Chapter 14 - When Dying is the Only Option

1539 Words
“HETO na iyong binili kong pang-pregnancy test,” ani Yaya Aurea nang iabot nito ang isang supot. Kinakabahang tinanggap iyon ni Dani. “Maraming salamat po.” “Gamitin mo na iyan ngayon,” utos pa ng matanda. “Sige po, yaya.” Isinara na niya ang pinto ng kuwarto niya. Tapos umupo siya sa gilid ng kama niya at inilabas ang laman ng supot. Napabuga siya ng hangin nang makitang tatlong piraso pa ng PT ang binili ni Yaya Aurea. Naniniguro talaga ang matanda. Binasa muna niya ang instruction kung paano gamitin ang PT bago siya pumasok ng banyo. Ilang beses na kumurap si Dani. Nagbabakasakali siyang magbabago ang nakikita niya. Ngunit wala pa ring nangyari. Dalawang linya pa rin ang nasa pregnancy test strip na hawak niya. Pakiwari niya ay naging jelly ang mga paa niya. Halos hindi na siya makatayo nang maayos. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon ni Chris kapag nalaman nito na buntis siya. Pero hindi rin naman niya puwedeng itago ang katotohanan. Siguradong magsasalita si Yaya Aurea kahit pa pigilan niya ito. Bukod pa roon, malalaman pa rin ng asawa niya ang totoo kapag lumaki na ang tiyan niya. Kaya mas maganda siguro na sabihin niya ang totoo habang maaga pa. Mabigat ang dibdib na lumabas siya ng banyo. Sinipat ang relo sa dingding. Alas-otso na ng gabi. Kararating pa lang ni Chris mula sa opisina kaya kailangan niya itong makausap bago pa ito makatulog. Maingat siyang lumabas ng kuwarto at bumaba ng hagdan. Naabutan niya ang kanyang asawa na nasa hapag-kainan. Pumuwesto siya sa kanyang upuan. Hindi siya agad kumuha ng pagkain niya, sa halip, binalingan niya ang asawa. “Anong ginagawa mo rito? Bakit ka nandito? Hindi ba sinabi ko nang ayaw kitang kasabay na kumain?” galit nitong tanong sa kanya. Napalunok si Dani. “Chris, puwede ba kitang makausap?” lakas-loob niyang tanong dito. Nilingon siya agad ni Chris. Matalim ang mga mata nitong tinitigan siya. “Anong kailangan mo? Bilisan mo, nagmamadali ako,” walang kangiti-ngiting saad ni Chris. Muling napalunok si Dani. Imbes na sumagot, kinapa niya ang bulsa ng kanyang jogging pants. Inilabas niya ang pregnancy test strip at inilapag ito sa tapat ng asawa. Nagkasalubong ang mga kilay ng asawa niya. “Ano naman iyan?” Binasa muna ni Dani ang labi niya bago siya sumagot. “Chris, buntis ako.” Nanlaki ang mga mata ni Chris. Matalim ang mga matang tinitigan siya nito. “What did you say? Buntis ka? Paano kang nabuntis? Wala namang nangyari sa atin!” “Chris, hindi mo lang ̶ ˮ Hindi na siya pinatapos na magsalita ni Chris. Ngunit hindi rin niya inaasahan ang sumunod nitong ginawa. Bigla itong tumayo at nilapitan siya saka siya nito sinakal. “Ang kapal ng mukha mong lokohin ako! Sino’ng ama ng batang iyan? Sino?” Dumadagundong na parang kulog ang tinig ni Chris. Hindi naman makasagot si Dani dahil sa sobrang gulat. Halos hindi na rin siya makahinga dahil humigpit pa lalo ang pagkakasakal sa kanya ni Chris. “Sino siya, Dani? Bakit ayaw mong sumagot?” Marahas na umiling si Dani. Pilit din niyang inaalis ang kamay ni Chris sa leeg niya. Baka mapatay siya ng asawa niya sa ginagawa nito. Magiging kriminal ito dahil lang sa kanya. “Sumagot ka!” bulyaw nito. Lalong dumagdag ito sa takot na nararamdaman niya. “H-Hindi k-kita…n-niloloko! A-Anak…m-mo...i-ito!” Napaluha na lang si Dani dahil nanlilisik na ang mga mata ni Chris. “No! You’re lying!” marahas na sigaw ni Chris. Bigla siya nitong binitiwan saka nito pinagsusuntok ang pader. Nakita ni Dani na dumudugo na ang kamao ng asawa niya. Sa takot niya na siya ang muling pagbalingan ay napaluhod siya sa tabi ng kanyang asawa. “Chris, nagsasabi ako ng totoo! Anak mo ang ipinagbubuntis ko! Maniwala ka sa akin!” Binalingan siya ni Chris. Kuyom pa rin ang mga kamao nito. Ang isa ay may sugat na at dumudugo pa. Napaatras si Dani nang mapansin ang madilim na anyo ng asawa niya. Namumula ang buong mukha nito kasama na ang leeg. “Get out! Out!” sigaw nito. Halos maglabasan na ang litid nito sa leeg. Napatakip ng kanyang bibig si Dani. Nag-uunahang malaglag ang mga luha niya. “I said, out! Lumayas ka rito sa pamamahay ko!” Itinuro pa ni Chris ang direksyon kung nasaan ang main door. Napailing si Dani. Hindi siya puwedeng umalis. Saan naman siya pupunta? Kung babalik siya sa bahay nila. Siguradong tatanggapin siya ng mga magulang niya. Pero paano naman si Chris? Siguradong sisingilin ito ng papa niya. Ito ang pagbubuntunan ng lahat ng galit ng kanyang ama. Ayaw