“ANO’NG sabi ni Lian doon sa ipinatatanong ko?” usisa ni Chris kay MJ. Naisip niya kasi na bago siya muling magpakita kay Ella ay alamin muna niya ang ibang mga detalye sa pagkatao nito. Kaya ipinatanong niya kay MJ kung ano ang paborito nitong miryenda para alam na niya kung ano ang dadalhin niya kung sakaling muli niya itong dalawin sa shop.
“Blueberry cheesecake at iced coffee daw. Iyon naman ang sabi ng asawa ko,” sagot ni MJ.
“Talaga?” Hindi niya kabisado iyong sinabi ni MJ dahil hindi naman siya mahilig sa matatamis. Saka kung nagkakape man siya, Black lang talaga. “Thanks, bro.”
“No problem,” ani MJ.bago ito nagpaalam.
Pagkatapos nang pag-uusap nila ng kaibigan ay napasulyap si Chris sa suot niyang relo. Alas-dos na ng hapon. Tamang-tama lang para maghanap siya ng bakeshop kung saan makakabili ng sinabi ni MJ saka niya ipapadala kay Ella.
May meeting kasi siya ng three-thirty. Makakabili siya pero hindi na niya mapupuntahan ang dalaga sa shop ni Lian. Puwede naman sana niyang utusan na lang ang isa sa mga empleyado niya na bumili pero mas gusto niyang siya ang gagawa ng bagay na iyon para alam niya kung saan siya bibili sa susunod.
“Ness, lalabas lang muna ako. Babalik din ako agad,” paalam niya sa kanyang sekretarya bago siya umalis sa opisina.
Ang una niyang pinuntahan ay ang mall na malapit lang sa opisina. Naglakad-lakad siya sa loob hanggang may makita siyang bakeshop na pamilyar sa kanya. Pumasok siya sa loob. Napansin niyang mahaba ang pila sa dalawang counter.
Hindi siya sanay na pumipila. Pero sa pagkakataong ito ay kinakailangan niyang gawin iyon. Kaya lumapit siya sa counter na mas maikli ang pila. Nasa kalagitnaan na siya ng pila nang may tumapik sa braso niya. Agad niya itong nilingon.
“Antigua, ano’ng ginagawa mo rito?” nagtatakang tanong niya kay Raizer na nakatayo sa tabi niya.
“Ako dapat ang magtanong sa iyon iyan. Ano ang ginagawa ng CEO ng Galvez Corporation dito?” nakangiting tanong nito.
Napakamot ng kanyang batok si Chris. “Huwag kang maingay. Bibili lang naman ako ng miryenda kaya ako nandito.”
Inakbayan siya ni Raizer saka siya nito inilayo sa pila.
“Hey! Nakapila ako, bro,” protesta niya.
“Ako na ang bahala. Dadalhin kita sa opisina ng may-ari ng bakeshop,” malapad ang ngiting wika nito.
Wala nang nagawa si Chris nang hilain siya ni Raizer palayo ng pila. Lumapit sila sa pintuan na katapat lang ng dining area. Kumatok dito si raizer ng tatlong beses bago nito pinihit ang doorknob.
“Wifey! May bisita tayo?” halos pabulong na saad ni Raizer pagpasok nila sa loob.
Napatingin si Chris sa kaibigan niya bago sa babaeng nadatnan nila sa loob na nakatayo sa tabi ng mesa habang may karga itong bata na nakahilig sa balikat nito.
Kumaway sa kanila ang babae na nakilala niyang asawa pala ni Raizer. Nilapitan ito agad ng kaibigan niya at kinuha ang batang karga nito. Dumaing pa ang bata na nakapikit pa rin nang kunin ni Raizer. Sa tantiya niya ay nasa dalawa o tatlong taon lang ang batang lalaki.
Tinapik-tapik pa ni Raizer ang likod ng bata habang nakahilig na ito sa balikat nito. Saka siya inginuso ng kaibigan. Nginitian naman siya ng asawa nito.
“I’m Kaye and you are?” inilahad nito ang kamay sa kanya.
“Christian Angelo Galvez,” pagpapakilala niya. “Kaibigan at business partner ako ni Raizer.”
“Please sit down,” itinuro ni Kaye ang visitor’s chair bago ito umupo sa likod ng mesa.
“What can I do to you, Mr. Gal ̶ ˮ
“Chris na lang,” putol niya sa sasabihin nito.
“Okay, Chris. Ano ang maitutulong ko?” nakangiting usisa nito.
“Nakapila ako sa counter kanina nang makita ako ni Raizer. Bibili lang sana ako ng blueberry cheesecake at iced coffee,” sagot niya.
“Wow! Nice combination, huh? Bestseller iyan sa branch namin na malapit sa isang university. Kabubukas pa lang namin sa bakeshop two years ago nang magkaroon kami ng customer na nag-order ng ganyan. Paborito raw niya iyon. Tapos nang sumunod na araw dumagsaa na ang iba pang estudyante na may ganoon ding order. I think i-advertize niya iyong product namin na iyon.Magmula noon hanggang ngayon kahit hindi na siya nagpapakita sa shop, iyon pa rin ang may pinakamaraming sales,” matamis ang ngiting kuwento nito.
“Nakaktuwa naman ang kuwento mo. Pero hindi para sa akin iyong order ko. Ipapadala ko sana iyon sa isang kakilala ko,” wika ni Chris.
“Ah, okay. Ilang set ang kailangan mo?”
“Pito sana. Pwede mo bang ipa-deliver sa address na ito?” Inilapag ni Chris ang maliit na papel kung saan nakasulat ang address ng shop ni Lian.
Dinampot ni Kaye ang papel bago nito inangat ang telepono sa mesa nito. Pagkatapos nitong makipag-usap ay muli siya nitong binalingan.
“I know this place. Kay Lian Moira Galliguez, hindi ba? Kakilala mo rin siya?”
“Oo, asawa ng kaibigan namin ni Raizer na si Melvin Jake. Pero hindi si Lian ang dahilan kung bakit ako magpapadala ng pagkain. Avctually, iyong isa sa kasama niya ang dahilan,” pag-aamin niya.
“Sino sa kasama ni Lian ang pagbibigyan mo?”
“Si Ella.”
“Asawa mo o girlfriend?” muling usisa ni Kaye.
“Wifey, patay na ang asawa ni Chris,” sabad ni Raizer.
Nanlaki ang mga mata ni Kaye. “Ooops! Sorry, ha? Condolence, anyway.”
“It’s okay. Five years ago pa iyon.”
“Sige, kapag nagawa na iyong order mo, ipahatid ko kaagad. Kanino ko pala iki-care of iyong order? Kay Lian ba o sa iyong girlfriend?”
Napakamot ng kanyang ulo si Chris. “Hindi ko girlfriend si Ella. Nagbabalak pa lang akong manligaw,” pagtatama niya.
“Ay! Sorry ulit! Pasensiya na. Advance kasi akong mag-isip,” nailing na saad ni Kaye. “Ano nga pala ang full name ni Ella?”
“Daniella Bautista,” sagot niya.
Napakunot ang noo ni Kaye. “Bautista? Kaano-ano niya iyong may-ari ng The King’s Hypermart? Si Jed Bautista na asawa ni Aicee?”
Napasulyap si Chris kay Raizer na eksakto namang nagpapalatak na.
“Pinsan siya nina Jed, PJ at Phoenix,” napilitang sagot ni Chris.
“Ah, okay. Hindi na ako magtatanong kasi masama na ang tingin sa akin ng asawa ko,” saad ni Kaye nang mapatingin ito kay Raizer.
“Okay lang,” ani Chris bago niya ilapag sa harapan ni Kaye ang kanyang credit card. “Pwede bang mag-order na rin ako in-advance?”
“Sure, no problem.”
“Magpadala ka na lang doon ng isang set ng iced coffee at blueberry cheesecake simula bukas until the end of next month. From Monday to Friday sana,” bilin ni Chris.
“Sige,” tumatangong sagot ni Kaye.
Nagpasalamat siya sa mag-asawa at nagpaalam na rin. Bago siya umalis ay hinagod pa niya ang likod ng batang karga ni Raizer na nalaman niyang bunso anak pala ng mag-asawa.
Nakaramdam siya ng inggit sa mga kaibigan niya. Halos lahat ay may asawa na at anak. Iilan na lang silang wala pang sariling pamilya. Mayroon na rin sana siya ngunit hindi niya inalagaan kaya kinuha ng Diyos sa kanya.
Kung sakaling pagkakatiwalaan siya ulit, gusto niyang magkaroon din sana ng kahit tatlong anak lang katulad ni Raizer, MJ, at Phoenix. Sana si Ella na nga iyong ibibigay sa kanya na ipapalit niya kay Dani.
Hindi naman niya kalilimutan ang una niyang asawa pero kailangan din niya ng karamay at kasama sa araw-araw dahil nahihirapan na rin siya. Kapag pinagbigyan siya ng Diyos, aalagaan niyang mabuti ang kanyang magiging bagong pamilya. Hindi na niya uulitin ang mga pagkakamali niya dati. Gagawin niya ang lahat para sa magiging pamilya niya.
“MUKHANG masaya yata ang araw mo, ah,” puna ni Yaya Aurea habang pinanonood nito si Chris na kumakain ng hapunan.
“Ayaw po ba ninyo akong maging masaya, yaya?”
“Uy! Hindi naman. Gusto ko nga na bumalik na sana ang alaga kong masayahin at palakuwento kahit medyo suplado,” pagbibiro nito.
Napangiti si Chris.
“May nagpapasaya na ba sa iyo, anak?”
“May isang babae po akong nakilala. Nagtatrabaho siya sa shop ng asawa ni MJ. Kaya lang pinsan siya ng mga kaibigan kong Bautista kaya medyo napapaisip ako. Ayaw kasi nila sa akin. Parang alam yata nila iyong ginawa ko dito kay Dani,” malungkot niyang kuwento.
“Hayaan mo na iyon, anak. Patunayan mo na lang na nagbago ka na nga. Kung gusto ka ng babae, tatanggapin ka niya kahit nagkamali ka dati.”
“Sana nga, yaya. Pero sisiguruhin ko muna ang feelings ko kay Ella. Ang dami kasi nilang similarities ni Dani. Pareho sila ng boses, kilos, at pati pangangatawan. Hindi ko tuloy alam kung kaya ko siya nagustuhan kasi naaalala ko si Dai sa kanya o nagkataon lang na ang gusto ko sa babae ay iyong katulad ng asawa ko.”
Tinaasan siya ng kilay ng yaya niya. “Ipakilala mo nga sa akin ang babaeng iyan at ako ang kikilatis “
“Saka na, yaya. Nagpapalakas pa ako sa kanya. Katunayan nag-order ako ng paborito niyang miryenda na idi-deliver sa kanya hanggang sa susunod na buwan.”
Namilog ang mga mata ng matanda. “Talaga? Ano namang miryenda iyon?”
“Iced coffee at blueberry cheesecake,” mabilis niyang sagot.
“Ano? Paborito rin iyon ni Dani, ah. Katunayan lagi siyang nagpapabili sa akin ng ganyan kapag naggo-grocery kami ni Pekto.”
“Totoo iyan, yaya?”
“Oo nga. Hindi ko makakalimutan iyon kasi sa tuwing tatanungin ko siya kung may gusto siyang ipabili, iyon ang lagi niyang isinasagot sa akin.”
Nanlamig ang buong katawan ni Chris. Hindi siya nakahuma sa sinabi ng matanda. Coincidence lang ba? O may dapat siyang alamin sa pagkatao ni Ella?