“ANG sabi ko naman sa iyo, ipaubaya mo na sa amin ang pagtatrabaho rito. Hindi naman malalaman ni Sir Chris kung tumutulong ka sa amin o hindi, eh. Wala namang magsusumbong sa kanya. Umalis na si Rosie kaya wala ka nang dapat pang alalahanin na may magkukuwento pa kay sir sa mga pinaggagawa mo,” saad ni Yaya Aurea habang tinutulungan siya nitong ligpitin ang mga nagkalat na pinagkainan ni Chris na dumulas sa kamay niya kaya nahulog sa sahig.
Mabuti na lang at carpeted ang sahig kaya walang nabasag sa mga kubyertos. Kumalat lang iyong mga mumo sa sahig.
“Pasensiya na po, yaya. Nahihilo po kasi ako,” katuwiran ni Dani.
“Huh? May dinaramdam ka pala? Bakit hindi ka nagsasabi?”
Hindi umimik si Dani. Patuloy pa rin siya sa pagpulot sa mga nahulog na gamit.
“Naku! Umalis ka na nga rito. Doon ka na muna sa kuwarto mo. Ako na ang bahala rito,” pagtataboy sa kanya ng matanda.
“Pero ̶ ˮ
Hindi na naituloy ni Dani ang pangangatuwiran niya dahil iwinasiwas ni Yaya Aurea ang kamay nito at pinutol ang anumang protesta niya.
“Sabi ko na ngang ako na ang bahala rito, eh. Makulit ka talaga, Ma’am Dani!”
“Ah, sige po. Magpapahinga na lang muna ako,” napilitang sagot niya. Tumayo na siya at iniwan ang matanda na nagliligpit pa rin. Bumalik na siya sa kuwarto niya.
Ilang araw na niyang napapnsin na madalas siyang mahilo. Hindi naman siya nagpupuyat. Kahit paano maayos din naman ang tulog niya. Kumakain din siya sa tamang oras.
Iyon nga lang hindi talaga siya nakalalabas ng bahay. Nasa loob lang siya lagi. Ni ang pumunta sa garden o sa swimming pool ay hindi niya magawa. Minsan kasi na nagtangka siyang umupo sa mga lounge chair sa tabi ng pool ay pinagalitan siya ni Chris. Pinagbawalan siyang pumunta roon. Dapat ay sa loob lang siya ng bahay at hindi kung saan-saan siya pumupunta.
Hindi niya alam kung paano nalaman ni Chris na nagpunta siya sa may pool. May nagsumbong ba rito? O may CCTV na nakatutok roon? Pero magmula noon hindi na siya muling tumapak pa sa labas ng bahay, sa pool man, sa garden, sa garahe, sa gate, at kahit sa terrace pa. Natatakot siyang magalit ulit si Chris sa kanya.
Hindi man siya sinasaktan nito sa pisikal na paraan, natatakot pa rin siya kapag tumataas na ang boses nito. Ganoon siguro talaga dahil hindi siya sanay na napapagalitan. Hindi naman kasi siya pinagtataasan ng boses ng mga magulang niya o kahit ng ibang tao. Likas kasi siyang mabait na bata, sabi nga ng mama niya. Sa kanilang dalawang magkapatid ay ang Ate Kara niya ang may pagmaldita.
Nang makarating siya sa kanyang kuwarto ay agad siyang humiga sa kama. Parang umiikot kasi ang paligid niya. Kaninang umaakyat siya ng hagdan ay nararamdaman niyang nahihilo na naman siya. Mabuti na lang at nakaabot pa siya sa kuwarto niya bago siya tuluyang bumagsak.
Nang subukan niyang magmulat ay blurred ang paningin niya kaya pumikit na lang siya. Habang nakapikit siya ay unti-unti siyang idinuduyan ng antok hanggang sa tuluyan na siyang nakatulog.
Nagising na lang siya nang maramdaman niyang may tumatapik sa balikat niya.
“Hay! Salamat naman at nagising ka na rin!” nakangiting bungad ni Yaya Aurea.
Napilitang bumangon si Dani. Inalalayan naman siya ng matanda.
“Bakit po kayo nandito, yaya?” usisa niya.
“Kanina pa kita ginigising kasi hindi ka na bumaba mula pa kaninang umaga,” tugon ng matanda.
“Nakatulog naman po kasi ako. Anong oras na po ba?”
“Ala-una na ng hapon.”
Nanlaki ang mga mata ni Dani nang marinig ang sagot ng yaya ni Chris.
“Huh? Gano’n kahaba iyong tulog ko?” Ilang oras pala siyang nakatulog nang hindi niya namamalayan.
“Oo nga kaya umakyat na ako rito kasi nag-aalala ako nang hindi ka na muling bumaba para sa tanghalian.”
“Ah, sige po. Baba na po tayo. Nagugutomn a nga rin po ako, yaya.” Nagmamadaling bumaba ng kama si dani. Muntik pa siyang bumagsak sa sahig. Mabuti na lang at inalalayan siya ng matanda.
“Naku! Dahan-dahan ka, ma’am. Baka madisgrasya ka sa ginagawa mo,” wika nito.
“Salamat po, yaya.”
“Halika na. Tulungan na nga kita. Mukhang nanghihina ka na dahil sa gutom. Napansin ko rin nitong mga huling araw ay tulog ka ng tulog. May sakit ka na yata, ma’am. Baka kailangan mo nang magpa-check up,” suhestiyon nito.
Marahas na umiling si Dani.
“Huwag po ninyo akong alalahanin. Baka gutom lang ito,” wika niya. Ayaw niyang bigyan ng alalahanin ang matanda. Kpag nakarating pa man din iyon sa kaalaman ni Chris ay siguradong pagagalitan nito ang sariling yaya. Napakabuti nito kumpara sa asawa niyang anghel yata ng demonyo. Guwapo lang at maganda ang katawan ng asawa niya pero may sa demonsyo ang pag-uugali.
“Sigurado ka, ma’am?”
Tumango lang si Dani.
Napapalatak ang matanda. “Alam mo, hindi ko talaga maintindihan ang alaga ko, eh. Mabait naman siya pero pagdating sa iyo napakasalbahe niya. Basta kung may nararamdaman kang kakaiba sa katawan mo, magsabi ka lang. Dadalhin kita sa ospital para maipagamot ka. Huwag kang mag-alala, kakampi mo kaming lahat dito sa bahay. Wala na si Rosie na kontrabida at lagi kang isinusumbong kay Sir Chris.”
“Maraming salamat po sa inyo, yaya. Napakabuti ninyo sa akin. Mas gusto pa yata ninyo akong kampihan kaysa sa asawa ko.”
“Siya naman itong may mali. Wala ka namang kasalanan kaya kita kinakampihan.”
Napangiti nang matamis si Dani. Mabuti na lang at may mga taong katulad nito na hindi kinukunsinti ang kasalanan ni Chris. Siguro ganoon din ang mga magulang ng asawa niya. Sayang nga lang at hindi niya sila nakilala nang husto.
Nakita lang niya ang mag-asawa noong araw ng kasal nila ni Chris. Pagkatapos ay hindi na niya sila muling nakita pa hanggang ngayon.
Pati ang sarili niyang magulang ay hindi na rin niya nakita pa. Nami-miss na niya sila pero kailangan niyang magtiis dahil sa ginawa niya. Alam niyang galit sa kanya ang mga magulang niya lalo na ang papa niya. Pero hindi na magbabago pa ang mga pangyayari. Nandito na siya kaya paninindigan na niya kahit nahihirapan pa siya.
Lumipas pa ang ilang araw na nagpatuloy ang nararamdaman niyang pagkahilo. Tapos tuwing umaga at pati hapon ay lagi siyang inaantok. Hinahayaan naman siya ni Yaya Aurea na magpahinga kapag wala sa bahay si Chris. Kaya mas madalas ay nasa kuwarto lang siya at natutulog.
“Nag-aalala na talaga ako sa iyo, Ma’am Dani. Palagi ka na lang nahihilo at natutulog. Baka gusto mo nang magpa-check up sa doktor. Sasamahan ka namin mamaya sa ospital,” wika ni Yaya Aurea habang binabantayan siya nitong kumain ng tanghalian.
Kagaya ng dati nakatulog na naman siya kaya late siyang nakakain. Tapos na silang lahat pero siya ay kumakain pa lang ngayon.
“Hindi na po, yaya. Baka kailangan ko lang maarawan para gumaan ang pakiramdam ko.”
“Namumutla ka nga, ma’am. Pero baka may iba ka pang sakit,” pangungulit ng matanda.
Napakagat-labi si Dani. Kahit siya ay nag-aalala na rin sa kanyang sarili. Ayaw lang niyang ipahalata sa matanda. Baka kasi makarating pa ito kay Chris. Magagalit na naman ang asawa niya kapag nagkataon.
“Hindi kaya buntis ka, ma’am kaya madalas kang nahihilo at laging inaantok?”
Tumalsik yata palabas ng katawan niya ang kanyang puso dahil sa sinabi ng matanda. Nagbunga na ba ang isang gabing pag-angkin sa kanya ni Chris?
“T-Tingin po ninyo…b-buntis a-ako?” naninigurong tanong ni Dani. Hindi niya malaman kung ano ang dapat maramdaman ng oras na iyon.
Kung buntis siya, matutuwa ba si Chris? Baka magalit lang ito lalo na at hindi niya alam kung paano ipaliliwanag dito ang nangyari sa kanila ng gabing iyon. Lasing na lasing ang asawa niya ng gabing iyon. Siguradong hindi nito natandaan kung sino ang nakasama nito sa kama. Ang malala pa nito, baka hindi ito maniwala sa kanya kapag sinabi niya iyon.
“Hindi ako doktor, ma’am. Pero may mga palatandaan na buntis ang isang babae. Iyong pagiging antukin mo at lagi kang nahihilo ay ilan lang sa mga senyales na buntis ang babae.”
Hindi nakaimik si Dani. Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o matatakot.
“Halika na. Magpa-check up ka na lang sa ospital para makasiguro tayo,” suhestiyon ni Yaya Aurea.
Nag-aalangan si Dani. “Baka may iba pang paraan upang malaman natin kung buntis ako o hindi, yaya. Ayoko po sa ospital. Kapag natagalan tayo roon at malaman ni Chris na lumabas ako ng bahay, madadamay lang kayo sa galit niya.”
Napabuntunghininga ang matanda. “Ganyan ba talaga katindi ang takot mo sa iyong asawa?”
Alam ni Dani na hindi na niya kailangan pang sumagot sa tanong na iyon ni Yaya Aurea. Kahit naman magkaila pa siya ay hindi rin maniniwala ang matanda.
“Ganito na lang ang gawin natin. Bibili na lang ako ng pregnancy test kit sa botika mamaya. Tapos gamitin moa gad. Kapag nalaman nating buntis ka, tutulungan kitang makipag-usap sa asawa mo para maipa-check up ka sa doktor. Ayos ba iyon, ma’am?”
“Okay po, yaya. Salamat po sa inyo.”
Nginitian lang siya ng matanda.