NAGISING si Dani na parang binugbog ang buong katawan niya. Akmang hihiyaw siya sa sakit na nararamdaman niya nang mapatingin siya sa kanyang tabi. Napakurap siya ng ilang beses nang mapansin niyang may hubad na katawan na nakadapa sa tabi niya. Saka niya naalala na si Chris pala iyon at may nangyari sa kanila kagabi.
Dahan-dahan siyang bumangon at maingat na bumaba ng kama. Muntik na siyang bumagsak sa sahig dahil nanginginig ang kanyang mga tuhod. Mabuti na lang at nakahawak siya sa side table.
Kailangan niyang makaalis sa kuwarto ng asawa niya bago pa ito magising. Kaya hinanap ng kanyang mga mata ang suot niyang pantulog kagabi. Nakita nya ng kanyang bikini at pajama na nasa paanan sa baba ng kama. Samantalang ang kanyang bra at pantaas ay nasa tabi na ng sofa.
Pinilit niyang humakbang kahit halos mapaaray siya sa hapding nararamdaman lalo na sa pagitan ng kanyang hita. Nang makuha niya ang kanyang pang-ibaba ay agad niya itong isinuot.
Napailing siya nang mapansin na napunit na ang kanyang bra at pantaas pero isinuot pa rin niya ito. Hinawakan na lang niya ang pantaas niya para hindi ito bumuka. Bago siya tuluyang lumabas ng kuwarto ay muli niyang sinulyapan si Chris.
Tulog pa rin ito at hindi nagbabago ang posisyon. Gustp pa sana niyang pulutan ang nagkalat nitong mga damit sa sahig ngunit nag-aalala siyang magisnan siya ng asawa kaya tuluyan na siyang lumabas.
Palinga-linga siya habang naglalakad sa hallway. Nag-aalala siyang may makakita sa kanya. Alam niyang gising na ang mga maid at naghahanda na ng almusal. Umaasa siyang wala sanang makakita sa kanya na galing siya sa kuwarto ni Chris.
Ilang hakbang lang naman ang layo ng kuwarto niya sa kuwarto ng kanyang asawa pero inabot siya ng ilang minuto sa paglalakad dahil hirap siyang humakbang.
Pagpasok niya sa kanyang kuwarto ay agad niyang tiningnan ang oras. Alas-sais na ng umaga. Ilang minuto na lang at magigisng na si Chris dahil alas-siyete kung kumakain ito ng almusal.
Dumiretso siya ng banyo at naligo. Sinadya niyang magtagal sa banyo. Kinuskos niyang mabuti ang kanyang buong katawan at ilang beses siyang nagsabon para lang masiguro na walang maiiwang amoy ni Chris mula sa katawan niya.
Ilang beses siyang napangiwi nang mapansin ang mga namumulang bahagi ng kanyang katawan. Para siyang may pasa sa mga hita, puson, braso, palapulsuhan, dibdib, balikat, at leeg.
Sobrang hapdi pa ng p********e niya lalo na nang mabasa ito ng tubig at malagyan ng feminine wash. Maging ang kanyang pang-upo at likod ay sumasakit.
Pagkatapos niyang magbihis ay napaupo na lang siya sa kanyang kama. Kung lalabas siya ng kanyang kuwarto ay baka hindi niya kayang bumaba ng hagdan.Mamaya na lang siguro siya bababa para kumain kapag nakaalis na si Chris. Kaya wala siyang ginawa kung hindi ang abangan ang tunog ng sasakyan nito.
Habang naghihintay siya ay binuksan niya ang kanyang cellphone. Pinapatay niya kasi ito tuwing matutulog siya sa gabi. Nang magbukas ito ay agad niyang tiningnan ang socmed account niya. Umaasa siyang makakatanggap ng mensahe mula sa kanyang Ate Kara.
Magdadalawang buwan na magmula nang huli silang magkita. Wala na siyang balita mula sa kapatid niya hanggang ngayon. Nag-aalala na siya sa kanyang ate. Baka kung saan na ito napadpad.
Wala naman siyang alam na puwede niyang mapagtanungan. Ang nag-iisang kaibigan kasi nito na si Ate Yarie ay nasa kumbento na. Sigurado siyang hindi guguluhin ng ate niya ang kaibigan nitong pumasok bilang madre. Maliban na lang siguro kung desperado na ang kanyang kapatid. Pero imposibleng gawin iyon ng ate niya.
