Chapter 15 -Is it Love or Something Else

2654 Words
“BAKIT mo siya pinaalis? Hindi ka man lang naawa sa kanya. Buntis iyong tao. Saan siya pupunta ngayon? Mukhang uulan pa,” paninisi ni Yaya Aurea kay Chris. Nakabalik na siya sa loob ng bahay at naabutan niya ito kasama ang iba pang maid na nag-aabang sa kanya sa tabi ng pintuan. Hindi niya pinansin ang yaya niya. Tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad. Umakyat siya sa ikalawang palapag ng bahay. Dumiretso siya sa kanyang kuwarto. Pagdating niya roon ay agad niyang itinago sa lagayan ang hawak niyang baril. Wala naman siyang balak barilin si dani. Inilabas lang niya iyong baril para takutin ito. Baka sakaling mapaamin niya ang walang hiya niyang asawa. Pero matigas ito. Pilit pa rin nitong sinasabi na anak niya iyong ipinagbubuntis nito. Bullshit! Siya pa itong lolokohin! Alam naman nilang pareho na walang nangyari sa kanilang dalawa kahit minsan. Ni hindi nga niya pinag-iinteresan ang babaeng iyon. Paano naman niya ito mabubuntis? Imposibleng galawin niya ito! Kahit sa panaginip o sa bangungot ay hindi niya ito gugustuhing angkinin. Maliban na lang kung… Biglang napaupo sa gilid ng kama si Chris. Napaisip siya. Hindi kaya pinagsamantalahan siya ni Dani habang natutulog siya? O kaya kapag nalalasing siya? Shit! Ilang beses na ba siyang nalasing magmula nang tumira sa bahay niya ang lintik na babae? Hindi niya maalala kung ilan. Basta sa pagkakaalam niya ay hindi lang dalawang beses iyon. Sinamantala ba iyon ni Dani? Walang hiya! Ang kapal naman ng mukha ng babaeng iyon! Gusto pa talaga nitong magpabuntis sa kanya! Dapat pala noon pa niya ito pinalayas. Bakit ngayon lang niya ito pinaalis? Kung totoo man ang sinasabi nito na siya ang ama ng dinadala nito, kasalanan na niya kung bakit niya ito pinalayas. Hindi naman siya interesado sa batang iyon. Siguro ang mga magulang niya ay puwede pang magkainteres doon. Pero siya hindi. Wala siyang kahit katiting na gusto sa nanay kaya hindi rin siya magkakainteres sa anak na sinasabi nito. Isa pa’y hindi siya sigurado na nagsasabi ito ng totoo. Baka ibang lalaki ang nakabuntis dito at gusto lang ipaako sa kanya. Bullshit talaga! Napatayo siyang bigla nang bumukas ang pintuan niya. “Chris! Tulungan natin si Dani! Baka kung mapaano siya! Umuulan na sa labas!” humahangos na wika ni Yaya Aurea nang pumasok ito. “Wala akong pakialam kung ano man ang mangyari sa babaeng iyon!” matigas niyang sabi. “Bakit ka ba ganyan? Hindi ka man lang ba naawa kay Dani? Asawa mo iyong tao. Hindi naman siya kung sino lang,” naiiyak nang saad ng matanda. Napahilamos ng kanyang mukha si Chris. “Bakit ba siya ang kinakampihan ninyo? Ako ang nagpapasweldo sa iyo, yaya. Ako rin ang alaga at amo mo rito. Bakit mas mahalaga pa sa iyo ang babaeng iyon?” “Hindi mo kasi ako naiintindihan, iho. Hindi naman sa kinakampihan ko si Dani. Pero mali ka naman sa ginagawa mo sa kanya. Kahit sabihin pa natin na hindi mo siya gusto, hindi pa rin tama na tratuhin mo siya na parang pinakamakasalanang tao. Mahal ka ni Dani. Kaya nga tinitiis niya ang lahat ng masamang ipinapakita at pagtrato mo sa kanya. Wala kang narinig na reklamo o panunumbat sa kanya kahit nahihirapan na siya. Pero ang sama mo. Pinalayas mo pa siya ng dis-oras ng gabi at umuulan pa. Paano na lang kung mapahamak siya?” Tuluyan nang umiyak ang yaya niya. May katotohanan naman ang sinasabi nito. Pero hindi niya talaga kayang pakisamahan si Dani. Ayaw niya rito kahit ano pa ang gawin nito. “Yaya, pabayaan na ninyo siya. Kayo na ang nagsabi na wala siyang mapuntahan. Baka mamaya bumalik din siya rito. Kapag bumalik siya, ihahatid ko na siya sa mga magulang niya bukas.” Iyon na ang sinabi niya para lang tumigil ang matanda. Marahas na umiling si Yaya Aurea. “Hindi puwede iyang sinasabi mo. Susundan namin siya ni Pekto. Baka nasa labas lang siya ng subdivision. Ibabalik namin siya rito. Pag-usapan ninyo nang maayos ang problema ninyo. Kung talagang ayaw mo sa kanya, mabuti pa nga na ihatid mo na siya pabalik sa bahay ng mga magulang niya.” Napasabunot ng kanyang buhok si Chris. “Ang kulit mo , yaya! Bahala na kayo! Basta wala akong pakialam kahit ano pa ang mangyari kay Dani!” Hindi na muling nagsalita pa ang ayya niya. Lumabas na ito ng kuwarto niya. Siya naman ay muling napaupo sa kanyang kama. Lumalakas na ang ulan. May kasama pang kulog at kidlat. Baka nasa tabi-tabi lang si Dani. Hindi ito makalalayo sa ganitong panahon. Twenty minutes pa ang lumipas bago niya narinig ang malakas na katok sa pintuan niya. Nang buksan niya ito, si Yaya Aurea ang nasa labas. “Ano’ng nangyari?” curious niyang tanong. “Wala na siya. Hindi na namin inabutan. Ang sabi ng mga guwardiya sa gate, may nakita silang babae na tumatakbo palabas ng main gate. Hindi nila alam kung saan siya dumiretso. Sinubukan namin ni Pekto na hanapin siya sa kalsada pero hindi namin siya nakita. Pagbalik namin may nabanggit ang mga guwardiya na ilang minuto lang daw ang lumipas mula nang may dumating na ambulansiya. May naaksidente raw sa kalsada. Hindi kaya si Dani iyong naaksidente? Puntahan natin siya sa ospital, iho. Kawawa naman siya,” muling pakiusap ng matanda. Napakunot ang noo ni Chris. “Yaya, hindi ka sigurado na si Dani nga iyong naaksidente. Baka sumakay na ng taxi ang babaeng iyon at nagpahatid sa bahay nila kaya hindi na ninyo siya inabutan,” katuwiran niya. “Paano kung hindi gano’n ang nangyari? Paano kung siya pala iyong naaksidente? Baka nabangga siya. Halika na samahan mo kami ni Pekto sa ospital,” pangungulit ni Yaya Aurea. Hinawakan pa nito ang braso niya. Umiling si Chris. “Yaya, makulit ka talaga. Sigurado akong hindi si Dani iyong naaksidente. Ang tanga naman niya kung siya iyon. Baka umuwi na siya sa bahay nila. Huwag na ninyo siyang guluhin,” saad niya saka inalis ang kamay ng matanda na nakakapit sa braso niya. “Bakit ka ba nagkakaganyan? Wala ka na bang puso? Hindi ka naman dating ganyan, ah. Paano kung nagkamali ka ng akala? Paano kung si Dani nga iyong nasangkot sa aksidente? Sa labas lang ng subdivision iyon,” muling ungot ng yaya niya. Napasabunot na ng kanyang buhok si Chris. “Ano ba naman, yaya? Ang kulit-kulit ninyo! Bumalik na kayo sa kuwarto ninyo at magpahinga na. Huwag na ninyong isipin pa ang babaeng iyon. Kung mapapahamak man siya, kasalanan niya iyon.” “Hindi ka naaawa sa kanya? Kahit sana iyong batang nasa tiyan na lang niya ang kaawaan mo. Wala namang kasalanan sa inyo iyong inosenteng bata. Kasalanan ba niya na kayo ang naging magulang niya?” Sunod-sunod ang ginawang pagbuga ng hangin ni Chris. Sumusobra na talaga ang yaya niya. Hindi na tama itong pinagsasabi nito. “Puwede bang kalimutan na ninyo si Dani? Saka hindi maaring ako ang ama ng dinadala niya! Hindi ko siya kailanman ginalaw. Walang nangyari sa amin kahit pa sa panaginip. Kaya bakit ako maaawa sa batang iyon? Anong pakialam ko sa kanya? Ako na nga itong niloko, ako pa dapat ang makonsensiya! Baligtad naman yata ang katuwiran ninyo?” Kaunti na lang at mabubulyawan na niya talaga ang tagapag-alaga niya. “Sigurado ka bang walang nangyari sa inyo kahit minsan? Baka nakalimutan mo lang dahil lasing ka. Hindi naman lumalabas ng bahay ang asawa mo kaya paano siya mabubuntis ng ibang lalaki?” Napakuyom ang dalawang kamao ni Chris. Sinasagad na ng yaya niya ang kanyang natitirang pasensiya. “Tigilan na natin ang usapang ito! Ayoko nang pag-usapan pa ang babaeng iyon! Wala kayong pakialam sa problema naming dalawa. Isa lang ang sigurado ko. Hindi ako ang ama ng batang ipinagbubuntis niya,” may diing wika niya. Hinawakan na niya sa kamay ang yaya niya at pilit itong pinalabas ng kanyang kuwarto. Magsasalita pa sana ang matanda ngunit iwinasiwas niya ang kanyang kamay. “Tama na, yaya. Ayoko nang marinig ang pangalan niya mula sa gabing ito. Para na ninyong awa.” Hindi na niya hinintay na muli pang humirit ang matanda. Isinara na niya ang pinto. Saka siya bumalik sa pagkakahiga sa kanyang kama. Kinabukasan at nang mga sumunod pang araw ay hindi na siya kinibo ng yaya niya. Maging ang iba pang maid at si Mang Pekto ay hindi siya kinakausap man lang. Parang naging tahimik ang lahat ng kasambahay niya magmula nang mawala si Dani. Pero hinayaan lang niya sila. Hindi niya pinapansin ang pagsisintemyento ng mga ito. Bahala sila sa gusto nilang mangyari. Siya ang amo ng bahay kaya dapat lang na siya ang masusunod. Makalipas lang ang isang linggo ay dinalaw siya ng mga kaibigan niya sa kanyang bahay. Hindi niya alam kung ano ang nakain ng mga ito at bigla na lang siyang pinuntahan. “May balak pala kayong pumunta rito. Bakit hindi man lang kayo nagpasabi?” bungad niya sa mga ito nang madatnan niya sa living room. Hindi pa nga siya makapaniwala na may bisita siya. Sinabihan lang siya ng isa sa mga maid na dumating daw ang mga kaibigan niya. Kaya nagulat siya talaga dahil wala siyang kalam-alam sa plano ng mga ito. Halos kumpleto pa man din ang mga malalapit niyang kaibigan mula kay MJ, Andrei, Joshua, at Enzo. Nawawala lang sina Jak at Jerome. “Anong agenda naman ninyo at bigla na lang kayong dumalaw?” usisa niya. Nagkatinginan ang mga ito at nagturuan pa kung sino ang magsasalita at sasagot sa tanong niya. “Gusto ka lang naman naming kumustahin. Saka baka puwede mo na ring ipakilala sa amin ang misis mo. Hindi pa namin siya nakikilala. Mabuti pa iyong misis nina MJ at Enzo, kilala na namin. Pero iyong asawa mo kahit pangalan niya ay hindi namin alam,” ani Andrei. Napasimangot si Chris. “Wrong timing kayo. Dapat last week pa kayo pumunta rito.” “Bakit? Ano bang nangyari?” tanong ni MJ. “Wala siya rito. Umuwi siya sa bahay ng mga magulang niya,” pagdadahilan niya kahit hindi siya sigurado na nasa bahay ng parents nito si Dani. Nagpapalatak sina Andrei at Joshua. Pareho namang napailing sina Enzo at MJ. “Sayang naman. Dapat pala inagahan namin ang pagpunta rito,” ani MJ. “Kailan ba siya babalik dito?” tanong naman ni Enzo. Hindi malaman ni Chris kung paano sasagutin ang tanong ng kanyang kaibigan. “Hindi ko alam, bro. Isang linggo na kasi magmula noong umalis siya,” pagpapalusot niya. Sana ay hindi makahalata ang mga kaibigan niya na nagsisinungaling lang siya. “Nag-away ba kayo?” magkasabay na tanong nina Joshua at Andrei. “O-Oo,” tugon niya. Nagkamot ng kanyang ulo si MJ. Napabuntunghininga naman si Enzo. Natahimik naman sina Andrei at Joshua. “Suyuin mo na bago pa lumaki ang problema ninyo. Normal lang naman sa mag-asawa ang magkaroon ng tampuhan o hindi pagkakaunawaan. Pero napag-uusapan naman iyan. Hindi ba, MJ?” wika ni Enzo. Tumango naman si MJ. “Tama si Enzo, bro. Kaya nga ako lahat ng bagay ay pinag-uusapan namin ni Lian. Mahirap na baka magkaproblema kami ulit tulad ng dati. Ayoko nang magkahiwalay kami. Halos mamatay ako noong bigla na lang siyang mawala.” May kung anong tumusok sa dibdib ni Chris sa sinabing iyon ni MJ. Ngunit hindi siya nagpahalata sa mga kaibigan niya. Hindi siya dapat makonsensiya sa nangyari sa kanila ni Dani. Hindi naman niya kasalanan iyon. Kasalanan iyon ng asawa niya. “Dapat mo ring tandan, bro iyong kasabihan tungkol sa mga babae,” sabad ni Enzo. “Ano namang kasabihan iyon?” interesado niyang tanong. “A happy wife means a happy marriage,” sagot ni MJ. Biglang napaubo si Chris. Wala naman siyang kinakain o iniinom pero nasamid siya sa sarili niyang laway. “O, ano’ng nangyari sa iyo?” tanong ni Andrei. Hinagod pa nito ang likod niya. “Ah, wala ito. Nagulat lang ako sa sinabi ni MJ. Ganyan mo ba tinatrato si Lian?” Kilalang-kilala niya ang kaibigan. Natatandaan niya ang mga sakripisyo nito magmula pa noong nag-aaral sila sa St. Andrew at hinahabol-habol nito si Lian na ngayon ay asawa na nito. “Oo naman. Alam na ninyo kung gaano katindi ang pagmamahal ko sa kanya magmula pa noong mga bata tayo. Kaya nga noong mawala siya halos ikamatay ko na. Mabuti na lang at ibinalik siya ng Diyos sa akin,” paglilinaw ni MJ. “Hindi lang naman ikaw ang nagkaproblema dati sa asawa. Ako rin naman. Abot hanggang langit ang pagsisisi ko nang bumalik ang aking alaala at nalaman kong wala na si Elaine. Kulang na lang patayin ko iyong pinsan niyang si regine na siyang may pakana ng lahat. Kung hindi lang babae iyon at minsan ding naging mahalaga sa buhay ko, baka napatay ko na siya,” kuwento naman ni Enzo. Alam din niya ang kuwnetong iyon ni Enzo at ng misis nitong si Elaine. Pero wala siyang balak magkuwento tungkol sa kanila ni Dani. Wala naman siyang magandang sasabihin. Baka sisihin pa siya kung sakaling malaman nila ang pinaggagawa niya sa kanyang asawa. Sarilinin na lang niya ang problema nila. Hindi na niya gustong isiwalat pa sa iba. “apinumin ko na lang kayo. Tuatal naman nandito na kayo. Iba na lang ang pag-usapan natin. Huwag na iyong sa akin,” pag-iiba niya sa usapan. Tumayo na siya bago pa makapagprotesta ang mga kaibigan niya. Nagpakuha siya ng alak at pulutan sa mga maid. Ilang sandali pa ay masaya na silang nag-iinuman. Tipsy na siya nang muling mapunta na naman sa kanya ang usapan. “Alam mo, bro, naiinggit ako sa inyong tatlo. Mabuti pa kayo may mga asawa na. Samantalang ako, wala na yatang pag-asa. Hindi na ako gustong tanggapin ng first love ko. Galit na galit siya sa akin hanggang ngayon. Magsasampung taon pero hindi pa rin niya makalimutan iyong kasalanan ko sa kanya,” kuwento ni Joshua. “Sino ba iyong first love na tinutukoy mo?” usisa ni Chris. Wala naman kasing ikinukuwento sa kanila si Joshua tungkol sa lovelife nito. Sa lahat ng kanilang magkakaibigan, ito ang pinakamalihim. “Oo nga. Wala kaming alam sa kanya, ah,” sabad naman ni Andrei. “Si Steph ang tinutukoy ko. Mahal ko na siya magmula pa noong mga bata kami.” Nagkatinginan silang apat sa sagot ni Joshua. “Kilala ba namin iyang Steph na sinasabi mo?” tanong ni MJ. “I think so. Siya lang naman iyong nakababatang kapatid ni Kentt Bonifacio,” tugon ni Joshua na halatang lasing na. Naibuga ni Andrei ang iniinom nito at tumama kay Chris. Hinampas niya ang balikat ng kaibigan dahil sa ginawa nito. Nagkatinginan naman sina Enzo at MJ. “First love mo si Dok Steph?” paniniguro ni MJ. Alam kasi nila kung sino ang kapatid ni Kentt. Kambal na babae ang mga iyon. Ang isa ay si Dok Steph at iyong isa ay si Sasha na asawa naman ni Raiden. “Yeah, she’s the only woman I love then, now, and until forever.” Biglang napahawak ng kanyang dibdib si Chris. Sa hindi malamang dahilan, pumasok sa isip niya si Dani. Bakit ba niya naisip ang babaeng iyon? Hindi niya iyon gusto. Kung ang mga kaibigan niya ay may mga first love, siya naman nawawala at hinahanap pa niya. Hindi siya gaanong naniniwala sa pag-ibig. Uso lang iyon sa mga kaibigan niya at hindi yata para sa kanya. Paano ba siya mai-in love sa babaeng hindi naman niya gusto noong una pa lang? Kalokohan lang ang pag-ibig. Hindi iyon magkakatotoo sa kanya. Kahit nga ngayon, hindi pa siya sigurado sa nararamdaman niya kay Ellie. Baka kaya hindi niya ito makalimutan at gusto niyang makita ay dahil may utang na loob siya rito na dapat niyang pagbayaran. Pero iyong pag-ibig na katulad ng nararamdaman ng mga kaibigan niya, wala iyon sa kanya. Wala talaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD