"Oh my gosh! Seryoso? Congratulations!" bati ni Alice mula sa kaniyang likuran. Noon lang napansin ni Brix na isa-isa nang lumabas ang mga kasama nila sa bahay. Binabati ang bagong engaged couple.
"Congratulations... Nhico, Sofia." Ngumiti siya at pilit na inalis ang kaniyang mga iniisip. Alam naman niyang ito ang kahahantungan ng dalawa, hindi na siya dapat pang mag-isip ng kung ano-ano.
Nagkaroon ng isa pang rason upang mag-celebrate ang lahat. Pero siya, maaga siyang nagpaalam sa mga kapamilya niya at kaibigan. Tahimik na pumasok si Brix sa kaniyang silid. Nag-shower siya upang mawala ang init mula sa alak bago humiga sa kaniyang kama.
"Tulog lang ang katapat nito..."
Simula noon, pilit nang iniwasan ni Brix si Nhico. Dalawang linggo na simula nang matapos ang graduation nila. Marami siyang tanong pero hindi niya kayang sagutin.
Nag-focus na lang siya sa pagre-review niya para sa board exam. Pagkatapos ng isa at kalahating buwan, nag-exam na siya. Naghintay pa siya ng isang buwan para sa resulta.
"Yes! Nakapasa ako!" Nagtatalon-talon si Brix sa sobrang tuwa. Sa wakas! Isa na siyang architect! Kaagad niyang tinawagan ang kaniyang mga magulang para sabihin ang magandang balita. Nangako ang mga ito na sabay-sabay silang kakain ng hapunan sa bahay nila bilang selebrasyon.
Tinitigan ni Brix ang kaniyang cellphone. Gusto sana niyang tawagan si Nhico para sabihin ang magandang balita pero... natatakot siya. Ayaw niyang masira ang pagkakaibigan nila ni Nhico dahil sa nararamdaman niyang hindi nararapat. Naguguluhan pa rin siya!
Maraming bumati sa kaniya sa social media. Lahat ng mga kaibigan niya, pati na si Nhico. Isa lang ang naiisip niyang maaaring gawin, ang takbuhan ang sitwasyon. Makakapag-isip lang siya nang maayos kapag umalis siya.
"Dad? Mom? Puwede ba akong humingi ng pabor?" tanong ni Brix sa kaniyang mga magulang habang kumakain sila ng dinner.
"Yes, son, may problema ba?" bakas ang pag-aalala sa mukha ni Vera, ang mommy ni Brix.
"Wala namang problema, Mom. Gusto ko sanang pumunta ng Amerika para mag-aral ng masteral, papayagan niyo ba ako ni Dad?"
"Iyon lang ba? Syempre pagbibigyan ka namin ng Mommy mo anak, tutal maganda iyon para sa iyo at sa kumpaniya kapag ikaw na ang magma-manage noon," sagot ng Daddy ni Brix.
"Thanks, Dad at Mom, the best talaga kayo." Napayakap pa siya sa mga ito dahil sa sobrang tuwa.
Hinintay lang ni Brix na makuha ang kaniyang lisensiya. Pagkatapos noon, kumuha na siya ng visa upang makalipad sa ibang bansa. Nag-enroll na rin siya sa isang unibersidad gamit ang online enrollment. Magsisimula ang klase niya sa loob ng sampung araw.
* * * *
Naghanda nang umalis si Brix. Nagpa-despedida party pa ang kaniyang pamilya at mga kaibigan para sa kaniya. Hindi tuloy maiwasan ng binata ang makaramdam ng kalungkutan, pero alam niyang kailangan niya itong gawin para sa sarili. Habang tumatagal, lumalalim ang pagtingin niya sa babaeng bersyon ni Nhico. Kapag hindi niya ito naresolba, baka masiraan na siya ng bait. Ipinalangin na lang ni Brix na sana ay malaman niya ang mga sagot sa lahat ng kaniyang tanong pagdating sa Amerika.
Dahil maaga ang kaniyang flight kinabukasan, hindi na uminom pa si Brix. Maaga siyang natulog upang hindi siya tanghaliin. Anim na oras siyang nakapagpahinga at nagising ng alas-kuwatro ng umaga. Pagdating ng alas-singko, nakabihis na siya at inihatid ng mga magulang sa airport. Alas-nueve ang kaniyang alis kaya tama lang ang ilang oras na pagitan.
"Anak, mag-iingat ka roon, okay?" paalala ng kaniyang Mommy na maluha-luha na.
"Mom, kaya ko nang alagaan ang sarili ko. Saka hindi naman po ako papabayaan nila Uncle Henry at Aunt Michelle."
"Alam namin iyon anak. Basta, huwag mo kaming kalimutan na tawagan, lalo na itong Mommy mo." Tinapik ng kaniyang Daddy ang balikat niya.
"Sige po. Aalis na ako, Dad, Mom." Niyakap ni Brix ang kaniyang mga magulang bago binitbit ang kaniyang backpack at luggage bag.
Kumaway-kaway pa ang kaniyang Mommy habang siya ay naglalakad paalis. Ngumiti siya sa mga ito bago tumalikod at tuluyang pumasok sa loob. Hindi na niya naramdaman ang paglipas ng oras hanggang sa tuluyan na siyang makasakay sa loob ng eroplano.
Nang masigurong nakasakay na ang mga pasahero, nagsimula na ang take off. Tahimik na nakatingin sa labas si Brix habang unti-unting lumilipad ang eroplano. Pakiramdam niya, ang malaking bahagi ng kaniyang pagkatao ay naiwan sa Pilipinas. Para bang habang lumalayo siya sa bansang kinalakhan, nagiging manhid ang puso at kaluluwa niya hanggang sa hindi na maalala ang dahilan para umalis. Kinausap na ng kaniyang mga magulang ang kaniyang Uncle Henry at Aunt Michelle na sa bahay ng mga ito sa New York siya titira.Doon din tumira si Sofia noong nag-aral ito sa New York. Sayang naman daw kasi ang pera kung mapupunta lang sa pag-renta ng condo at gusto nila Henry ng makakasama sa bahay dahil walang anak ang mga ito. Sa dami ng kaniyang iniisip, hindi na niya napigilan ang antok at nakatulog na.
"This is your captain speaking, we just arrived in Manhattan International Airport. It's eight forty five in the morning, New York time. We hope that all of our passengers enjoyed our flight. Philippine Airlines is looking forward for more flights with you. Thank you."
Narinig ni Brix ang anunsiyo sa speaker na naging dahilan ng kaniyang paggising. Pupungas-pungas pa siya nang mapansin na nagsisimula nang mag-ayos upang bumaba ang mga kapwa niya pasahero. Tumayo na siya at kinuha ang mga bagahe kagaya niya, kaunti na lang sila na natitira doon sa loob.
Bumaba siya ng eroplano. Mainit na sikat ng araw ang sumalubong sa kaniya. Inayos niya ang strap ng kaniyang backpack at nagmamadaling naglakad. Gutom na talaga siya. Pagdating sa arrival area, nakita ni Brix ang kaniyang Uncle Henry at Aunt Michelle na nakangiti, kumakaway sa kaniya. Lumapit siya sa mag-asawa habang hinihila ang kaniyang travelling bag.
"Is that really you Brix? You're tall and a devilishly handsome young man. Mukhang totoo nga ang sinabi ng Mom at Dad mo na marami kang babae na pinaiyak noong nasa Pilipinas ka," bati ni Henry sa kaniya.
"Ang ganda talaga ng lahi niyo, babe, ang gwapo ng pamangkin mo. Do you still remember me, hijo?" tukso ni Michelle, ang asawa ni Henry.
"Syempre naman po natatandaan kita Aunt Michelle. Sino ba ang makakalimot sa pambato ng Philippines sa Ms.universe noong araw?" sagot ni Brix habang nakikipagbeso sa tiyahin.
"Enough of the interview, I'm sure Brix is hungry," putol ni Henry sa pag-uusap ng dalawa.
"You can say that again, Uncle." Hinawakan pa niya ang kaniyang tiyan dahil talagang gutom na siya.
Inakbayan siya ni Henry at sabay silang naglakad papunta sa parking lot. Sumakay sila sa kotse ng mag-asawa. Inabutan ng sandwich at bottled water ni Michelle si Brix, pantawid ng gutom habang nasa byahe. Kinain naman iyon ni Brix habang tinitignan ang nagtataasang mga gusali ng New York.
Sa sobrang bagal ng traffic, karamihan sa mga tao ay naglalakad na lang. Alam niyang taxi at subway ang means of transportation ng mga tao. Kailangan niyang masanay sa mabilis na pacing ng buhay ng mga tao. Halos kalahating oras lang at nakarating na sila sa bahay ng mag-asawa.
Nakatira sa two-floor apartment na may malawak na hardin ang mag-asawa. Terracota ang bubong at kulay puti ang pintura ng dingding. May mga tanim na orchids at kung ano-ano pang halaman sa paligid. Malamig ang hangin kahit tirik ang sikat ng araw. Kakaiba kumpara sa matataas na building sa paligid ng bahay. Pumasok na ang tatlo sa loob at nagpahain kaagad ng pagkain si Michelle sa mga kasambahay.
"Maganda ang taste niyo sa bahay at kasangkapan," papuri ni Brix.
"Magaling kasing mamili ang Aunt Michelle mo, hijo," sagot ni Henry.