niyang mangyari iyon dahil magkakagulo silang lahat. “Please, huwag mong gawin sa akin ito, Chris,” pagmamakaawa niya. Akmang kakapit siya sa binti ng asawa niya ngunit mabilis siya nitong tinalikuran. Walang nagawa si Dani kung hindi ang umiyak na lang. Eksaktong pagtayo niya ay siya namang pagbalik ng kanyang asawa. “Aalis ka o hindi?” matigas nitong sabi habang naglalakad palapit sa kanya. Nanigas sa kanyang kinatatayuan si Dani nang mapansin niya ang baril na hawak ni Chris. Papatayin ba siya ng asawa niya? “O baka gusto mong pasabugin ko na lang iyang ulo mo para mamatay na kayo ng anak mo!” Itinutok nito ang baril sa mismong ulo niya. Biglang umalingawngaw sa isip niya ang sinabi ni Chris noong araw ng kasal nila. Bakit nga ba niya nakalimutan iyon? “Mark my words. I’ll make your life a living hell!” Hindi niya lubos akalaing aabot sila sa ganitong punto. Mahal niya si Chris kaya siya pumayag na maging substitute bride nito. Pero ganito lang pala ang kalalabasan ng lahat ng paghihirap niya sa piling nito. Sana nga umalis na siya noong unang araw na bigyan siya nito ng sama ng loob. “Bibilang ako ng tatlo! Kapag hindi ka pa umalis, sasabog ang ulo mo!” Nang marinig ni Dani ang pagkasa ng baril ni Chris, napilitan siyang humakbang paatras. “Isa!” Napapailing na muling umatras si Dani. “Dalawa!” Napilitan siyang tumalikod at nagmamadaling humakbang palayo sa kanyang asawa. Mabilis namang tumabi ang mga maid na nanonood pala sa kanila. Hindi niya sila napapansin dahil ang buong atensyon niya ay nasa kanyang asawa “Tatlo!” Nasa harapan na ng main door si Dani nang marinig niya iyon. Nang lingunin niya ang pinanggalingan ay napansin niya naglalakad na si Chris palapit sa kanya habang nakatutok ang baril nito. Binuksan niya ang pinto at nagmamadaling lumabas. Tinakbo niya ang kahabaan ng driveway. Nang makarating siya sa gate ay kusang bumukas ito. Sinulyapan niya ang guwardiyang nagbabantay rito. Malungkot naman itong tumango sa kanya. Hindi na siya nagsalita pa. Nakalabas na siya ng gate nang muli niyang lingunin ang bahay. Nakasunod pa rin sa kanya si Chris at malapit na ito sa gate. Sa takot na maabutan siya nito ay nagtatakbo siya palayo. Ilang metro lang ang layo ng bahay nila sa entrance ng subdivision. Tuloy-tuloy siya sa paglabas. Hindi naman siya sinita ng mga guwardiya na naroon. Basta na lang niya sila nilagpasan at ldiretso siyang tumakbo. Sa katatakbo niya, hindi niya napansin na nasa kalsada na pala siya. Napahinto na lang siya nang makarinig nang maingay na tunog ng sasakyan. Nanlaki ang mga mata niya nang mapansin ang rumaragasang SUV. Bago pa siya makakilos ay nahagip na siya nito. Tumalsik siya at bumagsak sa gilid ng kalsada. Hindi man lang huminto ang nakabangga sa kanya. Tumakbo pa ito nang mabilis at iniwan na lang siya. Kahit nanlalabo ang kanyang paningin ay napatingin siya sa ibabang bahagi ng katawan niya. Napansin niya ang dugo na kumalat sa paanan niya. Mahabaging langit! Nadisgrasya na yata ang baby niya! “I’m sorry, baby. I’m really sorry,” sabi niya habang nakahawak sa kanyang tiyan na nagsisimula nang kumirot. Kasabay nang pagluha niya ay ang pagbagsak ng ulan. Kasunod nito ay ang malakas na kulog at kidlat. Nakikiramay yata ang langit sa kapalaran niya. Pinilit niyang bumangon ngunit hindi niya maigalaw ang kanyang mga paa. Napaiyak na lang siya sa gitna ng lumalakas na ulan. Nang hindi na niya kayang kumilos pa ay ipinikit na lang niya ang kanyang mga mata. Kung mamamatay man siya ngayon, at least kasama naman niya ang kanyang anak sa paglisan niya sa ibabaw ng mundo. Matatahimik na rin si Chris. Wala na itong poproblemahin pa. Naging masaya naman siya kahit paano sa piling nito. Natupad ang pangarap niyang iyong taong mahal niya ang kanyang mapangasawa. Pero hanggang dito na lang siguro ang pagsasama nila. Napapagod na rin siyang mahalin ito at intindihin ito. Kaya lang hindi niya maintindihan kung bakit kinakailangan pang madamay ang buhay ng anak nila. Wala naman itong kasalanan. Inosente ito. Ang dapat sisihin ay siya mismo. Pumayag siyang magpakasal kay Chris kahit pa binantaan na siya nito noon na magiging impiyerno ang buhay niya sa piling nito. Pero tumuloy pa rin siya, sumugal sa ngalan ng pag-ibig. Sa bandang huli, natalo siya at pati ang inosenteng bata sa tiyan niya ay nadamay sa pagkakamali niya. “Patawarin mo ako, anak. Patawarin mo si mommy pati na ang daddy mo. Hindi namin sinasadya.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD