Simula nang bumalik si Brix ng Pilipinas lumalabas-labas siya kasama sila Alice, Angela, Christian at ang mag-fiance na sila Sofia at Nhico. Nawala na ang sakit kapag nakikita niya ang dalawa na magkasama. Maybe because of the girl he had met, 'yong kamukhang-kamukha ni Nhico. Nabalitaan niya na pinatanggal talaga ito ng manager nila Alice. Nagsisisi ang binata at gustong bumawi pero hindi niya alam kung paano ito hahagilapin.
Ginawa siyang architect-in-charge sa pinapagawang bagong hotel ng mga magulang ni Brix. He's living his life better that what he expect. Pero minsan, hindi niya maiwasang isipin ang babaeng nakita niya sa restaurant.
Pagkatapos ng dalawang linggo mula nang makabalik siya sa Pilipinas, nagkaroon ng maliit na salusalo ang pamilya at mga kaibigan ni Brix sa El Paradiso Hotel. Ginanap ito sa isa sa mga function rooms ng hotel. Bumabaha ang mga pagkain at alak. Naroon ang musika na nagmumula sa maliit na orkestra ng mga tumutugtog ng violin at cello. Umuugong ang tawanan at kuwentuhan sa paligid. Nagulat si Brix nang biglang magsimula ng toast ang kaniyang Daddy.
"Cheers for the success of my son, Architect Brix De Vega. Natapos na sa masteral niya ang loko. Paniguradong hahaba na naman ang listahan ng mga girlfriends niyan." Nagtawanan ang lahat sa biro ni Alex. "Magdiwang tayong lahat para sa kaniya, siya ang bituin sa gabing ito."
Nagpalakpakan ang mga bisita at muli siyang binati. Pagkatapos niyang magpasalamat, pumunta sa restroom si Brix para magbawas nang may makabanggaan siya sa hallway. Tumapon ang red wine na nasa tray sa puti niyang suit. Tinignan ng binata ang waitress na madaling-madali sa pagpunas sa namantiyahan niyang damit.
"Sorry po Sir, hindi ko po sinasadya," sambit ng babae habang pinupunasan nito ang damit niya gamit ang sarili nitong panyo. Napatingin ito sa kaniya at napanganga nang makilala siya. "Ikaw na naman, boy manyak?" wala sa loob na sambit nito.
Kumunot ang noo ni Brix at nagsalita. "Boy manyak? 'Yon talaga ang napili mong itawag sa 'kin? Dito ka ba nagtatrabaho?"
Kinabahan ang babae sa tanong niya. Napangiwi ito nang maisip na baka ipatanggal na naman ito sa trabaho. "Sorry po Sir, hindi na po mauulit. 'Wag niyo na lang po akong isumbong sa mga boss ko."
Tinitigan ni Brix ang babae. "It's okay. Just be more careful next time." Naglakad na ang binata paalis nang bigla siyang huminto at muling humarap sa dalaga. "Iyong red wine na natapon, sabihin mo na si Brix De Vega ang magbabayad para hindi na nila ikaltas sa suweldo mo."
Natulala ang dalaga sa sinabi ni Brix. Hindi nito akalaing may itinatagong kabaitan ang binata. Muli itong bumalik sa counter para kumuha ng bagong red wine. Doon nito nalaman na ang lalaking tinawag nitong 'boy manyak' ay ang nag-iisang tagapagmana ng El Paradiso chain of hotels at De Vega Builders. Puro mga sikat na modelo o artista ang mga ex-girlfriends ni Brix -- malayong-malayo sa isang kagaya nito.
"Erase! Erase! Wala akong dapat ikainggit! Hmp!" piksi ng babae sa sarili.
* * * *
Dumaan sa opisina ni Vera si Brix. Hinanap niya sa lalagyan ng files kung ano ang pangalan ng babaeng palagi niyang nakakabunggo. Tinignan niya ang mga litrato hanggang sa makita ang kaniyang hinahanap. Gaile Medina, 'yon ang nakalagay sa resume nito.
"Anong ginagawa mo rito Brix?" tanong ni Vera sa anak.
Mabilis na ibinalik ni Brix ang file sa drawer at humarap sa Mommy niya. "May tiningnan lang ako Mommy, curious kasi ako sa pagpapatakbo niyo ng hotel."
Kumunot ang noo ni Vera at halatang hindi ito kumbinsido. "Hinihintay ka na ng Daddy mo, may usapan kayo, 'di ba?"
Natapik ni Brix ang kaniyang noo dahil nakalimutan niya na iyon. "Okay po Mom, pupunta na ako roon."
