Chapter 5

2309 Words
PAGDATING namin ni Yael sa lugar na tinitirahan namin ng mga kapatid ko ay may mga lalaki nga na kahina-hinala ang pamasid-masid sa paligid na tila may hinahanap, at pamilyar sa akin ang mga mukha nila dahil sila lang naman ang mga lalaking tauhan ng matandang VIP sa club. Kaya naman ang nangyari ay hindi na ako bumaba pa ng sasakyan, dahil natakot na ako na baka nga ako ang kanilang pinaghahanap. Muli akong sumama pabalik kay Yael sa club at nagtrabaho, naglinis ako nang naglinis sa buong club. Nang sumapit ang gabi ay nagsilbi naman ako bilang waiter. Pero pagsapit ng 01:31 AM ay naisipan kong umuwi na, hinatid naman ako ni Sir Ares, yes, sir na ang tawag ko sa kanila kasi nga sa club na nila ako nagtatrabaho pansamantala. Tulog na ang mga kapatid ko nang dumating ako sa bahay. Pero hindi na ako nag-abala pang gisingin sila, basta nag-iwan na lang ako ng sulat at pera sa loob ng lumang wallet ng kapatid kong si Jemma. Nilutuan ko na rin muna sila ng pagkain. At bago ako umalis ay inimpake ko na rin ang mga konti kong gamit at nilagay sa loob ng aking lumang backpack, pati na rin ang birth certificate ko ay nilagay ko na. “Huwag ka nang mag-alala pa sa mga kapatid mo, siguradong hindi sila pababayaan ni Yael; kukuha 'yun ng magbabantay sa kanila 24/7, kaya wala kang dapat ipag-alala,” wika ni Sir Ares nang mapansin ang pananahimik ko habang nasa biyahe na kami pabalik ng club. “Masyado pa kasing mga bata ang kapatid ko, Sir Ares, eh baka hindi nila kayanin nang wala ako.” Hindi ko mapigilan ang mapakamot sa ulo. Talagang nag-aalala ako sa mga kapatid ko. “Sus, huwag ka nang mag-alala pa, tulad nga ng sabi ko, hindi sila pababayaan ni Yael. Kilala ko ang kaibigan kong 'yun; kung siya ang dahilan ng problema mo, wala kang dapat ipag-aalala dahil gagawa 'yun ng paraan. Magtiwala ka lang sa kanya, tutal magiging boss mo na rin naman siya, so dapat ibigay mo ang buong tiwala mo sa kanya.” Malalim akong bumuntong hininga. “Paano ko naman ibibigay ang buong tiwala ko sa kanya, eh hindi ko naman siya lubos na kilala. Tsaka, totoo ba talaga na sa gobyerno siya nagtatrabaho?” Duda pa rin kasi talaga ako sa lalaking 'yun. “Yes,” pagtango ni Sir Ares sa akin. “Kung gano'n ano siya, pulis o NBI?” muli kong tanong. “Pumapagitna sa dalawang 'yan.” “Pumapagitna?” Sandali naman akong napaisip. “Detective?” Napatawa naman si Sir Ares habang naka-focus pa rin sa pagmamaneho. “Ikaw talaga, Wendel, para kang babae kung makatanong. Basta magtiwala ka lang kay Yael. Pero kung ayaw mo magtiwala sa kanya, then bahala ka; nasa sa 'yo ang desisyon dahil sarili mo 'yan.” Tama, magtiwala na muna siguro ako kay Yael sa ngayon. Nagpapasalamat nga ako sa kanya dahil kung hindi siya dumating ay di malabong kasama ako sa namatay sa loob ng VIP room na 'yun. Buti na lang pala ay kinatay ko ang kanyang pato; kung hindi dahil doon ay hindi ko makikilala si Yael. Talagang hindi ko pa nga oras para mamatay. Siguro ay nakatadhana na talaga ang pato na 'yun na bwisitin ako para mailigtas ang buhay ko. At dahil doon, lubos akong nagpapasalamat. Tumahimik na lang ako at hindi na nagtanong pa. Hanggang sa muling nagsalita si Sir Ares. “Alam mo, kung maganda lang sana ang katawan mo, puwede kitang alukin maging modelo.” Agad naman tumaas ang kilay ko sa narinig at tiningnan siya sa rear view mirror. “So sinasabi mo bang pangit ang katawan ko, sir?” “Hindi naman sa pangit, pero kasi tingin ko hindi ka bagay maging modelo ng mga brief. Look at your body, parang lampa ang pangangatawan mo. Hindi pasado para maging modelo.” “Aba, napakamapang-insulto mo naman yata, sir, ah?” Hindi ko mapigilan ang mapikon. Napaasik naman si Sir Ares sa reaction ko. “Ano ka ba, hindi sa iniinsulto kita. Ang gusto ko lang sabihin, dapat mag-gym ka rin paminsan-minsan para gumanda ang katawan mo. Look, gwapo ka naman; pero 'yung katawan mo parang walang dating, para bang walang pinagkaiba sa katawan ng isang babae.” Sinulyapan pa nito ang katawan ko at napailing-iling. “Masyadong malambot tingnan. Siguro wala ka man lang yata kahit konting abs. Tama ba?” Napakamot na lang ako sa ulo. Lintik na lalaking 'to. Masyadong madaldal at mapanghusga. Ang yabang, palibhasa isang modelo. “Wala po, sir, wala akong abs, tiyan lang ang Meron ako at konting bilbil” walang gana kong sagot. Hindi ko naman kasi kailangan magkaroon nu'n, eh hindi naman ako lalaki. Hindi na ako umimik pa at pinikit na lang ang mga mata ko; hanggang sa tuluyan na akong hinila ng antok habang nasa biyahe. Nang magising ako ay nagulat pa ako nang makitang maliwanag na sa labas at marami ng mga tao ang dumadaan, naka-park na rin sa parking area ng club ang kotse kung saan ako nakasakay. “Naku po umaga na pala!” gulat kong bulalas at agad na nagpalinga-linga sa loob ng sasakyan, pero wala na si Sir Ares, mag-isa na lang pala ako sa loob. “Lintik, hindi man lang niya ako ginising.” Mabilis ko nang dinampot ang backpack ko at lumabas na ng sasakyan. Pagpasok ko sa loob ng club ay rock music ang bumungad sa akin at tatlong lalaking naglilinis sa loob na nakasuot ng pang waiter na uniform. “Hoy baguhan, ba't ngayon ka lang dumating? Halika, tulungan mo kami rito!” wika sa akin ng isa, kung hindi ako nagkakamali ay Emon ang pangalan. “Mamaya na lang, pare, kahit ako na ang tatapos diyan,” sagot ko at nagpalinga-linga sa loob. “Nasaan pala si boss Yael?” “Nasa loob ng opisina niya. Pumasok ka lang diyan at sundan mo ang daan, kapag may makita kang pinto, kuwarto na 'yun ni boss,” sagot sa akin ng isa at itinuro ang isang nakabukas na pinto. “Sige, salamat. Huwag kayong mag-alala, kahit iwan niyo na 'yan, ako na ang bahalang tumapos mamaya.” Mabilis na akong pumasok sa may pinto habang sukbit ang backpack ko. Pero pagdating ko sa corridor ay limang pinto ang bumungad sa akin. Hindi ko alam kung saan ba sa lima ang room ni Yael, kaya kinatok ko na lang ang unang pinto sa left side. “Boss, si Wendel 'to! Narito na ako, boss!” malakas kong pagtawag. Pero walang sumagot. Kaya naman lumipat agad ako sa ikalawang pinto. “Boss Yael!” Nakalimang pagkatok yata ako bago bumukas ang pinto. Pero hindi si Yael ang bumungad sa akin kundi si Sir Ares na parang inaantok pa, papikit-pikit pa ang mga mata nito na tila kakagising lang. “Mabuti naman at nagising ka na, tulog mantika ka, ang hirap mong gisingin,” sermon nito sa akin at napailing-iling pa bago ako nilampasan. “Sandali lang, Sir Ares! Nasaan ang kuwarto ni Boss Yael?” pahabol kong tanong. “Sa pinakadulo…” tamad na sagot nito, pati boses ay halatang inaantok. Dumiretso na lang ako sa dulo at akmang kakatok na, pero naunahan ako sa pagbukas ng pinto. Bumungad na sa akin si Yael na kasalukuyan pang binubutones ang kanyang suot na long sleeve polo. “Magandang umaga, boss!” masigla kong pagbati at sumaludo pa sa kanya na may kasamang ngiti. Pero hindi man lang ako nito nginitian, bagkus ay kinunutan lang ako ng noo. “Bakit ba ngayon ka lang? Akala ko ba masipag ka sa trabaho, pero tingnan mo kung anong oras na. You're late!” Hays. Halatang masungit na boss ang lalaking 'to. “N-Naku, boss, pasensya ka na, nakatulog kasi ako sa kotse ni Sir Ares. Pero huwag kang mag-alala, sosolohin ko na lang ang paglilinis ngayon para makabawi sa pagiging late ko. So, saan banda pala ang magiging kuwarto ko, boss?” Tumaas naman ang kilay nito sa akin. “Kuwarto mo? Bakit, sinabi ko na ba sa 'yo na tinatanggap na kita rito sa club bilang empleyado ko?” masungit nitong sagot. “A-Akala ko ba, boss—” “Where's your resume?” “N-Naku, wala pa akong resume ngayon, boss, baka mamaya ko pa maipasa. Pero puwede ko naman sabihin na lang.” Napatuwid na ako ng tayo sa harap niya. “Ako si Wendel, 20-year-old, ulila na sa magulang at may tatlong kapatid. Masipag ako sa trabaho kaya—” “Enough,” he cut me off. “Just give me your birth certificate.” Mabilis ko naman binaba ang sukbit kong bag at kinuha ang nakatuping birth certificate sa loob. Nang makuha ay agad kong binigay. “'Yan po ang birth certificate ko, boss.” Pansin ko ang expression ni Yael na parang natatawa habang binabasa ang birth certificate ko. Hindi ko tuloy mapigilan ang mapakunot ng noo. Anong nakakatawa? “Wendy pala ang pangalan mo?” “Yes po, boss. Bakit, may mali po ba sa pangalan ko?” He cleared his throat. “Wala naman, para kasing pambabae. Pero bagay naman sa 'yo dahil para ka namang binabae,” sagot nito sa akin na bahagya pang napatawa. Hindi ko naman mapigilan ang mapairap mag-isa. Babae naman talaga ako. Nagkamali nga lang ng paglagay ng gender sa birth certificate ko, dahil imbes na female, male ang nailagay. Balak ko nga sanang ipaayos, kaso kapos pa ako sa pera. Pero ngayon mas naisip kong huwag na lang, dahil pumabor naman sa akin, mas mapapanindigan ko ng maayos ang pagpapanggap ko bilang lalaki kung lalaki rin ang gender na nakalagay sa birth certificate ko. Hindi ako mahihirapan humanap ng trabaho. Karamihan pa naman ngayon ay kailangan ng birth certificate kapag nag-a-apply. “Follow me.” “Saan, boss? Paano 'yung bag ko—” “Dalhin mo.” Mabilis na naman akong napatakbo at muling sinukbit ang bag ko. Pero pagpasok ng club ay agad na napahinto si Yael nang makita ang tatlong waiter na parang paalis na, pero ang mga gamit pang linis ay nagkalat pa sa loob. “Oh, tapos na ba kayong naglinis?” Napatigil naman ang tatlong lalaki at napalunok. “Ah k-kasi, boss, sabi niya ay siya na lang daw ang tatapos,” paliwanag ng isa at tinuro pa ako. “Tsk. Huwag niyong iasa sa iba ang trabaho niyo, gawin niyo ng maayos bago kayo umuwi,” maawtoridad na sagot ni Yael sa kanila bago ito lumakad na palabas ng club. Parang sumama naman ang tingin sa akin ng tatlong lalaki. “Sinungaling ka. Masyado kang pahamak,” bulong ng isa na masama ang tingin sa akin. “Naku, pasensya na kayo, sa susunod na lang,” mahina kong sabi at nag-peace sign pa bago tumakbo na palabas ng club. Hindi ko alam kung saan ba kami pupunta, pero sumakay na lang ako sa loob ng kotse ni Yael. Hanggang sa pinatakbo na niya ito paalis ng club. “So, ano na, boss? Tanggap na ba ako sa trabaho?” tanong ko, hindi na nakatiis pa. “Hmm.” He nodded. Parang nagliwanag naman ang mukha ko at unti-unting lumaki ang ngiti. “So, magkano naman ang magiging sahod ko, boss?” Bigla akong na-excite. “Depende sa tapang at sipag mo. Huwag kang mag-alala, kapag nagustuhan ko ang performance mo, tataasan ko agad ang sahod mo.” Parang bigla naman nanlaki ang mata ko sa narinig at nawala ang ngiti sa labi. “Hala, anong klaseng performance naman?” Hindi ko mapigilan ang mapalunok. Bigla akong kinabahan. Napaasik naman si Yael at inirapan ako sa rear view mirror. “Ang oa naman ng reaction mo. Bakit, anong performance ba ang inaasahan mo? Iniisip mo ba na ipapagawa ko sa 'yo 'yung gustong ipagawa sa 'yo ng matanda nung nakaraang gabi sa VIP room?” mapakla nitong sagot sa akin. “H-Hindi nga ba, boss?” “Tsk. Ang dumi naman ng utak mo. Huwag kang mag-alala, hindi naman ako pumapatol sa lalaki. Kaya makakaasa kang hinding-hindi ko ipapagawa sa 'yo ang ganoon kadiri na gawain.” Kahit papaano ay nakahinga ako ng maluwag. Mabuti naman, dahil talagang aalis ako agad kapag gano'n ang magiging trabaho ko sa kanya. Kahit naman nagpapanggap akong lalaki ay inaalagaan ko pa rin naman ang dignidad ko. Kayang-kaya ko naman kumita sa malinis na paraan, kaya hinding-hindi ko gagawin ang ganoon kadiring gawain. Iisipin ko pa lang na susubo ako ng ari ng lalaki ay nasusuka na ako. Hindi ko ma-imagine ang sarili ko sa ganoong klaseng trabaho. Makalipas ang mahigit twenty minutes na biyahe ay huminto na ang sasakyan sa parking lot ng isang malaking condominium. Nang bumaba si Yael ay bumaba na rin ako at sumunod sa kanya. Pumasok kami ng building at sumakay ng elevator. “Dito ka ba nakatira, boss?” tanong ko habang nasa loob kami ng elevator. “Yes,” pagtikhim nitong sagot sa akin habang nakapamulsa ang mga kamay sa suot nitong pants at seryoso lang ang expression. “Kung gano'n, bakit mo ako sinama rito? Dito rin ba ako titira?” “Malalaman mo mamaya. And from now on, I want you to call me Captain.” Matapos niya akong sagutin ay naglakad na palabas ng elevator nang bumukas na ito. Napangiti naman ako at patakbo nang napasunod. Pero pagpasok namin sa loob ng room ay agad na bumungad ang isang lalaking nakadikwatro ng upo sa couch habang may hawak pang glass ng wine. “Mabuti naman at dumating ka na, Captain, mula kanina pa kita hinihintay.” Nanlaki naman ang mga mata ko nang makilala ito, walang iba kundi 'yung gwapong lalaki na nakabangga ko nung isang araw sa kanto na parang nagalit pa nung tawagin kong manong.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD