HALOS mapasigaw si Chris sa sakit ng kanyang ulo nang magising siya. Ang isa pang ipinagtataka niya ay wala siya ni isang saplot sa katawan. Tanging ang comforter ang bumabalot sa kanyang hubad na katawan.
Pilit niyang inalala ang nangyari kagabi. Um-attend nga pala siya ng party ni Joel Belarmino. Tapos ang luko-lukong si Jak ay naroon din at may dala na naman itong espesyal na alak. Nakonsensiya naman siya sa kadramahan nito kaya tinanggap niya ang ibinigay nitong isang shot glass ng alak. Hindi lang isang shot ang nainom niya. Nakadalawang shot glass siya ng alak. Akala niya hindi siya tatablan.
Pero noong pauwi na siya ay biglang nag-init ang buo niyang katawan. Ang alam niya ay nakauwi pa siya pero hindi niya maalala kung paano nakapasok sa loob ng bahay. Ang malala pa nito ay hindi rin niya maalala kung sino ang nakaniig niya kagabi.
Si Rosie ba? O may ibang babae siyang pinag-trip-an kagabi?
Well, kung sino man iyon, hindi na niya siguro kailangang alamin pa. Umalis ito nang hindi nagpaalam sa kanya. Sinamantala nito na tulog pa siya. Hindi man lang nito nagawang gisingin sana siya. Baka balewala lang dito ang nangyari sa kanila.
Oh no! Sino kaya ang babaeng iyon? Parang walang pakialam kung anuman ang nangyari sa kanila. O natakot lang ito sa kanya kaya basta na lang umalis.
Ang sabi kasi ng mga kaibigan niya na nakaranas nang ma-blackout dahil sa alak na ipinainom ni Jak, nagiging wild daw sila. Kawawa ang babaeng napagti-trip-an nila. Katulad nang nangyari kay Jerome. Halos gumapang daw ang babaeng nakasama nito ng ilang oras para lang matakasan siya.
Ganoon din ang nangyari sa asawa ni MJ. Hindi raw makakilos si Lian pagkatapos ng isang gabi sa piling ni MJ na lango sa alak noon. Nagkasakit pa nga ang missi ng kaibigan nila pagkatapos ng gabing iyon.
Malamang nasindak siguro ang babae kaya umalis na agad bago pa siya magising. Sinadya nitong takasan siya. Kaya hindi na niya kasalanan kung anuman ang nangyari sa kanila.
Bumangon na siya ng higaan. Nagmamadali siyang pumasok ng banyo nang mapasulyap siya sa wall clock. Alas-siyete na pala ng umaga. Mali-late na siya sa opisina.
Nasa harapan na siya ng hapag-kainan nang maalala niyang magtanong.
“Yaya, nakita po ba ninyo akong dumating kagabi?”
Umiling si Yaya Aurea.
“Hindi, eh. Maaga akong natulog kagabi. Bakit mo naitanong?”
Napakamot ng kanyang batok si Chris. “Hindi ko kasi maalala kung paano ako nakarating sa kuwarto ko kagabi. Ang natatandaan ko lang nakauwi ako rito sa bahay. Pero kung paano ako nakapunta ng higaan ay hindi ko maalala.”
“Lasing ka ba kagabi kaya hindi mo maalala?”
“Oo, yaya. Nag-black out na ako kagabi pagdating ko rito sa bahay.”
Napailing si Yaya Aurea. “Baka si Rosie ang tumulong sa iyo o kaya si Dani.”
Napaismid si Chris. “Imposibleng si Dani dahil alam naman niyang galit ako sa kanya. Hindi ako lalapitan ng babaeng iyon. Mas malamang si Rosie ang tumulong sa akin. Alam naman ninyo kung gaano siya kainteresado sa akin. Ang tindi ng pagnanasa ng babaeng iyon.”
Napabuga ng hangin ang yaya niya. “Tingnan na lang kaya natin sa CCTV,” suhestiyon nito.
Umiling si Chris. “Hindi na kailangan. May ideya na ako kung ano ang totoo. Palitan na lang ninyo iyong beddings ng kuwarto ko. I-disinfect na rin ninyo ang buong kuwarto. Tapos mag-iiwan ako ng tseke mamaya at ibigay ninyo kay Rosie para makaalis na siya. Ayoko na siyang makita pa rito sa bahay mamayang pag-uwi ko.”
Napadilat nang husto ang mga mata ng matanda. “Seryoso ka ba? Paaalisin mo si Rosie? Ano bang ̶ ˮ
“Yaya, ako ang amo rito at hindi ikaw,” putol niya sa sasabihin nito.
“Nagtataka lang naman ako kasi bigla-bigla naman iyang desisyon mo. Ano bang kasalanan ni Rosie sa iyo?” pangungulit nito.
Napatiim-bagang si Chris. “Yaya, nagising lang naman ako na nakahubo’t hubad. Tapos amoy babae at s*x ang buong kuwarto ko.”
Napasinghap ang yaya niya kasabay nang panlalaki ng mga mata nito. “Totoo ba iyan?”
Umigting ang mga panga ni Chris. “Sa tingin mo nagbibiro ako, yaya?”
Iniatras niya ang kanyang upuan saka siya tumayo. Nawalan na siya ng ganang kumain. Hindi naman siya masamang tao. Alam niyang masungit siya at istrikto. Pero walang karapatan ang sino man na lokohin siya dahil siya ang amo sa bahay na ito. Pinapasweldo lang niya silang lahat kahit na ang yaya niya. Si Dani lang naman ang walang sweldo dahil asawa niya ito. Ngunit alam niyang may hawak itong atm card at credit card na galing mismo sa mga magulang niya kaya hindi na niya ito kailangan pang bigyan ng pera.
“Aalis ka na? Hindi ka pa tapos kumain, ah,” puna ni Yaya Aurea.
“Nawalan na ako ng gana. Iligpit na ninyo iyan.” Tinalikuran na niya ito. Mali-late na siya kaya kailangan na rin niyang umalis.
Nang pasakay na siya sa SUV niya ay hindi sinasadyang napalingon siya sa bintana ng kuwartong inuukopa ni Dani. Mabuti naman at hindi na siya nilalapitan ng babaeng iyon magmula nang pagsabihan niya ito. Sana maisip din nito na walang pupuntahan ang pagsasama nila. Sana ito na ang magkusang umalis para hindi na niya kailangang gumawa ng paraan upang tuluyan itong mapaalis ng bahay niya at ng kanyang buhay.
Late na nga nang makarating si Chris sa opisina niya. Mabuti na lang at wala siyang meeting nang maaga. Pero tambak na ng papeles ang kanyang mesa nang makapasok siya sa kanyang opisina.
Subsob siya sa kanyang trabaho kaya hindi niya namalayan na may pumasok siyang bisita.
“Parang hindi ka napuyat, ah. Ayos lang ba ang gising mo?”
Nag-angat ng tingin si Chris nang marinig ang pamilyar na tinig.
“Andrei, anong ginagawa mo rito?” seryosong tanong niya.
“Wala naman. Napadaan lang ako. Pinuntahan ko kasi si Enzo sa unit niya kaya naisip kong dumaan na rin dito para mangumusta. Nag-enjoy ka ba kagabi?” nakangising tanong nito nang umupo sa visitor’s chair na nasa harapan ng mesa ni Chris.
Napabuntunghininga si Chris. “Hindi ko alam ang sagot niyan. Wala naman akong maalala sa nangyari. Ni hindi ko maalala kung paano ako nakarating sa kama ko.”
Natatawang napailing si Andrei. “Naranasan ko na rin iyan. Wala rin akong maalala sa nangyari sa akin noong makainom ako ng alak ni Jak. Mabuti na lang at naroon si Enzo na umalalay sa akin. Kung hindi baka nakasuhan na ako ng rape.”
Napakurap ng ilang beses si Chris.
“Kailan nangyari iyan? Kagabi lang ba?” Hindi maalala ni Chris kung pati si Andrei ay nakainom din ng alak na ibinigay sa kanila ni Jak.
Umiling ang kaibigan niya. “Hindi ako uminom kagabi. Pero kung maalala mo noong laklakin ni MJ iyong bote ng alak na dala ni Jak, uminom din ako noon ng isang shot.”
“Ah, gano’n ba? So, anong epekto sa iyo?” Naalala niya ang sinasabi nitong pangyayari pero hindi niya alam kung ano ang nangyari kay Andrei dahil inasikaso nila noon si MJ.
“Well, lumapit lang naman ako noon sa isang grupo ng mga babae. Mga apat silang magkakasama. Dahil guwapo naman ako, pumayag silang lahat na sumama sa akin nang yayain ko silang lumabas.”
Nalaglag yata ang panga ni Chris sa kanyang narinig.
“Ano? Apat na babae ang tinira mo?” Gustong murahin ni Chris ang kaibigan niya. Dinaig pa nito si Raiden sa pagiging mahilig sa babae dahil sa sinabi nito.
“Apat nga sana sila. Pero pinigilan ako ni Enzoi. Kaya iyong dalawa lang ang naisama ko.”
“Pero dalawa pa rin iyon, bro. Tapos buong magdamag kayong magkakasama. Ang hilig mo naman.”
Bahagyang natawa si Andrei. “Kahit magkasama naman kami ng buong magdamag, ilang oras ko lang naman silang pinakialaman. Pero ayoko nang maulit iyon dahil isang linggo akong hindi kinausap ni Cleo nang makita niya ang kiss mark sa leeg ko.”
Napakunot ang noo ni Chris. “Paano ka nagkaroon ng kiss mark? Akala ko ba kapag nag-blackout tayo dahil sa alak ni Jak, mas malakas tayo katulad ni Hulk? Iyon ang nangyari sa mga kaibigan natin, hindi ba?”
Napakamot ng kanyang ulo si Andrei. “Oo nga, malakas tayo kaysa karaniwang lalaki. Pero hindi mo naman mapagsasabay iyong dalawang babae. Kaya habang busy ako doon sa isa, busy rin sa akin iyong kasama niya. Mabuti nga sa leeg lang iyong kiss mark at hindi sa iba pang parte ng katawan ko. Baka nasaktan ko ang babaeng iyon kapag nagkataon.”
Hindi nakaimik si Chris pero napaisip siya sa sinabi ni Andrei.
“Wala ba talaga tayong matatandaan sa nangyari sa atin kapag nag-blackout na tayo?” Palaisipan pa rin kasi sa kanya kung sino ang babaeng nakasama niya kagabi. Kung si Rosie nga ba talaga iyon o may ibang babae siyang nakasama. Sa ganda niyang lalaki, naniniwala siyang may iba pang babae na interesado sa kanya. Kung hindi man ang mga maid sa bahay niya, baka kapaitbahay niya. O kaya naman may kasama siyang babae na naiuwi niya at hindi lang niya maalala.
“Kumusta ka naman? Parang walang epekto sa iyo ang nainom mong alak, ah. Kanino mo ba ibinunton iyong init ng katawan mo kagabi?”
“Sa totoo lang, hindi ko alam. Wala akong matandaan.”
Pinandilatan siya ni Andrei. “Paanong hindi mo alam? May inuwi ka bang babae? Hindi mo ba sinunod iyong sinabi namin na iyong asawa mo ang gamitin mo?”
“Hindi ko nga maalala, bro. Bago pa ako makapasok sa loob ng bahay ko, nag-blackout na ako. Tapos paggising ko, mag-isa na lang akong sa kuwarto ko. Nakahubad ako pero wala akong katabi.”
Humagalpak ng tawa si Andrei.
Naningkit ang mga mata ni Chris. “Pinagtatawan mo ba ako?”
Hindi sinagot ni Andrei ang tanong niya. Sa halip, iba ang lumabas sa bibig nito. “Welcome to the club, bro. Si MJ lang yata ang nalasing na hindi iniwan ng babae kasi misis niya iyong nakasama niya. Sayang akala pa naman namin magkakatikiman na kayo ng asawa mo,” napapailing nitong sabi.
“Gago! Hindi ako interesado sa babaeng iyon!”
“Whatever Galvez! Kapag nag-blackout ka na, kahit sinong babae ang papatulan mo. Sabihin ko nga kay Jak na painumin ka ulit ng alak niya para matuloy na iyong honeymoon ninyo ng asawa mo,” natatawang saad ni Andrei.
“Ulol! Umalis ka na nga rito! Istorbo ka lang sa trabaho ko!”
Tumayo na si Andrei at sinaluduhan pa siya nito bago lumabas ng opisina niya.
Nang mawala na ang kaibigan niya, muling nahulog sa malalim na pag-iisip si Chris. Paano nga kaya kung si Dani ang nakasama niya kagabi? Pero imposible iyon dahil maaga itong natutulog. Hindi na rin ito maglalakas ng loob na lapitan siya dahil alam nito kung gaano katindi ang galit niya rito. Kung puwede nga lang ba niya itong ihagis palabas ng bahay niya para lang makalaya siya rito, matagal na sana niyang ginawa.
Kung sino man ang babaeng nakasmaa niya kagabi, sana hindi muna ito umalis. Hinintay sana muna siyang gumising kung interesado itong makakuha ng bayad-danyos sa ginawa niya. Kaya hindi na niya kasalanan kung natakot ito at nilayasan siya.