Chapter 25 -Who is This Woman?

1613 Words
“HEY! Napadalaw ka?” bati ni Lian kay Chris nang bigla siyang magpakita sa shop nito ng hapon na iyon. Ilang araw na kasi siyang binabagabag ng alalahanin. Magmula nang malaman niyang pareho ng gustong miryenda sina Dani at Ella, hindi na siya mapakali. Nag-o-overtime nang mag-imagine ang utak niya. Kaya nagdesisyon na siyang magpakita uli kay Ella. Six-thirty na ng hapon. Kalahating oras na lang ay magsasara na ang shop ni Lian kaya minabuti niyang maghintay na lang sa loob para siguradong makakausap niya si Ella. “Gusto ko sanang makausap si Ella,” saad ni Chris. “Dito ka muna sa reception. Nasa workstation pa niya si Ella. Sasabihin ko na lang na hinihintay mo siya,” nakangiting wika ni Lian. “Salamat, Lian.” “Walang problema. Ako nga ang dapat magpasalamat sa iyo pero atin-atin lang ito, ha?” Na-curious si Chris sa sinasabi ni Lian. “Ano’ng ibig mong sabihin?” interesado niyang tanong. “Iyong ipinapadala mong iced coffee at blueberry cheesecake, hindi si Ella ang kumakain. Ayaw niya kaya sa akin niya ibinibigay,” halos pabulong na sagot ni Lian. Napanganga si Chris. Hindi siya makapaniwala sa narinig. “Akala ko ba paborito niya ang mga iyon? Bakit bigla siyang umayaw?” Hindi siya nanghihinayang sa ginastos na pera pero nagtataka lang siya sa inasal ni Ella. “Hindi ko rin ala, eh. Okay naman noong una. Pero noong mga sumunod na at nalaman niyang galing sa iyo, bigla na lang siyang umayaw, Hindi naman niya sinasabi sa akin kung ano ang dahilan.” Napabuntunghininga si Chris. “It’s okay, Lian. Kausapin ko na lang si Ella.” “Mabuti pa nga. Kung siya ang dahilan kung bakit gumaganda ulit ang bawat araw mo, seryosohin mo siya, ah. Huwag mo nang ulitin iyong ginawa mo dati doon sa asawa mo,” payo ni Lian. Tumango si Chris. Kay MJ lang niya nasabi ang problema niya. Ito lang ang nakakaalam ng lahat nang nangyari sa kanila ni Dani. Hindi na niya ipinagsabi sa iba. Pero alam niyang naikuwento rin ng kaibigan niya sa asawa nito ang tungkol sa kanila ni Dani para lang pumayag ito na dumalaw-dalaw siya sa shop. Hindi kasi gusto ni Lian na may mga nang-iistorbo sa mga tauhan nito habang oras ng trabaho. “Oo lian. Hindi na ako uulit. Nadala na ako sa nangyari dati.” “Dapat lang! Kung mababasted ka kay Ella, karma mo na iyan. Sino ba naman kasing matino na babae na papatol sa lalaking nananakit ng asawa?” Napangiwi si Chris. “Hindi ko naman sinaktan si Dani. Pinaiyak ko lang,” depensa niya. Pinanlakihan siya ng mata ni Lian. “Huh? Eh, ano ang tawag doon sa ginawa mo sa asawa mo dati? Hindi mo nga siya binubugbog, emotionally at mentally battered naman siya sa iyo?” “Ibig kong sabihin, hindi ko siya sinaktan sa pisikal na paraan. Napahiya lang siya at nainsulto sa mga ginawa ko pero pinagsisihan ko na iyon. Ayaw ko kasi sa kanya dati. Noong nawala na siya saka ko lang na-realize na mahal ko na pala siya. Hindi ko lang siguro maamin sa sarili ko na-in love ako sa babaeng inaayawan ko,” paglilinaw niya. “Hmm, whatever! Basta huwag mong lolokohin si Ella. Siguradong magsusumbong iyon sa kanyang mga pinsan. Basta masira lang ang pagkakaibigan ninyo ng mga pinsan niya.” “Natuto na ako, Lian. This time, gagawin ko ng tama ang lahat. Maraming salamat din sa tulong mo.” “Okay. Sige, Iwan muna kita rito. Puntahan ko lang sandali si Ella.” Pagkaalis ni Lian, sa halip na maupo ay tumayo na lang si Chris. Hindi niya kayang maupo dahil maghapon na siyang nakaupo sa opisina niya. Hindi na siya mapanatag sa kaiisip kay Ella. Masyado bang coincidence ang mga nangyayari? Sa pagkakaalam niya, hindi siya basta-basta tatanggihan ng isang babae ng wala itong magandang dahilan. Hindi siya mayabang pero alam niya kung ano ang mayroon siya kaya lahat ng babaeng nilalapitan niya ay hindi tumatanggi. Kadalasan nga, babae pa mismo ang lumalapit sa kanya mula noong mas bata siya hanggang ngayon na nasa mid-thirties na siya. Kaya nagtatataka siya kay Ella kung bakit nito tinatanggihan ang mga ibinibigay niya gayong paborito nito ang mga iyon. May malalim sigurong dahilan ang babae para gawin iyon. Gusto niyang malaman kung ano iyon kaya kakausapin niya ito nang masinsinan ngayon. Hindi niya maipaliwanag kung ano ang nararamdaman niya ngayon. May parte ng pagkatao niya ang natatakot at kinakabahan kapag naiisip niyang maaaring si Dani at Ella ay iisa. Ngunit gusto rin niyang isipin na sana ay magkaibang tao ang dalawang babae. Pero alinman ang totoo roon, tatanggapin niya ng buong puso. Nakahanda siyang magsakripisyo sa ngalan ng pag-ibig. Kung si Ella at Dani ay iisang tao, pagkakataon na niyang magbayad sa lahat ng nagawa niyang kasalanan sa kanyang asawa. Pero kung magkaibang tao ang dalawa, nakahanda na siyang magsakripisyo para lang makamtan ang bagong pag-ibig. Hindi siya natatakot sa banta ng pinsan nito. Hindi siya kayang pigilan ninuman. Minsan na niyang pinigilan ang sarili niya noon na makaramdam ng kahit ano kay Dani kaya nawala sa kanya ang babaeng inakala niyang hindi niya magugustuhan. Mas mahirap pala iyong ma-develop ang feelings mo sa isang tao na dati ay ayaw mo. Kapag nangyari iyon, mas matindi pa pala ang pagmamahal mo sa kanya kaysa siya na naunang nagmahal sa iyo. Alam niyang mahal siya ni Dani noon pa kaya nga nagawa nitong magtiis sa piling niya kahit pinahihirapan niya ito. Pero gago siya dahil pinalayas pa rin niya ito kahit magmakaawa na noon sa kanya. Kapag iniisip nga niya ang bagay na iyon, gusto niyang iuntog ang ulo niya sa pader. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit ayaw niya kay Dani kahit may puwang na ito noon sa puso niya. Hindi niya pinansin iyon. Siguro ayaw lang niya iyong sirkumstansiya ng pagkakakilala nila. Ayaw lang niya siguro iyong ideya na pinilit siyang magpakasal dito. “Sir, ano po ang kailangan ninyo?” Napapitlag si Chris nang marinig ang pamilyar na tinig. “Da ̶ Ella!” bigla niyang sambit. Muntik na niyang tawagin ito sa pangalan ng asawa niya. Nakasukbit na sa balikat nito ang bag at mukhang pauwi na ang babae. Naglalabasan na rin ang iba pang tauhan ni Lian sa shop. “Can I talk to you?” mahinahong tanong ni Chris. Hindi sumagot si Ella. Yumuko lang ito. Pero narinig niya ang malalim na buntunghiningang pinakawalan nito. “Kung may pag-uusapan kayo, I suggest doon na lang kayo sa labas. Kailangan nang maisara itong shop,” sabad ni Lian nang lumapit sa kanila. Hindi umimik si Ella ngunit nginitian nito si Lian. Pagkatapos humakbang na ito palabas. Napilitang sumunod si Chris pagkatapos niyang sulyapan si Lian at tahimik na tinanguan ito. “Please, Ella, kausapin mo naman ako,” pakiusap niya rito habang sinasabayan ito sa paglalakad. Hindi umiimik ang babae. Diretso lang ito sa paglalakad. Hindi na rin nagsalita pa si Chris. Baka kasi ayaw nito ang masyadong madaldal. Nang makarating sila sa labas ng shop ay saka pa lang siya nilingon ni Ella. “Ano ba ang kailangan mo, Mr. Galvez? Nakakhiya sa boss ko na inaabala mo ako sa trabho ko,” serysosong saad nito hnang harapin siya. Napalunok si Chris. “I’m sorry, Ella. Hindi ko naman siansadyang guluhin ka. Nagtataka lang ako kasi tinatanggihan mo raw ang mga ipinapadala kong pagkain para sa iyo. I thought you like them.” Umiling si Ella. “Gusto ko naman talaga. Kaya lang kapag nanggaling sa inyo, sir, hindi ko puwedeng tanggapin.” Napamaang si Chris. “Bakit?” “Magagalit ang mga pinsan ko, sir. Iwasan daw kita at huwag i-entertain.” Nalunok yata ni Chris ang kanyang dila. Hindi niya malaman ang sasabihin o kung paano magre-react sa sinabing iyon ni Ella. Ilang segundo siyang nakatitig lang sa magandang mukha ng dalaga na hindi naman magawang salubungin ang mga mata niya. Ang tingin nito ay nasa kalsada. “Bakit kailangan mo raw akong iwasan?” lakas-loob niyang tanong. “Kasi masamang tao ka raw. Nananakit ka raw ng babae,” sagot nito nang tumingin sa kanya. Hindi umimik si Chris. Nag-iisip siya kung paano nalaman ng mga magpipinsang Bautista ang tungkol sa bagay na iyon. Maliban sa kanila nina Melvin, Lian at ang mga tao sa bahay niya, walang ibang nakakaalam ng kuwento nila ni Dani. “Paano nila nasabing nananakit ako ng babae? May pruweba ba sila?” Nagkibit-balikat si Ella. Akmang magsasalitang muli si Chris nang biglang may humintong SUV sa harapan nila ni Ella. Napunta rito ang atensyon nilang dalawa. Bumukas ang pinto sa driver seat at lumabas mula roon ang isang lalaki na nakasuot ng shades kaya hindi niya makilala. Bigla itong lumapit sa kanila at basta na lang sinuntok sa mukha si Chris. Sa gulat ay bumagsak si Chris sa gilid ng kalsada. “Hey! Bakit ka ba nanununtok?” galit niyang tanong nang tumayo siya. Nag-alis ng shades ang lalaki. “Sa susunod na makita kitang umaaligid sa pinsan ko, pasasabugin ko na iyang ulo mo!” banta nito. “Kuya Lexter tama na!” awat ni Ella sabay hila sa braso ni Lexter. Hindi na umimik pa si Chris. Sinundan na lang niya ng tingin si Lexter na halos hatakin si Ella para papasok sa SUV nito. Something is off. Parang may mali sa mga nangyayari. Dapat niyang malaman kung sino talaga si Ella at kung bakit galit na galit ang mga pinsan nito sa kanya. Kapag napatunayan niyang may katotohanan ang hinala niya, hinding-hindi niya pakakawalan si Ella kahit ikamatay pa niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD