NAPAPITLAG si Chris nang maramdaman niyang may tumapik nang malakas sa kanyang balikat.
“Hey! Chris, okay ka lang?”
“Ha?” Napatingin siya kay MJ pafkatapos ay sa mga kasama nilang naroon. Lahat sila ay nakatinngin sa kanya. Nag-space out ba siya?
“Ano bang nangyayari sa iyo?” tanong ni Josh.
Nasa board meeting sila ng K and R Resort kaya lahat silang shareholders ay naroon.
“Pasensiya na mga bro. Masama lang kasi ang pakiramdam ko ngayon,” pagdadahilan niya.
“Alright, ganyan lang siguro ang mga nawawala ang lovelife, nagkakasakit at laging wala sa sarili,” ani Jak.
Nagkatawanan ang mga kasama nila sa meeting room.
“Balik na tayo sa pinag-uusapan natin,” sabad naman ni Raizer na nakatayo pala sa gitna.
“May sakit ka, bro?” pabulong na usisa ni MJ.
Imbes na sumagot, itinapat ni Chris ang kanyang palad sa puso niya.
Napailing-iling naman si MJ sa inakto niya.
Tuloy ang meeting nila kahit na sa totoo lang gusto nang tumayo ni Chris at umuwi na sana. Hindi talaga maganada ang pakiramdam niya.
Ilang taon nang wala ang asawa niya. Nakarating na siya sa dead end. Wala ng detour iyon. Pinipilit niyang makalimot sa araw-araw na lumilipas. Nahihirapan siya lalo na at siya naman ang may kasalanan kung bakit nawala sa kanya si Dani.
Kung hindi siguro siya siraulo, gago, at walang hiyang asawa, baka buhay pa ang asawa niya at marahil malaki na rin ang anak nila. Pero kahit anong pagsisisi ang gawin niya, hindi na niya maibabalik pa ang mga buhay na nawala. Pinagdudusahan niya ngayon ang lahat ng kasalanang nagawa niya.
Mas madali sanang mag-move on kung hindi niya natutuhang mahalin si Dani. Saka lang niya na-realize na may gusto siya rito, na mahal pala niya ito noong wala na sa tabi niya ang kanyang asawa.
Bakit ba late na niya na-realize iyon? Kung kailan wala na ito saka niya hinahanap. Noong nasa tabi pa niya si Dani, kulang na lang ay ipagtulakan niya ito sa palabas ng bahay.
Pinipilit niyang maging mabuhay nang maayos sa bawat araw na nagdaan. Kapag nasa trabaho siya, pansamantala niyang nakalilimutan ang pagkawala ng asawa niya. Pero sa oras na umuwi na siya, kandahirapa siyang matulog at kahit kumain.
Kaya itinataon niya ang halos lahat ng kanyang meeting sa oras din ng kainan para may gana siyang kumain kahit paano. Kapag may kasama siyang kumain, nakakakain kahit kaunti dahil ang pokus niya ay sa meeting at hindi sa pagkain.
Hindi niya kayang kumain na mag-isa o kahit matulog na walang kasama na dati ay ginagawa niya. Pakiwari niya kailangan niya si Dani para makakain siya o makatulog nang maayos.
Sa nakalaipas na limang taon, pilit niyang sinasanay ang sarili na hindi na babalik ang asawa niya, na mag-isa na lang habambuhay. Kahit nahihirapan siya, pilit niyang kinakaya. Noon niya naintindihan iyong pakiramdam ni Jak na pinagsakluban ng langit at lupa noong panahong iniwan din ito ng asawa nito. Akala niya ay hindi iyon mangyayari sa kanya. Akala niya walang babaeng kayang manakit ng damdamin niya.
Pero mas masahol pala ang nangyari sa kanya. At least si Jak, alam nitong buhay pa ang asawa nito kapiling. Samantalang siya, wala na talaga si Dani. Hindi na ito babalik kahit kailan. Kaya nga pilit niyang tinanggap ang kapalaran niya kahit nahihirapan siya. Kasalanan naman niya ang lahat. Walang kasalanan ang asawa niya, sadyang nagmahal lang ito ng gagong katulad niya.
