Chapter 1 -Duty and Responsibility

1511 Words
“NAG-RESIGN ka na ba sa trabaho mo?” Nag-angat ng tingin si Chris mula sa kanyang kinakain. Nasa dining table sila ng oras na iyon at kasalukuyan silang naghahapunan. “Yes, papa.” “That’s good. Pinagbigyan naman kita sa gusto mo, hindi ba? Noong sabihin mo sa akin na gusto mong maging sundalo, pinayagan kita kahit na hindi ko gusto. Ngayon na wala ka na sa serbisyo, siguro naman pagbibigyan mo na rin ako.” Napahugot ng malalim na hininga si Chris. Totoo ang lahat nang sinabi ng daddy niya. Nagtapos siya ng Business Management pero hindi niya kailanman ginamit ang pinag-aralan niya. Pagka-graduate niya kasi sa college ay nag-apply siya bilang sundalo saka siya nag-training para maging Navy SEAL. Ilang taon din siyang naging miyembro ng SEAL. Wala pa sana siyang balak na umalis sa trabaho niya kung hindi lang nagkasakit ang papa niya. Bigla na lang itong bumagsak sa sahig habang nagpi-present sa board meeting ng Galvez Industries. Mabuti na lang at naisugod ito agad sa ospital. Kung hindi ay baka namaalam na ito sa mundo. May iniindang sakit pala ang papa niya na hindi siya aware. Ilang taon na pala itong umiinom para sa maintenance dahil may hypertension ito. Na-trigger ang sakit nito nang araw na bumagsak ito. Nalaman nilang may diabetes pala ang papa niya. Natakot ang mama niya at agad siyang tinawagan. Pinakiusapan siya nitong umuwi na dahil nag-aalala itong hindi na makababalik ang papa niya sa kompanya kaya kinakailangan na niyang akuin ang responsibilidad nito. Hindi siya agad pumayag dahil wala pa siyang sampung taon sa SEAL. Gusto muna sana niyang umabot kahit sampung taon lang bago siya umalis. Sa galit ng mama niya ay sinabi nitong huwag na lang siyang magpapakita sa kanila. Nag-iisa lang kasi siyang anak ng mga magulang niya. Late na nga siyang dumating sa buhay nila. Halos sampung taon ng kasal ang mga magulang niya bago pa siya nabuo. Thirty na ang mama niya nang ipanganak siya. Thirty-five naman ang papa niya. Hindi na siya nasundan pa kaya wala siyang kapatid na puwede sanang umako ng responsibilidad ng papa niya. Inabot pa ng isang buwan bago siya nakauwi ng Pilipinas. Ayaw nga rin na pumayag ang mga nakatataas na opisyal niya. Pero dahil naawa siya sa mga magulang niya kaya nagpumilit siya. Nagbilin pa ang isang opisyal na bumalik lang siya at bibigyan siya ng trabaho. Pero mukhang hindi na yata siya makababablik pa dahil iba na ang sinasabi ng papa niya. Isang linggo pa lang ang lumipas mula nang dumating siya at ito na nga ang kinatatakutan niyang usapan. “I don’t think I’m capable of performing your duties, papa. Baka puwedeng sa iba mo na lang ipasa iyong posisyon mo,” pakiusap ni Chris. Napailing ang papa niya. “Hindi puwedeng mangyari ang gusto mo. Ikaw lang ang nag-iisang tagapagmana ko. Ang pamilya natin ay may sixty-five percent share kaya hawak natin ang controlling share ng Galvez Industries. Hindi ko puwedeng ipamigay sa iba ang posisyon ng CEO. Kung gusto mo mag-a-appoint lang muna ako ng Acting CEO habang nagti-training ka pa. Pero after six months or one year, ikaw na CEO. Huwag kang mag-alala dahil hindi naman ako tuluyang aalis sa kompanya. Ako pa rin naman ang president kahit na hindi ka pa CEO,” paliwanag ng papa niya. “Okay, payag na po ako. Basta huwag ninyo naman akong biglain. Iba naman ang trabahong pinanggalingan ko, malayong-malayo sa magiging trabaho ko na ibibigay ninyo sa akin.” Wala namang magagawa si Chris kung hindi ang pumayag sa gusto ng papa niya. Hindi niya maaring talikuran ang kompanya nila na itinayo pa ng lolo niya. Buhay at pawis ang ipinuhunan ng mga magulang ng papa niya kaya alam niyang napakahalaga nito sa pamilya nila. “Yes, I know that. Kaya nga hindi pa ako aalis sa pagiging-presidente hanggang kaya ko. Sixty-five pa lang naman ako. Kakayanin ko pa kahit hanggang limang taon,” nakangiting wika ng papa niya. “Charlie, huwag mo ngang sabihin iyan. Balak mo pa bang magpaabot hanggang seventy ka bago ka magretiro? Paano na lang tayo? Kailan pa tayo magto-tour sa Europe at Caribbean? Kapag hindi ka na makalakad?” nakasimangot na sabad ng mama ni Chris. Bahagyang natawa ang papa niya. Pero iba ang effect kay Chris iyong sinabi ng mama niya. “Honey, kapag CEO na ang anak mo, puwede na tayong magbakasyon kahit saan mo gusto. Hintayin lang muna natin siyang makapag-adjust sa bago niyang trabaho. Kaunting panahon na lang ang hihintayin natin,” matamis ang ngiting pahayag ng papa niya. Ngunit hindi man lang nagbago ang ekspresyon ng mukha ng ina ni Chris. Nakasimangot pa rin ito at parang masama pa ang loob. Para tuloy kinurot ang puso niya. “Mama, ano po ba ang puwede kong gawin para ngumiti naman kayo? Ayokong nakikitang nakasimangot kayo. Gusto po ba ninyong madagdagan ang wrinkles ninyo?” pabirong saad ni Chris. Pinandilatan siya ng mommy niya. “What? Nahahalata na ba ang mga wrinkles ko? Paano ba iyan? Tumatanda na ako pero wala pa akong apo!” Biglang napaubo si Chris nang marinig ang huling sinabi ng kanyang ina. Peste! Mukhang hindi lang iyong kompanya nila ang poproblemahin niya, ah. Baka may iba na namang maisip ang mga magulang niya. “Narinig mo iyon, Chris? Gusto na raw ng mama mo ng apo. Baka gusto mong pagbigyan siya. Kasi kahit ako gusto ko na ring magkaapo,” kantiyaw ng papa niya. Nagkakamot ang ulong nagpalipat-lipat ang tingin ni Chris sa mga magulang niya. Inirapan siya ng mama niya. “Huwag mo kaming titigan ng ganyan. Alam ko na ang sasabihin mo. Wala kang girlfriend at wala kang balak mag-asawa kaya wala rin kaming apo.” “Mama, hindi naman kasi ganoon kadali ang hinihingi ninyo. Pumayag na nga akong magtrabaho sa kompanya tapos ngayon sasabihin ninyong kailangan din ninyo ng apo. Isa-isa lang po, mahina ang kalaban,” pagpapalusot niya. “Hmmp! Ang sabihin mo hanggang ngayon, hinahanap mo pa rin iyong babaeng nakilala mo noong bata ka. My goodness! Mahabang panahon na ang lumipas. Nakalimutan ka na niya kaya kalimutan mo na rin siya. Baka nga sa tagal ng panahong hindi kayo nagkita, may asawa na iyon. Naghihintay ka na lang sa wala.” Hindi umimik si Chris. May katuwiran naman kasi ang mama niya. Labing-anim na taon na kasi ang lumipas mula nang makilala niya si Ellie. Katorse lang siya noon at limang taon pa lang ito. Halos makalimutan na nga niya ang mukha nito. Tanging ang itinatago niyang bracelet nito ang alaala niya rito. “Si Ellie ba ang tinutukoy ng mama mo, Chris?” usisa ng papa niya. “Opo, papa.” Napa-buntunghininga ang papa niya. “Kung siya ang hihintayin mo baka hindi na nga kami magkakaapo ng mama mo. Mamamatay kaming hindi man lang makikita ang susunod na tagapagmana ng Galvez Industries. Nakakalungkot naman ang kapalaran namin ng mama mo.” Parang may kamay na pumiga sa puso ni Chris dahil sa sinabi ng papa niya. “Ano pa nga ba ang magagawa natin, Charlie. Ganyan naman ang anak mo. Hindi nagbabago ang desisyon. Ayaw niyang magka-girlfriend dahil may hinihintay siya. Kaya tanggapin na lang natin ang ating kapalaran na kahit bawiin ng Diyos ang buhay natin, hindi tayo mabibiyayaan ng apo.” “Mama, huwag naman kayong magsalita ng ganyan. Bibigyan ko po kayo ng apo ni papa. Maghintay lang po kayo.” Tinaasan siya ng kilay ng mama niya. “Maniniwala lang ako sa iyo kung sasabihin mo ngayon na may girlfriend o kaya mag-aasawa ka na.” Nanlaki ang mga mata ni Chris. Napakaimposible naman ang hinihingi ng mama niya. Ano iyon pinupulot ba ang girlfriend? Puwede bang kahit sinong babae na lang ang pakasalan niya para lang mabigyan ng apo ang mga magulang niya? Para namang nabasa ng papa niya ang iniisip niya dahil bigla itong sumabad. “Kung sakaling magbago ang isip mo, may kakilala akong magandang dalaga na puwede mong ligawan. Anak siya ng bestfriend ko. Gusto mo ba siyang makilala?” Bago pa makasagot si Chris ay naunahan na siya ng mama niya. “Charlie, sino ang babaeng tintutukoy mo? Kilala ko ba siya?” “Honey, hindi mo pa siya nakikita. Pero anak siya ni Romy, iyong bestfriend ko noong college tayo. Naalala mo pa ba siya?” “Ah, si Romy Devilla ba ang tinutukoy mo?” Tumango ang papa ni Chris. “Nagkikita pa ba kayo? May anak ba siyang dalaga?” “Yes to both questions. May dalawa siyang anak na parehong babae. Si Kara iyong panganay. Pero hindi ko pa nakita iyong bunso niya.” Napatingin kay Chris ang kanyang ama. “Bagay sa binata natin iyong panganay ni Romy. Sigurado akong mabibigyan nila tayo ng mga apong magaganda at guwapo kapag nagkatuluyan silang dalawa.” Muntik nang maibuga ni Chris ang tubig na ininom niya nang marinig ang huling sinabi ng papa niya. Oras na ba para pakawalan niya si Ellie? Kalilimutan na rin ba niya ang pangako niya rito?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD