“WHAT’S this?” usisa ni Chris sa clored na sobre na nakita niya sa mesa ni MJ. Dinaanan niya sa opisina nito ang kaibigan dahil sasabay siya rito papunta sa shop ni Lian.
Balak niya sanang pumunta na lang mag-isa roon nang malaman niyang last day na ni Ella sa shop ngayon. Ang kuwento ni MJ, nabanggit daw ni Lian na nag-file ng resignation ang dalaga dalawang araw matapos ang huling pagdalaw ni Chris sa shop. Bukas na ang effectivity ng resignation nito.
Hindi pumayag si MJ na pumunta si Chris na mag-isa sa shop. Mas makabubuti raw na sumabay na lang siya rito para kung sakaling biglang dumating ang sinuman sa mga pinsan ni Ella ay may aawat kung magkakagulo.
Napilitan namang pumayag si Chris kahit na sa totoo lang kating-kati ang mga paa niya na makarating sa shop. Kung may pakapak lang siya ay kanina pa sana siya umalis.
Mula sa pinipirmahan nitong dokumento, nag-angat ng tingin si MJ nang marinig ang tanong ni Chris.
“Invitation galing kay Phoenix para sa wedding anniversary nila ni Jenezel,” tugon ni MJ bago nito ibinalik ang atensyon sa ginagawa.
“Talaga? Kailan niya ito ibinigay sa iyo?”
“Kahapon lang niya ipinadala.”
“Huh? Bakit ako walang natanggap?” Maghapon siya sa opisina niya kahapon. Ngayon lang naman siya nag-early out. Kaya kung sakaling nagpahatid ng invitation si Phoenix, siya mismo ang makakatanggap. Paanong hindi siya nakatanggap? Sinadya ba nitong hndi siya imbitahan?
Kunot-noong nilingon siya ni MJ. “Wala kang natanggap? Sigurado ka? Baka naman may natanggap iyong sekretarya mo pero nakaligtaan lang niya na banggitin sa iyo.”
Marahas na umiling si Chris. “Imposible, bro. Lahat ng communication letter, tawag, appointment, sulat, o kahit anong padala na dumating sinasabi lahat sa akin. May receptionist pa ako na tagasagot ng tawag at tagatanggap ng mga iyan kaya walang makakaligtaan.”
“So, baka tama siguro iyong iniisip mo na sinadya niyang hindi ka imbitahan,” nagpapaltak na saad ni MJ.
Hindi nakaimik si Chris. Malamang gano’n nga siguro ang nangyari.
“It’s okay, pupunta pa rin ako.”
Bahagyang natawa si MJ saka ito napailing. “Makulit ka rin talaga, ano?”
“Makulit na kung makulit. Pero may matindi pang dahilan kung bakit hindi ko tinitigilan si Ella kahit humarang pa ang lahat ng mga pinsan niya.”
Ibinaba ni MJ ang hawak nitong sign pen saka inayos ang mga papel na pinipirmahan. “Okay, I’m listening,” sabi nito nang ipagkrus nito ang dalawang kamay sa sarili.
“May hinala ako na si Ella ay hindi talaga pinsan ng mga Bautista. Ang pakiramdam ko siya si Dani na nagpalit lang ng mukha.”
Namilog ang mga mata ni MJ pagkatapos ay bigla itong tumayo.
“Hailstone, nababaliw ka na ba? Ano ba naman iyang sinasabi mo?” Marahas pang kinamot ni MJ ang ulo nito.
Tumayo na rin si Chris para magpantay sila ng kaibigan. Mas matangkad ito ng ilang pulgada sa kanya pero mas malaki naman ang katawan niya rito.
“Matino pa ako, Tornado. Pero iba talaga ang pakiramdam ko. Ang dami talagangng pagkakapareho nina Ella at Dani. Hindi ako nagbibiro at hindi rin ako nag-i-imagine ng kung ano-ano. Kung talagang ayaw sa akin nina PJ, Jed, at Lexter para kay Ella, bakit pati ba naman si Phoenix? We’ve been friends since we were in the SEAL. Alam mo kung gaano katindi ang samahan natin. Bakit siya magagalit sa akin ngayon dahil lang sa pinsan niya? Wala naman akong ginagawang masama sa pinsan nila?”
Napahilot ng kanyang batok si MJ. “Okay, naintindihan kita. Pero napakalabo ng naisip mo na iisang ato sina Ella at Dani. Hindi ba’t nakausap mo iyong mag-asawang nagdala kay Dabi sa ospital? Sila rin ang nagpalibing, hindi ba?”
“Oo naikuwento ko iyon sa iyo. Pero hindi ka ba nagtaka sa kuwento nila? Paano nila naisip na kunin ang bangkay ni Dani sa morgue at ipa-cremate ito? Hindi naman sial ang kamag-anak. Dapat ang ginawa nila, hinanap na lang nila ang mga kamag-anak ng asawa ko. Tapos sinabi pa nila sa akin na hindi ko raw puwedeng galawin ang puntod ng asawa ko. Ano naman ang karapatan nila na sabihin iyon?”
Napabuga ng hangin si MJ. “Okay, sige. Kung iyan ang nasa isip mo, bakit hindi mo kinulit ang mag-asawang iyon para nalaman mo sana ang totoo.”
Napailing si Chris. “Lately ko lang na-realize na parang may mali sa kuwento nila. Noong makita ko si Ella na ang laki ng pagkakapreho nila ni Dani, doon pa lang pumasok iyong ideya na baka buhay pa ang asawa ko at hindi siya patay.”
“Oo na. Susuportahan kita diyan sa ideya mo. So, ano ang puwede kong maitulong sa iyo?”
“Isama mo ako sa party ni Phoenix. Kakausapin ko siya mismo tungkol kay Ella. Kapag napatunayan kong hindi niya ito pinsan. Paaaminin ko naman si Ella kung sino talaga siya. Hahanap ako ng ebidensiya na magpapatunay sa totoo niyang pagkatao kapag ayaw niyang umamin,” determinadong sabi ni Chris.
“Tapos kapag nalaman mong siya nga si Dani, ano ang balak mong gawin?”
“Ibabalik ko siya sa mga magulang niya dahil sigurado akong hindi iyon sasama pabalik ng bahay namin. Susuyuin ko na lang siya sa bahay mismo ng mga magulang niya hanggang mapapayag ko siyang kusang bumalik sa piling ko.”
“Okay. Susuporatahan na lang kita sa lahat ng plano mo.”
“Salamat, Tornado. Pero kailangan simulan mo na ngayon. Puntahan na natin ang asawa mo bago pa tuluyang makaalis si Ella.”
“Sure,” sambit ni MJ. Hinila nito ang coat na nasa sandalan ng swivel chair nito saka ito isinuot. “Alis na tayo.”
Makalipas lang ang kinse minutos ay nasa shop na sila ni Lian.
“Paano kung si Ella ay hindi naman pala si Dani? Ano’ng gagawin mo?” tanong ni MJ bago sila pumasok sa shop.
Napa-buntunhininga si Chris. “Pakakawalan ko na lang si Ella. I mean, hahayaan ko na siya at hindi na guguluhin. Na-realize kong kaya pala magaan ang loob ko sa kanya dahil pakiramdam ko siya si Dani. Hindi ko pala kayang magmahal ng ibang babae. Iyong asawa ko lang ang kaya kong mahalin, wala ng ibang babae.”
Nagpapalatak si MJ. “Parang may hawig na iyang kuwento mo sa kuwento namin ni Lian. Ang kaibahan nga lang, hindi siya nawala sa buhay ko dahil pinaalis ko siya o nag-away kami. Saka nakasama ko siya sa trabaho kahit pa iba ang itsura niya. Naranasan ko rin iyong sinabi mo na may nararamdaman kang kakaiba sa taong kahit ngayon mo lang nakita at nakilala pero parang ang tagal na ninyong magkakilala.”
“Nakaka-relate ka pala sa kuwento ko kaya dapat lang na suportahan mo ako.”
“Iyon naman ang ginagawa ko, hindi ba?” ani MJ bago nito binuksan ang pinto ng shop ni Lian.
Eksaktong pagpasok nila ay naabutan nila sina Ella at Lian na may kausap na kliyente sa mismong showroom. Sumenyas lang si MJ sa asawa nito bago siya hinila papunta sa opisina ni Lian.
“Hindi ba puwedeng hintayin na lang natin sila roon?” protesta ni Chris habang pasulyap-sulyap siya kay Ella na hindi man lang siya tinapunan ng tingin mula pa noong pumasok sila ni MJ.
“Dito na lang tayo sa office ng asawa ko. Mamaya mo na lang kausapin si Ella. Si Lian ana ng bahalang gumawa ng paraan na magkaharap kayong dalawa.”
Napilitang tumango ni Chris.
“Umupo ka muna,” ani MJ.
Umiling si Chris. “Tatayo na lang ako. Kinakabahan ako kanina pa.”
Tumango-tango na lang si MJ. Hindi nagtagal pumasok na sa loob si Lian.
“Nasaan si Ella?” tanong ni Chris.
“Samahan kita doon sa workstation niya. Pero mangako kang hindi mo siya paiiyakin, Mag-behave ka, ha? Baka matakot iyon sa iyo,” paalala ni Lian.
“Sure, mabait naman talaga ako. Wala ako sa sarili ko noong panahong magkasama pa kami ng asawa kaya ko siya nasaktan.”
Ngunitian lang siya ni Lian. Nauna na itong lumabas kaya sumunod siya agad. Naabutan nila si Ella na nag-aayos ng mga gamit nito.
Kumatok si Lian sa dahoon ng pintuan na agad namang ikinalingon ni Ella.
“Ella, gusto ka raw makausap ni Mr. Galvez.”
Hindi sumagot si Ella pero tumango ito. Pumasok naman agad si Chris nang makaalis si Lian.
“Tulungan na kita,” ani Chris nang lapitan niya ang dalaga.
“Hindi na. Kaya ko na ito. Umupo ka na lang diyan. Ano ba ang kailangan mo?” tanong ni Ella nang hindi siya nililingon.
Sasagot na sana si Chris nang mapadako ang tingin niya sa kamay ni Ella. Nakasuot ito ng singsing.
“May asawa ka na?” kabadong tanong niya.
Nilingon siya ni Ella. Napatingin ito sa suot nitong singsing. “Ah, oo. Pero…hiwalay na kami,” sagot nito bago muling ipinagpatuloy ang ginagawa.
May kung anong pumasok sa isip ni Chris habang nakatingin siya sa singsing. Marahan niyang hinila ang kamay ni Ella.
“Uy! Ano ba?” protesta ng dalaga. Pilit nitong hinila ang kamay na agad namang pinakawalan ni Chris.
“The ring looks familiar. Parang nakita ko na ang design na iyan. Iyan ba ang wedding ring ng asawa mo?”
Hindi siya sinagot ni Ella. Tuloy-tuloy lang ito sa ginagawa nito.
Pinagpawisan ng malamig si Chris. Napahawak siya sa kanyang dibdib dahil pakiwari niya tatalon palabas ang puso niya. Nakita na niya iyong singsing na suot ni Ella. Iyon ang singsing na isinuot niya sa daliri ng asawa niya noong araw ng kasal nila.
“Oo ibinigay niya ito sa akin. Ito lang ang alaalang naiwan niya sa akin. Matagal na nawala kaya noong nahanap ko ay isinuot ko ulit,” sagot nito nang hindi pa rin lumilingon sa kanya.
Siya naman ang natahimik. Paanong nagkaroon ng kahawig na singsing ang wedding ring na ibinigay niya kay Dani? Kakaiba ang design ng singsing. Siya mismo ang pumili ng design na ipinagawa niya kay Jerome. Kailangan niyang makausap si Jerome tungkol dito.
“Kaya tigilan mo na ako. Hindi ako interesado sa iyo. Mahal ko pa rin ang asawa ko kahit wala na kami.”
Tumaas ang isang sulok ng labi ni Chris. Hindi na “Sinasabi mo ba iyan ngayon dahil ayaw mo talaga sa akin? O ayaw lang sa akin ng mga pinsan mo? Alin doon ang totoo?”
Nilingon siya ni Ella saka tinitigan ng ilang segundo. “Both. Kaya huwag ka nang makulit. Masasaktan ka lang.”
Natahimik si Chris. Pero lalong nalito ang puso at isip niya. Iba ang isinisigaw ng isip niya, Hindi niya gustong maniwala sa mga sinasabi ni Ella. He wants proof and he’s going to look for it, by hook or by crook.