Hindi lang siya ang naapektuhan sa nangyari, maging ang mga magulang niya at mga magulang ni Dani ay galit sa kanya. Pati ang yaya niya ay halos hindi siya kinikibo noong unang taon ng pagkawala ng asawa niya. Mabuti na lang at hindi siya nito nilayasan.
Sa sobrang hiya nga niya, hindi siya dumalo sa kasal nina Dexter at ng ate ni Dani na si Kara. Wala siyang mukhang ihaharap sa pamilya ng asawa niya. Kaya nga umiiwas na lang siyang magpakita sa kanila. Maging sa sarili niyang magulang ay hindi siya dumadalaw o nagpaparamdam. Kung hindi naman siya ipapatawag ng mga magulang niya ay hindi siya nagpupunta ng bahay nila.
Pero lalo yatang lumala ang pangungulila niya sa kanyang mag-ina nang makita niya noong isang linggo ang bagong designer sa shop ng asawa ni MJ, si Ella. Para siyang nakakita ng multo nang makaharap niya ito at marinig ang boses ng dalaga.
Para kasi niyang narinig ang tinig ni Dani. Kaboses nito ang asawa niya. Pati ang kulay ng balat nito at pangangatawan ay kahawig ng asawa niya. Ang dami nilang pagkakapareho maliban na lang sa mukha. Kung nagkataong kamukha nito ang asawa niya ay iisipin niyang hindi namatay ang kanyang asawa.
Ilang beses nga siyang kumurap noong makaharap niya ito, nagbabakasakaling magbago ang pagtingin niya rito. Pero wala namang nangyari. Kaya nga noong kasama na nila itong kumakain, hindi niya maaalis-alis ang tingin dito. Pati kasi kilos nito ay kahawig ng asawa niya.
Iyong paghawak nito ng kubyertos at maging ang pagnguya nito ay parang pamilyar sa kanya. Pati iyong ugali ni Dani na nakayuko lang at tahimik habang kumakain ay ganoon din ang kinikilos ni Ella.
Gusto na nga niyang isipin na nababaliw siya dahil nakikita niya ang katauhan ni Dani kay Ella. Hindi rin niya mapigilan ang sarili na maging malapit dito. Kaya nga noong lumabas siya kasama nina MJ at Lian, sa halipa na umuwi na o bumalik sa opisina niya, nag-istambay pa siya sa labas ng shop at hinintay niyang lumabas din si Ella. Kinulit pa niya ito para sana maihatid ito pauwi. Ngunit dumating naman si Jed para sunduin ang dalaga na nalaman niyang pinsan pala nito.
Magmula ng araw na iyon ay hindi na nawala sa isip niya si Ella. Lagi niya itong naaalala lalo na kapag kumakain siya. Para bang nai-imagine niyang nasa harapan lang niya ito at kasabay niyang kumain. Kaya kung dati ay ayaw niyang kumain na mag-isa, lately ay okay na sa kanya kahit wala siyang kasama.
Pero lumalala naman yata ang imahinasyon niya dahil napapahinto siya sa gitna ng kanyang trabaho kapag pumapasok sa isip niya si Ella. Tapos ngayon nasa gitna siya ng meeting ngunit lumilipad ang utak niya sa kung saan.
Nang matapos ang meeting nila ay nilapitan siya ng mga malalapit niyang kaibigan.
“Bro, baka kailangan mo munang magbakasyon. Sumama ka sa akin sa probinsiya. Uuwi kami ni Elaine sa weekend,” anyaya ni Enzo.
Umiling si Chris. Ayaw niyang sumama kay Enzo dahil baka mainggit lang siya sa kanilang mag-asawa. Lalo siyang mamumuroblema.
“Tama si Enzo. Magbakasyon ka muna kahit ilang araw lang. Ilang taon ka nang subsob sa trabaho mo. Pati weekends nagtatrabaho ka. Kailangan mo munang magpahinga, baka magkasakit ka nang tuluyan niyan,” sabad ni MJ.
“Okay lang ako. Huwag ninyo akong alalahanin. Buhay pa naman ako. Humihinga pa. Kaya ko pa ang sarili ko,” sagot niya.
“Sigurado ka?” tanong naman si Josh.
Sasagot pa sana si Chris ngunit napigil ang pagbuka niya ng bibig nang mapansin niyang seryosong nakatitig sa kanya si PJ na nakatayo sa bandang likuran lang ng mga kaibigan niya.
“Sandali lang, mga bro. May kakausapin lang ako,” wika niya at iniwan ang mga kaibigan.
Nilapitan niya si PJ na nakatayo pa rin at masama na ang tingin sa kanya.
“PJ, puwede ba kitang makausap?” tanong niya nang huminto siya sa tabi nito.
“Ano’ng pag-uusapan natin?” walang kangiti-ngiting usisa nito.
“Napansin ko lang kasi na parang may galit ka yata sa akin. May nagawa ba akong kasalanan sa iyo?” kampanteng tanong niya para lang magulat nang biglang hawakan ni PJ ang balikat niya saka siya nito itinulak.
“Hey!” gulat niyang saad. Nagtaas siya agad ng kanyang dalawang kamay.
Nagsilapitan naman ang mga kaibigan niya at iba pa nilang kasama na naroon.
“Ano’ng problema ninyong dalawa?” tanong ni MJ sa ma-awtoridad nitong tono.
“Pagsabihan ninyo iyang kaibigan ninyo na huwag na huwag siyang lalapit sa pinsan ko. Baka mapatay ko siya!” nagbabantang wika ni PJ habang nakaturo ang daliri nito kay Chris.
Napakunot ang noo ni Chris. Hindi niya maintindihan ang pinagsasabi ni PJ. Nagpalipat-lipat naman ang tingin ng mga kaibigan niya sa kanya at kay PJ.
“Sino ang pinsan na tinutukoy mo?” tanong ni Andrei.
“Alam ni Chris kung sino ang tinutukoy ko,” tugon ni PJ. “Kung sina Phoenix at Jed ay palalampasin ang ginawa mo, ibahin mo ako. Kapag lumapit ka pa ulit sa pinsan ko, papatayin talaga kita!”
Pagkasabi ni PJ iyon ay bigla na lang itong tumalikod. Inakbayan naman ito ni Kentt. Samantalang si Joel ay lumapit sa kanila.
“Pasensiya ka na, Chris sa inasal ni PJ. Mainit lang ang ulo niya. Mabuti nga at hindi mo pinatulan. Pagpasensiyahan mo na lang siya,” ani Joel bago ito umalis at sumunod kina PJ.
“Sino ba iyong pinsan ni PJ na tinutukoy niya?” singit ni Jak.
Napaisip din si Chris. Sino ba ang tinutukoy ni PJ? May iba pa ba itong pinsan maliban kina Jed, Levi, at Lexter? Si Jed lang naman ang nakausap niya lately, ah.
“Hindi ko alam. Tatlo lang naman ang pinsan kasi kambal naman sila ni Phoenix. Pero si Jed lang…Oh, s**t!” May imahe na biglang pumasok sa isip niya.
“Bakit ka naman nagmumura, ha?” angil ni Andrei.
“Baka ang tinutukoy ni PJ na pinsan niya ay si Ella.”
“Ella?”
“Sino iyon?”
“May bagong babae sa buhay mo?”
“Nililigawan mo iyon, bro?”
Napangiwi si Chris sa magkakasunod na tanong na iyon ng mga kaibigan niya.
“Isa-isa lang ang tanong, mahina ang kalaban,” nagkakamot ang ulong wika niya.
“Mabuti pa lumabas na rin tayo bago pa tayo sitahin ni Mr. Chairman. Tayo na lang ang naiwan dito sa conference room,” ani Jak. Nauna na itong humakbang kaya nagsunuran na rin sila.
“Pag-usapan natin iyang Ella na tinutukoy mo, Chris. Para alam namin kung paano ka matutulungan kung sakaling awayin ka ulit ni PJ o iyong mga pinsan niya,” suhestiyon ni Andrei.
Binatukan ito ni MJ. “Ano’ng tulong iyang sinasabi mo, ha? Gusto mo bang totohanin ni PJ iyong banta niya? Gusto mong magkagulo pa lalo?”
“Hindi naman. Precautionary measures lang naman iyong sa akin,” ani Andrei.
“May punto naman si Andrei,” sabad ni Josh. “Kailangan nating malaman ang tungkol sa pinsan na tinutukoy ni PJ para alam natin kung paano natin sila matutulungan na hindi nila kailangang mag-away.”
“Sige, pag-usapan natin iyan habang kumakain tayo. Libre ko na ang lunch natin. Baka sakaling makatulong rin ako sa problema ni Hailstone,” wika ni Enzo.
Tumuloy nga sila sa pinakamalapit na branch ng Majesty Restaurant. Habang hinihintay nila ang kanilang order, nagkuwento na si Chris sa nangyari sa kanila ni Ella noong isang araw.
“Hindi ko pa rin maitindihan kung bakit galit sa iyo si PJ at hindi maganda ang pakikitungo sa iyo ni Jed,” umiiling na sabi ni Andrei pagkatapos niyang magkuwento.
“Baka naman over-protective lang sina PJ at Jed kaya ganoon ang reaksyon nila sa iyo, Hailstone,” komento naman ni MJ.
“Puwede rin naman na iyon ang dahilan,” ani Enzo.
“Baka hindi ka nila gusto para sa pinsan nila, bro,” sabad naman ni Josh.
“Anuman ang dahilan nina PJ at Jed, hindi pa rin tama na pagbantaan nila si Hailstone. May mga kapatid din akong babae. Overprotective rin naman ako kina Ira at Rosaline pero never akong nangialam sa mga love affair nila. Para sa akin, kaya na nilang i-handle ang mga iyon. Hindi naman masamang tao sina Xyrus at Kentt para mag-alala ako sa mga kapatid ko,” paliwanang ni Jak.
“So, ano ngayon ang dapat gawin ni Hailstone para maayos ang pakikitungo sa kanya ng mga magpipinsan na Bautista? Alalahanin ninyo kaibigan din natin sila at kasosyo sa mga negosyo lalo na si Phoenix. Sigurado ako kapag nagkagulo, kakampihan ni Phoenix ang kapatid niya’t mga pinsan kahit nasa tama ka, Hailstone,” wika ni MJ.
“Huwag na ninyong isipin iyon. Hindi ako natatakot sab anta ni PJ. Kung si Phoenix ang nagbanta, baka sakaling kabahan ako. Pero iyong kakambal lang niya ang nagsabi ng gano’n. saka wala naman akong kasalanan sa kanila. Kinausap ko lang naman si Ella at wala akong ibang ginawa sa kanya,” paglilinaw ni Chris.
“Ano ba kasi ang binabalak mo para sa Ella na iyon? Seseryososhin mo ba siya? O naghahanap ka lang ng fling?” usisa ni Josh.
Hindi nakaimik si Chris.
“Kung seryoso ka sa babaeng iyon, I suggest, kausapin mo si Phoenix. Alamin mo sa kanya ang dahilan kung bakit nagagalit ang kapatid niya sa iyo. Kung ayaw nila sa iyo para sa pinsan nila, kalimutan mo na ang babaeng iyon at maghanap ka na lang ng iba. Sayang naman kung masisira ang pagkakaibigan ninyo dahil lang sa babae na iyon. It’s not worth it, Hailstone,” paalala ni Jak.
Hindi na umimik ang iba pa nilang kaibigan dahil dumating na ang in-order nilang pagkain. Pero napaisip si Chris sa sinabi ni Jak. May masisira nga bang pagakakibigan kung sakaling makikipaglapit siya kay Ella? Handa na bang siyang kalimutan si Dani para lang mapalapit kay Ella?