Nagmamadaling umalis si Brix palabas ng opisina ng kaniyang Mommy at pumunta sa opisina ng Daddy niya sa Parañaque. Na-traffic pa siya sa Edsa. Dalawang oras na siyang huli sa usapan nila ng kaniyang Daddy. Pagdating niya roon, hinanda niya na ang sarili na mapagalitan.
"You're late Brix. Saang lupalop ka naman ng Pilipinas nanggaling? Kanina pa kita hinihintay," litanya ni Alex.
"Sorry Dad. Naisip ko kasing dumaan muna sa office nila Mom."
"What for? May kailangan ka ba sa Mom mo?" Tinignan siya ni Alex na tila isang petri dish na nakasalang sa microscope.
"Well, may naisip po kasi akong proposal na baka makatulong sa pagma-manage ng hotels, pati na rin sa mga workers natin." Umupo si Brix sa sofa na nasa loob ng opisina ni Alex.
"What is it hijo? Care to tell it to your old man?" Tinignan ulit siya ni Alex bago ibinalik ang tingin sa mga papeles na binabasa nito.
"Mamaya na lang sa hapunan, Dad. Bakit niyo nga po pala ko pinapunta sa opisina niyo?" Pinaupo siya ng kaniyang Daddy sa harap ng desk nito.
"Well, mabuti siguro kung sisimulan ko nang ituro sa 'yo paghawak ng firm natin, step by step. Pero syempre, kailangan mo rin magsimula kagaya ng iba bilang isang juinor architect. It will be a lot of work but I'm sure you can handle it, son." Tinapik-tapik ni Alex ang balikat niya, tila sinasabi na kayang-kaya niya ang lahat.
"Sure, Dad. Kaya nga ako nag-aral ng Architecture para makatulong sa inyo ni Mom." Tatango-tango lang ang kaniyang Dad habang nakatingin sa kaniya.
"Mabuti kung ganoon. Pumunta ka muna sa site hijo, finishes na lang ang tinatapos nila. Siguraduhin mo na makakapagbukas na tayo sa susunod na linggo."
Umalis na si Brix sa opisina at pumunta ng site. Gabi na siya nakauwi. Pagdating niya sa bahay, kaagad niyang hinanap ang mga magulang.
"Nanay Tessing nandiyan na po ba sila Mommy at Daddy?"
"Oo, Sir Brix. Nandoon na sila sa dining area. Hinihintay ka nila."
"Sige po." Dumiretso na siya sa kumedor. Nakita ni Brix ang mga magulang na mag-uumpisa pa lang maghapunan. "Hi Mom, Dad. I'm home."
"Umupo ka na anak. Sabay-sabay na tayong kumain," paanyaya ni Vera.
"Beef steak, chicken teriyaki at vegetable salad ang ulam. Mukhang marami akong makakain ngayon." Umupo na kaagad si Brix sa tapat ng ina at kinuha ang bandehado ng kanin.
"Mabuti at nakauwi ka na hijo. Your Dad told me that you have a proposal about our hotels and it's workers. I'd like to hear it. Tutal nakita kita kanina na tinitingnan ang files ng mga empleyado ko." Nakatitig si Vera sa kaniya kaya naiwan sa ere ang kaning isusubo niya.
"Naisip ko lang Mom... Paano kung gumawa tayo ng incentive para sa mga empleyado niyo?" Sumubo siya nang sumubo dahil mukhang nababasa ng kaniyang Mommy ang laman ng utak niya.
"What kind of incentive?" tanong ni Alex.
"Napansin ko kasi kanina na ang ibang empleyado ni Mommy ay matataas ang grado noong kolehiyo, puro undergraduates lang. Paano kung tulungan natin silang makapag-aral tapos sa 'tin pa rin sila dapat magtatrabaho pagkatapos nilang maka-graduate? 'Pag ginawa natin iyon, mas tataas ang quality ng employees ng hotels."
"Hindi ba magiging unfair iyon sa iba? Saka malaki ang magagastos kung biglang kukuha tayo ng mga scholars." muling tanong ng Daddy niya.
"Magbigay na lang ng fill-out forms para sa mga interesado. Bibigyan sila ng special exams tapos ang top three na mapipili ang pag-aaralin ng hotel."
"Well, I can't see anything wrong with that. Subukan natin iyan. Sayang naman ang talino nila kung mananatili lang na waitress." Tumingin nang makahulugan si Vera sa kaniya kaya bigla siyang nasamid.
"Opo, Mom." Tumayo na si Brix para pumunta ng kaniyang kuwarto. Gusto niyang takasan ang mga kakaibang titig ng kaniyang Mommy. "Mom, Dad, tapos na po akong kumain. Mauuna na po ako sa kuwarto."
Pagdating sa kuwarto, nag-shower lang siya at nagbihis ng sando at shorts. Humiga sa kama at tumingin sa kisame. Iniisip na sana ay mabago niya ang buhay ni Gaile.