniyang nararamdaman. Iyon ang dinadala niyang problema hanggang sa dumating ang graduation day. Sama-sama na naman ang barkada nila; si Brix, Nhico, Angela, Alice at Christian.
Sa bahay nila Brix napagpasyahan na mag-celebrate ng graduation party. At pagpasok pa lang nila sa sala, naroon ang lahat ng mga magulang nila, pati si Sofia. "Congratulations guys!" bati ng mga ito sa mga nagsipagtapos. Si Sofia ay nakatingin kay Nhico, ganoon din si Nhico sa dalaga. Hindi maintindihan ni Brix ang sarili kung bakit may pinong kurot siyang nararamdaman... Is he jealous? May feelings na ba talaga siya kay Nhico na hindi nararapat? Is he really a... gay?
Lalong naguluhan si Brix dahil malaking parte ng kaniyang isipan ang ayaw pumayag. It's not him that he loves... kundi ang Nhico na nakasuot ng damit pambabae. Pero kahit anong gawin ni Brix, kahit lokohin niya ang kaniyang sarili, alam niyang si Nhico pa rin iyon.
"O! Tara na, kumain na tayo," aya ng kaniyang Mommy.
"Sure, Mom. Gutom na rin ako."
Umakbay si Brix sa kaniyang Mommy upang sabay silang pumunta sa kusina. Bumabaha ng pagkain at alak. Puno ng pasasalamat at congratulations ang naging usapan nila. Sa wakas, tapos na ang panahon na mga bata sila. Ngayon, kailangan na nilang maging mature.
"So, dude, ano nang plano mo?" tanong ni Christian.
"Kapag nakapasa ako ng board? Hindi ko alam... Baka pumunta ako sa U.S. para mag-aral ng masteral -- Urban Planning." Uminom ng beer si Brix at kumagat sa hawak niyang spicy buffalo wing. "Alam mo naman, pinagsabay ko na ang pag-aaral at apprenticeship sa firm nila Daddy para makapag-board exam kaagad ako. Ayoko namang masayang ang oras ko. Ikaw ba? Kamusta na?"
"Assistant director ng marketing department. Marami pa rin akong kailangan matutunan." Rhum naman ang iniinom ni Christian habang kumakain ng lemon tart.
"Hoy! Bakit parang ang seryoso niyo riyan?" tanong ni Alice. Kumakain pa ito ng lasagna pero lakad nang lakad.
"Wala bang ice cream Brix?" si Angela, ang matakaw pero payatot nilang kaibigan. Mahilig itong kumain kaya hindi na sila nagtaka na Culinary arts ang kinuha nito.
Dahil limang taon ang kurso nila Brix at Nhico, naunang maka-graduate ang mga kaibigan nila. Accountant na si Alice at nagtatrabahong line chef si Angela sa cruise ship.
Nagkukuwentuhan sila nang biglang mapansin ni Brix na tila nawawala si Nhico at Sofia. Kahit medyo tipsy na dahil sa dami ng kaniyang nainom, sinubukan pa rin niyang hanapin ang dalawa. Wala ang mga ito sa kusina at living room kaya lumabas siya sa garden.
"Sofia, sobrang tagal ko nang hinihintay ang pagkakataon na ito." Lumuhod si Nhico kay Sofia na nakaupo sa duyan na gawa sa kahoy. Mula sa bulsa nito sa likod ng pantalon, kinuha ng binata ang isang maliit na kahon. "Sofia Marie Dela Vega, will you marry me?"
Tila itinulos na kandila ang mga paa ni Brix. Hindi siya makahakbang papalapit sa dalawa. Nakita na lang niyang unti-unting pumatak ang mga luha ni Sofia at mabilis na tumango. "Yes..."
"Yes! Yes!" Mahigpit na niyakap ng dalawa ang isa't isa, tila may sariling mundo ang mga ito. Walang napapansin na kahit sino.
"Bakit ako nasasaktan?" bulong ni Brix.