Kilala niya ang kanyang kapatid. Mula pa pagkabata nila ay madalas nitong sabihin sa kanya na pangarap nitong magkaroon ng sariling pamilya balang araw. May nabanggit pa ito minsan tungkol sa isang lalaki na matagal na nitong gusto pero bihira nitong makita.
Tinanong niya kung sino ang lalaking iyon ngunit ayaw sabihin ng ate niya. Hindi na lang niya pinilit dahil baka magalit pa ito sa pangungulit niya.
Tulad niya ay NBSB rin ang Ate Kara niya. Kaya nga iniisip niya noon na mapalad ang lalaking iibigin nila. Sa kasamaang palad, mukhang hindi iyon totoo kay Chris. Tingin nito ay isa siyang malaking pagkakamali. Hindi na lang siya nagre-react dahil lalo lang siyang pag-iinitan ng asawa niya.
Mahigit isang oras pa ang lumipas bago niya narinig ang pamilyar na ugong ng sasakyan. Sumilip siya sa bintana. Eksakto namang lumabas mula sa passenger seat ng SUV ni Chris si Mang Dodong. Saka naman pumasok ang asawa niya para pumalit dito.
Mag-aalas-otso na ng umaga. Kung tutuusin ay late na si Chris lalo at malayo pa ang biyahe nito. Pero wala naman siyang magawa. Hindi niya puwedeng gisingin ang asawa niya dahil siguraduhing magagalit ito kahit ano pa ang dahilan niya.
Isa pa’y baka mabisto nito na siya ang kasama nito sa buong magdamag. Baka palayasin siya nito kapag nalaman nito ang totoo. Hindi naman niya kasalanan na may nangyari sa kanila kagabi. Pinuwersa naman siya nito. Kahit pa manlaban siya ay balewala ang lakas niya kumpara sa kanyang asawa.
Kung tutuusin, siya dapat ang magalit dahil nasaktan siya sa ginawa nito. Hindi niya lubos maisip na maiwawala niya ang kanyang iniingatang puri sa isang lasing na lalaki. Mabuti na lang at mag-asawa sila ni Chris. Kung ibang tao lang siguro ang gumawa ng gano’n sa kanya, baka magising ito na nasa kulungan na.
Isang sumbong lang niya sa papa niya ay siguradong kikilos ito para maipagtanggol siya at mapagbayad kung sino man ang nagkasala sa kanya. Pero hindi niya gustong mapahamak si Chris. Hindi man maganda ang pagsasama nila ngayon, umaasa siyang magbabago rin ito balang araw.
Sana ay magbunga ang ginawa nila kagabi. Baka sakaling kapag nabuntis siya ay magbago rin ang pagtingin nito sa kanya.
Wala sa sariling napahaplos siya sa kanyang impis na tiyan.
Baby, sana nasa loob ka na ng tiyan ni mommy. Baka ikaw lang ang hinihintay ko para lumambot ang puso ng daddy mo at mawala ang galit niya sa akin.
“HINDI po muna ako makatutulong sa mga gawain dito sa bahay. Masama po kasi ang pakiramdam ko,” pagdadahilan ni Dani pagkatapos niyang kumain ng almusal.
“May sakit ka, ma’am?” usisa ni Yaya Aurea. Dinama pa nito ang kanyang noo.
“Wala po pero masakit kasi ang katawan ko nang gumising kanina. Puwede po bang magpahinga muna ako ngayon?” pakiusap niya rito.
Nginitian naman siya ng matanda. “Wala naman pong problema roon, ma’am. Hindi naman ninyo kailangang tumulong sa amin dahil asawa kayo ni sir. Kung tutuusin amo na rin namin kayo.”
“Pero ang gusto kasi ni Chris ay tumulong ako dito sa bahay,” katuwiran ni Dani.
Umiling ang matanda. “Siya lang ang may sabi ng gano’n. Pero kung ako lang po ang masusunod, hindi kayo dapat nagtatrabaho dito sa bahay. Asawa kayo ng amo namin at hindi katulong na gaya ng pakilala niya sa mga kaibigan niya.”
Napangiti si Dani. “Maraming salamat po sa pang-unawa, yaya. Sana dumating din ang araw na magbabago ang pagtinging at pagtrato sa akin ni Chris.”
Pinisil ni Yaya Aurea ang mga palad niya. “Alam mo, ma’am, mabait naman ang alaga ko, eh. Hindi ko lang alam kung bakit ang init ng dugo niya sa iyo. Kung tutuusin mapalad nga siya at ikaw ang napangasawa niya. Kung ibang babae lang siguro ang tinatrato niya ng katulad ng ginagawa niya sa iyo, baka nilayasan na siya. O kaya naipakulong na. Grabe ang pagpapahirap niya sa iyo. Hindi ko lubos maisip kung bakit nagkaganito na siya. Hindi naman masama ang ugali ng batang inalagaan ko.”
“Natutuwa po akong mal;amann a mabuting tao naman pala ang napangasawa ko. Sa ngayon hayaan na po muna ninyo siya, yaya. Malay natin, isang araw ay magbabago rin siya. Matatanggap din niya ako bilang asawa,” positibong saad ni Dani.
Kailangan niyang umasa para makatagal siya sa pagsasama nila ni Chris. Sayang din ang pagkakataon na ibinigay na sa kanya para makasama ang taong mahal niya. Kung wala siguro siyang pagtingin sa asawa niya baka unang araw pa lang niya sa piling nito ay lumayas na siya. Pero mahal niya ito kaya hindi niya magawang umalis kahit nasasaktan siya sa ginagawa nito sa kanya sa araw-araw.
Titibayan na lang niya ang kanyang kalooban. Patibayan sila ng dibdid ni Chris. Sino kaya sa kanilang dalawa ang unang susuko? Ang asawa niya na simula’t simula ay galit sa kanya? O siya na nagmamahal dito kahit nasasaktan?
Gusto niyang isipin na siya ang mananalo sa pagitan nila ni Chris. Kaya nga kahit nasasaktan siya tinitiis niya ang lahat. Hindi siya nagrereklamo. Hindi niya ipinapakita na apektado siya at lalong hindi siya gumagawa ng paraan upang gantihan ang asawa niya. Nagbabakasakali siyang sa ginagawa niyang iyon ay magbabago rin si Chris.
Baka isang araw magising na lang siya na unti-unti nang lumalambot ang puso nito sa kanya. Hindi nga ba’t kapag gumawa ka ng mabuti sa kapwa mo, babalik din sa iyo ang ginawa mo? Naniniwala rin siya sa sinasabi nila na kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay. Iyon ang ginagawa niyang paraan upang mabago niya ang damdamin ni Chris. Sana nga lang ay magtagumpay siya.
It’s worth the try. Hindi lang guwapo ang asawa niya. Maganda rin ang pangangatawan nito. Kapag nagkaanak sila, siguradong mga guwapo at magaganda ang magiging supling nila. Bukod pa roon, sikat at galing sa mayamang pamilya pa ito. Mabubuhay siya ng marangya kahit hindi na siya magtrabaho pa sa buong buhay niya. Pero hindi naman iyon ang dahilan kaya siya pumayag na maikasal dito. Mahal lang niya talaga si Chris at handa siyang magtiis sa piling nito.
“Sana nga, ma’am. Kasi sa totoo lang, ikaw ang pinakagusto ko sa lahat ng babaeng napaugnay sa kanya. Wala akong nagustuhan sa mga babaeng nakarelasyon niya noon.”
Napangiti nang matamis si Dani. “Maraming salamat po sa inyo, yaya. Sana nga po. Magustuhan din ako ni Chris pagdating ng panahon. Willing naman po akong maghintay kahit matagal.”
Totoo iyon. Nakahanda siyang maghintay na mahalin siya ni Chris kahit gaano pa katagal. Hindi siya aalis sa piling nito anuman ang mangyari. Titiisin niya ang lahat alang-alang sa ngalan ng pag-ibig.
Naisuko na niya ang kanyang puri sa asawa niya kaya wala ng natira pa sa kanya. Kung sakali man at darating ang panahon na magsawa siya o maglaho ang pagmamahal niya rito, hindi pa rin siya puwedeng magmahal ng iba. Wala na kasi siyang maiaalay pa sa ibang lalaki. Sino pa ang tatanggap sa kanya kung wala na siyang maipagmamalaki pa? Kaya dito na lang siya sa piling ni Chris. Hindi naman siya lugi, eh.
May kakampi pa siya ̶ ang mga magulang ni Chris at maging ang yaya nito. May mahihingan siya tulong sa kanya kung sakali mang kakailangan niya ito.
Isa pa’y kapag umalis siya o nakipaghiwalay kay Chris, paano na ang ate niya? Baka ang ate naman niya ang mapahamak. Hindi na baleng siya ang magsakripisyo, mahal naman niya si Chris. Pero ang ate niya, ni katiting ay walang pagtingin sa asawa niya. Hindi rin naman siya sigurado na magugutuhan ni Chris ang ate niya. Baka ayaw rin nito sa ate niya. Baka napilitan lang ito na pumayag sa kasal dahil sa mga magulang nila.
Baka hindi rin maganda ang pagtrato nito sa ate niya kung sila ang nagkatuluyan. Mas malaking problema kung ganoon nga iyon. At least siya noong pumayag na nagpakasal dito ay inihanda na rin niya ang kanyang sarili sa problemang susuungin. Kaya hindi siya puwedeng sumuko. Wala pang dalawang buwan sila na nagsasama. Malayo pa ang kanilang lalakbayin.
“Sige, ma’am. Magpahinga ka na. Huwag kang mag-alala at hindi makararating kay sir ang bagay na ito.”
“Maraming salamat po, yaya.” Tumayo na si Dani at bumalik sa kanyang kuwarto. Mabuti na lang at hindi gaanong nag-usisa ang matndang nag-alaga sa asawa niya. Napaniwala niya ito na masama ang kanyang pakiramdam kaya nahihirapan siyang kumilos.
Humiga siya agad sa kanyang kama pagdating niya sa kuwarto niya. Ilang minuto lang ang lumipas bago siya nakatulog.
Nang magising siya ay masakit ang ulo niya at ang init ng buo niyang katawan. Pagmulat niya ay napansin niya si Yaya Aurea na nakatunghay sa kanya. Balisa ang mukha nito habang nakatitig sa kanya.
“Ma’am, gumising ka muna. Kailangan mong kumain para makainom ka ng gamot. Ang taas na ng lagnat mo,” may pag-aalalang wika nito.
Napakurap si Dani. “Ano’ng oras na po ba?” nagtatakang tanong niya.
“Alas-siyete na ng gabi. Hindi na kita inabala kaninang tanghali kasi ang sarap ng tulog mo. Pero ngayon kailangan mo nang bumangon. Kumain ka muna bago uminom ng gamot.”
Napilitang bumangon si Dani. Inalayayan pa siya ng matanda dahil nahihirapan siyang kumilos. Dumoble ang sakit ng katawan niya ngayon kumpara kaninang umaga.
“Heto, dinalhan kita ng pagkain mo. Kumain ka na dahil hindi ka pa nanananghalian.” Iminuwestra ni Yaya Aurea ang pagkain na nasa tray at nakapatong sa side table.
Akmang aalalayan siya ng matanda ngunit pinigilan niya ito. Pinilit niyang kumain kahit na wala siyang gana kaya kaunti lang ang nakain niya.
“Hindi ko na po maubos, yaya. Akin na po iyong gamot at iinumin ko,” wika niya nang maibaba ang kutsara at tinidor.
Inilagay ng matanda ang isang tableta sa palad niya bago siya nito inabutan ng tubig. Pagkatapos niyang uminom ay muli na naman siyang humiga.
“Pagdating ni sir mamaya, sasabihin kong dalhin ka na sa ospital. Baka mas makabubuting doon ka na magpagaling.”
Marahas na umiling si Dani. “Hindi na po, yaya. Dito na lang ako sa bahay. Nakainom na ako ng gamot. Gagaling na po ako mamaya.”
“Pero kung hindi pa maayos ang lagay mo pagdating ni sir, pipilitin ko siyang dalhin ka niya sa ospital.”
Napilitang tumango si Dani kahit alam niyang baka hindi rin pumayag si Chris sa gustong mangyari ng matanda.
Hindi nga siya nagkamali ng kanyang akala dahil kalalabas lang ng matanda sa kuwarto niya ay narinig na rin niya ang boses ni Chris. Naririnig niya ang pag-uusap ng dalawa pero hindi niya naiintindihan. Kaya nagulat na lang siya nang marinig ang sigaw ni Chris.
“No! Ayoko! Bakit ko siya dadalhin sa ospital? Bahala siya sa buhay niya! Wala akong pakialam kahit mamatay pa siya!”
Napahawak na lang si Dani sa kanyang dibdib, sa mismong tapat ng puso niya. Bigla kasing kumirot iyon.