Chapter 21

1292 Words
NAPAPITLAG si Ella nang marinig ang magkasunod na kulog at kidlat. Bata pa siya ay kinatatakutan na niya ang bagay na ito. Namatay kasi ang yaya niya noong bata pa siya sa gitna ng malakas na ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat. Nagkataong magkasama sila noong gabing iyon. Nakaligtas siya ngunit hindi ang tagapag-alaga niya. Magmula noon, takot na takot na siya sa kidlat. Kung hindi nga lang niya kailangang pumasok sa trabaho ngayong umaga ay hindi sana siya lalabas ng tinitirhan niyang apartment. “Hey! Don’t be afraid. I’ll stay with you. I won’t leave you.” Nilinga ni Ella ang pinanggalingan ng tinig. Napakurap siya ng ilang beses nang makita ang isang batang lalaki na nakatayo sa likuran niya. Nakasuot ng pajama at mukhang bagong gising dahil kinukusot pa nito ang mata. Sa tantiya niya ay nasa apat na taon lang ito. Pamilyar sa kanya ang mukha. Parang nakita na niya ito dati ngunit hindi niya maalala kung saan. “Hoy, bata! Bakit ka nandito? Ano’ng ginagawa mo rito? Maaga pa, ah. Tapos umuulan pa. Baka hinahanap ka na ng mama mo,” sita niya rito nang lapitan niya ito. Pansamantalang nawala sa isi niya ang takot na nararamdaman. “I’m staying here with you, so you won’t be afraid,” seryosong sabi nito. Wow! Englisero talaga! Napakamot ng kanyang ulo si Ella. “Malapit lang ba ang bahay ninyo rito? Ihatid na kita pauwi. Masama sa mga batang katulad mo ang gumagala sa ganitong oras. Madilim-dilim pa at umuulan,” wika niya habang nililinga ang buong paligid. Mga alas-singko pa lang ng madaling araw. Pero maaga siyang nag-aabang ng kanyang service na company bus dahil alas-sais ang kanyang pasok sa pabrika. May mga ilang sasakyan na ring dumadaan pero dahil umuulan ngayon wala siyang kasamang ibang tao sa waiting shed maliban sa batang ito. Binuksan niya ang dala niyang payong. Pagkatapos hinawakan niya ang kamay ng bata. Malamig ito na parang yelo. “Tara, ituro mo sa akin ang bahay ninyo para maihatid kita sa mama mo,” saad niya. Ngunit marahas na umiling ang bata. “I’m not going home until your bus arrives,” matigas na sabi ng bata. Tinaasan niya ito ng kilay. Matigas din pala ang ulo ng batang ito. Umuklo siya upang magpantay ang kanilang mukha. “Sigurado ka, ha? Ayaw mo talagang umuwi?” Tumango lang ang bata. Hindi na niya ito pinilit pa. Umayos na siya ng pagkakatayo saka itinupi ang kanyang payong. Akmang yayakapin niya ang sarili nang maramdaman niyang yumakap sa kanyang baywang ang dalawang kamay ng bata. “Huh? Ano’ng ginagawa mo?” nagtatakang tanong ni Ella. “I’m keeping you warm, so you won’t feel cold. Besides, you’re afraid of thunder and lightning, so I’m staying to keep you company.” Hindi nakaimik si Ella. Napahawak na lang siya sa likod ng bata. Ilang minuto rin na nasa ganoon silang posisyon bago niya muling narinig ang tinig ng bata. “Are you alright now?” usisa nito. Tumango-tango siya. “Ano nga palang pangalan mo?” Hindi sumagot ang bata. Ilang segundo itong nakatingin lang sa kanya. “You can call me any name you want to,” nakangiting sagot nito. Napakamot siya ng kanyang ulo. “Gano’n? Pinahihirapan mo na nga ako kasi kanina ka pa nag-e-English. Pero nakakaintindi ka naman ng Tagalog. Bakit hindi ka na lang mag-Tagalog? Ilang taon na akong hindi nakikipag-usap sa English mula noong nandito ako sa Laguna kaya naninibago na ang tainga ko.” Nakatitig at nakikinig lang ang bata habang nagsasalita siya. Hindi niya alam kung naiintindihan b anito ang sinasabi niya o masyado nang malalim ang mga salitang binibitiwan niya. Ang lalim rin kasi ng mga lumalabas sa bibig nito. Kung hindi lag niya nakikita ang itsura nito ngayon, baka iisipin niyang malaking bata na ang kausap niya. Hindi normal sa isang apat na taong gulang na bata ang lengguwahe nito. Hindi na umimik ang bata basta niyakap na lang siya nito. Isinandal pa nito ang ulo sa kanyang tiyan. Hindi man kayang aminin ni Ella ang totoo. Pero tama ang bata, nawala pansamantala ang takot niya sa kulog at kidlat. Hindi na rin niya maramdaman na nag-iisa lang siya. Ang mainit na katawan ng bata ang nagpapaalala sa kanya na kailangan pala niya ng karamay. Na-miss niya tuloy ang lolo at lola niya na ilang buwan na niyang hindi nakikita. Gusto sana niya silang dalawin pero marami kasi siyang trabaho sa pabrika ngayon. Lagi silang nag-o-overtime lalo na nang magkaroon ng welga, dalawang araw na ang nakalipas. Halos lahat ng nasa produksyon ay huminto sa pagtatrabaho. Iilan na lang sila na pumapasok. Line leader siya at sila ang nakatoka para sa final quality control ng mga nagawa ng damit kaya hindi siya sumang-ayon na pati sila ay huminto sa pagtatrabaho. Nag-aalala kasi siya dahil malapit na ang shipment ng isa sa pinakamalaking order sa kanila. Naiintindihan naman niya ang sintimyento ng mga kasama niya. Hindi nga naman sapat ang suweldo nila para buhayin ang kani-kanilang pamilya. Samantalang siya ay mag-isa lang naman sa buhay. Hindi niya kailangan ng malaking suweldo dahil sapat na sa kanya ang sinasahod niya ngayon. “Hey! There’s your bus!” masiglang saad ng bata nang huminto ang pamilyar na bus sa harapan nila. Lumuwag ang yakap nito sa kanya bago siya tuluyang pinakawalan. “Will you kiss me goodbye? I might not see you again,” animo’y nakikiusap na saad ng bata. Napangiti naman si Ella. Yumuko siya saka hinagkan sa ulo ang bata. “Thank you for your help. Umuwi ka na, ha? Baka hinahanap ka na ng mama mo,” sabi niya rito saka ginulo ang buhok nito. “You’re welcome. Keep safe,” nakangiti ring tugon nito. Humakbang na si Ella patungo sa bus. Nang nakaakyat na siya ay muli niyang nilingon ang bata. Nakangiting kumakaway ito sa kanya. Kumaway din siya pabalik dito. Tulad ng dati, nasa labas pa rin ng gate ng pabrika ang mga nagwe-welga. Napabuntunghininga siya bago binuksan ang kanyang shoulder. Kumuha siya ng tatlong daan sa kanyang wallet at inabot ito sa isang kakilala niya roon. “Sana makatulong sa inyo kahit pambili lang ninyo ng almusal.” “Maraming salamat, Ella. Napakabait mo talaga,” nakangiting wika ng babaeng inabutan niya ng pera. Ngumiti lang siya saka pumasok na sa loob. Isa rin iyon siguro sa dahilan kung bakit hindi siya pinipilit ng mga kasama niya na sumali sa welga dahil alam din nilang sang-ayon siya sa ginagawa nila. Hindi nga lang niya kayang sumama sa kanila. Nang makarating siya sa kanyang puwesto ay nag-ayos muna siya bago nagsimulang magtrabaho. Mabilis na lumipas ang walong oras. Nagliligpit na siya ng personal niyang gamit nang lumapit ang isa niyang kasama. “Ella, pumunta ka na ba sa HR? Kahapon ka pa ipinapatawag, ah.” “Pupunta na ako roon ngayon,” sagot naman niya. “Sige. Hintayin na lang kita rito para sabay na tayong umuwi.” Tumango siya saka isinukbit ang kanyang shoulder bago siya dumiretso sa opisina ng HR. Ilang hakabang na lang ang layo niya sa kanyang pupuntahan nang madaanan niya ang show room. Hindi sinasadyang napasulyap siya rito nang makarinig ng mga tinig. Napansin niyang naroon ang ilang mga miyembro at lider ng mga nagwewelga. Mukhang nakikipag-usap na sa kanila ang management. Napakurap siya nang mapansin kung sino ang nakaupo sa pinakagitna ng mahabang mesa. Iyon siguro ang may-ari ng pabrika. Nagkatinginan pa sila nang bigla itong sumulyap sa kanya. Siya ang unang nag-iwas ng tingin. Tumuloy na siya sa kanyang pupuntahan. Nakapag-desisyon na siya. Huling araw na niya ito sa kanyang trabaho. Hindi na siya pipirma ng bagong kontrata. Uuwi na siya sa bahay ng lolo at lola niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD