Chapter 3

1424 Words
“BAKIT ganiyan mukha mo?” tanong ni Grace. Full-time ito ngayon dahil kailangan nito ng karagdagang kita. “Wala naman. Uhmm... Grace, kapag ba may nagagawa kang atraso sa boyfriend mo o kaibigan mo, pinapatawad ka ba agad? I mean ano ginagawa mo?” Ngumiti ito. “Tell me, nag-away kayo ng boyfriend mo?” “Ha? Hindi! Wala akong boyfriend!” “Bakit naitanong mo pati boyfriend?” “Lalaki kasi siya.” “Okay. Pero kung kaibigan mo naman, madali kang mapapatawad niyan. Hindi na pinoproblema 'yon.” “Eh, iyon nga ang problema, hindi ko rin siya kaibigan.” Dinukdok niya uli ang ulo sa lamesa. Napakunot-noo ito at umayos ng upo. “What do you mean? Magkakilala lang kayo?” “Mmm. Parang gano'n nga.” “Mabigat ba nagawa mong kasalanan?” “Oo. Tinawag ko siya sa nakakatawang pangalan sa harapan ng maraming tao.” “Ano bang tinawag mo?” “Chopilo.” Pumalatak ang tawa nito. “Ang baho! Bakit mo kasi ginawa 'yon?” “Sabi kasi ng pinsan mong si Stephen, Chopilo ang pangalan n'on!” “Pahamak talaga 'yon." Napaisip ito. "Wala, eh! Wala ako maisip. Mag-sorry ka na lang, pero wala akong maipapayong kagebunshin technique. Kapag hindi ka pinatawad, sapakin mo na lang si Stephen, ngayon pa lang binibigyan na kita ng basbas.” “Ano?” Natawa siya. “Grace, Gabriella, take charge. Maraming customers, hindi kaya ng powers ni Shin.” “Sige, Ate Kyle.” Gaya ng sinabi ay tumulong sila. Napako ang tingin niya sa isang bulto ng taong kapapasok lang ng coffee shop. Kaagad siyang tumakbo kay Grace. “O, bakit?” “Nandito siya.” “Si Chopilo?” “Lucas pangalan niya!” Natawa ito. “Ay. Eh, anong ginagawa mo?” “Magtatago ako. Hindi pa ako ready.” “Ano? Puntahan mo na! Chance mo na 'to!” “Ayaw.” “Gabriella!?” “Ihhh!” “O hihilahin kita papunta ro’n?” “Sige na nga!” Huminga siya nang malalim at nangingiting tumingin sa kaibigan. “Wait, bigyan mo rin ako ng basbas!” Nag-swag face ito na ikinatawa niya. Pagkatapos ay itinaboy na siya. Natatawang pumunta siya sa counter. Nang magkaharap sila ni Lucas ay parang naka-magnet ang mata niya na hindi maalis dito. Hinihintay lamang nito ang sariling order. Marahil ay galit pa rin ito at hindi siya pinapansin. Nais na niyang sigawan ito nang basta na lamang umalis at ni ngiti ay pinagkaitan siya. Sana naman ay basahin nito ang isinulat niya sa cup nito. Sa halip kasi na isulat ang pangalan nito sa cup ay isinulat niya ang katagang, ‘bati na tayo’. “Ano? Ayos na?” bulong na tanong ni Grace nang wala pang umu-order. “Hindi ko pa alam.” “Anong sabi mo?” “Sabi ko bati na kami.” “Anong sabi niya?” “Wala pa. Teka, bakit ba tayo nagbubulungan?” Umayos sila ng tayo. Lumipas na ang dalawang oras at walang nangyari. Wala na rin ito. Malungkot siyang pumasok sa loob at naghanda na para umuwi. “Cheer up, may bukas pa,” taas-babang kilay na wika ni Grace. “Gab!” Napalingon sila sa nagtawag. “Oh, Shin?” “May nagpapabigay sa ‘yo. Maiwan ko na kayo mga bakla. See yah!” Nagpaalam din siya rito at kinuha ang cappuccino. “Ingat!” sigaw din ni Grace kay Shin at tinabihan siya. “Kanino raw galing?” “Hindi ko pa alam.” Inikot niya ang cup at nakitang may note doon. Kinuha niya ito at binasa. “Kung gusto mong magbati tayo, meet me at the park.” Nanlalaki ang matang napatingin siya kay Grace. Anong tuwa niya at nagtatalon pa silang dalawa. Katabi lang ng coffee shop ang park na tinutukoy nito. Agad na pinuntahan niya ito at nagpaalam na rin kay Grace. Napakalawak ng park. Saan namang lupalop niya ito hahanapin? Nagpatuloy siya sa paglakad hanggang sa makita niya ito, nakasandal sa itim nitong kotse. May sariling isip marahil ang labi niya at kusa iyong ngumiti. Naglakad siya patungo rito. “Bati na tayo?” Hindi ito sumagot at nanatiling nakasandal sa sasakyan, tahimik siya nitong tinititigan. Pumunta siya sa harapan nito. “Lucas, sorry na… hindi ko alam... iyon kasi ang sabi sa akin nang magtanong ako.” “So, interesado kang malaman ang pangalan ko?” “Mmm? Hindi. Hindi.” Umiling siya. “You should've asked me, then. Hindi ka sana nabudol. Hindi sana ako nagalit. Ikaw, ang dami mong kasalanan sa akin.” Umayos ito ng tayo at namulsa sa harapan niya. “Ipakukulong mo na ba ako?” "Hindi. Tatanggapin ka ba ro'n? Baka sa albularyo ka dalhin, mukha kang engkanto—" "—putik!" Tumawa ito nang malakas. "Oh? Manununtok ka? Sige, hindi tayo magbabati!" "'Di bale na, 'no! Buwisit!" Tumigil ito sa pagtawa at tumikhim. Gaya ng dati ay tinitigan siya nito. Naiinis siya sa mga ngiti na nakasupil dito dahil malamang ay hindi pa ito tapos mang-asar. Napakapilyo! "Kung tapos ka na mamuwisit, aalis na ako. Siguro naman bati na tayo," Sa halip na sumagot ay kinuha nito ang kapeng hawak niya at ininom iyon. "Hindi pa," anito. “Hoy, teka! Sa akin ‘yan, eh! Kapag away natin, tayo lang! Walang damayan ng kape!” “Sino'ng nagsabi sa ‘yo?” taas-kilay nitong tanong. “Binigay mo sa ‘kin ‘yan, ‘di ba?” “Note lang, hindi counted ‘yong kape.” “Ang evil mo! Mabulunan ka sana!” Pinukol niya ito ng matalim na tingin. Hindi siya nito pinakinggan at ininggit pa siya. Pangiti-ngiti ito habang umiinom. Simula nang magkita sila ay ngayon niya lang ito nakitang ganito; ngumingiti, tumatawa at nakakausap niya sa paraang hindi siya naiilang. Napatigil ito at pinagmasdan ang mukha niya. “Kung ako magiging ikaw, maiirita ako sa pagmumukha ko.” Napabuntong-hininga ito. “Edi tanggalin mo 'yang mata mo!” singhal niya at naglakad na paalis. Anong sama talaga ng tabas ng dila nito. Walang preno! Akala ba nito ito lang ang may kakayahang mag-walk out? “Where are you going!?” “Uuwi na ako!” “Let me give you a ride!” “Marunong ako maglakad!” Wala pang labintatlong segundo ay nahabol na siya nito. Naramdaman niya ang palad nito sa kaniyang braso. Para siyang napaso. Nang lingunin niya ito ay nasalubong niya ang mukha nito na dalawang dangkal ang layo sa kaniya. Napatitig siya sa mga mata nitong malalim na nakatingin sa kaniya. “Nakita ko 'yong dalawang lalaki na nag-aabang sa iyo palagi.” Nanlaki ang mata niya. “Ha? Totoo?” Tumango ito. “Mmm. Kitakits na lang kayo sa daan, tutal maglalakad ka, 'di ba? Enjoy sa reunion.” “Sino nagsabi? Wala akong sinabi, ah! Ikaw, sinungaling ka rin. Tara na! Hatid mo na ako!” pagbawi niya at siya na mismo ang humila rito pabalik sa kinaroroonan ng sasakyan. Nagpabigat ito at hindi inihahakbang ang mga paa. "Pero sabi mo ayaw mo?" Buong puwersang hinila niya ang kanang braso nito habang patuloy itong hindi lumalakad nang maayos. "Wala nga akong sinasabi, eh. Halika ka naaa! Uwi na tayooo!" "Pero meron nga akong natatandaan na sinabi mo—" "Wala nga! Ang bigat mo kaya, umayos ka na ng lakad!" "Pero parang meron—" "Lucas!?" Humagalpak ito ng tawa. Mahabang sandali rin silang ganoon. Sa huli ay nakarating din sila sa sasakyan. Pero hindi natapos ang kulitan nila. Sa katunayan ay binalak ni Lucas na ibaba siya nang makita ang dalawang lalaki sa partikular na kinapupuwestuhan ng mga ito tuwing gabi. Anong inis niya sa binata nang mga oras na iyon. Tuwang-tuwa ito sa mga pinaggagagawa sa kaniya. Pero sa totoo lang, sa kaloob-looban niya ay hindi nawawala ang saya na nararamdaman niya sa tuwing ito ang kasama. Nang makarating sa bahay niya ay bumaba rin ito. "Woy!" pagtawag niya. Liningon siya nito at hinihintay ang susunod niyang sasabihin. Bigla ay dinaga ang dibdib niya. “Salamat... Ingat ka and... ano... good night.” Agad na tumalikod siya dahil magmumukhang tanga lamang siya kung hihintayin niya pa itong sumagot. “Good night.” Napatigil siya at tila ba sinilaban ang pisngi niya. Hindi ba siya namali ng dinig? Humarap siya rito at hinintay itong makaalis. Nariyan na naman ang pagwawala ng mga kabayo sa dibdib niya, wala sa sariling napahawak siya sa roon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD