NAPAAWANG ang mga labi ni Desiree sa narinig. Tiniyak na hindi niya ito napakinggan nang mabuti.
"I—I beg your pardon?"
"I want you to be my girl," ulit ni Lance.
"You are joking, Mr. Ordoñez. At hindi ako natatawa."
"Totoo sa loob ko ang sinasabi ko. I want you to be my girl. And at the risk of being accused as conceited, I am a better catch than Harley, aren't I?"
She was speechless. For a few seconds, she was gaping at him.
"Hey, I am only asking you to be my girl. Hindi kita pinatatalon sa building ng opisina," wika ni Lance, an indulgent smile on his lips.
"W-why would you want to do that?"
Bale-walang nagkibit ng mga balikat si Lance. "Perhaps I have developed an instant fondness for you." His eyes held hers, and he had this feeling that what he said was true. He liked her.
She almost rolled her eyes in disbelief. "Pinatatalon mo ba ako sa proverbial frying pan para mapunta sa apoy?"
Tumaas ang sulok ng bibig ni Lance. "Isang buwan ka pa lang sa opisina. At kanina lang tayo nagkakilala, and yet you've been listening to rumors about me."
"Paborito kang topic ng mga babae, Lance. Alangan namang magkunwari akong bingi." Oh, dear. Kung sasabihin niyang nakikipag-usap siya nang ganito sa presidente at may-ari ng Hayes Company, tiyak walang maniniwala. Pagbibintangan siyang ilusyunada.
"Pag-isipan mo ang sinabi ko sa iyo ngayong gabi. Pormal mong tapusin ang relasyon ninyong dalawa ni Harley at pumasok ka bukas. Ako ang bahala sa lilipatan mo," utos nito sa awtorisadong tinig.
Now, she rolled her eyes. "Sinabi mo pang pag-isipan ko ang inaalok mo," matabang niyang sagot.
Pormalidad na lang ang sinasabi nitong pag-isipan. Inuutusan siya nito. Idinidikta ang dapat gawin. At ang nakapagtataka ay hindi niya gustong tumanggi sa iniaalok nito.
Mula sa bulsa ng pantalon nito ay dinukot ng lalaki ang resignation letter niya at pinunit sa gitna.
"Bakit mo kinuha mo iyan?!" bulalas niya.
He shrugged his shoulders. "You don't need this. And worse comes to worse, hindi kita papayagang mag-resign. Keith will go on maternity leave." Sinulyapan nito ang steak plate niya. "Kumain ka na, Desiree. Lumalamig ang pagkain." Bale-walang dinampot nito ang steak knife at nagsimulang kumain.
Sa kabila ng kalituhan at pagkamangha ay nagsimula na ring kumain ang dalaga. Nagugutom naman siyang talaga. Ni hindi nga niya napangahalati ang pagkain niya kaninang tanghali sa restaurant. At kung hindi lang nakakahiya kay Keith ay wala siyang balak na kumain.
Naaaliw na pinapanood nang lihim ni Lance ang pagkain niya. Ang ibang babae ay karaniwan na nagkukunwaring pabebe sa pagkain at nilalaro lang ang pagkain sa pinggan. O hindi kaya ay sasabihing nagda-diet.
Si Desiree ay hindi alinman sa mga iyon. Natural na kinain nitong lahat ang nasa steak plate, leaving only the vegetables.
"Hindi ka vegetarian, ha?" biro nito.
She wrinkled her nose. "Ayoko ng beans at carrots. At saka kinakain ba ang... ang tila damong ito? Ano ba ang tawag dito?" She delicately fingered the parsley. Itinaas iyon.
Nathaniel Lance Ordoñez gave a shout of laughter that it echoed around the four corners of the restaurant. Uncaring kung nakakatawag ng pansin. Tawang bibihira nitong gawin. Sinasadya man o nakalimot lang ay may accent ang salita ng dalaga. At hindi ignorante si Desiree. She behaved with good manners. Natural lang.
"Parsley ang tawag diyan, sweetheart," he said. His eyes sparkled in silent laughter. "And I think I like you, Desiree Manalansan. I really like you."
PAGKATAPOS nilang kumain ay inihatid na siya ni Lance sa bahay nina Harley.
"Pumasok ka bukas, kung hindi ay ipasusundo kita," wika ng binata bago bumaba si Desiree.
Maliwanag na ipinararating ng tinig nito ang warning. He had never been unsure na hindi susundin ng isang tao ang sinasabi niya maliban na lang sa babaeng ito ngayon.
She smiled. "Truth is, I really hate to leave my job. Bye and thank you, Mr. Ordoñez."
Pagkapasok ni Desiree ay saka pa lang pinatakbo ni Lance ang sasakyan.
Using her key, napapasok ni Desiree ang sarili. Nasa gitna na siya ng hagdan papanhik nang lumabas si Harley mula sa silid nito.
"Mag-usap tayo, Desiree," tingala nito na nagpahinto sa pag-akyat niya. "At saan ka naman nanggaling? Alas-onse pasado na. Ten thirty ang curfew sa inyo nila Mom."
"Okay lang, Harley. Aalis na naman ako rito," sagot niya pero hindi bumaba. "At wala akong alam na maaari pa nating pag-usapan pagkatapos ng lahat."
"Bumaba ka rito, Desiree. Please. Tulog na sina Mom and Dad. Maririnig nila tayo." Nakikiusap ang tinig nito. At napuna ng dalagang hindi pa nagbibihis ang binata.
Ibig sabihin ay talagang hinintay siya nito.
"Tapos na sa atin ang lahat, Harley. At hindi na mababago ang pasya ko. Niloko mo ako." Hininaan niya ang tinig nito.
"Kasalanan mo rin naman, Desiree. Lalaki ako at may pangangailangan. Pero lagi mo akong tinatanggihan. Modern at laging game si Nicole, bukod pa sa kailangan ko siya para sa promotion ko. Promotion para rin naman sa atin. Ikaw naman ang mahal ko."
"Duda ako sa'yo," paismid niyang sabi. "Sa palagay ko ngayon ay sarili mo lang ang mahal mo. Anyway, enjoy your relationship with Nicole... while it lasts." Pagkasabi niyon ay tuluyan na siyang pumanhik. Hindi pinansin ang pagtawag ni Harley na kulang na lang ay sumigaw.
KINABUKASAN, tulog pa si Harley nang umalis na ng bahay si Desiree. Ayaw niyang magkita pa sila nito at mag-usap na naman.
Nagulat pa ang pang-umagang guwardiya nang makita siyang ipinapasok ang card sa bundy clock.
"Wala pang alas-siete, Miss Manalansan..."
"May iniwan kasi akong trabaho kahapon." Nginitian niya ito. "Alam mo na, nasa probationary period pa lang ako."
"Kung sa bagay. At mahigpit si Sir Mauro. Pero sadyang napakaaga pang talaga." Umiiling na sinundan siya ng tingin ng guwardiya.
Sa itaas ay inilabas ni Desiree ang typing job. Isang oras at kalahati pa siyang maghihintay ng talagang pasukan pero nagsimula na siyang magtrabaho. At sa totoo lang, hindi pa niya alam ang iisipin sa sinabi ni Lance kagabi.
Hindi pa rin siya nakapagpaalam sa Mama ni Harley dahil mahabang usapan iyon at malamang na magisnan sila ni Harley na nag-uusap ng ina nito. Anu’t anuman, madali namang umuwi sa Isabela.
"INIWAN kita rito kahapon at dinatnan naman kita ngayon. Dito ka na ba natulog?" biro ni Keith habang binubuksan ang silid ng boss nito.
"Napaaga lang ako ng dating. Na-type ko nga palang lahat ang mga iniwan mo."
"Hindi naman rush iyan. The reason why I gave you that job yesterday was to keep your mind off Harley." Nagpupunas ito ng alikabok sa mesa at inalis ang plastic cover ng computer.
"Hindi mo ba ako tatanungin kung ano ang pinag-usapan namin ni Harley kagabi?" aniya. Napangiwi siya nang lihim dahil mas marami silang napag-usapan ni Lance kaysa kay Harley at mas mahaba ang oras na ginugol niya kasama ang Ordoñez boss.
"Maliban na lang kung gusto mong sabihin. Pero kung ang ikukuwento mo ay pinatawad mo siya sa kasalanan niya at 'on' kayo uli, huwag mo nang sabihin sa akin."
"Paano kung ganoon nga?" nangingiti niyang tanong. Strange, pero sa buong magdamag ay hindi pumasok sa isip niya si Harley nang mahiga siya. Sa halip, inokupa ni Lance ang buong kaisipan niya kagabi.
"Desisyon mo iyon so I must respect it. Walang mababago sa pagtingin ko sa iyo bilang kaibigan. Ikaw ang nakakaalam kung saan ka dapat lumagay. Ang importante ay naibigay ko sa iyo ang opinyon ko. And if you need a friend, nandito lang ako."
"Thank you, Keith," she said softly. "Pero 'wag kang mag-alala, tuluyan ko nang tinapos ang relasyon ko sa kanya."
Nasisiyahang ngumiti si Keith. "Good. You can have a brand-new start."
Nakatitig lang siya sa kaibigan, hindi malaman kung sasabihin dito ang tungkol kay Lance. Pero minabuting huwag na lang. Ano ba ang malay niya kung laman pa ng isip ni Lance ngayon iyon? Nadala lang marahil ito sa problema niya kahapon.
And now, in the light of day, baka nawala na siya sa isip nito. And she couldn't blame him. Abalang tao si Lance para pagtuunan pa siya ng pansin ngayon. Hindi niya pinansin ang panghihinayang na nadarama.
Subalit sa paglipas ng mga oras, hindi mapalagay si Desiree. Hindi rin niya alam kung ano ang dapat asamin. Bawat tunog ng intercom ay napapapitlag siya at hindi maiwasang tumingin sa dako niyon sa mesa ni Keith at kabahan.
Alas-dies nang muling tumunog ang intercom sa mesa ni Keith. Napasulyap siyang muli roon kasabay ng muling pagtambol ng dibdib.
"Sir? Good morning. Si Desiree?" gulat na sagot ni Keith na agad sumulyap sa kanya.
Agad ang pagyuko niya ng ulo at kunwari ay ipinagpatuloy ang trabaho.
"Yes, Sir." Ibinaba na ni Keith ang intercom. Tumayo at lumapit sa mesa niya.
"Sino iyon?" patay-malisyang tanong ni Desiree. Hindi pa rin maalis-alis ang matinding kaba.
"Si Lance."